Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
During the 2010 Model OFW Family of the Year Awards (MOFYA)
[December 06, 2010, Sofitel Philippine Plaza Manila]
Nagtitipon po tayo ngayong umaga upang bigyang-pugay ang mga modelong pamilyang OFW. Hayaan niyo pong pasalamatan ko ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa pagtataguyod nitong Model OFW Family of the Year Award. Sa mga itinanghal na modelong pamilyang OFW ngayong taon, ang akin din pong mainit na pasasalamat at taos-pusong pagbati sa inyo.
Halos lahat po yata sa atin ay may kamag-anak o kakilalang nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Maaaring hindi po ako nagmula sa isang pamilya ng OFW, ngunit batid ko ang inyong saloobin. Tuwing may mga nakakahalubilo tayong OFW sa mga biyahe natin sa loob at labas ng bansa, ramdam ko pong hindi biro ang mapalayo sa pamilya. Sa kanilang mga kuwento, bakas pa rin ang kalungkutan dahil hindi naman nila makapiling ang kanilang pamilya, lalo na sa panahong palapit na ang pasko. Napapalaki nga nila ang kanilang bahay, ngunit hindi naman nila nasusubaybayan ang paglaki ng kanilang mga anak. Sangkatutak nga ang handa kapag Noche Buena, hindi naman kumpleto ang miyembro ng pamilya. Ano ba naman ang halaga ng tambak-tambak na pasalubong kung pag-uwi mo, hindi ka kilala ng iyong anak, at estranghero ka sa sarili mong tahanan? Siksik man sa tsokolate at damit ang inuuwi ninyong balikbayan box, wala itong silbi kung ang tunay na kailangan ng inyong asawa at mga anak ay ang inyong yakap at pag-aaruga. Kailanman, hindi matutumbasan ng atin pong mga remittances ang halaga ng isang buo at magkakasamang pamilya.
Kaya naman bilib po ako sa mga natatanging pamilya na kasama natin ngayon. Sa halip na mawalan ng loob, ang lawak ng dagat na pumapagitan sa inyo at sa inyong mga pamilya ay tila lumalapit dahil sa hangarin ninyong mabigyan ng maganda at kapaki-pakinabang na kinabukasan ang inyong mga mahal sa buhay. Hindi matatawaran ang sakripisyo ng bawat miyembro ng pamilyang OFW—mula sa magulang na lumisan at nakikipagsapalaran sa ibayong dagat, ang magulang na naiwan at siyang nag-aaruga sa kanilang mga anak, at ang mga anak na laging sabik na naghihintay sa susunod na pagtawag, pag-text o pag-Facebook ng kanilang magulang na nasa ibang bansa.
Hindi man siya lumayo para magtrabaho, naramdaman din ng aking yumaong ama ang labis na kalungkutan at pag-aalala habang siya ay nasa kulungan at malayo sa kanyang pamilya. Siyempre, naranasan din ng aking ina kung paano mag-isang pasanin ang mabigat na responsibilidad na magtaguyod ng pamilya. At tulad din ng mga anak ng OFW, inasam din naming magkakapatid na palaging buo at magkakasama ang aming pamilya. Ngunit ang layo namin sa isa’t isa ang nagbuklod sa amin upang maging isang mas matibay na pamilya. Hindi ito naging madali, ngunit tulad ng pagdadamayang ipinakita ng ating mga Model OFW families, nalampasan din namin ang mga pagsubok.
Batid nating lahat na ang inyong sipag at pagsasakripisyo ay may mahalagang ambag din para sa mas malaki nating pamilya: ang Pilipinas. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot na sa 13.78 bilyong dolyar ang OFW remittances mula Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon. Mas mataas ito ng halos isang bilyong dolyar kung ikukumpara sa 12.79 bilyong dolyar na remittance noong nakaraang taon. Sa patuloy ninyong pagsusumikap, napapalakas ang ating ekonomiya, na nagtutulak naman sa pagpasok ng mga negosyo at paglikha ng mas maraming trabaho sa ating bansa.
Kinikilala natin ang kontribusyon ng mga OFW sa atin pong bansa. Ngunit lilinawin ko lang po na hindi po ang pagpapadala ng manggagawang Pilipino sa ibayong dagat ang tanging solusyon sa paglago ng ating ekonomiya. Una pa rin po sa ating listahan ang paglikha ng disenteng trabaho at oportunidad dito sa sarili nating bayan. Dati po kasi, tila wala nang pagkakataong umunlad kung mananatili lang sa Pilipinas. Na-oobliga tuloy ang mga Pilipinong mangibang-bansa at mapalayo sa pamilya. Kaya naman po mahalagang mamuhunan tayo sa sariling lakas ng ating mga kababayan. Ito ang layunin ng ating administrasyon: ang magbukas ng higit na maraming oportunidad na mamuhay nang masagana sa Pilipinas upang hindi na kailanganin pang maghanap ng trabaho sa ibang bansa.
Gaya ninyo, doble-kayod din ang inyong pamahalaan upang suklian lahat ang inyong mga sakripisyo at kontribusyon sa bansa. Inatasan ko na po ang DFA, DOLE, POEA, at OWWA na lalo pang paigtingin ang paglilingkod sa mga OFWs. Pinalalakas na po ngayon ng DOLE at OWWA ang kanilang programa at serbisyo sa pamamagitan ng pagpapadala ng karagdagang labor attachés at welfare officers, lalo na sa Gitnang Silangan at ilang bansa sa Asya. Mula sa dating bilang na 554, nagdagdag na rin po tayo ng limampu’t apat pang OFW Help Desks sa mga probinsya at siyudad ng ating bansa upang mas madali silang malalapitan ng mga pamilyang OFW sa oras ng pangangailangan.
Alam ko pong minimithi ng bawat pamilyang OFW ang mabuong muli pagkatapos ng mahaba-habang panahon ng pagkakahiwalay. Upang makamit ang mithiing ito, kailangan nating lumikha ng alternatibong oportunidad na pangkabuhayan para sa mga nagbalik nang OFW. Alinsunod dito, inaatasan ko ang OWWA na maglaan ng isang bilyong piso bilang reintegration fund. Gagamitin po natin ang pondong ito bilang isang epektibong loan program na may magaan na interes. Sa pakikipagtulungan ng DOLE at OWWA sa Landbank of the Philippines at Development Bank of the Philippines, isinusulong po natin ang mga pagsasanay tulad ng financial literacy, money management, at ilan pang seminars upang turuan kayo sa tamang pagpapatakbo at pagpapalago ng negosyo. Sa abot ng ating makakaya, sinisiguro po natin ang mga tulad ninyong kaagapay sa pagsulong ng kaunlaran ay bibigyang-lakas, aalagaan at hindi babalewalain ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng ating mga reporma sa pamamahala, nag-umpisa na pong magbalik ang tiwala ng mga investors, lokal man o dayuhan, sa ating bansa. Iisa lang po ang ibig sabihin nito: mas maraming trabaho para sa mga Pilipino dito sa Pilipinas. Samahan po ninyo ako sa pagpapatuloy ng mga inisyatibang ito.
Sa mga MOFYA awardees: Nawa’y patuloy kayong magsilbing ehemplo at inspirasyon sa iba pang pamilyang OFW. Huwag po sana kayong magsawa sa pagtataguyod ng magandang bukas, hindi lang para sa kapakanan ng inyong pamilya, kundi para rin sa bayan. Asahan po ninyong hindi namin pababayaan ang inyong pamilya. Iisa po ang ating pangarap: ang makitang buo at masagana ang inyong pamilya ditto po sa Pilipinas.
Ito naman po ang tinitiyak ko sa inyo: mas maraming good news kaysa mga bad news ang dumarating sa ating bansa. Tuloy-tuloy na po ang pag-unlad natin, lalo na kung mas marami pa sa ating mga kababayan ang susunod sa inyong pagiging magandang mga ehemplo. Sama-sama nating panatilihin na umaalab ang liwanag ng pag-asa para sa sambayanan. Kayo pa rin po ang Boss ko, at umaasa po ako sa patuloy na suporta at pakikiisa ninyo. Habang may nagkakaisang adhika ang lahat ng Pilipino saanmang panig ng mundo, tiyak po ang tagumpay natin, anumang pagsubok ang kailangan nating harapin.
Maraming salamat po at mabuhay po ang mga pamilyang OFW. Unahan ko nap o kayo: Isang maligayang pasko at manigong bagong taon sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment