President Aquino Speech at the Balikatan Exercises, Nueva Ecija


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa harapan ng mga sundalong kasapi sa Philippine-United States bilateral military exercises,  “Balikatan 2011″
[Inihayag sa Camp Bonifacio, Nueva Ecija noong ika-13 ng Abril 2011]
Mahirap po talaga ang buhay ninyo bilang mga sundalo. Kaakibat ng inyong trabaho ang maraming sakripisyo. Nalalayo kayo sa inyong pamilya, at pinagdadaanan ninyo ang hirap at peligro sa pakikipaglaban para sa kapayapaan. Lalo pa itong pinapabigat ng mga kontrobersyang nakasangkotan ang AFP. Dulot po ito ng diumano’y, sabi nga ng iba, pagnanakaw ng pera ni retired General Carlos Garcia sa pondo ng AFP. Alam ko pong apektado kayo sa mga pagdinig sa Senado sa isyung ito. Ang masaklap pa nito, wala ring naitutulong ang Ombudsman na tila sinasadyang huwag pansinin ang ganitong kaso ng katiwalian. Sa halip na panagutin sa batas, pumayag pa sa isang plea bargaining agreement ang atin pong Ombudsman Merciditas Gutierrez, kung saan isasauli lang ni Garcia ang kulang pa sa kalahati ng diumanoy ninakaw daw po niya, at makakalaya na siya. Parang sinasabi ho yata doon ay magnakaw ka nang marami, matutukso ang estadong makipaghatian sa iyo—maski hindi man kalahati ang ibabalik—papasalamatan ka pa. Hindi ho pu-puwede iyon
Hindi naman po katanggap-tanggap na ninanakawan na ng limpak-limpak na pera ang kasundaluhan, wala pa rin tayong tamang aksyon na ginagawa. Kaya naman masigasig nating isinusulong ang impeachment ni Merciditas Gutierrez. Mahalagang hakbang ito upang malutas ang kasong ito at tuluyan nang malinis ang buong pangalan ng AFP.
Sa kabila po ng mga kontrobersyang ito, buo pa rin ang tiwala at pananalig ko sa inyo. Paparusahan po natin ang mga umaabuso sa inyong hanay, upang manumbalik ang kumpiyansa nang buo ng mamamayan sa inyo. Anuman po ang kahinatnan ng imbestigasyon sa Senado, hindi po natin papayagang buwagin ng kontrobersyang ito ang dangal at pangalan ng Sandatahang Lakas.
Kaya naman po minabuti kong bisitahin at pasalamatan kayo ngayong araw—ang magigiting natin pong mga sundalo. Maraming salamat sa buong-puso ninyong pag-aalay ng buhay para po sa kapayapaan. Maraming salamat sa pagtatanggol ninyo sa bayan at sa mamamayan. Maraming salamat sa kahandaan ninyong tumulong sa oras ng kalamidad.
Alam po ninyo, noong dumating ang [Bagyong] Juan, talaga naman pong hanging-hanga ako sa ating kasundaluhan at kapulisan na kung saan sa kasagsagan ng Bagyong Juan, hindi inatubiling alagaan ang sarili—nandoon po sa kalsada, pinipilit manatiling bukas para sa darating na saklolo sa ating mga kababayan; hindi inisip ang panganib sa bawat isa, para tugunan ang atin pong misyong pangalagaan ang atin pong mga kababayan. Dito po naipapagmalaki na natin. Mapupuntahan natin ang peligrosong lugar hindi lang isang beses para masabi ginawa na natin ang tunkulin natin—binalik-balikan pa, lalo na noong sumasagot ng mga nililigtas natin na bahala na ang Diyos sa kanila. Pinuntahan ng pangalawa; sa ibang pagkakataon, hangang pangatlong beses, para imungkahing lumikas sa mas maayos na lugar. Doon po, hanging-hanga ako sa inyo. Talagang tapat ang malasakit sa ating mga kababayan.
Kaya naman narito po kami, ang inyong pamahalaan, upang suklian ang inyong kabayanihan: na kapag kayo naman ang lumapit at dumaing, hindi namin kayo dapat bibiguin.
Aminado po tayong maraming pagkukulang sa inyong hanay. Mantakin na lamang po ninyo, sa 36,000 nautical miles ng shoreline ng Pilipinas, 132 barko lamang po ang mayroon tayo para bantayan ang lawak na ito—at tila wala ho yata sa kalahati ang tumatakbo dito sa 132 na ito. Kawawa naman po iyong ipinalakad sa lawak na ito, dahil talaga naman pong gaano katagal nating maiikot iyong 36,000 miles with about 36 ships. Hinahanapan na po natin ito ng paraan para tugunan, maging ang iba pa ninyong pangangailangan. Paalala ko lang po, hindi ko maipapangako na kung ngayon may mga kulang, bukas kumpleto na. Ang maipapangako ko lang po, masosolusyunan natin ito sa lalong madaling panahon at sa abot po ng ating makakaya. Sa katunayan, magkakaroon na po tayo ng unang Hamilton-class cutter para sa Philippine Navy na galing sa coastguard ng Amerika. Ito po ay una sa tatlong inaasahan po natin na darating itong Hunyo. Kung dati po, malapitan lang ang naaabot na distansya ng ating mga gamit, ngayon po, may kakayahan na tayong makapaglakbay nang malayuan. Isa po ito sa magandang resulta ng balikatan ng Pilipinas at Estados Unidos na nakatutulong sa pagpapahusay sa kasanayan ng ating mga sundalo. At hindi lang po dito natatapos ang kahandaang tumulong ng Estados Unidos sa ating bayan. Nitong nakaraang linggo lang po, ibinalik ng Estados Unidos sa ating gobyerno ang halagang mahigit sa 100,000 dolyar. Ito po ang kinita mula sa pagbebenta ng real estate na pagmamay-ari ni dating AFP Comptroller Jacinto Ligot at ng kanyang asawa sa California. Patunay po ito ng tapat na pagtupad ng Estados Unidos sa ating kasunduan sa ilalim ng Mutual Legal Assistance Treaty, at sa tiwala nila sa ating administrasyon na gagamitin natin ito para sa kapakinabangan ng bansa.
Maliban po sa cutter, magkakaroon din tayo ng long-range helicopters at karagdagang mga water craft para sa atin pong mga service-contract areas sa paligid po ng Palawan, sa Sulu Sea, at iba pang lugar. Linawin ko lang po, ang idadagdag po natin ay may de-kalidad na patrol craft. Iyong isa po talagang tawag-pansin sa akin ang iyong tinatawag na MPAC—Multi Purpose Attack Craft. Para sa Navy po ito. Dadami po iyang MPAC na iyan para po talagang may impact ang atin pong Navy.
Hindi mga de-katig—alam ho ninyo mayroon pa talaga tayo sa Philippine Navy, de-katig na mga barko—na sasakyang pantubig lang, na panahon pa ni Lapu-lapu at saka ni Mahoma. Todo-kayod pa po ang ating gobyerno na hanapan ng solusyon ang inyong mga problema, upang mas mapangalagaan pa ninyo ang ating teritoryo. Basta makatuwiran naman po ang hinihingi, tiyak na ibibigay natin.
Para sa kaalaman po ng lahat, inilalaan po ay lampas 11 billion pesos para sa iba’t-ibang kagamitan ng atin pong Sandatahang-Lakas. Nandiyan na po ang mga barko, at iba pang water-craft. Nandiyan po iyong helecopters para sa ating Air Force. Nandiyan po iyong mga rifle, para sa ating Philippine Army, at marami pang iba.
Kaya nga po nang mabalitaan natin na nasa mahigit 200 piso lang ang natatanggap ninyong combat pay sa loob ng mahabang panahon, agad po natin itong tinaasan ng mahigit sa 100 porsiyento. Naipagkaloob po natin ito dahil sa ating maayos na paggastos, sa pangunguna ng Department of Budget and Management. Maibahagi ko lang po, iyong budget sa 2011, kung tutuusin hindi naman ganoon kalaki ang idinagdag, pero na-doble po natin ang inyong combat pay. Nang iminungkahi po ang tungkol dito ng Secretary of National Defense at ng Chief of Staff, pinag-aralan natin kung paano nga ba natin palalakihin ito, at nakakita tayo ng savings. Samakatuwid, kapag tapat po ang pamamahala sa gobyerno, kahit pareho lang ang hawak nating pondo, mas marami pa rin tayong magagawa. Ang nasasagip po kasi nating pondo mula sa pagpigil sa korupsyon, ginagamit na natin sa mahahalagang proyekto para sa atin pong lahat.
Nabanggit ko na rin po ang pabahay para sa mga sundalo at pulis, na layuning magtayo ng 20,000 housing units sa taong ito. Kung dati, sa Metro Manila po, nasa dalawa hanggang limang libong piso ang ginagastos ninyo para sa upa, ngayon po, magiging 200 piso na lang kada buwan ang babayaran, at sarili na po ninyong bahay at lupa ang inyong hinuhulugan. Alam ho n’yo, makikiusap lang po ako: ang pangako ng NHA sa akin bago ang SONA—July 25 po iyon—puwede nang tirhan iyong mga unang units nitong 20,000 na ito. Baka naman po bago ng SONA … baka naman hindi pa ho nagapply bago ng SONA iyong titira diyan. Kaya pakiusap lang, na alam naman po ninyo ang problema, maraming burukrasya; magapply na tayo, nang maumpisa nang tirhan, mabawasan na iyong iginogugol para sa pabahay.
Tuloy-tuloy pa po ang pagpapalago natin sa pabahay na ito para mabigyan ang inyong pamilya ng disenteng tirahan.
Bilang tagapagtaguyod ng katahimikan, alam kong marami sa inyo, pagod na sa di-matapos-tapos na bakbakan. Sino ba naman ang may gusto ng gulo, hindi po ba? Kaya naman nagpupursigi tayong magbunga ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo. Todo-suporta din tayo sa inilalatag ng AFP na IPSP Bayanihan para makamit ang tunay na kapayapaan. Sa tulong ninyo, may kumpiyansa po akong magtatagumpay tayo. Higit po kasi sa paggapi sa kalaban, nais nating tumungo sa tunay na kaayusan, nang hindi na nagbubuwis pa ng buhay ang marami nating kababayan.
Marami man ang sumusubok sa ating katatagan, tiwala akong hindi ninyo tatalikuran ang sinumpaan ninyong tungkulin. Sa mabuti at tapat nating pamamahala, taas-noo nating ibalik ang dangal sa inyo pong propesyon, upang saan man kayo makarating, sinuman ang inyong kausapin, kaya ninyong ipagmalaki: Sundalo ako. Kung walang magsasamantala, at tanging interes ng taumbayan ang inuuna, garantisado, magagawa natin ito. Bilang katuwang ng gobyerno sa paglaban sa katiwalian at kahirapan, sama-sama nating bigyan ang bawat Pilipino ng pagkakataon para umasenso.
Alam ho ninyo, parati kong sinasabi: Ngayon na ang panahon na puwede na ring mangarap, at iyong mga pinapangarap natin, hindi magtatagal, magiging katotohanan na.
Maraming salamat at mabuhay po kayo.

No comments:

Post a Comment