Speech of President Aquino at the ceremonial awarding of social services to Region X beneficiaries at Cagayan de Oro


P-NoyImage via WikipediaSpeech of His Excellency Benigno S. Aquino III     President of the Philippines

During the Ceremonial Awarding and distribution of social services to Region X beneficiaries, and the signing of a memorandum of understanding on Italian assistance to the Agrarian Reform Community Development Support Program
[Delivered at Bgy. Macasandig, Cagayan de Oro City on March 23, 2011]
Noong kampanya po sabi ko eh, itinuro sa aking Cebuano, sabihin ko raw ho ‘yung, Daghan diay gwapa dinhi sa CDO. Sabi ko kailangan naman madagdagan yan. Ang sabi ho sa akin—mukhang mas tama ho ito eh—Misamot kadaghan ang mga gwapa diri sa Cagayan de Oro. [laughter] Mukhang tama pa rin ho. Daghan salamat po.
Marami pong nangyayaring sakuna ngayon sa loob at labas ng bansa. Nandiyan po ang sunod-sunod na mga lindol at tsunami, maging ang mga sigalot sa ibang bansa. May mga araw po tuloy na bad news ang almusal natin, at buong araw na rin natin itong pinapasan. Buti na lang po, nabigyan tayo ng pagkakataon na bumisita sa Cagayan de Oro, hindi lamang para ipaalam ang mabubuting balita, kundi para ipaabot sa inyo ang magagandang bunga ng ating mga reporma—at baka mamaya po’y makakain ng Slers Chicharon. Hindi naman ho ako nagpaparinig kay Governor [Oscar] Moreno. Hindi ho.
Mabilis po ang pag-usad natin sa pagtupad ng ating mga programa laban sa katiwalian at kahirapan. Sa kabila ng mga lubak na nagpapabagal sa pag-arangkada natin tungo sa ganap na kasaganahan, buong-pagsisikap po nating sinosolusyunan ang mga ito, sa tulong ng mga tanggapan ng ating gobyerno tulad ng DSWD, DOH, DAR, pati na rin po ang HUDCC.
Patunay na nga po dito ang todo-kayod nating pagtataguyod ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD. Talaga naman pong nasisiyahan akong personal na maipaabot ang tulong na ito sa mga kababayan natin dito po sa Cagayan de Oro at Cagayan de Oro at karatig na lugar. Nais ko lang pong linawin na ang mga cash grants na ipinagkaloob natin sa inyong mga pamilya, ay hindi basta-basta perang ipinamimigay. Hindi po ito game show. Wala po kaming iaabot sa inyong higanteng tseke, walang lalapit na DTI representative. Hindi po ito pagpapapogi. Ganap na pagtulong po ang hatid natin. Higit sa pera, disiplina ang kalakip nito sa bawat pamilya. Para sa magulang: disiplina sa paghahawak ng pera at pag-aaruga sa mga anak. Sa mga anak naman: dedikasyon sa pag-aaral nang mabuti sa eskwela. Pinatatatag po nito ang kakayahan ng pamilyang mabuhay nang disente.
Sa kasalukuyan, halos isa’t kalahating milyong pamilya na po sa buong bansa ang natulungan ng Conditional Cash Transfer Program. Isang milyong pamilya pa po ang target nating isalba sa kahirapan sa pagtatapos ng 2011. Dito sa Region 10, halos isang bilyong piso na ang naipagkaloob ng DSWD para sa halos 90,000 na pamilya mula 2008 hanggang 2010.
Ganoon din po ang layunin ng Self Employment Assistance—Kaunlaran Program. Inaangat natin ang kabuhayan ng ating mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang mga hanapbuhay. Nitong Pebrero lang, nakapaglabas tayo ng humigit-kumulang 150 milyong piso para sa programang ito sa Region 10. Idagdag pa po rito ang mga nabahagingan … nabahaginan—Kapampangan nga po tayo, pasensya na po—natin sa araw na ito.
Ang Social Pension for Indigent Senior Citizens ay sumasagisag naman na hindi natin kinakalimutan ang mga nakatatanda na nangangailangan ng suporta. Sa natanggap nating balita, kumpirmado na ang kwalipikasyon ng ilang senior citizens sa inyo pong rehiyon.
[Coughs] Naisip po ako siguro ng Ombudsman, pasensya na kayo. [Laughter]
Makakaasa kayong magtutuloy-tuloy ang serbisyong ito para sa mga senior citizens. Gusto ko lang pong linawin na hindi pa po ako kasama sa programang ito—malagal pa po. [Laughter] Malayo pa po bago tayo umabot sa pagiging isang sixty-zen.
Hindi rin natin papabayaan ang sektor ng kalusugan. Sa pagpapaigting ng programa ng PhilHealth, magkakaroon na ng easy access sa pagpapagamot ang mga Pilipino, sa loob lang ng tatlong taon. Hindi lang para sa mayaman ang serbisyong pangkalusugan. Hindi tayo papayag na ang mahirap, may sakit na nga, papahirapan pa. Sa taon lang pong ito, hindi bababa sa tatlo’t kalahating bilyong piso ang inilaan natin para sa Health Insurance Premium ng mga maralitang pamilya.
[Coughs] Marami ho yatang kalaban ang nagiisip sa atin ngayon. Okay lang iyon—3 percent lang sila. [Laughter]
Tinukoy natin ang mabibiyayaang pamilya dito gamit ang National Household Targeting System for Poverty Reduction ng DSWD. Ang maganda pa rito, handa na nating ilabas ang PhilHealth Cards para sa mahigit limampung libong pamilya dito lang po sa Misamis Oriental. Kaya kapag nakita ko po si Governor Oca, palagay ko marami na ang ngiti niya.
Inihanda na rin po ng PhilHealth ang pagkakaloob ng siyam na milyong piso para sa lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro para sa kapakanan ng tatlumpung libong maralita nating mga kababayan.
Maliban po dito, may mga magsasaka din po mula sa tatlong probinsya ang pinagkalooban natin ngayon ng Certificate of Land Ownership upang mapasakamay na nila ang lupa na kanilang sinasaka. Sa pangunguna ng DAR, nasaksihan din po natin ngayon ang pagpirma sa Memorandum of Understanding sa pagitan ng Pilipinas at ng Italy (Puwede ho ba nating palakpakan ang ating ambassador from Italy? Baka dumami pa ho ang itutulong sa atin ng Italy: lakasan pa ho nating kaunti kung pupuwede)—para sa pagpapatupad ng Italian Assistance to the Agrarian Reform Community Development Support Program. Kaakibat ng kasunduan nating ito ang pagpapagawa ng mga rural na imprastraktura; pagkakaloob ng mga batayang serbisyong panlipunan; pagpapalago ng produksyon sa agrikultura; at pangangalaga sa atin pong kalikasan.
Hanggang ngayon po, marami pa rin po sa ating mga kababayan ang nagsisiksikan sa lungsod bilang mga informal settlers. Iniinda pa rin po ng maraming Pilipino ang kalunos-lunos na imprastraktura sa kinatitirikan ng kanilang mga bahay: ang kawalan ng maayos na daan, suplay ng kuryente at tubig. Nagpapasalamat po tayo sa mga kasangga nating ahensya gaya ng Social Housing Finance Corporation at National Housing Authority para mabigyan sila ng maayos na pabahay. Nariyan po ang inihandog natin ngayong mga titulo sa ilang mga indibidwal at organisasyon bilang benepisyaryo ng Community Mortgage Program at Slump Upgrading Program. Ginagawa po natin ito upang bigyan kayo ng maayos at marangal na pamumuhay.
Noong Lunes lang po, panibagong good news ang hatid ng mga kongresista natin. Umakyat na po kasi sa Senado ang kasong impeachment laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Patunay itong marami tayong kasabay na humahakbang tungo sa krusada nating panagutin ang mga nanlalamang sa kanilang katungkulan. Lalo pa nitong mapapabilis ang pagtutuwid natin sa mga baluktot at kwestyonableng hatol sa mga kaso ng katiwalian sa bansa. Hindi natin hahayaang mailibing na lamang sa limot at walang managot sa mga isyung tulad ng fertilizer scam, NBN-ZTE deal, Megapacific deal at iba pang malubhang kaso ng korupsyon.
Alam ho niyo, sabi ho sa akin doon sa Megapacific: Sabi raw po ng Korte Suprema mayroong krimen na ginawa. Sagot raw po ng Ombudsman, may krimen na ginawa, pero walang kriminal na gumawa ng krimen. Paano ho kaya nangyari ‘yun? Walang gumawa noong nangyari.
Baka po mayroon sa inyong nagtatanong sa sarili: Ano ba ang kahalagahan ng impeachment case na ito? Hindi ba pulitika lang ito? Hindi po. Nangako po ako sa taumbayan na susugpuin natin ang katiwalian. At ang Ombudsman, bilang piskal ng bayan, ang tanging kakampi ng mamamayan sa pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno. Ngunit malinaw po na ang Ombudsman na ito, sa mga nakaraang taon, imbes na labanan ang katiwalian, ay tila pinoprotektahan pa ang mga opisyal ng nakaraang administrasyon na nasangkot sa korupsyon. Isang halimbawa nito ang nababalitaan ninyong kaso ni General Carlos Garcia, na sinasabing nagnakaw ng 300 milyong piso sa kaban ng bayan. Ano ang ginawa ng Ombudsman? Pinasoli ang kalahati at binalak na ipawalang-sala na lamang ang akusado sa pamamagitan ng isang plea bargain. Tama po ba iyon? Nanakawan ka, isosoli sa iyo ang kalahati, sasabihin mo pa “thank you”? My goodness gracious!
Ang pera ng bayan na dapat ginagamit natin para sa mga programang pinakikinabangan ninyo ay hahayaang nakawin ng iilang mga opisyal. Hindi ho pupuwede habang nandito ako.
Kaya naman nagpapasalamat po tayo sa ating mga mambabatas sa Mababang Kapulungan sa masusing pagpapasa ng impeachment complaint. Ngayong umusad na po sa Mataas na Kapulungan ang kaso, buo ang aking tiwala sa ating mga Senador na ang interes ng taumbayan ang gagabay sa kanila sa pag-uungkat sa mga katiwalian ng  Ombudsman, lalo na po kung mamatiyagan natin silang lahat.
Puwede ho ba iyon? [Cheers]
Parang ang hina ho yata iyon, baka nagiisa nanaman ako yata niyan. [Louder cheers]
Dito po medyo mahihirapan ho ako nang kaunti (papaalala ko lang pos a inyo na ako po ay Kapampangan): Pwede napod mangandoy. Naibalik na po natin sa taumbayan ang kapangyarihan sa pagkamit ng kasaganahan. Liwanag ang ating natatanaw habang tinatahak natin ang daan tungo sa pagbabago. Marami man tayong hamon na dapat pang lampasan, makakaasa kayo sa tapat at mabuting pamamahala ng atin pong administrasyon. Basta tayo ay sama-sama at ang interes ng ating kapwa bago ang sarili ang inuuna, wala po tayong problemang hindi kakayanin. Manatili tayong nagdadamayan para sa kapayapaan, kalayaan at demokrasyang hindi naaagrabyado ang mas nangangailangan. Hindi po magtatagal, tuluyan nang aasenso ang mga Pilipino.
Ipadayon nato ang pagsubay sa tul-id nga dalan, pangadto sa katumanan sa atong mga pangandoy. Tama ho ba iyon? [“Tama!"] Baka dapat umaawat na po ako habang tsumatsamba pa!
Maraming maraming salamat po, mabuhay po kayong lahat, at tulong-tulong ho tayo sa pagbabago. Magandang hapon ulit.

No comments:

Post a Comment