Speech of President Aquino, Meeting with the Filipino Community, Japan

BENIGNO S. AQUINO III
Pangulo ng Pilipinas
Sa Isang Pagpupulong kasama ang Pilipinong Komunidad
[ika-14 ng Nobyembre 2010, Yokohama, Japan]
[Ayon sa Pagkakabigkas]
Salamat po, maupo ho tayong lahat.
Bishop Umemura and Reverend Fathers, I will make your indulgence. It’s customary for me to talk to our countrymen in Filipino. I beg the indulgence of all of those who are not Filipino speakers today.  (applause)  Dr. Mel Casuya at ang mga kasama nating Pinuno ng ibat’-ibang organisasyon at sa mga Pilipino sa Japan; mga miyembro ng ating gabinete, andito po si Secretary Romulo; Secretary Almendras; Secretary Purisima at si Secretary Abad. Atin pong napakasipag na Charge d’ Affaires, Belen Anota; ang nagpahiram ho ng ating pinagtitipunan ngayon, Mr. Takuji Chiba, thank you for the use of your facilities; Mrs. Manolo Lopez; mga minamahal kong kababayan. Magandang hapon po sa inyong lahat. (applause)
Talaga namang abot-tenga ang ngiti natin kapag nakakasama natin ang ating mga kababayan sa ganitong pagbisita sa ibang bansa.

Kabi-kabila man po ang pagpupulong natin dito sa Japan para sa APEC summit, hindi natin pinalampas ang makasalo kayong mga Pilipino. (applause)  Alam ko pong marami sa inyo ang abala rin sa trabaho.  Kaya sa pagpunta niyo rito at sa mainit na pagtanggap: Domo arigatou gozaimasu. (applause)
Kapag buhay na buhay po ang Filipino community sa labas ng Pilipinas, nahahawa rin ako sa sigla nila. Labing-siyam po ang pinagpulungan namin dito sa tatlong araw na kami’y nandito at parang low bat na nga ho. Buti nakita namin kayo, naka-recharge. (applause) Mas lalo tuloy tayong ginaganahan na magtrabaho at magsilbi sa bayan.
Malamang, hindi pa umaabot sa inyo ang lahat ng mga nangyayari sa bansa natin. Kung may mapapanood man kayo sa TV, o mabasa sa diyaryo at internet, kadalasan ay puro mga negatibong balita at baluktot na opinyon na lamang ang mga nakikita natin doon.
Ang nangyayari kasi, para makuha ang atensyon lalo na ‘yung kulang ang pansin, kinakamot nila nang kinakamot ang iisang katiting na galos. Hindi nila alam na ang galos na kanilang pinapalaki ay iniinda, at nararamdaman ng lahat ng Pilipino, sa loob o labas man ng bansa. Dahil sa isyung kanilang pinapalobo, natatakpan ang mabubuting balita na mas mahalaga sanang makarating at malaman ng ating mga kababayan, lalo na sa tulad ninyong mga nasa ibang bansa.
Kahit naman sino, natural lang na mawalan ng ganang magtrabaho kung puro kapalpakan lamang ang nababalitaan. Kaya naman nandito kami upang ipaalam sa inyo na nasa mabuting kamay ang mga pamilya ninyo sa Pilipinas. (applause)
Hindi po kami bumiyahe nang ganito kalayo para magyabang o magbuhat lamang ng bangko—pipitikin ako ng mga magulang ko kapag ginawa ko po ‚yan. Simple lamang po ang nais nating ipaabot: kaliwa’t kanan na po ang mabubuting nangyayari sa bansa natin. Hindi natin binibigo ang mga Pilipino. Inaalagaan natin ang ating mga kababayan. Kayo pa rin po ang Boss ko. (applause)
Kaya kung puwede ho, magyayabang lang ng konti ngayon. (laughter)  Ito ang mga balitang dapat ninyong malaman.
Mula nang nanindigan tayo sa panatang: “Kung Walang Corrupt, Walang Mahirap,” nabigyan muli ng karapatan ang mga Pilipinong mangarap muli. At tiniyak nating hindi ito matatapos sa pangarap lamang.
Bawat hakbang ng inyong bagong pamahalaan ay nakatuon sa katuparan ng mga minimithi ng ating mga kababayan. Isang pruweba rito ang pag-arangkada ng Stock Market natin. Pataas din nang pataas ang kompiyansa sa atin ng mga investors sa mandato nating matupad ang pagbabago. Kung dati ay nakayuko ang mga Pilipino sa ibang bansa, ngayon po ay pwede na po ulit tayong humarap nang taas-noo, at buong pagmamalaking sabihing, “Oo, Pilipino ako.” (applause)
Alam ho niyo, marami naman talagang puwedeng ipagmalaki.  Nandiyan na nga po ‘yung Stock Market. Dati po sabi nila ‘yung index hindi na raw ho aabot ngunit sandalian lang naabot ang 4,000. Sabi nila magpunta ka na ngayon, dahil pag nag-correct ‘yan, baka ikaw pa ang masisi.  Awa ng Diyos po, umabot na halos ng 4,400, ‘yung nangangamba sa 4,000, sinasabi 5,000 na po by next year.
Nagpunta po kami sa Cebu, sa isa pong shipyard na sa totoo lang po, lahat ng nadatnan namin doon—nakabarong. Kami po’y naisip namin daungan ng barko sa Pilipinas ay kailangan rugged ang kasuotan.  Napahiya ho kami dahil pang-apat na ho pala ang Pilipinas sa ship building sa buong mundo, sumusunod sa China, Japan at South Korea. (applause)Puwede rin ho natin ipagmalaki na noong araw ay talaga naman pong nagpapakasasa sa kaban ng bayan. itong nakaupo ho tayo ay nahinto natin ang mga may katiwaliang proyekto tulad po sa Department of Public Works and Highways.  Magaling po ang ating kalihim.  Natuklasan niya may 3.5 billion pesos na pondo para sa Ondoy at sa Pepeng.  Awa ng Diyos po, linggo na lang yata ang natitira sa dating administrasyon, ine-negotiate pa rin nila ito. In-award halos isang bilyong piso—naihinto—noong sinuri ay ipina-bid ulit ‘yung 900 plus million pesos na dapat eh naibigay na sa medyo malabong mga kontrata, naibawi nga ho, noong ipinare-bid—600 million lang. Nakatipid tayo, magagawa pa ‘yung dapat magawa. (applause)
May sumenyas po sa akin, balikan ko na raw po ‘yung talumpati dahil may pupuntahan pa ho.  ‘Pag nagyabang pa tayo konti, baka raw mabatukan din tayo ng tatay at nanay natin. Konting pagsisiyasat lamang po, makikita yan.
Sa bawat biyahe natin, kasama sa listahan natin ang mag-uwi ng mas maraming trabaho sa Pilipinas. Nitong Setyembre, kumatok tayo sa Estados Unidos para sabihin sa kanila: bukas nang muli ang bansa namin sa pagpasok ng inyong mga negosyo. Nang pumunta naman tayo sa Vietnam para sa ASEAN summit, binigyan tayo ng katumbas ng 21 bilyong piso na pondo para sa uumpisahang road upgrading project ng DPWH. Ito po’y ipinahiram sa atin ng gobyernong hapon.  Samakatuwid, saan man tayo pumunta, pawang positibo ang tugon ng mga bansa sa mga pagsusumikap natin. Ganado ang buong mundo na tumulong sa pag-ahon ng ating bansa.
Pumapalo na po ng 42 hanggang 43 pesos ang palitan natin kontra sa dolyar. Siyempre, ayaw nating bumaba ang halaga ng mga remittances niyo, (laughter/applause) at ayaw din ng mga exporters na masyadong mataas ang halaga ng piso. Ngunit ang pagtaas ng piso ay nakakatulong din naman sa kabilang panig—isa ating mga importers dahil mas abot-kaya ang mga produkto at materyales na binibili nila mula sa ibang bansa. Gusto nating gawing balanse ang ekonomiya para sa interes ng karamihan.  Ang pagbababa ng dolyar ay isyu hindi lamang sa ating mga Pilipino kundi sa ibang mga bansa na nakikipagpulong dito sa Japan para sa APEC Summit at sa Korea para sa G20. Nakikipag-ugnayan tayo ngayon sa mga karatig-bansa natin para pag- aralan ang mga hakbang para kontrahin ang biglang pagtaas at pagbaba ng halaga ng ating mga pananalapi.
Inaayos na po natin ang byurokrasya para hindi na tayo bumalik pa sa bulok na kalakaran.  Kung dati ay tila habambuhay ang pagrerehistro ng  negosyo, ngayon po, sa loob lamang ng kinse minutos, puwede nang umarangkada ang inyong ipinuhunan. (applause)
Pinapalakas din po natin ang ugnayan ng mga pribado at publikong sektor ng bansa.  Kung dati ay nagbabalewala ang mga industriyang nagkukusang-loob na tulungan ang gobyerno, ngayon po ay inaalagaan natin sila, gaya ng pangangalaga rin nila sa kapakanan ng ating mga kababayan. Malawakang bayanihan po ang nangyayari sa Pilipinas; nakikilahok ang karamihan, at sama-sama silang tumutulak tungo sa kaunlaran.
Bahagi po kayo ng pagsulong na ito, at huwag po sana kayong magsawa sa pagtulong sa ating bayan.  Ang tagumpay ninyo sa iba’t ibang larangan dito sa Japan ay siyang nagpapatibay sa atin pong lahi. Kung mapapanatili nating mahusay at maganda ang mga serbisyo at produkto ng mga Pilipino sa ibang bansa, hindi na natin sila kailanganing hikayatin pa. Agad silang mae-engganyo, at kusa silang mamumuhunan sa ating bansa, hindi po ba?
Balita ko, at nasabi na nga ho kanina, nais niyong magtayo ng “Tahanan” dito sa Japan, (applause) kung saan ipupunla natin ang mayamang kultura nating mga Pilipino sa mga kabataang isinilang at namulat na po dito. Mahalagang mapatatag natin ang pundasyon ng ating pagka-Pilipino saan mang panig ng mundo: walang ibang magbabandila sa ating lahi kundi tayo-tayo rin lang. Kaya naman po lumaki man sila dito sa “Land of the Rising Sun,” itatanim at pagyayabungin natin ang pagiging tunay na Pilipino sa kanilang puso at isipan.  Ito po ay gusto kong oo-an na ngayon pa lang. (applause)  Kaya lang ho,  pinaalala sa akin, ‘yung minimum wage raw ho dito, mas mataas pa sa suweldo ng Pangulo ng Republika. (laughter)  Pero ito ho asahan niyo, marami ho kayong concerns. Nandito po ang ating kalihim ng Ugnayang Pangdayuhan, Secretary of Foreign Affairs. Inaatasan ko po siya para pag-aralan at sa lalong madaling panahon sana magkaroon ng kaganapan dito.
Paalala ko lang ho sa inyo dito, siyempre dito ho, hindi na ho presyong Maynila,  (laughter) presyong Tokyo na po dito ang usapan.  (laughter) Pero kung mayroon hong paraan, umasa ho kayong gagawin natin para naman magkaroon ng kaganapan ang inyong inaasam-asam. (applause)
Napag-alaman din po namin na may dumadaing sa remittance service dito po sa Japan. Maliban kasi sa mahirap na proseso ng pagpapadala, mahal pa raw ang singil ng mga bangkong Hapones, (laughter/applause)  Imbes na matanggap raw  ho ng buo, malaki-laki raw yata,  nababawasan pa tuloy ang mga inilalaan ninyong pera para sa inyong mga mahal sa buhay. Para matulungan kayong ipababa ang gastos sa pagpapadala ng pera,  nagkasundo ang Landbank of the Philippines at ang Japan Post Bank na gawing mas mabilis, mas ligtas at mas mura, (applause)  hindi lang ang pagpapadala ninyo ng remittances sa ating bansa, kundi maging ang pagtanggap ng inyong pamilya sa inyong pinaghihirapan.
Sa darating na Enero 17, 2011, maaari na po kayo daw, at kung hindi ho mangyari ‘yun, ako ho maninisi kay Secretary Purisima (laughter)—magpadala sa pinakamalapit na branch ng Japan Post Bank at mas mabilis itong maipapasok sa Landbank account, (applause) at matatanggap ng inyong pamilya saan mang Landbank branch sa Pilipinas.
Kung okey na ho kayo, magpapaalam na po ako. (laughter/applause)
Halos isang dekadang binulag ng kadiliman po ang ating bansa. Ngayon, maaari na nating sabihing tapos na ang makulimlim na bahagi ng ating kasaysayan (applause) na binalot ng kapalpakan, katiwalian at pagkukunsinti sa mga kamalian.  Abot-tanaw na natin ang bukang-liwayway (applause) na matagal nating hindi nasilayan. Marami man silang pilit na bumabalakid sa pagsilip ng liwanag. Nakahanda po tayong labanan at tuluyang tapusin ang bulok na kalakaran. Hindi tayo mag-aaksaya ng panahon habang humahakbang papalapit sa maliwanag na kinabukasan. Wala pong makakapigil sa tuloy-tuloy na pag-aarangkada ng ating bayan. (applause)  Ang inaasahan ko lamang po sa inyo ay ang inyong patuloy na suporta at pakikiisa sa ating mga inilalatag na reporma. (applause) Hinding-hindi po maliligaw ang inyong pamahalaan. Patuloy po tayong gagabayan ng inyong pagtitiwala at malasakit sa bayan.
At bago po ako magtapos, alam ho niyo kung minsan, mahirap talagang kumuha ng impormasyon dito po sa Japan. Marami ho tayong napag-usapan pati na po ‘yung mga travel advisory. Nailapit ko po kay President Obama ‘yung mga iba pang mga ugnayan sa iba’t-ibang mga lider ng mundo pero ang nailagay po sa diyaryo dito ay ‘yung akin pong lovelife. (laughter/applause)
Kung pupuwede ho, noong kausap natin ‘yung mga kumpanyang hapones, ang laki po ng i-iinvest sa atin pong bansa, libu-libo na naman pong mga trabaho ang mangyayari sa atin pong bansa. Ang laking itutulong sa ating bansa. (applause)  Eh, baka pwede naman, ‘yung lovelife ko, ipaubaya na lang niyo sa akin. (laughter/applause)
Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.
Mabuhay po kayong lahat! (applause)