SPEECH
of
His Excellency BENIGNO S. AQUINO III
President of the Philippines
On the occasion of the All Leader’s Summit
[August 20, 2010, Heroes Hall, Malacañan Palace]
Magandang hapon.
Matagal ko pong hinintay itong pagkakataon na makasama kayo muli. Mahalaga sa akin na maging mas personal at taos-puso ang pagpapasalamat ko sa inyo. Utang ng loob ko sa mga nag-volunteer at nakiisa sa ating kampanya ang tinatamasang tagumpay ng bayan. Mula po sa pagpapagawa ng mga pin at fliers hanggang sa pagbabantay ng mga balota, nariyan kayo, nagtiwala at nanalig sa kakayahan nating makamit ang pagbabago. Maraming salamat po.
Nang tinanggap po natin ang hamon ng pagka-Pangulo ay hiningi ko ang tulong ninyo. Hindi po ninyo ako binigo. Kaagapay ko kayo mula simula, sa hirap man o ginhawa, at umaasa akong dadamayan pa rin ninyo ako hanggang sa huli. Gaya po noong eleksiyon, kaliwa’t kanan po ang mga balakid patungo sa hinahangad nating pagbabago. Ngunit nariyan kayo, ang non-conventional group ng ating organisasyon noong kampanya, ang aking pinakamatatag na sandigan, at alam ninyo ang totoo. Kayo pa rin ang aking lakas.
Inaanyayahan ko po kayo ngayon sa isa pang bayanihan. Matagal tayong natirik sa kurapsyon at kahirapan, at kailangan na nating umusad tungo sa mas maayos at maunlad na kalalagyan. Tulong-tulong po nating kumpunihin ang ating nag-iisang tahanan. Buhatin po natin ang ating bayan.
Nasambit ko sa aking SONA ang mga prayoridad ng ating administrasyon: edukasyon, kalusugan at trabaho. Nabanggit ko rin ang mga balakid sa katuparan ng ating Kasunduan sa Taumbayan: Ang nilagas na budget, at ang mga pulitkal na hadlang mula sa mga nagnanais na ipagpatuloy ang lumang kalakaran. Ngunit gaya nga po ng napatunayan na natin sa nakaraang halalan: kung sa pondo kinakapos at kung matibay ang kalaban, puso, pananalig at pananagutan ang tangi nating kayamanan.
Iyan po ang pamana at patuloy na biyaya ninyong mga volunteers ngayong humakbang na tayo tungo sa pagbabago: Ang pagkilos nang kusa, sa ngalan ng kapwa at bayan. Nakikita na po natin ito: Ang pagbibigay ng libreng workshops sa mga mag-aaral, o ng free medical at dental check-ups sa mga kanayunan. Lahat po, maski ang pinakamaliliit nating kilos, ay nakatutulong sa ating agenda ng pagbabago.
Kabalikat ninyo ang ating administrasyon sa landas na ito. Sisiguruhin natin na ang buwis na inyong inaambag sa kabang-bayan ay sa inyo rin mapupunta. Katapatan ang mamamalagi sa ating administrasyon; walang lugar ang mga corrupt at ganid sa ating pamunuan. Umaasa akong maglalaan pa rin kayo ng panahon at lakas upang tumulong magmasid at bantayan ang ating pamahalaan. Boses ninyo ang nagsisilbing gabay para sa amin na isabuhay ang sigaw natin noong kampanya: “Kung walang corrupt, walang mahirap.”
Kayo po ang patuloy na nakikipagbayanihan ang magpapagulong ng programang ito. Kayo ang magiging Bantay—laban sa katiwaliang sinumpaan nating puksain. Kayo ang magiging Kaagapay—ng mga maralita nating mamamayan, upang maiahon sila mula sa kahirapan. Kayo ang magiging Tulay—sa pagitan ng karaniwang Pilipino at sa gobyerno. Kayo ang magiging Gabay—na mag-uugnay at tatanglaw sa landas ng mga Bantay, Kaagapay, at Tulay. Ito po ang magdadala sa atin ng patuloy na tagumpay ng mamamayang Pilipino.
Madalas nating nababanggit at napag-uusapan ang Public-Private Partnerships sa konteksto ng pangangalakal at ekonomiya, subalit ang pagtutulungan ng civil society at ng mga kawani ng gobyerno ay isa ring uri ng public-private partnership. Kaya nitong tumugon sa mga isyu tulad ng mga problema sa kalikasan, kalusugan at edukasyon na hindi na kailangang iasa lahat sa pamahalaan. Ang mga volunteers na mismo, kasama ang mga partners sa pamahalaan at pribadong sektor, ang mangunguna sa pagsasagawa ng mga proyektong tutugon sa mga ito. Kung titingnan natin sa aspeto ng mabilis na serbisyo na siguradong makakarating sa mga taong nangangailangan nito, nangingibabaw ang ganitong uri ng public-private partnership.
Ngayon pong ang taumbayan na ang kumabig sa pamunuan tungo sa tuwid na daan, wala tayong hindi kayang abutin. Ang kapangyarihan po, sa wakas, ay naibalik na sa dapat nitong kalagyan: sa kamay ng Pilipino. Ang pakikipagtalaban po ng mamamayan sa kanilang pamahalaan, sa pamamagitan ng ganitong mekanismo—sa boluntirismo at bayanihan—ay sagisag ng patunay ng paglalim at pagyabong ng ating demokrasya. Harinawa po, sa tulong ninyo, ay tuluyan na nating maiwawaksi ang bulok na sistema ng palakasan, kung saan ang mayayaman at ang may kuneksyon lamang ang nakikinabang.
Buhay ang pag-asa at handang kumilos ang mamamayan, gaya nang napatunayan ninyo. Ang hinihintay lamang na kapalit ay ang patuloy nating pagtahak sa tuwid na landas. Hindi ko po ipagwawalang-bahala ang inyong tiwala. Hindi ko po kayo bibiguin.
Muli, maraming, maraming salamat po. Buong-buo ang aking tiwala at utang ng loob sa inyo—kayong mga mulat na hindi nagtapos sa halalan ang ating trabaho; kayong mga patuloy na nag-aalay ng inyong sarili sa ikabubuti ng bayan. Nagawa na po natin ang sinasabi nilang imposible. Napakaganda na po ng ating nasimulan, at napakaganda rin ng napipinto nating kinabukasan. Itutuloy po natin ito, at aanihin ng mga susunod na henerasyon ng Pilipino ang ipinupunla nating pagbabago.
Magandang hapon po sa ating lahat.
No comments:
Post a Comment