Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
[Inihayag sa Philippine Coast Guard Compound, Manila sa ika-19 ng Abril 2011]
Ngayong araw, nagbababa tayo ng angkla upang magbigay-pugay at magpaalam sa isang tapat at mahusay na pinuno ng Tanod Baybayin ng Pilipinas o ang Philippine Coast Guard. Kasabay nito, sinasalubong din natin ang paglalayag ng PCG sa ilalim ng isang bagong kapitan. Ang change-of-command na ito ay sagisag ng ating paglingon sa mga tagumpay ng PCG sa pagtitimon ni Admiral Wilfredo Tamayo, at sa pagpapanatili sa kultura ng mahusay at tapat na serbisyo ng Coast Guard sa bagong pamunuan ni Admiral Ramon Liwag.
Wala naman po sigurong magdududa na mataas ang reputasyon at tinitingala ngayon ang imahen ng PCG. Naniniwala akong nagbukal ang ganitong kompiyansa ng publiko sa inyo dahil sa sipag at katapatan ng inyong Commander na si Admiral Willy Tamayo. Kay Admiral Tamayo: Kasama ko ang buong hanay ng PCG, at ang sambayanan na sumasaludo sa iyong dedikasyon na isulong ang interes ng bayan. Sa tatlong taon mong pamumuno, hindi mo lamang pinaunlad ang mga imprastraktura ng PCG; itinaas mo rin ang moral at kompiyansa ng mga tanod baybayin sa pamamagitan ng matatag na logistics support at pagkakaloob ng mga kinakailangan nilang kagamitan. Humayo ka man at lisanin ang PCG, tiwala akong mananatili ang mga prinsipyo, dangal at paninindigan na iyong pinasimulan.
Mawawalan man ang Philippine Coast Guard ng isang katangi-tanging pinuno, nagbubukas naman ito ng panibagong yugto sa mayamang kasaysayan ng ating Tanod Baybayin. Tiwala akong sa karanasan at husay sa serbisyo ni Vice-Admiral Ramon Liwag, pamumunuan niya ang PCG nang may katulad na dedikasyon at sakripisyo ni Admiral Tamayo, at maihahatid din niya sa mas maunlad na daungan ang buong Philippine Coast Guard. Ang hamon ko sa iyo, Admiral Liwag: huwag kang magpapahila sa tukso ng panlalamang. Naitalaga ka upang maglingkod ng marangal sa iyong mga Boss; huwag mo silang bibiguin.
Kung paglilingkod lang naman po ang pag-uusapan, subok na po ng panahon ang wagas na serbisyo ng Philippine Coast Guard. Bukod sa paninigurong walang nakakapasok na masasamang elemento tulad ng droga, piniratang gamit at anumang bagay na banta sa seguridad ng ating bansa, tinitiyak din ng Philippine Coast Guard na malinis at ligtas sa polusyon ang ating teritoryong pandagat. Kaya naman ipinagkakatiwala ko sa Philippine Coast Guard ang offshore drilling and oil exploration sa kanlurang bahagi ng Pilipinas. Katuwang namin kayo sa pagtuklas ng mga potensyal na pagmumulan ng karagdagang enerhiya para sa mga Pilipino.
Bilib din ako sa pagtugon ninyo sa kapakanan ng mga mangingisda, lalo na’t kadalasang sila ang apektado sa inyong operasyon. Sa bisa ng isang Memorandum of Agreement, nakapaglatag tayo ng epektibong balangkas at sistema upang mailayo sa kapahamakan ang ating mangingisda. Saktong-sakto po ang paglagda sa kasunduang ito, lalo pa’t puspusan ang paghahanda natin sa mga paparating na mga bagyo. Kapuri-puri din ang inyong Disaster Management Preparedness System, kung saan nagtalaga kayo ng mga response group mula sa iba’t ibang Coast Guard districts sa bansa. Kapansin-pansin po ang resulta nito, lalo na ng kasagsagan ng bagyong Juan. Kahit pagkalakas-lakas pa ng hangin at ulan; patuloy man ang pagtaas ng tubig-baha, mabilis pa rin kayong rumesponde upang ilayo ang mga kababayan natin sa tiyak na kapahamakan. Maging ang mga matigas ang ulo na ayaw umalis sa lugar nila, binalik-balikan pa rin ninyo upang hikayating lumayo sa peligrosong lugar. Dahil sa sakripisyo ng Coast Guard, kasama na ang Office of Civil Defense, ang kapulisan, at ang kasundaluhan—di-hamak na mas mababa ngayon ang bilang ng mga biktima ng sakuna. At dahil sa disaster risk mapping program na layon nating ipatupad sa lalong madaling panahon, tiwala akong mas lalo pa nating mapapababa ang bilang na ito.
Maging sa kampanya natin laban sa bawal na gamot, talaga naman pong hindi ninyo binigo ang mga Pilipino. May kabuuang 72.5 bricks ng high grade cocaine na tinatayang nagkakahalaga ng 360 million pesos ang nakumpiska ng Philippine Coast Guard noong 2010. Upang maabot ang zero casualty and zero maritime accident sa ating teritoryong pandagat, nagtalaga kayo ng Sea Marshals sa mga komersyal na sasakyang-pandagat. Dahilan ito upang bumaba ang bilang ng mga transnational crimes sa ating bansa. Batid nating limitado at hindi kakayaning tugunang mag-isa ng Coast Guard ang ibang problema. Kaya naman pinaiigting na rin natin ang kooperasyon sa mga karatig-bansa, tulad ng Vietnam, sa pagtugon sa mga kalamidad at paglaban sa terorismo at droga.
Muli, nagpapasalamat ako sa buong Tanod Baybayin ng Pilipinas. Dahil sa inyong mahusay at tapat na paglilingkod, huwag kayong magulat kung maipagkatiwala pa ang mas maraming responsibilidad sa Philippine Coast Guard. Kailangan pa ni Juan Dela Cruz ang maraming tulad ninyo. Kay Admiral Tamayo—ise-second ko nalang po ang sinabi ni Vice-Admiral Liwag—I also wish you moonlit nights, blue skies, fair winds, and following seas. At sa bawat unipormado at sibilyang miyembro ng Philippine Coast Guard: suportahan ninyo ang bago ninyong pinunong si Admiral Ramon Liwag. Sabay-sabay tayong sumagwan at maglayag tungo sa maliwanag at payapang kinabukasan.
Bago po ako magtapos: Aminado po na maraming kakulangan ang atin pong bansa at ang atin pong gobyerno. Talaga naman pong kawawa—6,000 katauhan; 7,000 na isla; 36,000 nautical miles ang atin pong coastline. Pero tayo po ay inaasahan ng taumbayan. Sa mga darating na problema at suliranin, hindi ho tayo pu-puwedeng magsabing kulang tayo nito o kulang tayo niyan. Tayo po ay inaasahan na kung ano ang mayroon tayo, ay talagang punuin po natin ‘yung pagkukulang sa maayos at tamang pamamalakad. Talaga pong matutugunan natin ang maraming pangangailangan ng atin pong mga kababayan.
Magandang araw po. Maraming salamat sa lahat.
No comments:
Post a Comment