Talumpati ni Pangulong Aquino sa kanyang pagbabalik mula sa paglahok sa APEC Summit sa Japan


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagbabalik mula sa paglahok sa APEC Summit sa Japan
[Ika-15 ng Nobyembre, Ninoy Aquino International Airport]
Magandang hapon po. Maupo ho tayong lahat.
Kagalang-galang na Vice President Jejomar Binay; His Excellency Ambassador Makoto Katsura; members of the Cabinet; our major service commanders; fellow workers in government; mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang hapon po sa inyong lahat. Talagang napakasayang makabalik po sa ating Inang Bayan.
Tulad ng maraming Pilipino po kahapon, sa labas at loob ng Pilipinas, nanood po tayo noong laban ni Manny Pacquiao, at talaga naman pong humanga tayo sa kanyang galing at pagkatapos po noon ay napag-isip lang tayo nang kaunti: ganoon ho ba kaya ang tadhana ng Pilipino—kailangan masuntok, kailangan masaktan para lang ho talaga maka-abante, maka-angat?
Noong hapon po, may nakausap tayong mga kababayan natin sa Japan. Hindi na raw ho bababa sa 300,000 ang residenteng Pilipino sa Hapon. Marami po silang problemang inilapit sa atin, pero sa dulo po iisa lang ang kanilang hiniling. Hiniling po nila ang pagtatatag ng isang tahanan na kung saan mabubuo ang ugnayan nila bilang Pilipino. Nabanggit ko po si Manny. Nakausap ko po kahapon, at kanina nga ho pagsakay ko sa eroplano ay may nakita akong mga ilang pahayagan. Ang nakalagay po doon sa isa—luma na kasi ‘yung dyaryong dala-dala po nila, at kahapon pa ho yata lumikas ng Pilipinas—nakalagay po doon sa isa, “Greatest Battle of Manny Pacquiao.” Okay lang po ‘yun. ‘Yung kabila naman, “Manny, needs more focus.” Napag-isip lang po ako, bakit ho kaya sa araw na tatahak na nga sa pagsubok si Manny, kailangan pa nating pahinain ang loob? Imbes na sa ibang bansa ho siguro kadalasan sasabihin na lang, “Manny, nasa likod mo kami.” “Manny, pinagdadasal ka namin.” At sana ganun rin po sa atin.
Kaya naman po ako ngayon magbabalita kung ano ang napala natin dito sa pagpunta sa Japan, at palagay ko naman ho bukas may batikos na namang panibago. Pero okay na lang po iyan.
Sa Japan po, ‘di bababa ang new investment sa $2.85 billion dollars. Kung papayag po tayo, mayroon pa hong mga negosyo na hindi bababa naman po sa $2.6 billion dollars ulit na nasa final stages na po ng kanilang preparation. Ulitin ko lang po: 2.85 siguradong mga negosyong papasok na po sa atin—Billion dollars po iyan—at may 2.6 billion na may kakulangan ng kaunti pa doon sa kanilang mga plano, pero halos tapos na rin po. ‘Di kung tama ho ‘yung math ko ay 5.45 billion ‘yung tiyak o halos tiyak na tiyak na. At mayroon pa hong isang pagkalaki-laking proyekto sa tubig na kung saan ay nasa planning stages pa lang po, pero ito ay talagang bilyung-bilyong dolyar na naman ho ang ipapasok.
Gusto ko lang hong ipagdiinan: sa Isabela po ‘yung isang proyekto dito sa tiyak—sa 2.85 billion—magtatanim po sila ng tubo para magkaroon ng tinatawag na ethanol para sa ating bio-fuels program. Ang ganda po ng proyekto. Labinlimang libong magsasaka ang magkakaron ng trabaho sa lupa ngayon na nakatiwangwang, wala pong gumagamit.
So, ano hong mangyayari diyan? Naitanim nila ‘yung tubo. Contract growing raw ho ang pinag-uusapan kung saan mapupunuan natin ‘yung kakulangan natin ng ethanol dahil may batas po tayong nagmamandatong kailangan ihalo na iyan sa fossil fuel para pangalagaan ang ating kalikasan.
Sa kasalakuyan po, ang kaya lang ng Pilipinas, bente-singko porsyento ng pangangailangan natin taun-taon. Malaking bagay po ang idudulot nitong proyektong ito. Tinulungan tayo ng isang dayuhang kumpanya. Binigyan ng labinlimang libong Pilipino ng trabaho. ‘Yung tiwangwang na lupa magagamit pa, aayusin pa ‘yung kalikasan. Ako ho tuwang-tuwa sa ganoong klaseng proyekto.
Mayroon pa po. ‘Yung karamihan po nitong 2.85 billion ay nasa industriya ng enerhiya. Habang lumalaki po ang ekonomiya natin magkakaroon tayo ng problema sa katiyakan ng reliability at seguridad ng kuryente. ‘Yung tatlo po dito ay puro expansion na projects. Kapag expansion ho, palagay ko hindi kasing tagal kaysa magtatayo ka ng panibagong planta.
So, punto ho niyan, kung magkakaroon man tayo ng problema sa kuryente na pinapangamba ng iba, dito ho, daan-daang megawatts ang kino-commit na naman po nila na halos, nilampasan actually ho pala, iyung tinataya nating reserves.
Sino naman ho ang hindi matutuwa? Iyong kuryenteng susuporta sa ating paglago ng industriya ay nandiyan na. At siyempre kapag marami pong supply parehong demand, magkakaroon ng mas maganda pa hong mga presyo iyan.
Tayo rin po nagkaroon ng pagkakataong makausap ang iba pang mga liderato sa Asia and Pacific Region, miyembro ng APEC, na kung saan marami na naman tayong pinag-usapan, at siguro ang gusto ko lang ipagdiinan dito: kapag may negosasyon ho sa bansa at isang bansa at hindi kayo magkaayos talaga hong napakapormal ng proseso; napakatagal ng proseso.
Marami pong pinagkakasunduan doon sa ASEAN at sa APEC. Para sa kanila ho yata iyung lima at hanggang sampung taon parang kahapon lamang. Ako naman po ay may lima’t kalahating taon na lang ako natitira. Gusto ko naman sana ho talaga may mangyari.
So, naipasok ho natin ‘yung ating mga punto, pero mas maganda po niyan marami tayong mga kasunduang puwedeng mangyari na napag-usapan natin doon sa mga ibang liderato. Talagang may kumpiyansa tayo sa napakarami sa kanila. Tawagan na lang po kapag nireresolba ang mga problema ng isa’t-isa tungo sa mga relasyon sa kanyang kapwa.
Talaga naman hong maraming balita pang puwede nating idadagdag. Noong ako po’y nakaalis, ‘yung ating S&P rating, pagkaintindi ko ay pagkatagal-tagal na tayong nabinbin, ngayon po ay pinaganda. Ito po ay pagtataya na kung gaano kahusay ang ating kredito. Natural ho ‘pag gumanda ang ating rating, may kaalinsunod po ‘yang pagpapagaan ng ating mga kailangang utangin.
So, ano ho ba ang gusto kong iwan na mensahe sa atin pong sambayanan? Talaga naman pong paganda nang paganda ang sitwasyon natin. Heto naman po ay nakikita na rin natin sa mga dumadami at dumadaming mga investors na talaga naman pong tumataya ng pagkalaki-laki. ‘Yung pinakamalaki pong kontribusyon dito ng kumpanya halos trenta hanggang kwarenta porsyento ng buong nilaan nilang i-invest itong taon na ito ay inilagay sa Pilipinas. Hindi ho hinati-hati sa buong rehiyon—talaga pong malaki at several billions nga po ang pinag-uusapan dito—talagang inilagay sa atin dito.
Sila ho kinikilala ‘yung galing ng Pilipino. Sila ho naniniwala na talagang meron tayong patutunguhan at mabilis na ang pag-asenso, sulit itong pagpasok nila sa atin dito.
Siguro po, ako po’y makikiusap. Palagay ko ho bukas ho, ‘pag nagbukas ako ng dyaryo, palagay ko lovelife ko na naman ho ang pinag-uusapan. Pero ‘di na bale po ‘yun. Pero ‘yun po huwag na nating hintayin masyado dahil mga 32 years ko na pong tinatrabaho ‘yan. Sa pagpapayo po ng ating Vice President, baka puwede pagtuunan na lang natin ng pansin, paano ba natin mapapabilis na tigil ‘yung gutom, tigil ‘yung putukan, iayos ‘yung kalusugan.
Sa dulo po, paano ba ako makakatulong sa kapwa ko? ‘Yun na lang po dapat ang tugunan natin at ‘yun na lang dapat ang pinagtutuunan ng pansin natin at talagang tiyak naman pong hindi tayo mahaharang tungo doon.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.