Image via WikipediaSpeech of His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
During “People-Powered Development”: An LGU Forum on Integrating Community-Driven Development in Local Governance Practice
[Delivered at Heroes Hall, Malacañan Palace on February 24, 2011]
Tila po yatang sumunod kay [previous speaker Mayor Den Maxino]; at tama naman ho iyong sinasabi niya. Kung isusulat ho niyo ‘yan, kung gusto niyo babasahin ko lahat ng hindi niyo nasabi, dahil napaproceed ho kayo, at maraming marami ho tayong napupulot na aral sa inyo.
Alam niyo ho kasi noong araw ako po’y Congressman. Talagang in a sense parang mayroon kaming version nito na sinusubukan. Hindi ho iyong Congressman ang nagdidikta sa komunidad kung ano ang gagawin. Pinupulong ko po iyong ating mga Barangay Council, pinapanood ng buong kommunidad; at tinatanong ko sa kanila: “Ano ho ba ang pangunahing problema? Ano ba palagay niyong marapat na solusyon dito?”
At kadalasan po sila ang nasusunod. Of course mayroon ho tayong ibang mga Kapitan na mahilig hong gumawa ng monumento—“Kailangan ko ng bagong baragay hall.” Sabi ko: “Kap, parang wala kayong patubig yata dito.” At sa pakikipagugnayan ay kadalasan naman po hindi monumento ang ginawa namin—iyong kapaki-pakinabang doon sa mga nabubuhay.
Kapag sinabing People Power, ang kalimitang tumatatak sa atin ay ang martsa ng milyun-milyong Pilipino, ang mukha ni ng tatay ko na naka-imprenta sa dilaw na damit, ang malalaking tangke na itinutulak sa EDSA, ang mga imahen ng armalite na may bulaklak sa dulo o madreng nagrorosaryo sa kalsada habang nakaluhod. Ngunit sabi nga po ng aking Ina, ang tunay na lakas ng People Power may ibang mukha. Hindi ito nangyayari dahil lamang naipit ka na sa isang sulok, kung saan ang likod mo ay nakatulak na sa pader at tila ba wala ka nang ibang magawa kundi ang lumaban. Higit sa pagwagayway ng mga plakard, higit sa pagiging reaksyonaryo, higit sa pagiging matapang: kahandaan ang susi ng tunay na People Power. Kahandaan laban sa katiwalian; kahandaan laban sa kahirapan. At ito ang uri ng kahandaan na taglay ng mga kasama nating mga Mayor mula sa iba’t ibang munisipalidad na nagbabahagi ng kanilang kaalaman para mapabuti pa ang KALAHI-CIDSS [Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan - Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services] program.
Samantalahin ko na ang pagkakataon [drinks water]. Sabi ho ng doctor ko, para gumanda ang boses ko kailangan bawasan ko ‘yung pagsasalita ko. Sabi ko, mahirap ho yatang patakbuhin ‘yung bansa nang sign language. Maliban nalang ho pagka-[makes a gesture]; iyon effective ho na sign language.
Kaya naman po hindi ko alam kung mas uunahin kong ihayag ang aking tuwa, o ipaabot na agad ang aking taos-pusong pasasalamat sa mga pinunong kasama natin ngayong umaga. At hindi po ako magdadalawang-isip na tawagin kayong lahat na bayani. Kung kaagapay ka ng bayan sa kaunlaran; kung inaakay mo ang mga mahihirap nating kababayan upang sila ay umangat; kung marangal mong ginagampanan ang iyong trabaho at hindi mo ninanakawan ang kaban ng bayan, walang duda na ikaw ay bayani. Bahagi kayo ng modernong rebolusyon para puksain ang kahirapan. Bahagi kayo ng martsa ng pamahalaan upang ituwid ang mali sa lipunan. Saludo po ako sa inyong lahat.
Ang mga nalikom na kaalaman at pamamaraan ng mga mayors mula sa kanilang mga bayan ay magagamit natin upang higit pang pagbutihin ang implementasyon ng KALAHI-CIDSS sa mga susunod na taon. Dahil sa inyong mabuting ugnayan sa mga sinasakupan ninyong mga pamayanan, mas madali po nating nagagapi ang gutom at kahirapan. Wala pong duda: Kung mas marami ang nakikilahok tungo sa kolektibong desisyon at nagkakaisang pag-aksyon, mas mabilis nating natatapos ang trabaho, mas nakakatipid pa tayo. Ngayon, kung sa lokal na lebel pa lamang ay marami nang nagagawa ang ganitong mekanismo, isipin na lamang po ninyo kung gaano kalaki ang mai-aambag nito para maibsan ang kahirapan sa pambansang antas. Habang dumarami ang naiipon nating kaalaman sa mas mahusay na implementasyon ng KALAHI-CIDSS, mas marami rin pong paaralan ang mapapasukan ng mga kabataan, magkakaroon ng mas modernong gamit ang ating mga hospital, at mas mabilis maihahatid ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa mga palengke dahil sa sementadong mga daanang hindi po naguguho sa ulan. Sa madaling salita, ang ibinabahagi ninyo ay hindi lamang para sa mga kabarangay o kabayan ninyo: Umaabot ito sa mas maraming Pilipino.
Mulat kayong hindi hawak ng iisang tao ang lahat ng solusyon sa problema. Isa itong manipestasyon na buhay ang diwa ng People Power sa inyong puso at isipan. Bawat mungkahi sa mga pagpupulong, bawat sementong binubuhat para sa pagpapatayo ng health clinic, bawat pisong inilalaan mula sa isang pamilya, para sa kanilang barangay o bayan, ay may makabuluhang kontribusyon upang makabuo ng mas matiwasay na buhay sa mga naghihikahos na Pilipino. Ang nakakatuwa nito, hindi lamang ang lokal na pamahalaan, o ang ating administrasyon; hindi lamang ang DSWD o iba pang mga NGO ang kasama natin sa makabagong People Power na ito. Maging ang World Bank, pati na ang Millenium Challenge Corporation mula sa Estados Unidos ay kaagapay din natin sa bayanihan. Patunay ang mga ito na nag-uumapaw at tumutulay pa sa ibang bansa ang kumpiyansa sa ating mga adhika.
Kaya naman po hinihimok ko kayong imbes na magbangayan (lalo na’t sa hindi pa ako kasali), magdamayan na po tayo. Kapag nagawa natin ito, lumalakas ang mga komunidad, at nilalabanan din natin ang kawalang-malasakit. Habang umaayos ang lokal na pamunuan, nasusugpo din natin ang katiwalian. Habang kinakaharap natin ang kahirapan, natutugunan din natin ang gutom at ang kawalan ng tirahan. Mula pakikiaalam, tayo ngayon ay nakikilahok. Sa halip na maging reactive, tayo ngayon ay magiging proactive. Kapit-bisig tayong kumikilos, at kapit-bisig din tayong nagtatagumpay. Demokrasya mula sa kurapsyon, at kalayaan mula sa kahirapan: Ito ang kahulugan ng People Power; ito ang pamana ng EDSA. Ikinagagalak kong maging kakampi ninyo sa labang ito.
Maraming salamat po sa inyong lahat. Magandang araw po.
Home
/
Dingdong Dantes
/
EDSA
/
Marian Rivera
/
People Power
/
PNoy Speech
/
Speech of President Aquino during the People-Powered Development LGU forum
Speech of President Aquino during the People-Powered Development LGU forum
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment