Speech of President Aquino at the Baccalaureate Mass for the graduates of the Ateneo de Manila University


The seal of the Ateneo de Manila University, s...Image via Wikipedia
Talumpati ni Benigno S. Aquino III
 Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagdalo sa Misa para sa mga magtatapos ng Ateneo de Manila University

[Inihayag sa High School Covered Courts ng Ateneo de Manila noong ika-25 ng Marso 2011]
Matagal na rin akong hindi nauwi dito sa Ateneo. Noong kapanahunan ko nga po, dahil sa Citizens Military Training, sapilitang pinatatabas ang mga buhok namin. Eksakto po sana ang pagbabalik ko, kasi ngayon, kusa nang nauubos ang buhok ko. Pero hindi na nga ho pala required ang CMT ngayon—volunteer na. Marami na talagang nagbago. Hindi ho kasama itong covered courts; pareho pa rin ho yata.
Balita ko po’y nagretiro na ang aking mga guro tulad ni Ginang Escasa. Guro ko po siya sa Filipino noon na kung makaporma po ay parang araw-araw papunta sa Graduation Ball. Kahit walang aircon ang mga classroom namin noon, ang damit po niya’y talagang gown. Pero kailangan ko namang masabi ang isang katotohanan. Sa dami ng humahanga sa pananagalog ko, kay Ginang Escasa ako dapat magpasalamat. Sabi niya, kung magtatagalog ka, diretsuhin mo na. Huwag ‘yung hinahaluan pa ng Ingles, like kung ano ang manner of speaking ng marami sa youth right now.
Ang problema lang po, sa sobrang galing ni Ginang Escasa, lahat ho ng diksyunaryo sa National Bookstore na English-Filipino, binili namin, eh wala ho silang binatbat sa galing at dunong nga ni Ginang Escasa. So doon ho, nag-umpisa na kami kung paano ba maghanda sa mga Mission Impossible.
Naaalala ko rin po ang isa ko pang propesora, si Ms. Advincula; propesor ko sa Political Science. Unang araw pa lang ng klase, graded recitation na agad. Hinanapan kami ng libro ng Constitution, at pinalabas ang mga walang dala. Siyempre, bilang responsableng estudyante, buong-galang at katapatan naman po akong lumabas ng kuwarto. Kala namin briefing, ang nangyari po, cut kaagad.
Tinuruan niya kami ng Saligang Batas sa panahon kung kailan binababoy ito ng diktaturya. Sabi niya, mali ang umiiral noon. Pero pagdating ng panahon, kayo ang mamamahala. Kailangang klaro sa inyo kung ano ang tama at kung ano ang mali, at ito ang itinuro niya po sa amin. Kaya pagdating ko po sa Kongreso, may kumpiyansa akong makipagdebate sa mga abugado tungkol sa Saligang Batas. Matibay kasi ang pundasyong ipinamana sa akin ni Binibining Advincula.
Wala na nga po sina Ginang Escasa at Ms. Advincula, pero bitbit ko sa labas ng Ateneo ang mga aral na nanggaling po sa kanila—dahil ang tunay na diwa ng edukasyon, hindi maikakahon sa isang akademya. Dala natin ito sa kalakhang lipunan. At nagbabago man po ang mga gusali o nawawala ang mga propesor, may mga prinsipyo at paniniwala na nagtatak ng ating pagka-Atenista, at hindi kailanman dapat itong maglaho.
Ang tanong po sa bawat graduate ng Ateneo: Sinikap mo bang maging Man for Others?
Panahon pa lang ni Rizal, iyan na ang punto ng pagka-Atenista. Puwede naman niyang piliin na huwag na lang makialam, at magpaibig ng mas marami pang kababaihan. Pero malinaw sa kasaysayan ang landas na kanya pong binagtas, ‘di po ba?
Marami ring Atenista ang nanindigan noong Batas Militar. Mismong ang aking Budget Secretary na si Butch Abad, dinakip noong Martial Law. Nakiusap kay Marcos si Fr. Jose Cruz na dating Pangulo ng Ateneo, kaya naman imbes na sa kulungan, dito na lang po sa campus ikinulong si Butch Abad; kasama niya ang asawang si Congresswoman ngayon, Dina Abad, na founding Dean ng Ateneo School of Government. At para kuntento na po si Ginoong Marcos, pati na po ‘yung sanggol nila noong panahon na iyon na si Julia Abad—noong ipinanganak, dalawang taon ang buhay niyang nakakulong na rin po. Siya po’y naging Atenista rin at ngayon po’y pinuno naman ng Presidential Management Staff. Idagdag na rin natin ang kapatid ni Julia na si Luis, na kasamang nagmartsa nitong huling dekada ng kadiliman, at ngayon ay Chief of Staff ng ating Department of Finance sa edad na beinte-tres. Halos magka-edad po kami.
Nasa dugo na yata ng mga Abad ang maging overachiever. Pero imbis na magpayaman, pinili nilang maglingkod sa bayan. Pinili nilang maging tunay at ganap na Atenista.
Ganoong paninindigan din ang hinanap sa ating lahat nitong huling dekada ng kadiliman. Maraming Pilipino ang nagdalawang-isip kung magpapaka-Man for Others ba sila laban sa katiwalian. Alam ho n’yo, ibinalita nga ho sa akin, noong isang taon, nagkaroon ng mock elections bago iyong national elections, at dito raw po sa pinaggalingan ko, ang nanalo sa mock elections galing sa La Salle.
Pero okay lang po sa akin iyan. Mas maraming namang mga Atenista ang nangampanya sa akin kaya ako po ang Pangulo ngayon. Thank you sa inyo.
Kaya nga po malala ang namana nating mga problema sa kasalukuyan. Sa halip na dugtungan na lamang ang tamang naiwan, kailangan ko po munang iwasto ang mga iniwang mali. Halimbawa na lang sa ating pong power sector, may desisyon noong 2004, dahil malapit sa eleksyon, na huwag pataasin ang presyo ng kuryente. Dinagdag sa utang ng NAPOCOR: 200 billion pesos, in one year alone, para lang magpapogi. At hindi lang akin ang utang na ito. Paalala ko lang ho sa inyo: Utang nating lahat ito. Ang todo pong pagkakautang ng ating power sector under PSALM [Power Sector Assets and Liabilities Management Corp.] ay umaabot na po ng one trillion pesos.
Talaga naman pong may mga bagay na mahirap gawin, pero dapat gawin, kaysa mag-iwan ka pa ng problema sa mga susunod sa iyo. At malinaw sa akin, inihalal tayo hindi para gawin ang madali, kundi para gawin ang tama.
Kaya nga natin ginawa itong mahirap na hakbang para ma-impeach ang Ombudsman. Sino ba naman ang naghahanap ng kaaway? Mas madali naman talagang manahimik at sumabay na lang sa agos. Pero paanong mananahimik sa harap ng kasuklam-suklam na pagkukunsinti at pakikisawsaw sa katiwalian?
Saan ka ba naman nakakita na pumapayag sa plea bargaining agreement, kung saan isasauli lang ang kulang pa sa kalahati ng diumano’y ninakaw, makakalaya na ang salarin? Kaya nga naghain tayo ng motion to intervene through the OSG [Office of the Solicitor General], para mapigil ang di-makatarungang plea bargain na ito. Sa halip na tulungan tayo, tinutulan pa ang intervention motion ng Ombudsman. Sabi po nila kamakailan sa Senado, kung alam lang nila ang ebidensya, hindi sila nag-plea bargain. Ngayon alam na nila, hinaharang pa mag-intervene ang OSG para mapigilan ‘yang plea bargain na iyan.
Hindi naman palaging mahirap gawin ang tama. Kung naaalala ninyo, noong Ondoy, bago tayo ilagay sa puwesto, kabi-kabila ang pangangailangan na hindi natugunan. Ilang buwan pa lang tayo sa puwesto, dumating ang isa pang super typhoon na ang ngalan ay Juan. May narinig po ba kayong nangailangan? May nagsabi bang pinabayaan sila? Wala naman pong nadagdag na kagamitan. Ginawa lang po nating puspusan ang paghahanda, itinutok ang pondo kung saan kailangan, at nagtalaga ng mga tunay na prupesyunal bilang pinuno ng NDRRMC at PAGASA. Ngayon po, miski ‘yung mga ayaw lumikas, nakaya nang balikan ng ating mga ahente ng estado para tulungang makalikas tuwing may sakuna. Binabalikan pa ng mga nasa katungkulan kaysa minsanan lang puntahan.
Sa ganitong mga paraan natin sinisikap na ibalik ang tiwala ng taumbayan. At galing sa tiwala ninyo ang panibagong kumpiyansa ng mga negosyante sa atin pong ekonomiya. Sa dami ng mga nagtatayo ng BPO dito, nalagpasan na natin ang India na dating number one sa larangan ng call centers. Kung dati walang mahanap na trabaho—may bagong problema tayo ngayon—ngayon ang problema natin kung paanong pupunuan ang mga nag-aabang na pusisyon dito po sa BPO. Nitong taon lang pong ‘to, 80 to 100 thousand jobs are set to be created. ‘Di po ba’t mas magandang problema ang tinatanaw natin ngayon?
Ngayong papasok na si Fr. Jett Villarin bilang Pangulo ng ating pamantasan, nakakasiguro akong anuman ang iiwan kong mensahe ngayon ay ibabalita pa sa mga susunod na Atenista. Tiyak na lalalim ang pakikilahok ng Ateneo sa paghubog ng bayan. Kahapon po, ako’y nasa Cagayan de Oro. Inimbitahan ako ni Fr. Jett sa Xavier. “Kung may oras ka, dumaan ka muna dito.”
Sabi ko, “Pasensya ka na, lima ang lakad dito. Masikip ang schedule.”
Sabi niya sa akin, “Nauunawaan kita. Talagang mahirap iyang napasukan mo. Siguro diretso ka na sa langit.”
Napag-isip ako—bakit kaya? Dahil ito na raw po ang purgatoryo ko.
Bilang isang Atenista na wala pa naman masyadong maipagmamalaki, hindi naman siguro mamasamain ang kaunting payo na kaya kong pong ibigay sa inyo. Huwag po kayong mag-alala, hindi ito tungkol sa lovelife. Huwag na natin iyang pag-usapan. It’s not only complicated, it’s also private.
Narinig na po ninyo ito: Madalas tayong maharap sa sangandaan. At sa sangandaang ito, ang pinakamahalaga kong payo: Huwag kayong matakot na gawin ang tama.
Ang tanong ko sa Atenista, hanggang saan ang pagiging Man for Others mo? Gaano kalayo ang down from the hill? Halfway down the hill lang ba? Kung kayo na ang nasa tuktok ng mga korporasyon, ituturing ba ninyo ang mga nasa ilalim bilang kapwa-tao, o bilang mga kasangkapang dagdag-gastos lamang? Kung wala nang nakatingin, kung wala nang nagdidikta, at kung hindi na kasama sa computation ng QPI, gagawin mo pa rin ba ang tama?
Alam po ninyo ang dapat isagot dito; ilang taon din ninyong pinagmunihan ito. Mali ang maging ugat ng paghihirap ng kapwa. Mali na tumunganga habang may nakikitang nagdurusa. Mali na balewalain ang kapwa-Pilipino. Anumang kilos natin, gaano man kaliit, ay tiyak na nakakaapekto sa kanila.
Bilang Atenista, bilang Pilipino, bilang taong nagpapakatao, obligasyon nating gawin ang tama. Kung may nagdurusa, ibukas ang puso sa kapwa. Kung may naghihirap, maging bukal ng ginhawa. Kung may nangyayaring mali, huwag magpatumpik-tumpik na magbigay ng One Big Fight laban dito. Pakiusap ko lamang po sa inyong mga magtatapos, huwag ninyong tipirin ang inyong mga pangarap. Damay-damay ang Pilipino sa problema, at damay-damay din tayo sa solusyon at ginhawa.
Si Secretary Mario Montejo ng DOST, hindi po natakot mangarap. Ang pangarap niya, tuluyang mawala ang dengue sa Pilipinas. Kabi-kabila ang nagsasabing hindi maaalis ang dengue, imposibleng magawa iyan. Masyadong mahal, wala tayong pondo. Ang ginawa niya, pinag-aralan niya ang problema, at ang simpleng tugon: Lata na may itim na kahoy na may lamang solution na papatay sa itlog ng lamok na inakit ng itim na kahoy. Barya, integridad, at pangarap lang po ang puhunan ng aparatong ito. At kahit hindi natin mapuksa nang buo ang dengue, wala akong duda na pagbaba ko ng puwesto, kakaunti ang magdurusa dahil ito. At dahil ito sa isang pangarap ni Secretary Mario Montejo.
Kayo naman po’y nakita ninyo sa TV, ‘pag nagkaroon ng dengue, lalabas kaliwa’t kanang mayor, governor, tangan iyong pang-fumigate, awa ng Diyos, itinulak lang sa kabilang barangay iyon pong lamok.
Sa araw na ito, bilang mga graduate, tapos na ang panahon ng “get that ball.” Sabi nga ng tatay ko, na minsan ding pumasok sa pamantasang ito, “the ball is now in your hands.” Tumawid na kayo mula sa mga nag-aabang, tungo sa mga pumapasan ng tungkulin.
Tungkulin ng bawat henerasyon na ipagpatuloy ang magandang nasimulan ng nauna sa kanila. Kaming mga nauna sa inyo ay nagsusumikap na huwag nang ipasa ang mga problemang namana namin. Umaasa ako na kayo naman ay magsisikap ding huwag nang mag-iwan pa ng mga problema sa mga susunod na salinlahi.
Limang taon at tatlong buwan na lang po ang natitira sa trabaho kong ito. Pagkatapos nito, magpapahaba na akong muli ng aking buhok. Simple lang naman po ang pangarap ko sa buhay: Kapag tinawag na ako ng Poong Maykapal, at sinabi Niyang finished or not finished, pass your papers, maipagmamalaki kong naiwan ko ang mundong ito nang mas maayos kaysa sa aking dinatnan. Iyan din po ang panawagan ko sa bawat isa sa atin.
Kasama ninyo ako, sampu ng buong sambayanan, sa pagtugon sa panawagang ito. Atenista, samahan mo kami. Hinihintay ka na sa babaan ng burol. ‘Ika nga ni Padre Ferriols, Lundagin mo beybe!’’
Binabati ko po ang Batch 2011—‘di ho nalalayo sa batch ko; mayroon din pong ‘1’ sa dulo ng batch namin; ang mga magulang na talaga namang pong nagsakripisyo para mapagtapos kayo; at ang mga guro at administrador na naghulma sa bagong henerasyon ng Atenista.
Magandang umaga po sa inyong lahat. Humayo tayo, at sabi raw sa Philo: mag-Meron.

No comments:

Post a Comment