Statement of President Aquino upon his arrival from his state visits to Indonesia and Singapore

The Flag of the President of the PhilippinesImage via Wikipedia

Statement
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
Upon his arrival from his state visits to Indonesia and Singapore
[Delivered at the Ninoy Aquino International Airport on March 11, 2011]

Una sa lahat, nagpapasalamat po tayo sa Poong Maykapal at nakaligtas ang ating bansa sa pinsala ng tsunami mula sa lindol sa Japan.
Nagpaabot na po tayo ng simpatya sa pamahalaan ng Japan, at patuloy tayong nakikipag-ugnayan sa kanila upang siguruhing ligtas at nabibigyan ng agarang-lunas ang mga Pilipino sa kanilang bansa.
Dahil po mismo sa krisis tulad nito kaya masigasig nating pinipilit na lumakas ang ating ekonomiya, upang magkaroon tayo ng kapabilidad na tumugon sa anumang hamon.
Natuwa ako nang malaman kong buong-buo ang suporta ng ating mga karatig-bansa sa adhikaing ito. Nakasubaybay po sila sa mga pangyayari dito sa atin; masinsin nilang binabantayan kung natutupad nga natin ang mga ipinangakong reporma. Malinaw din naman ang pahiwatig nilang natutuwa sila sa narating natin sa maikling panahon pa lamang.
Sunud-sunod po ang naging pirmahan ng mga kasunduan sa pagitan ng gobyerno natin at ng Indonesia. Meron po sa edukasyon, sa palakasan, at sa pagsugpo ng transnational crime.
Mula sa magkasamang pagpapatrol ng mga dagat natin, hanggang sa kung paano mag-aambagan para mailikas ang mga Overseas Filipino at Overseas Indonesian workers mula sa panganib, ay napag-usapan namin.
Nakapulong din po natin ang mga pinuno ng kanilang industriya. Ito po ang mga taipan na talaga namang makakapagpasok ng napakaraming kalakal sa ating bansa, na lilikha ng napakarami ring trabaho. Ang mga grupong Salim, Lippo, Bakrie, Barito Pacific, at marami pang iba, lahat po ng mga taipan na ito ay ganadong magtayo ng negosyo sa ating bansa. Nagpahiwatig na po ang maraming mga negosyante ng interes sa sektor ng turismo.
Buo rin po ang pakikiisa ng gobyerno ng Singapore sa atin. Nagpahiwatig sila ng optimismo sa landas na ating tinatahak.
Mahirap pong isa-isahin ang mahabang listahan ng mga interesadong negosyante mula sa Singapore. Handa silang makisalo sa mga Public Private Partnerships, lalo na nang maliwanagan sila ukol sa mga repormang nasimulan na natin, at itutuloy pa. Kumbinsido sila dahil sa mga hakbang na ginagawa natin upang sugpuin ang korupsyon, gawing patas ang kumpetisyon, at tigilan ang pagbabagu-bago ng mga regulasyon, na nagtataboy sa mga negosyante. Malalim rin ang interes nila sa sektor ng turismo, pati na rin sa enerhiya.
Maganda rin pong mabanggit: Lalo pang naengganyo ang mga negosyante ng Singapore at Indonesia nang malaman nilang napipinto na ang pagpapatupad natin ng pocket open skies policy. Ang ibig sabihin nito, hindi na natin padadaanin sa butas ng karayom ang mga bisita para lang makarating dito. Dadami ang mga eroplanong lalapag sa ating mga paliparan, na pararamihin din natin. Sa pagpapagawa rin natin ng sapat na imprastruktura, dadami ang mga sentro ng kalakal at industrya, dadami ang trabaho. Ang karaniwang Pilipino ang panalo.
Binuksan natin ang ating pintuan sa ating mga kaibigan, at napakarami sa kanila ang nagpasyang bumisita sa ating bansa. Hindi naman tayo mabibigong suklian ang ipinakita nilang pagtangap sa atin; inatasan ko na po ang ating economic managers na magbuo ng isang trade and investment mission para asikasuhin ang mga investor, at mas lalong mapabilis ang pag-unlad ng ating ekonomiya.
Iyan po ang nagagawa ng harapang pag-uusap; ng personal na ugnayan sa pagitan ng mga pinuno ng bansa at industriya. Nadama nila kung gaano katotoo ang paninindigan nating iahon ang bansa. Nakita ko naman pong bukod sa kalakal, nais din nilang maging bahagi ng makasaysayang pag-angat ng Pilipinas. Iba pa rin talaga kung nadarama ang higpit ng pagkamay at nakikita ang lawak ng ngiti ng iyong kausap, kaysa kung ang alam lang ninyo ukol sa isa’t isa ay ang nababasa sa diyaryo o napapanood sa telebisyon.
Sabik na po ang ating mga karatig-bansang makita tayong inaabot ang potensyal ng ating bayan, at sabik na po ako, sampu ng aking delegasyon at ng buong gobyerno, na magtrabaho upang patunayang karapat-dapat nga ang tiwala at kumpiyansang kaloob sa atin ng daigdig.
Muli po, nagpapasalamat tayo na naibaba na ang Alert Level sa mga komunidad sa ating mga baybayin. Patuloy pong binabantayan ng gobyerno ang inyong kapakanan—mula sa agarang pangangailangan tulad ng pagtugon sa banta ng kalamidad, hanggang sa mga pangmahabaang adhikain natin ukol sa ekonomiya.
Maraming salamat po at magandang gabi.

No comments:

Post a Comment