Speech of President Aquino at the Inauguration of the Core Shelter Project

Speech
of
His Excellency President Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
At the Inauguration of the Core Shelter Project
[December 07, 2010, Dacap Sur, Bani, Pangasinan]
[Please check against delivery]
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Nang maimbitahan tayo sa okasyong ito, hindi po ako nagdalawang-isip na bumiyahe sa lalawigan ng Pangasinan upang personal na igawad ang mga tahanang ito sa mga pamilyang magiging benepisyaryo. Isa pong karangalan ang makasama kayo sa araw na ito.
Mahigit isang taon na ang nakalipas nang humagupit ang bagyong Emong at Pepeng sa Bayan ng Bani dito sa Pangasinan. Nakapanlulumo po na halos nobenta porsyento ng mga bahay, pampublikong pasilidad at mga imprastraktura ang lubos na napinsala. Lampas 150 na bahay ang malubhang tinamaan sa mga tabing dagat ng Barangay Dacap Sur.

Kaya naman tunay na isang malaking tagumpay ang pagpapasinayang ito ng Olanen Housing Project dito sa Pangasinan. Sagisag ang proyektong ito ng modernong bayanihan—ang pagkakapit-bisig ng Munisipalidad ng Bani, mga benepisyaryong pamilya, Department of Social Welfare and Development, at mga kinatawan ng United Nations World Food Programme—upang muling maibangon ang isang komunidad na nalugmok sa kalamidad.
Gagamitin ko na po ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang bumubuo ng DSWD sa pangunguna ni Secretary Dinky Soliman, at ang DSWD Region 1, sa pangunguna ni Director Leonardo Reynoso. Ang kagawaran ninyo ang naging sandigan ng marami nating mga kababayan sa panahon ng matinding pangangailangan. Patuloy ninyong inaaruga ang mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng inyong mga proyekto.
Kapuri-puri talaga itong Core Shelter Assistance Program (CSAP) ninyo. Naglalaan kayo ng abot-kayang mga bahay para sa mga pamilyang tinamaan ng sakuna. Subalit, ang higit na kahanga-hangang katangian nito ay ang aktibong pakikilahok ng mga benepisyaryo sa pagpapatayo ng mga bahay na ito. Bawat pamilyang pinagkakalooban natin ng pitumpung libong piso ay nabibigyan ng pagkakataong makapagpatayo ng sarili niyang tahanan. Ang kanilang work team, na binubuo ng limang pamilya, ang kasama nila, hindi lamang sa pagmamartilyo, o paghahalo ng semento, kundi maging sa pagpapatibay ng pamayanan na kanilang kabibilangan.
Malinaw po: hindi pag-aabot ng limos ang programang ito. Isa itong pagkakataon para sa ating mga kababayang personal na makilahok sa pagpapatayo ng kanilang matatanggap na tahanan. Ang galing, hindi ho ba? Gamit ang inobasyon at pagkamalikhain, nabuksan ninyo ang pinto sa isang mas produktibong pagkakaisa ng gobyerno at ng mamamayan. Tinutulungan ninyo ang ating mga kababayan na tulungan ang kanilang mga sarili upang maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay.
Nitong biyernes lamang po, galing din po ako sa Tarlac para kilalanin ang Task Force Kapatid. Sila itong grupo ng labintatlong electric cooperatives mula sa iba’t-ibang lalawigan na nagkaisa at nagtulong-tulong upang ibalik ang kuryente sa mga karatig probinsya na sinalanta nitong Bagyong Juan. Ano po ba ang ibig sabihin nito? Marami pong Pilipino ang nakikibalikat sa atin upang muling buhayin ang diwa ng bayanihan. Batid nila na wala namang tutulong sa kapwa nating Pilipino kundi tayo-tayo rin lang.
At isa na namang magandang ehemplo nito ang lokal na pamahalaan ng Bani. Kung tutuusin, pwede naman po nilang gamitin itong limang ektaryang lupain para sa ibang proyekto ng kanilang munisipalidad. Ngunit dahil mas namayani sa kanila ang interes ng nakararami at ng mga nangangailangan, hindi sila nagdalawang-isip na ipagkaloob sa inyo ito. Hindi pa sila nakuntento sa ibinigay nilang lupa sa atin: sila na rin ang nanguna upang mapabilis ang pagkakabit ng kuryente at iba pang amenities na inyong magagamit, at magiging kaagapay ninyo sa pagpapaunlad ng inyong komunidad. Para bang sinabi nilang: aba, tutulong na rin lang kami, lulubus-lubusin na namin, hindi po ba? Sa bayan ng Bani: ang aming lubos na pasasalamat.
Upang mapaghandaan ang mga paparating pang bagyo, nakiisa din ang DSWD sa National Housing Authority upang tumulong sa mga pamilya sa pamamagitan ng pag-aabot ng karagdagang materyales para sa pagsasa-ayos ng mga bahay, sa ilalim ng kanilang Home Materials Assistance Program. Nariyan din ang Modified Shelter Assistance at Emergency Shelter Assistance ng DSWD, na tutulong sa pagtustos sa mga gastusin ninyo sa pagpapatayo ng bahay sa relocation sites o sa pagpapagawa ng mga nasirang tahanan na dulot ng kalamidad.
Sa patuloy po nating pagtutulungan, hindi po malayong magkatotoo ang pinapangarap ni Mayor Marcelo Navarro na maging eco-village ang Core Shelter Project na ito. Kung saka-sakali, magsisilbing modelo ito para sa iba pang institusyon pagdating sa pamamalakad ng kanilang mga proyektong pabahay. Lalo itong magpapaangat sa kumpiyansa ng mga taga-Pangasinan, at ng ibang tao sa inyong lalawigan.
Sa loob lamang ng ilang buwan, hindi po talaga mapigilan ang pagdagsa ng good news na natatanggap natin. Lalo pa po nating pahahabain ang listahan ng mabubuting balitang ito sa mga darating na taon.
Ngayon, ako naman po ang hihingi ng tulong sa inyo. Kasabay po sana ng matagumpay na paghahandog ng mga tahanang ito ang patuloy ninyong pag-aabot ng tulong sa inyong komunidad. Makilahok po kayo, sa halip na magreklamo; ipagpatuloy niyo ang pakikibahagi sa solusyon. Marami pa tayong kailangang gawin; marami pa tayong kailangang kumpunihin sa ating bayan.
Mangilang-beses na pong nabalot ang ating bayan sa kadilimang dulot ng mga bagyo. Tinakluban na tayo ng makulimlim na ulap, hinampas na ng malalakas na hangin, sinaboy na ng malamig na ulan, nilubog na ng lampas-taong baha. Sa kabila ng mga pagsubok na ito, nanatili tayong matatag. Kailanman ay hindi tayo nagpatinag. Sa pagtutulungan, pinatunayan nating wala tayong hindi kayang gawin. Kaliwa’t kanan man ang sumpong ng sakuna, basta tayo ay nagsasama-sama, totoong walang makakatibag sa atin.
Kung mapapansin po ninyo, madalas po nating nababanggit ang People Power. Sa akin pong paniniwala, ang ipinamalas ninyong pagtutulungan upang magtagumpay ang proyektong ito ay nagbibigay-buhay sa tunay na diwa ng People Power.
Tandaan nating lahat: nasa iisang bubong na muli tayong mga Pilipino; umulan man o umaraw—nagsasama, nagtutulungan.
Heto na ang bunga ng ilang buwan ninyong pagkakapit-bisig at pagtitiyaga. Bukas, gigising kayo sa inyong bagong mga bahay. Bukas, babangon kayo sa isang bagong liwanag. Nawa’y maging pugad ng kasaganahan ang inyong mga bagong tahanan, at habambuhay itong maghatid ng kaginhawaan sa inyong mga pamilya.
Sa inyong lahat: tuloy na po kayo sa inyong mga bagong tahanan.
Maraming salamat at mabuhay po tayong lahat.

No comments:

Post a Comment