Image via WikipediaTalumpati ni Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa anibersaryo ng pagpanaw ni dating Kalihim Emilia Tabalanza Boncodin, at sa pagpapasinaya ng Emilia t. Boncodin hall ng Department of Budget and Management
[Inihayag sa Department of Budget and Management, Malacañang noong ika-15 ng Marso, 2011]
Sabi ko ho kay [Cavite Representative] Jun Abaya kanina, “Pare ang lakas ng aircon dito sa DBM ah.” Malakas ho pala itong electric fan. Talaga hong masinop yata kayo, kaya okay na rin po ‘yan.
Tinatanong ko rin ho kay [DBM Secretary Butch Abad] kanina—kasi sabi ho ni Butch, “Alam mo ‘yung culture ni Emy talaga sa DBM, iba eh.”
Sabi ko, “Bakit?”
‘Yung lunch namin noon,” aniya, “kapirasong kanin, kapirasong ulam araw-araw.”
Sabi ko: “Paano ‘yan Butch, eh nag-imbita ka ng lunch ngayon? Mahaba pa ang araw ko, sana huwag masyadong kapiraso.”
Tuwing nababanggit ang mga katangiang marangal, kababaang-loob, matapat, at may prinsipyo, kadalasan ay isang santo, o isang bayani ang inilalarawan nito. Bihira natin naiisip ang mga katangiang ito kapag kawani ng pamahalaan ang inuugnay dito. Pero kapag ang pangalang Emilia Tabalanza Boncodin ang ikinabit sa mga katangiang ito, walang duda na isinabuhay niya ang pagpapakumbaba, katapatan, at integridad sa bawat araw ng kaniyang panunungkulan. Sa humigit dalawampung taon ng kanyang serbisyo-publiko, pinatunayan ni Emy na hindi nadadaan sa pagrampa ng magarbong kadamitan, o pagkakamal sa pondo ng gobyerno ang pagiging lingkod-bayan. May kaakibat itong responsibilidad bilang tulay ng mamamayan, may hinihingi itong kabayanihan upang ituwid ang nalalantad na kamalian, at sagrado itong obligasyon sa bandila at sa estado. Walang duda: maaaring ituring na bayani si Emy. Higit sa lahat, isa siyang ehemplo ng serbisyo publiko na dapat pong pantayan.
Isang taon na rin pala ang lumipas mula nang pumanaw si Emy. Isang taon na rin pala ang nagdaan mula nang nabawasan tayo ng kakampi sa pagtataguyod, hindi lamang ng galing at talino, kundi katapatan sa pagpapatupad ng burukrasya. Isa na nga po ako sa maraming Pilipinong nagulat, at nanghinayang sa kanyang biglaang paglisan. Minsan lang tayo biyayaan ng Panginoon ng mga taong, sa kabila ng mga hamon at tukso, nanatiling naninindigan sa kaniyang prinsipyo, at tanging kapakanan ng mamamayang Pilipino ang gumabay sa kaniyang makulay na karera sa serbisyo. Tiyak kong, tulad ng ilang kaharap ko ngayon, marami sa atin ang malapit, at may maibabahaging interesanteng kuwento ukol sa buhay ni Emy. Sa ating pagbibigay-pugay, hindi natin maiwasang magbalik-tanaw sa mga naiambag niya sa pagbubuo sa kung ano tayo ngayon.
Bago pa man siya pumasok sa pamahalaan, hindi na mabilang ang mga medalya at parangal na iginawad sa kanya. Sa kabila ng mga ito, hindi ito nagtanim ng yabang o nagpalaki sa kanya pong ulo. Pinatunayan niyang ang tayog na maaaring makamit ng isang simpleng Pilipina ay maaari ring mai-alay sa kaniyang kapwa Pilipino.
At ang galing niya ay hindi po niya sinarili. Tiniyak niya na maituturo niya ito sa nakababatang henerasyon upang hindi na muling lumaganap ang baluktot na paggugol ng pera ng bayan. Kaya naman bilang isang professional lecturer, ibinahagi niya ang kanyang kaalaman at karanasan sa kanyang mga estudyante sa National College of Public Administration and Governance ng University of the Philippines, at sa Lyceum of the Philippines. Ipinamulat niya sa maraming kabataan na ang pera ng pamahalaan ay pera ng bawat Pilipino, na ang paglilingkod sa bayan ay paglilingkod ng tapat, at ang malinis na paninindigan ay mas mahalaga kaysa pa sa talino.
Isa pong karangalan ang makasama at maging kasangga si Emy sa serbisyo. Bilang budget consultant ko noon sa Senado, malaki ang kanyang inambag sa mga repormang nais nating maipatupad noon, na siya namang balangkas ng mga plano natin ngayon. Isa na rito ay ang paniniguro na walang tatagas na sobrang pondo ng pamahalaan. Dahil sa kanyang husay at kritikal na ebalwasyon sa paggasta ng pamahalaan, napigil natin ang paglulustay ng pera ng taumbayan nang dahil sa walang patumanggang alokasyon ng pondo sa walang-katuturang gastusin. Pinasimulan niya ang Philippine National Budget Monitoring Network na siyang nagbigay-lakas sa civil society organizations para busisiin at suriin ang pambansang pondo, lalo na ang mga kontrobersyal na proyekto na naglustay lamang sa kaban ng bayan. Bilang isang dalubhasa sa public finance, budgeting, at financial management, isipin na lamang ninyo ang dami ng perang dumaan sa kanyang kamay at nang-akit sa kanyang manlamang o mangurakot. Pero dito nga po tayo bilib kay Emy: sa kabila ng kaliwa’t kanang tukso, ni minsan ay hindi siya nagpatangay sa agos ng kurapsyon, kahit pa alam niyang marami siyang makakabangga sa pagtalikod sa status quo. Habang ang iba ay abala sa pagiging tuta ng tiwaling boss, hindi siya kailanman naging sunud-sunuran sa bulok at baluktot na mga utos at patakaran. Nang walang-alinlangan siyang tumiwalag sa ma-anomalyang gabinete ng akin pong pinalitan, at lumahok sa Hyatt 10, nanindigan siya at hindi nagpasindak sa anuman pong suhol o takot. Mulat siyang taumbayan ang kaniyang pinaglilingkuran, at hindi kailanman mape-presyuhan ang kanyang prinsipyo, tanggalin man po siya sa katungkulan.
Marami pa sana tayong pagsasamahang laban, marami pa sana tayong pagtatagumpayang mga reporma sa piling ni Emy. Hindi naman siguro mamasamain ni Kalihim Butch Abad kung aaminin kong noong pinag-isipan ko ang pagbuo sa aking gabinete, first choice ko po talaga si Emy bilang kalihim nga ho ng DBM—pero si Butch ho magaling rin [laughter]. At ngayong nasa pangangalaga nga ni Kasamang Butch ang DBM, sa ilalim ng prinsipyo at integridad na gumabay din kay Binibining Emilia Boncodin, tiwala akong hindi tayo maliligaw.
Ito na nga marahil ang pamana, at hamon ni Emy sa ating lahat. May mga pagsubok at tukso na araw-araw nating kakaharapin, at obligasyon nating piliin palagi ang desisyong kapaki-pakinabang sa mga taong pinagsisilbihan natin. Ang hinihingi ng panahon natin ngayon ay hindi lamang pamumunong mahusay, kundi ang pamumunong marangal. Batikusin man tayo o alipustahin dahil simple ang ating suot, o dahil sa pagnipis ng ating buhok, hindi nila kailanman maikakailang buong-puso tayong naglingkod sa mamamayan, at interes lamang ng bayan, at hindi panlalamang, ang ating isinasakatuparan.
Maraming salamat po at nawa’y biyayaan pa tayo ng mas marami pang Emilia Boncodin sa atin pong pamahalaan!
Salamat po.
No comments:
Post a Comment