Oath taking Ceremonies of Organisasyon Ng Pilipinong Mangaawit (OPM) Officers and Board of Trustees


Extemporaneous Remarks
by
His Excellency PRESIDENT BENIGNO S. AQUINO III
During the oath taking ceremonies of Organisasyon Ng Pilipinong Mangaawit (OPM) Officers and Board of Trustees
[August 13, 2010, Rizal Hall, Malacañan Palace]

[Applause] Maupo ho tayong lahat.
Magandang hapon po sa inyong lahat.
Mayroon hong hinandang talumpati pero palagay ko eh parang pagkatapos ho narinig ang ating Presidenteng Ogie Alcasid napakahina noong aking talumpati baka mapalitan pa ako ni Ogie Alcasid nang ‘di oras dito. [Laughter] At alam kong hindi naman ho siya nagbabalak ng ganoon pero gusto kong maramdaman rin ho ninyo na nanggagaling  sa puso po itong ating sasabihin nitong araw na ito.
Baka magandang umpisahan na ho natin sa dulo ‘yung mga hiling po, ‘yung utusan ang ating National Telecommunications Commission na i-monitor, palagay ko napakadali po niyan. Nandito po ang head ng ating PMS, ‘yung PMS ‘yung inaatasan kong tawagan ‘yung Secretary ng DOTC at ipaalala sa NTC ‘yung executive order na ‘yun at maipatupad sa lalong madaling panahon. [Applause]
‘Yung pangalawa ho, kailangan ko lang pag-aralan ng kaunti ‘yung mga detalye dahil alam naman ho niyo tinuruan tayo na pag nagbitaw ng salita kailangan panindigan mahirap o madali. ‘Yung pangatlo naman po, tungkol doon sa assistance, doon sa mga may edad na may karamdaman; palagay ko initially ho pwede nating gamitin ang mga tanggapan ng PAGCOR, ng social fund at ng PCSO para makatulong po doon. Pero ‘yung mungkahi po natin umupo tayo minsan, magtayo tayo ng isang organisasyon tulad ng Mowelfund para matugunan ang lahat ng inyong mga miyembro sa pangmatagalang panahon at hindi ho subject sa kinikita ng tatlong tanggapan na naibanggit ko po.
Siguro maganda rin ho na nandito tayo sa Malacañang ngayon. ‘Yung musika ho naging malaking bahagi po ng aking buhay, marami po sigurong may batid na bilang binata kadalasan sila po mga kasama ko. Gusto ko malungkot may kanta akong hahanapin para sa malungkot, sa masaya, sa pampagising, sa pampatulog, sa pampakalma, sa pampagalit, nandoon na po lahat siguro ‘yon. Bigyan ko kayo ng ilang samples; si Ma’am Celeste po noong—ewan ko kung bakit noong—at pasensya na po kayo at wala kayong koneksyon dito, pero noong nasa Bonifacio ho kami noong panahon na sobrang dilim noong aming hinaharap na tila nauubusan na kami ng kakampi, ‘pag pinapakinggan po namin ang “Saranggola ni Pepe” at ini-image po natin ‘yung matayog ang lipad, eh talaga naman hong nakakadagdag umasa na itong kadilimang ngayon ay magiging liwanag sa kinabukasan.
Si Manong Jomari po ‘yung kanyang “Love at 30,000 feet” maski paano natin pakinggan, maski ano ang kundisyon, maski gaano kapagod parati tayo nae-energize at talagang — paano mo ba masasabi?—full of positive energy. Siyempre sa APO ho, napakarami niyong kanta. Nag-usap na tayo Jim noong isang beses sa mga kanta; hindi ko na ho siguro uulitin yun dahil after napakinggan natin ‘yung version ng “Lupang Hinirang” kinanta kanina. Ako po’y kadalasan kumakanta ng “Lupang Hinirang,” kanina po’y nanahimik na lang ako at parang ‘yung version ko po’y hindi karapat-dapat noong napakinggan ko ‘yung kumanta sa atin, napakagaling mo iha.  Si Noel ho ay kasama natin sa kaliwa’t kanang hirap nitong huling kampanyang ito. Sa matagal na advocate na po kasama natin ang mga kasamahan sa Akbayan at talagang pinakita po ‘yung art ‘no, for man’s-sake rather than art-for-art’s-sake. And for a country that is developing like us that has so many problems, ‘yung art-for-man’s-sake really deserves all the support we can have.
Siyempre, si Regine at ‘yung kanyang kantang noon sa umpisa “Hindi Tayo Nag-iisa” sinulat ni Ogie. Sa totoo lang ho, noong tinanggap ko ‘yung hamon, talagang pakiramdam ko, “ano kaya itong sinusubo ko sa sarili kong ‘to?” Hindi ka handa, na preparadong-preparado lahat ng kalaban mo, kung walang mahahanap na pangit sa iyo, gagawan ka na lang.  Talagang mabigat ‘yung papasukan mo at ‘pag nagtagumpay, mas mabigat ‘yung magmana kay Ginang Arroyo.
‘Yung kanta ho niyo na “Hindi Ka Nag-iisa” sa umpisang-umpisa pa lang, eh talaga naman hong nakadagdag ng pakiramdam. Baka naman hindi talaga ako nag-iisa dito. Kaya doon, maraming salamat uli sa inyong dalawa. At aaminin ko po, hindi ko po kinanta ni minsan ‘yang kanta niyo dahil talagang hindi ko ho kayang sabayan ang nota ni Regine. [Laughter]
At sa Disyembre, ako’y magiging abay niyo, pagdating naman ng panahon, kayo naman ang gagawin kong  ninong at ninang ko.  [Laughter]  So, siyempre—puwede bang makitawag na ring Mitch, talagang idol ko rin naman—kita naman ho niyo, pati ‘yung ating staff dito, ngayon lang kayo dumating ng ganito karami, kadalasan iilan kami.  Ganoon karami ho ang fans niyo dito.
What is the central message? ‘Yung musika po, talagang-talagang kayang mag-engganyo. Kung kayo’y nasa lugmok ng kawalan ng pag-asa, puwedeng buhayin muli na puwedeng umasa, puwedeng mangarap, puwede tayo may patutunguhan.  Kung kayo naman po’y naghahanap ng kadamay sa inyong kalungkutan, mayroong dadamay.  Puwede hong buhayin, puwedeng gisingin, puwedeng udyukin, puwedeng pagalitin, talagang napakalaki ho ng poder na nandiyan sa sining ng musika at ng awit.  Puwedeng magamit sa kabutihan, puwede rin namang magamit sa hindi tama.  At ang punto nga ho siguro nito, noong aking iniisip itong pinasukan kong larangan ng trabahong ito ang nanay ko po, ano ho bang minana? Eh nandoon na ho lahat ng utang, nandoon pa po ‘yung pagkalaki-laking insurgency problem, nandiyan na po ‘yung talagang napakaraming problemang dinatnan niya pagkatapos ni Ginoong Marcos. Ako naman po’y part two, eksaktong-eksakto ho.
Pero ano ho b’ang masasabi natin dito?  Habang ang tao nag-e-exercise sa kanyang goodwill towards his fellowman, umaasa na aasikasuhin, tutugunan ‘yung pangangailangan ng kanyang kapwa. Lahat nitong mga problemang ito’y tila lumiliit.  Kayo nga ho, ngayon pa lang nangako kayong tutulong sa atin dito, at talagang kakailanganin namin po ang tulong ninyo.  Natural ho sa tao na matagal nang nagtiis na magnasa na bukas tapos na ang problema, pero hindi ho puwedeng ganoong kadali ang problemang malutas, ‘di ho ba?  Marami ho tayong deka-dekada na, henerasyon na pong inipon, minana at hindi puwedeng bukas makalawa, tapos na po ‘to.
Ang kaya ko pong ipangako sa inyo, at kaya ko lang hong i-deliver kung tutuusin talaga, ay araw-araw, palapit tayo nang palapit sa pagsasaayos nitong mga  problema nating to.  Marami hong problemang hindi ganoon kadali, bigyan ko kayo ng isang sample lang ho. ‘Yung SLEX na pagtaas ng toll rate, mayroon pong kontrata. Sa saligang batas po natin, mayroon ho talagang nakasaad na sinasabing hindi puwedeng baliwalain ang nasa kontrata.  Pero ang punto nga ho niyan, 250% ang increase ng rates. Sa panahon na naghahanap ang mga kababayan natin ng paraan para mapalago ‘yung ekonomiya at gumanda at guminhawa ang buhay. Mayroon ho tayong isang solusyon na nahanap sa paggamit ng pondo ng PNCC dahil mayroon ho silang bahagi rin diyan- ibawas sa idadagdag doon sa rate increase at sa ganung paraan, maibsan ‘yung problema ng ating mga kababayan.
Ang problema po, lumalabas na ‘yung prangkisa ng PNCC ay hindi na ho pala narenew. 2007 pa ay hindi na narenew, wala silang karapatan raw sabi ng ibang quarters na ituloy ‘yung paniningil ng toll.  So, ‘yung pambabayad ho natin  ay tila parang medyo lumabo ang sitwasyon.  So, ‘yun po ang sample ng mga problemang bumabalot sa atin araw-araw.  Marami pang iba na iniwan sa atin, mayroon pang iba na pinipilit lang palakihin pa dahil ambisyon nga ho ng mga pinalitan natin ay makabalik sa puwesto at makabalik sa panahon na sila ang lumalamang sa lahat at hindi ho tayo papayag diyan.
So, ‘yun naman ho’y nagbabahagi lang ako sa inyo ng konti itong hinaharap ko. Napansin ko ho kasi noong nagsusuklay ako, parang numipis lalo.  [Laughter] Pero ‘yun na nga ho, mayroon rin naman ho tayong mga good news  na puwedeng ibahagi sa inyo.
Nag-text po sa akin noong isang araw, may gustong sumubok sa MMDA. So dinala niya sasakyan niya, eh bawal dahil sa color coding.  So, lumabas siya at sinubukan niya yatang kausapin ‘yung MMDA na traffic enforcer at sinagot po sa kanya, “Alam naman ho niyo, nasa ibang landas na po tayo ngayon. Hindi ho puwede.” So, sa hiya raw ng tao, umuwi, kumuha ng ibang sasakyan. Gusto ko lang i-check kung nagbayad siya ng multa dahil nilabas na raw ‘yung kotse beforehand.
May report ho kahapon naman ang mga BIR examiner na hindi ho nagpaparinig bago mag-examine at after mag-examine.  So, nag-e-examine na lang sila at ‘yun po maganda na namang balita.
‘Yung baha ho natin dito, medyo unti-unti ho inaayos na rin ng MMDA at ina-identify na, talagang tinutugunan din, talagang kinukulit ko ho sila kada… at dini-detail naman nila sa akin kung ilang inches na  ang tubig basta may ulan.
Alam ho niyo, ang problema nga natin doon sa ulan, mga dalawampu yatang bagyong darating pa sa atin at ginastos na po ‘yung 70% ng pondo bago pa ho tayo tumuntong dito. Pero okey lang po ‘yan, mahahanapan natin ng paraan ‘yan.
So, balik ho ako dito.  Kayo ho ay mayroong mahalagang bahagi ginagawa para sa lipunan, natural lamang naman tulungan ko kayo sa magandang ginagawa niyo.  Hindi ho nabanggit ‘yung sa Intellectual Property Rights, nagko-contribute kayo sa GDP — iyung kabuuan, ano—pati na ho ‘yung gumagawa ng software, etc.  Four point something, 4.25% to Gross Domestic Product.  However, wala kayong protection, so aaminin ko ho sa inyo, wala pa sa akin ‘yung katugunan ngayon.
Noong araw, puwede hong pag-usapan ‘yung pag-manufacture ng CD, ‘yung raw material kontrolin mo, makokontrol mo to a large degree ‘yung piracy. Problema ho ngayon, hindi na ho ‘yung physical, hindi ba?  Downloading na ang issue.  So, makikipagtulungan po kami sa inyo, ‘no?  Paano ba natin mapapangalagaan ‘yung mga karapatan niyo, ‘yung pinaghirapan niyo maging kapaki-pakinabang naman po sa inyo ‘yan.  ‘Di ko maipapangako sa inyong 100% overnight matatapos natin ‘yung problema.  Talagang napakarami hong outlet niyan pero uulitin lang ho natin, may focus tayo, pangalagaan ‘yung pinaghirapan niyo, tulungan kayo na magpatuloy doon sa magandang ginagawa niyo po para sa ating lipunan.  At sa larangan pong ‘yan, asahan niyong itutupad po natin iyan.
Baka ho may magyaya pa ng kantahan dito ngayon; lalabas hong lalong magaspang ang boses ko kaya ako po’y magpapaalam na muna pansamantala sa inyong lahat. At uulitin ko lang ho, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Talaga naman pong ang laking bahagi sa paghuhubog po ng ating lipunan lalo na nitong mga lumipas na ilang mga taon at dekada na naging kabahagi kayo. Pwede naman ho kayong humiwalay at gumawa na lang ng kantang—ano nga ba ‘yung term?—bubblegum music ho siguro walang katuturan, ‘no? Or magpatuloy kayo sa paghuhubog ng pag-angat ng kultura, sining at lalo na ng antas ng Pilipino. Kaya doon po asahan niyo kami, kasangga niyo, kabalikat niyo sa lahat nito po. At dahil kami nga ho’y public servant, pag-utusan po niyo.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.