Speech of President Aquino at the “Light up for Peace” candle lighting ceremony, February 8, 2011


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagdalo sa seremonya ng pagsisindi ng kandila sa pagsuporta sa People Power for Peace
[Inihayag sa Quezon Memorial, Quezon City noong ika-8 ng Pebrero 2011]
Matagal na pong nabalot sa dilim ng armadong hidwaan ang ilang bahagi ng ating bayan. Sa mahabang panahon, nagdulot ito ng hinagpis, takot, pagkakawatak-watak, at poot sa pagitan ng kapwa natin Pilipino. Kung anong dami ng pamilyang naiipit sa digmaan at napipilitang mag-alsabalutan, tila siya ring dami ng mga naganap na pakikipag-ugnayan na sa malungkot na bahagi, nauuwi lamang sa wala. Ilang buhay na ang nasayang; ilang pamayanan na ang napilitang lumikas. Sawa na ang Pilipino sa bangayan. Sawa na ang mga Pilipino sa walang-katuturang bakbakan. Sawa na ang Pilipinong makita ang kapwa nila Pilipinong nadadamay sa madugong sagupaan na wala namang kinakahantungan. Sawa na ang Pilipino sa gulo; kapayapaan naman.
Ang pag-ilaw natin ng mga kandila sa gabing ito ay simbolo ng ating pagkakaisa; simbolo ng nag-iisa nating hangarin na pag-alabin ang tunay na diwa ng kapayapaan. Ang liwanag na hatid ng tangan nating kandila ay magsisilbing gabay upang hindi na muli pang maligaw sa marahas at madugong landas ang ating bayan.
Panahon na upang pag-alabin natin ang liwanag ng kapayapaan. Panahon na upang isantabi ang mga alinlangan at pagdududa. Panahon na upang buhayin ang peace talks at magbunga ito ng makabuluhang kasunduan sa panig ng gobyerno at ng mga rebeldeng grupo. Bukas po, magsisimula na ang exploratory talks sa pagitan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), samantalang sa susunod na linggo naman mag-uumpisa ang formal talks natin sa CPP-NPA-NDF. Nakatakda rin po sa pangatlong linggo ng buwan na ito ang isang tripartite meeting ng gobyerno, Moro National Liberation Front (MNLF), at ng Organization of the Islamic Conference upang pag-aralan ang implementasyon ng 1996 Final Peace Agreement.
Hudyat po ang mga ito na narito ang bagong pamahalaan, tangan ang mandato ng pagbabago; nagpapaalalang walang dapat ikabahala sa anumang dilim na dulot ng nakaraan. Bagong panimula po ito sa ating lahat; bagong pagkakataon sa mapayapang pakikipag-ugnayan. Ito na marahil ang pinakamainam nating pagkakataon upang makamit ang inaasam nating kapayapaan. Sa bisa ng malinis na hangarin at matibay na pananalig mula sa magkabilang panig, magtatagumpay po ang ugnayang ito. Kasabay nito, sisiguruhin din natin na malalaman ni Juan de la Cruz ang lagay ng peace talks, at bibigyang lakas natin siya upang mabigyan ng pagkakataong makilahok dito. Wala tayong itatago sa taumbayan.
Bawat Pilipino ay apektado ng peace talks. At simula’t sapul, hinikayat ko na ang lahat na makiisa; makibahagi sa solusyon sa halip na dumagdag sa problema. Ang tanong lang po siguro ng ilan—paano nga ba ako makikibahagi sa solusyon? Sa aking palagay, simple lamang po: makibalita, magbantay at makilahok sa usaping pangkapayapaan. Maliban sa website ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, bukas din ang kanilang Facebook at Twitter accounts para bigyan kayo ng napapanahon at makabuluhang balita sa mga usaping pangkapayapaan. Malaya ninyong maipapaalam dito ang inyong mga saloobin at mungkahi upang sama-sama nating itaguyod ang peace process. Marami rin pong volunteer groups na maaaring salihan upang higit na mapalawak ang ating karanasan at kaalaman sa peace process. Maliban sa mga events tulad ng concerts, fun runs, at medical mission na maaaring daluhan ng taumbayan, ang mga social networking sites sa internet tulad ng Facebook at Twitter ay mahusay ring paraan upang ipaabot ang ating inaasam na kapayapaan. Sa mga simpleng paraan na ito, makakatulong na tayo sa pagpapakalat sa adbokasiya ng kapayapaan, maipaparamdam pa natin sa lahat na ang kanilang paglalaan ng oras at talento ay may makabuluhang ambag sa katuparan ng hangaring ito.
Batid nating naka-ugat ang suliraning ito sa mas malalaking delubyo: kurapsyon, kahirapan, kawalan ng hustisya, paglabag sa karapatang pantao, tiwaling pamamahala, at iba pa. Kaya naman hindi lamang basta tigil-putukan ang hangad natin. Tigil-kurapsyon, tigil-kahirapan, tigil-karahasan, at tigilan ang pang-aabuso sa kapangyarihan. Sa halip na tugisin natin nang tugisin ang mga armadong rebelde, higit nating tututukan ang pangangailangan ng mga mamamayan at ang epekto ng mga kaguluhang ito sa kanilang kabuhayan. Imbes na palakihin natin ang problema, masusi nating pag-aaralan ito, at mapayapang hahainan ng solusyon.
Ngayon, liwanag na po ang gumagabay sa ating bayan sa pagtahak sa tuwid na landas; hindi na tayo lilihis pa. Sa pagsusulong ng peace panels tungo sa mapayapang pakikipag-ugnayan, tiwala akong makakamit natin ang ganap na katahimikan. Nawa’y madama ng magkabilang panig ang natatangi nating hangad na magkaayos at magbuklod para sa malawakang kapayapaan. Binubuo man ng mahigit pitong libong pulo ang ating bansa, tayo ay isang lahing nagbibigay liwanag para sa ating kinabukasan, nagkakaisa para sa kapayapaan, at nagbubuklod para sa nag-iisa nating bayan.
Muli, at bago po ako magtapos, isang mapayapang araw po sa ating lahat. At gusto ko lang hong ipaalala sa ating lahat, wala hong imposible kung gugustuhin natin at kung tayo po ay talagang nagkabuklod-buklod at nagkakaisa, ‘yung datirating sigurong imposible ay malapit na po nating makamit.
Magandang gabi po. Maraming salamat sa inyong lahat.

No comments:

Post a Comment