Speech of President Aquino, Outstanding Women in the Nation’s Service 2010 Awarding Ceremony

Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
During the Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) Awarding Ceremonies 2010
[November 5, 2010, Rizal Hall, Malacañan Palace]
Maupo ho tayo lahat. Magandang umaga po sa inyong lahat.
Dr. Carmina Aquino, President of TOWNS; Dr. Imelda Villar; The Outstanding Women in Nation’s Service awardees; my fellow workers in government; distinguished members of the TOWNS Board of Judges; the officers and members of TOWNS Foundation; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan.
Natutukso po akong iksian na lang ang ating talumpati at itukoy ang inyong pansin sa Kagalang-galang na kinatawan po ng Marikina, si Miro Quimbo, na parang nagbabadya na magiging kinabukasan kaming mga kalalakihan dito po sa Pilipinas. Si Miro po ay galing sa ating housing sector, first term na congressman na talaga naman pong nagpapakita ng hustong gilas. Ngayon po, na-demonstrate niya ang dalawa pang kakayahan: ‘yung isa po bilang photographer/videographer at ‘yung pangalawa naman po ay tagapag-alaga ng kanilang mga supling. Siguro mga limang taon na lang ganyan na ho kaming lahat, at makakabawi na kayo sa aming lahat siguro.
Ang hirap ho talaga mag-isip ng women na hindi empowered ‘pag nakikita ko ‘yung caliber ng women na nandito. Si Jessica ho ba’y mahihindian, sama na natin si Ces, nandiyan pa si Tessie Ang See, at kung iisa-isahin ko kayo ngayon baka mamayang hapon na ho tayo matapos.
Pero ang punto ho niyan talagang empowered women. There are so many examples today. And it seems like it was just yesterday in Congress when there was a debate, when a woman asked you to support her measure, you said “Yes.” When you asked her to support your measure, she said “why?”—and all was right in the world.
Ikinalulugod ko pong makasama ang mga kababaihang nagsisilbing magandang halimbawa sa kanilang itinataguyod na propesyon sa buhay. Sa inyo pong mahahalagang kontribusyon sa lipunan, nararapat po kayong parangalan at ipagmalaki ng bayan.
Lumaki po ako sa piling ng aking ina at mga kapatid na babae. Sa kabila po ng ating maraming problemang kinakaharap, gumagaan po ang loob ko sa ganitong mga okasyon na nakakasama ko ang mga gaya ninyo.
Sa mga tatanggap ng parangal, saludo po ako sa inyong dedikasyon at propesyunalismo. Dahil sa inyong matuwid na paninindigan, nagiging madali para sa ating ipagpatuloy ang nasimulan nating pagbabago. Binabati ko rin ang Philippine Commission on Women (PCW) sa inyong walang humpay na pagtataguyod sa kapakanan ng kababaihan. Kasangga nila kayo sa mithiin nilang maabot ang nararapat na katayuan sa lipunan. Bilang mga katuwang ng gobyerno sa paglaban sa katiwalian, tuluyan na nating mawawakasan ang dating kalakarang naglubog sa atin sa matinding kahirapan dahil sa hindi pantay na pagtrato sa ating mga mamamayan.
Ayon po sa World Economic Forum’s (WEF) Gender Gap Report, mahalagang bahagi ang gender equality sa pagkamit natin ng masagana at maunlad na ekonomiya. Sinusukat ng kanilang Gender Gap Index ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga oportunidad at yaman sa pagitan ng mga lalaki at babae batay sa apat na aspekto: kalusugan, pamumuhay, edukasyon,  at pakikilahok sa ekonomiya at politika. Nakalulungkot po na pang-siyam ang Pilipinas sa may pinakamalaking puwang dito. Malinaw po ang suliraning dapat nating tugunan: laganap pa rin ang di-pagkakapantay-pantay sa bansa, hindi lamang sa pagitan ng mayaman at mahirap, kundi maging sa pagitan ng mga lalaki at babae. Balewala ang sinasabi nating demokrasya kung may pinapanigan itong kasarian. Kailangan natin ang demokrasyang kapaki-pakinabang sa bawat isa: walang pinipiling kasarian, walang pinapaboran na antas ng lipunan. Ang pribilehiyo at benepisyo ng isa ay pribilehiyo at benepisyo din dapat ng lahat: ito po ang buod ng demokrasya.
Kaya naman sa tulong ng ating mga kaalyado sa Kongreso susuriin natin ang mga batas na tila nagsusulong ng diskriminasyon laban sa mga kababaihan. Makakaasa po kayong palalakasin natin ang mandato ng PCW upang mas mapangalagaan ang mga karapatan ng kababaihan sa bansa. Sinusuportahan natin ang pagtatatag ng lokal na komite para sa Anti-Trafficking and Violence Against Women and their Children (LCAT-VAWC) na pangungunahan po ng DSWD, DILG at DOJ. Naniniwala akong magiging epektibo ito sa pagpigil sa pang-aabuso at karahasan laban sa kababaihan at sa kanilang mga anak.
Nagtitiwala rin akong may magandang bunga ang pagsasalokal ng Magna Carta of Women. Sa pangunguna ng PCW, kasama ang DILG at DBM, magkakaroon ng mga batayang mekanismo at sistema upang maipatupad ang mga probisyon ng batas sa lokal na antas. Dahil dito, mas magiging maigting na rin ang pagpapatupad ng batas upang matugunan ang mga hinaing ng mga kababaihan. Sa pamamagitan nito, mapapalawak at mapagyayaman natin ang papel ng kababaihan sa iba’t ibang larangan gaya ng media, politika, at pati na rin ang pampalakasan.
Bilang isang malayang lipunan, kinikilala natin ang karapatan ng mga mag-asawa upang maging mapanuri tungo sa maayos at responsableng pagpapamilya. Tungkulin man ng gobyerno na bigyan ng sapat na kaalaman ang mamamayan sa kanilang mga pananagutan sa pamilya at sa lipunan, iginagalang natin ang kalayaan ng bawat indibidwal na sundin ang kaniyang konsensya ukol sa kahalagahan ng buhay. Kaya naman dapat lamang na patatagin ang mga ahensyang may tungkuling pagbutihin ang kampanya sa pamamahagi ng impormasyon ukol sa iba’t ibang paraan ng pagpaplano ng pamilya. Nagtitiwala akong gagamitin nila itong batayan sa kanilang pagpapasya sang-ayon sa kanilang konsensya.
Ipagpapatuloy po natin ang ating mga pagsisikap na labanan ang pananamantala at pangangalakal ng mga kababaihan. Ang ating bansa ay kasama na sa human trafficking watch list ng Estados Unidos noon pang 2001 at nananatili sa listahang ito hanggang sa kasalukuyan.
Sa taong ito, ayon sa inilabas na ulat ng US State Department noong Hunyo 15, mayroon tayong mahigit na 380 kaso ng human trafficking. Upang mapababa ang kaso nito, kailangan nating paigtingin ang implementasyon ng Republic Act 9208 o Anti-Trafficking against Persons. Susuportahan po natin ang mga operasyon ng Inter-Agency Council against Trafficking (IACAT) at mga katuwang na ahensya nito. Nagsasagawa ang mga ahensyang ito ng iba’t ibang proyektong nakatuon sa pagsugpo ng human trafficking sa bansa, sa pangangalaga at rehabilitasyon ng mga biktima, at sa pagpapahuli sa mga human traffickers.
Ayon naman sa Philippines Fourth Progress Report ukol sa ating Millenium Development Goals, mataas ang posibilidad na mabura natin ang gender disparity sa lahat ng antas ng edukasyon pagdating ng 2015. Patunay dito ang mataas at hindi nagkakalayong bilang ng lalaki at babae na nakatutuntong at nakakapagtapos sa elementarya at sekondarya at ang mahahalagang posisyon na hinahawakan ng mga kababaihan sa bansa. Makakaasa kayong ipagpapatuloy natin ang matagumpay nating pagkilos na protektahan ang dignidad ng mga kababaihan. Bubuwagin natin ang mga kalakarang pumipigil sa pag-unlad ng inyong kakayahan.  Makikipag-ugnayan tayo sa Commission on Audit para sa kanilang epektibong pagsasagawa ng annual audit sa mga ahensya ng gobyerno ukol sa paggamit nila ng gender and development budget. Sa paraang ito, mapabubuti natin ang pagbabantay upang matigil na ang diskriminasyon dahil sa kasarian.
Halos isang dekada tayong dumaan sa madilim na kabanata ng ating kasaysayan. Kung mananatili ang dating kalakaran, mamamayaning muli ang pananamantala at ang kawalan ng katarungan. Huwag po nating hayaan na mangyari ito.
Lumalayo na po tayo sa madilim na landas; patungo na ang ating bayan sa maliwanag na hinaharap kung saan ligtas ang lahat sa katiwalian at pang-aabuso. Sa pagpapatuloy ng ating laban, makatarungang batas ang papairalin natin para sa lahat.
Sa mga awardee ngayon, maraming salamat sa inyong patuloy na pakikiisa sa ating layuning maging patas at tapat sa mga mamamayan, anuman ang kanilang kasarian at kalagayan sa buhay. Inspirasyon kayo ng bawat Pilipino.
Huwag sana kayong magsawang magbigay-lakas sa mga kababaihang pinabagsak ng kahirapan at karahasan. Ang lakas ng isa po ay lakas ng lahat. Sa ating pagkakaisa, maitataguyod natin ang tunay na pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Magandang araw po sa lahat, at mabuhay po kayo!