First Malacañang Flag Ceremony


Speech of His Excellency

Benigno S. Aquino III

President of the Philippines

At the First Malacañang Flag Ceremony

[July 5, 2010, Malacañan Palace, Manila]

Magandang umaga po sa inyong lahat.
Ako po ay lubos na nagagalak na makasama kayo, lalo na po ang ilan sa inyo na nakilala ko na noong nanungkulan ang aking ina at ngayon ay makakasama kong muli.
Marami po akong alaala mula sa panahong namalagi kami sa Palasyo. Marami kaming naging kaibigan, kahit marami kaming nakabangga. Marami sa inyo ang tumulong sa amin habang tinadtad ng krisis ang administrasyon ng aking ina. Sa lahat ng pagsubok, nagbantay kayo at nag-aruga. Hinding hindi ninyo kami pinabayaan.
Sa di inaasahang pagkataon, ako naman po ang tumatayo dito bilang inyong Pangulo. Pasan ko ang mabibigat na problema ng ating bansa, na tinatanggap ko ng may halong galak at pangamba. Katulad po ng aking nasambit noong Miyerkules, ang pagtahak sa tuwid na landas ay hindi ko kayang makamit ng mag-isa. Kinakailangan ko po ang inyong tulong, katapatan sa serbisyo at pang-unawa, lalo na sa mga pagkakataong tila hindi na ako makausap sa dami ng iniisip.
Hinihiling ko sa inyo ang inyong pakikiisa upang lalo pang tumingkad at manatling buhay ang diwa ng People Power. Ito po ang nagdala sa atin dito sa Palasyo. Inaasahan ko po na ito rin ang tutulong sa atin na maisagawa ang ating mga tungkulin.
Magtulungan tayo para sa ikauunlad ng sambayanang Pilipino at para sa magandang kinabukasan ng darating pang mga henerasyon.
Maraming salamat po.