Speech of President Aquino during the 25th Anniversary of the Philippine Daily Inquirer

Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
During the 25th Anniversary of the Philippine Daily Inquirer And Launching of the coffee table book, “From Ninoy to Noynoy: 25 Years of The Philippine Daily Inquirer
[December 1, 2010, Rizal Ballroom, Makati Shangri-La]
Vice President Jejomar Binay; Ms. Marixi Prieto, Chair of the Philippine Daily Inquirer; Ms. Sandy Prieto-Romualdez, President; Ms. Letty Jimenez-   Magsanoc, Editor-in-Chief; former Chief Justice Artemio Panganiban; Excellencies of  the Diplomatic Corps; Mr. Manny Pangilinan; Mr. Ramon Ang; Mr. Andrew Tan; Don Jaime Zobel de Ayala; Fernando; Mr. Tony Tan  Caktiong; Mr. Lance Gokongwei; Atty. Gozon; Tessie Sy and a lot of others that I didn’t, see I apologize; honored guests; mga minamahal kong kababayan:
Magandang gabi po sa inyong lahat.

Isang karangalan po ang maging bahagi sa silver anniversary ng Philippine Daily Inquirer (PDI). Maging hudyat sana ang inyong ika-dalawampu’t limang taon, hindi lamang sa pagbuhos ng mas marami pang biyaya at tagumpay para sa PDI, kundi maging ang patuloy ninyong pagpapatibay sa patas at walang-kinikilingang pamamahayag.
Nagpapasalamat din po ako sa lahat ng taong nasa likod ng inilulunsad nating coffee table book: “From Ninoy to Noynoy: 25 years of the Philippine Daily Inquirer.” Dahil sa napapanahong paglilimbag ng librong ito, naniniwala ako sa kakayahan nitong ipamulat sa mga Pilipino, lalo na sa mga kabataan—na sektor po namin ni Vice President—ang mga pinagdaanan ng ating bayan sa nakalipas na dalawampu’t limang taon. Mula sa mga orihinal na litrato noong martial law, hanggang sa mga matatapang na editoryal na nagtulak sa People Power revolution, nanindigan kayo sa tapat na pamamahayag. Mula sa mga balita sa nagbabantang pagputok ng Pinatubo, hanggang sa mga artikulong bumabandila sa husay nila Manny Pacquiao at Efren Peñaflorida, naihatid ninyo ang lahat ng ito nang buo sa publiko. Samakatuwid, bawat pahina ng aklat na ito ay magsisilbing inspirasyon upang manatiling buhay sa alaala natin ang mga madilim, gayundin ang mga maliwanag na bahagi ng ating kasaysayan. Ang mga karanasan at aral nito ang magtutulak sa atin upang higit pang bantayan at patuloy na ipaglaban ang tunay na demokrasya.
Kasama ko rin po ang sambayanang Pilipino na sumasaludo sa tagapagtatag ng Philippine Daily Inquirer, si Ginang Eugenia Duran Apostol. Sa halip na mamuhay nang tahimik at mapayapa at komportable, mas pinili niyang labanan ang diktadurya. Kahit pa batid niyang may kapahamakang nagbabanta, walang-alinlangan niyang inilunsad ang Philippine Daily Inquirer. Di naglaon, ang munting bulong ng inyong “mosquito press” ay lumakas at dumagundong sa bawat sulok ng bansa, upang malaman ng mga tao na may mali sa gobyerno, at kailangan ang nagkakaisang pagkilos upang makamit ang pagbabago. Masigasig ninyong sinundan ang kampanya ng aking ina noong siya ay tumakbo sa pagka-pangulo noong 1986, ang pagbubuklod ng mga tao sa People Power revolution, at ang tuluyang pagbagsak ng rehimeng Marcos.
Napakalaki ng utang na loob ng sambayanan sa inyong walang-takot na pagbubunyag sa katotohanan. Dahil sa inyong tulong, naibalik at naging buhay na buhay ang demokrasyang marapat lamang na matamasa ng mga Pilipino.
Pagkalipas ng dalawampu’t limang taon, hindi nawala ang dedikasyon ng PDI na manguna sa pagharap sa mga bago at dumaraming hamon sa larangan ng pamamahayag. Iba na ang panlasa ng mga mambabasa. Marami na tayong kababayan na naghahangad ng mas mabilis, mas maikli, at mas siksik na paraan ng pagbabalita. Imbes na bumili ng diyaryo sa kanto, marami na ang mas pinipiling makatanggap ng mga newsfeeds sa Internet. At hindi nagpapahuli ang PDI dito. Anumang oras ay bukas ang Inquirer.net para sa mga mahilig mag-Internet, at kung tipo pa rin ng iba ay ang makinig kesa magbasa, andiyan naman ang Radyo Inquirer. Patunay lang po ito na lumipas man ang maraming taon, isa lamang po ang hindi kailanman magbabago sa PDI: ang pagiging tapat nito sa bansa at sa katotohanan.
Pero nakakabahala po, tila hindi lubusang makamit ng mga Pilipino ang tunay na tagumpay. Matapos ang EDSA I, hindi tumigil ang pagtatangka ng mga gahaman at mapang-abuso na ikulong muli sa selda ng kurapsyon at katiwalian ang ipinaglalaban nating kalayaan. Patunay ang nakalipas na mga taon na may mga opisyal sa pamahalaan na pilit ibinabalik ang kadilimang dati nang naghari. Tulad noong martial law, naging laganap muli ang panggigipit at pagpapakulong sa mga mamamahayag na ang tanging kasalanan lamang ay ang paghahatid ng katotohanan sa kanilang mga kababayan. Ang masama, nang hindi na po sila nakuntento sa pagpatay sa balita, nagsimulang makaranas ang media ng kakaibang uri ng blackout: pinaslang na rin nila ang mismong tagapaghatid ng balita.
Sino ba naman ang makalilimot sa kasuklam-suklam na Maguindanao massacre? Nagimbal ang buong mundo sa karumal-dumal na pagkitil sa buhay ng limampu’t walong katao, tatlumpu’t dalawa dito ay miyembro ng media. Ipinamulat nito sa atin na hindi pa rin pala natin lubusang nakakamit ang demokrasya; na hindi pa rin pala tuluyang malaya ang media.
Responsibilidad nating ibalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno, kaya po tayo humihingi ng pang-unawa sa Korte Suprema na payagan ang pagbo-broadcast ng paglilitis sa Maguindanao Massacre. Ginagawa po natin ito, hindi para pangunahan sila. Simple lamang po ang hangad natin: kung gusto natin ng pantay na karapatan, ilahad natin sa buong bayan na wala tayong itinatago at ang tanging iiral sa kasong ito ay katarungan lamang. Nagawa na po ito sa maraming paglilitis. Bakit naman hindi ito pwede ngayon, hindi po ba?
Doble-kayod na din po ang Philippine National Police sa paninigurong ligtas ang mga mamamahayag. May inilabas na po silang Handbook on Personal Security Measures for Media Practitioners, at pangungunahan din nila ang mga seminars para higit na maipaliwanag ang saklaw ng kanilang programa na bantayan ang mga miyembro ng media. Naglabas na rin po sila ng mga posters at reward money na nagkakahalaga ng hindi bababa sa 18.4 milyong piso upang matugis ang mga sangkot sa pagpaslang sa mga peryodista sa bansa. Maliban sa pinag-aaralan naming pagtatatag ng isang Special Presidential Team na tututok sa mabilis na pag-usad ng mga kaso kaugnay ng mga extra-judicial killings, dinagdagan natin ang pondo ng witness protection program sa 2011 budget. Nakasalalay ang tagumpay ng isang kaso sa kakayahan nating pangalagaan ang mga saksi. Noong 2009, 25% lamang po ang conviction rate na nakamit ng ating justice system. Subalit sa mga kaso kung saan may mga saksing sumailalim sa witness protection program, 95% ang conviction rate. Kaya naman po ang dating P84 million ay ginawa na nating P141 million upang mas mapangalagaan natin ang mga nais humarap na maging saksi, at higit nating mapatibay ang pagpataw ng katarungan sa lipunan. Hangarin natin na kung sino mang may ginawang masama sa tao at lipunan ay makatatanggap ng kaukulang parusa. Matapat natin itong isinusulong upang matiyak nating ligtas ang mga mamamahayag at para magawa nila ang kanilang tungkulin na maghatid ng tunay, responsable at walang-pinapanigang pagbabalita.
Malinaw ang ipinarating ng aking amang si Ninoy tungkol sa halaga ng media sa isang malayang lipunan. Ayon po sa kanya, “A free media is indispensable if a democracy is to function efficiently, if it is to be real. The people, who are sovereign, must be adequately informed all the time.”
There is no doubt that media plays an active role in guarding our freedoms and making the powerful accountable. At a time when our institutions were weak, the media put truth to power for the well-being of our citizenry. But as much as we would like to believe otherwise, the media does not operate in a vacuum. It is not immune from the pressures heaped on any institution with power and influence. Journalists and media men alike have been our guardians against corruption, but they must also be vigilant in condemning those from their own ranks who try to exert a corrupt influence on the government.
I am saying this not due to my personal wishes, but because the media’s currency is credibility. It would be a disservice to our journalists and broadcasters, and especially to our countrymen, if it were to be terminally afflicted with the disease of corruption and deceit. Every journalist must focus his or her efforts to ensure that there is a trustworthy, transparent relationship between the government, the media, and, most importantly, the Filipino people.
This is the only thing that freedom asks of us: that we become responsible in exercising it and nurturing it. I invite you to work with us. We need your help to encourage media to maintain the highest level of professionalism, integrity, and truth-telling. Together, it is vital for us to raise the level of public discourse so that important issues are distinguished from vulgar personalities and trivial stories. For some time now, the Inquirer has featured positive stories, particularly in its Sunday Inquirer edition; but beyond the positive, there should also be thorough reporting. A newspaper of record after all, has to feature the complete record.
Like many other media organizations, the Inquirer has ignited its fair share of controversies. Like the crusading papers before martial law, you have borne the brunt of official displeasure because of your scoops and exposés. You have also marked the moments that have transformed this nation.
With the rest of the nation, you mourned the passing of my mother, but also made her frown several times in her lifetime. Such is the cycle of life and the news.
You chronicled the clamor for me to seek the presidency, yet after reading your paper, I sometimes feel that I’m losing even more of my hair. But, and may I emphasize: that is how it should be. You are not here to praise me. You are here to be fair to me, to the Filipino people, and to be true to yourself and to your vocation.
And this is precisely the meaning of democracy. This is the path the Filipino people have committed to, and we all have a role to play in defending it.
Kapag lumipas na po ang anim na taon, at natapos na ang aking termino, isa lang po ang magiging personal na sukatan ko sa tagumpay ng aking administrayon. Kapag nakita ko pong ang pamahalaan, ang media at ang pinagsisilbihan nilang taumbayan ay nagkakaisang binabantayan ang demokrasya, patungo sa isang mas maunlad na bansa, pwede ko na po sigurong ipagmalaki sa mga magulang ko na naging mabuting anak ako sa kanila. Nanilbihan akong matapat, at higit sa lahat, naging mabuti akong Pilipino.
Muli, maraming salamat sa Philippine Daily Inquirer sa inyong patuloy na pagiging ehemplo ng responsable at matapang na pagbabalita. Maraming salamat lalo na sa inyong Lifestyle editors na hindi makatiis na magreport sa lovelife ko: at least totoo at hindi eksaherado ang inilalabas ninyo.
Maraming, maraming salamat po, at mapayapang gabi po para sa ating lahat.

No comments:

Post a Comment