Talumpati ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-17 LGU Galing Pook Awards at pasinaya ng Performance Challenge Fund
[Inihayag sa Rizal Hall, Malacañan Palace noong ika-17 ng Marso, 2011]
Simula’t sapul pa lang, malinaw na ang gusto nating ipatupad na reporma sa bansa: sugpuin ang katiwalian para maibsan ang kahirapan. Tinutupad natin ito sa pamamagitan ng mabuting pamamahala. Ngunit hindi ito kakayaning mag-isa ng ating administrasyon. Malaki ang papel ng mga lokal na pamahalaan upang magbunga ang ating mga pagsisikap. Kaya naman sa pagdiriwang natin ngayon, higit pa nating pinatitibay ang ugnayan sa pagitan ng ating administrasyon at ng lokal na pamahalaan.
Inilulunsad natin ngayong araw ang isang mahalagang programa sa ating krusada sa pagtataguyod ng makabuluhang pagbabago—ang Performance Challenge (PC) Fund, sa pangunguna ni Kalihim Jesse Robredo at ng Department of Interior and Local Government. Kinikilala nito ang Local Government Units (LGUs) na nagpamalas ng mabuting pamamahala sa kanilang mga pamayanan. Bukod sa pagpaparangal natin sa kanilang katapatan at dedikasyon, sinusuklian din natin sila ng tulong-pinansyal upang masimulan o maipagpatuloy nila ang kanilang mga inisyatibang pangkaunlaran. Lilinawin ko lang po: hindi paligsahan, at mas lalong hindi lamang pabuya ang PC Fund. Isa itong mekanismo upang mapatatag ang mandato ng LGUs na ipatupad ang ating mga hangarin, lalo na ang ating Millennium Development Goals. Wala naman po sigurong tututol kung susuportahan natin ang kabutihan, dedikasyon, at katapatan ng mga karapat-dapat na lokal na pamahalaan, hindi po ba?Kasabay ng paglulunsad ng PC Fund, nandito rin tayo para sa ika-17 taon ng Galing Pook Awards para sa mahuhusay na programa at katangi-tanging pamumuno sa LGUs. May mahigit dalawandaang mga inisyatiba na ng LGUs ang kinilala nito at nabigyang parangal: mula sa mga adhikaing nagpapahalaga sa kapayapaan, hanggang sa pangangalaga sa kapaligiran; mula sa pagpapalakas ng ugnayan ng mamamayan sa kanilang mga pinuno, hanggang sa pagtataguyod ng magandang kabuhayan sa kanilang sinasakupan; mula sa pagtataas sa kalidad ng edukasyon, hanggang sa pagpapabuti ng mga negosyo sa komunidad; talaga naman pong malaki ang nagawa ng mga malikhaing programa ng LGUs sa pagsulong po ng bayan. Kaya naman saludo ako sa mga local chief executives na kasama natin ngayon. Maliban sa paninigurong matagumpay ang mga proyekto, binibigyang-lakas din ninyo ang mamamayan na makilahok sa katuparan ng ating mga adhikain.
Sa unang pagkakataon, ginagawaran din natin po ngayon ang mga katangi-tanging proyekto sa mga LGUs mula ARMM. Hindi lamang tayo namumulat sa kanilang natatanging kultura, nasasaksihan din natin ang tagumpay at kaunlarang maaaring maidulot sa isang komunidad kung umiiral ang responsableng liderato. Nawa’y magsilbing inspirasyon ang ating mga hinirang ngayong araw, sa kasalukuyan ninyong mga pinuno at sa mga pinuno ng susunod pang mga henerasyon.
Sa panig naman ng administrasyon, hindi po maikakaila na todo-arangkada rin tayo sa pagtupad ng mga inilatag nating reporma laban sa gutom, sakit, at kahirapan. Sasagutin po ng pamahalaan ang PhilHealth premiums ng mga maralita nating kababayang napili gamit ang National Household Targeting System (NHTS) ng DSWD. At hindi rin po dapat mabahala ang mga pamilyang hindi sakop ng NHTS, dahil sa napagkasunduang resolusyon ng PhilHealth Board, PhilHealth na rin po ang nagkusang sumalo sa kalahati ng kanilang PhilHealth premiums. Siyempre, bilang pinunong iniluklok ng mamamayan, may mga sakripisyo tayong dapat gawin para sa kanila, at nagpapasalamat po ako sa mga LGUs dahil buong loob niyong hinaharap ang mga ito. Ipagpatuloy pa sana ninyo ang maigting na pagsuporta sa ating mga inilalatag na proyekto, lalo na sa pagiging kabalikat sa pag-aangat ng buhay ng mga kababayan natin, bahagi man ng NHTS o hindi. Kung mamarapatin po ninyo—at matinding pakiusap ho ‘to—may munting pabor lang muli ako sa inyo. Baka naman po kasi bigay nang bigay ang pamahalaan ng suportang pinansyal sa CCT o conditional cash transfers, pero hindi naman pala natatanggap ng mga kababayan natin dahil wala silang sasakyan para makaluwas sa bayan o kulang ang kanilang pamasahe para makarating po sa mga bangko. Huwag po sana ninyong mamasamain kung hiritan ko kayong magsakripisyo at sagutin na ang transportasyon o pamasahe ng inyong sinasakupan. Mahirap ho talagang ipaglaban iyong 21 billion diyan sa CCT nay an e. [Laughter] At mayroon pa ho tayong another 2.3 million families na tinatarget—within the next two years ang ambisyon po natin. Tutal naman po, hindi nila tayo pinagdamutan ng kanilang tiwala noong nangangampanya tayo sa kanila. Sapat lang naman po sigurong suklian natin ito ng pagkukusang-loob na umagapay din po sa kanila.
Nitong nakaraang buwan din po, muli nating binuksan ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng MILF, CPP-NPA-NDF, MNLF, kasama ang Organization of Islamic Conference. Kaakibat na rin dito ang implementasyon ng Payapa at Masaganang Pamayanan Program, na nagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran, sa halip na walang-katapusang putukan sa mga lugar na naiipit sa mga kaguluhan. Matagal nang nabalot sa alinlangan at pagdududa ang mga programang pangkapayapaang ito, binubuhay natin ito sa bisa ng makabuluhang reporma, upang magbunga ng epektibong kasunduan sa panig ng gobyerno at ng mga rebeldeng grupo.
Tinuldukan na rin natin ang sistema ng palakasan at palakihan ng padulas para lang maasikaso ang permit at lisensya ng mga negosyo. Mas maaliwalas na pong mamuhunan sa Pilipinas dahil sa kinumpuni na po natin ang sistema—tinanggal natin ang mga walang katuturang patakaran at pinabilis ang mga prosesong madalas pag-ugatan ng katiwalian. Sa katunayan, may humigit-kumulang 40 mga bayan at lungsod na ang maigting na nagpapatupad sa Anti-Red Tape Act, at naniniwala akong magagamit ito, mula sa pinakamaliit na barangay hanggang sa pinakamalaking lalawigan sa bansa. Habang binubunot natin ang mga tinik sa burukrasya, umaasa akong maitutugma at maisasakatuparan rin ninyo sa lokal na antas ang mga repormang inilalatag ng atin pong administrasyon. Kung sinabi po nating tuwid na landas, wala na po sanang magsho-shortcut. Kayo rin naman po ang makikinabang dito. Ang mga buwis na malilikom at ang mga dagdag na kabuhayang maitataguyod ng mga komersyo, ang magbibigay-lakas sa inyong bayan upang lalo pang umasenso.
Nagtungo din po tayo kamakailan sa Indonesia at Singapore, at talaga naman pong napakalaki ng kumpiyansa at tiwalang ipinagkaloob nila sa atin. Kasama ang kanilang mga pinuno, tinalakay natin ang mga programang maaaring pagtulungan ng ating mga bansa upang makapagtaguyod ng mas mataas na antas ng edukasyon, at mas maraming oportunidad sa trabaho, pagnenegosyo, at turismo.
Dahil sa liwanag ng repormang nagsisilbing gabay sa ating bayan, umaasa akong mas marami pa ang kikilalanin nating mga programang bibigyan ng parangal sa mga susunod na taon. Ang pagpapaunlad sa ating bansa ay hindi kakayanin ng isang tao o ng isang institusyon lamang. Marami pa tayong pagdadaanang laban at kailangan natin ng maraming kakampi. Mahalagang mula pa man sa pinakamababang antas na unang takbuhan ng ating mga kababayan, katapatan na ang namamayaning diwa sa pamamahala. Magkasundo po tayo, sa halip na magtalo. Magkaisa tayo sa ngalan ng marangal na paglilingkod sa mga Pilipino. Napipinto na po ang liwanag ng kaunlaran; sabay-sabay natin itong abutin, bilang isang bayan.
Magandang hapon po. Maraming salamat at mabuhay po tayong lahat.
No comments:
Post a Comment