Inauguration of the PNP Training Service (PNPTS) School for Values and Leadership Facilities


Speech of His Excellency
Benigno S. Aquino III
President of the Philippines

At the Inauguration of the PNP Training Service (PNPTS) School for Values and Leadership Facilities

[July 16, 2010, Subic Bay Freeport Zone, Zambales]

Magandang umaga po sa inyong lahat.
Malamang po narinig na ninyo ang kuwentong ito. Noon pong kabataan ko — noong medyo hindi pa kinakapos ang buhok sa aking ulo – naging saksi po ang aking pamilya sa maraming karahasan.
Mahigit pitong coup d’etat ang yumanig sa administrasyon ng aking ina habang siya’y nanunungkulan bilang Pangulo ng ating bansa. Sa isang pagkakataon, ako ang tinamaan ng bala. Nabuhay ako ngunit hindi po naging kasing-buwenas ang aking Security Detail.
Ikinukuwento ko po ito ngayon dahil sa tuwing nakakausap ko ang mga pulis, ang mga sundalo, o ang mga taong katulad ninyo— mga taong nanumpa upang panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa ating lipunan — hindi ko po mapigil ang maalaala ang mga araw na iyon.
Kaya naman po sa mga pagkakataong tulad nito, ang pangunahing pakay ko ay ang magpasalamat. Maraming, maraming salamat po sa inyo, at sa lahat ng Pilipinong sumusumpa sa tungkulin na gaya ng sa inyo. Personal po ang utang ng loob ko sa inyo.
Malinaw po sa akin ang kahalagahan ng ating kapulisan. Hindi maaaring umunlad ang anumang lipunan kung mahina ang sandigang nangangalaga sa seguridad ng mga mamamayan nito. Kaya naman kinakailangan ang patuloy na pag-aaral at pagsasanay ng mga pulis. Kailangan ding tugunan ang kanilang mga pangangailangan upang magawa nila ng mabuti ang kanilang trabaho.
Katulad po ng aking nabatid noong kaharap ko naman po ang hukbong sandatahan: tell us what you need and we will give it to you. Hindi dapat kinakawawa kayong mga nagmamalasakit sa bayan.
Malinaw din po sa akin ang kahalagahan ng isang kapulisang nakaangkla sa gawaing tama. Aanhin pa natin ang tagapatupad ng batas kung siya mismo ang lumalabag nito?
Sigaw namin noong kampanya: kung walang corrupt, walang mahirap. Saklaw nito ang pangangalaga sa mga karapatang pantao na siya namang bahagi ng inyong tungkulin.
What happens on the streets directly influences the stability of our economy. Sa madaling sabi, habang ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin bilang mga pulis, mas lalo tayong nakasisiguro na may ihahain ang bawat pamilyang Pilipino sa kanilang mga hapag.
Habang nakakasiguro po ang ating mamamayan sa tibay ng loob at katapatan ng ating kapulisan, payapa nilang magagawa ang kanilang mga gawain. Makakapag-aral ang kabataan, makakapagtrabaho ang mga empleyado, at tatakbo nang maayos ang mga negosyo.
Ako po ay narito dahil sa tiwala ng tao, at sa kanilang pananalig na kaya nating ibalik ang tiwala sa ating mga institusyon. Our people’s trust in our institutions fortifies our strength as a nation.
The strength of your own institution – the PNP – lies in you. With the help of the Philippine National Police Training Service (PNPTS), you can engage in training programs that challenge you and improve not just your skills but also your ability to make the right decisions. Seize this opportunity of making yourselves more able to create a more positive impact on the people you affect as you perform your duties.
You and I are in the business of saving lives: from violence, from poverty, from injustice. Our means may be different, but the goal is the same: to achieve our dream of a more peaceful and abundant nation at a much faster pace. There is no reason for us to work independently of each other and to slow the other one down. The only way forward for this administration is to work as one.
Ikinararangal ko po ang makatrabaho kayo sa pagseserbisyo sa mamamayang Pilipino. Ikinararangal ko po ang maging kabalikat kayo sa laban upang isulong ang bayang Pilipinas. Nawa’y makamit natin ang kapayapaan, kaunlaran at kasaganaang inaasam natin para sa lahat.
Maraming salamat po.