President Aquino Speech during MOA signing of the DBM and Judges


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglagda ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Budget and Management, at ng mga asosasyon ng mga hukom upang punan ang sahod ng mga miyembro ng Hudikatura
P-NoyImage via Wikipedia[Inihayag sa Department of Budget and Management, Manila noong ika-6 ng Abril, 2011]
Noon pa man, iisa na ang ating bukambibig: Kayo, kayong mga Pilipino, ang boss ko. Mula sa mga pinaka-ordinaryong mamamayan, hanggang sa mga kaibigan natin sa pribadong sektor; mula sa mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa ibayong-dagat, hanggang sa mga tulad ninyong lingkod-bayan, sinisikap nating patotohanan at gawin ang ating bukambibig. At ang nasaksihan nating paglagda sa Memorandum of Agreement ngayon sa pagitan ng Department of Budget and Management at ng inyong mga organisasyon ng mga hukom ng bayan ay isang malinaw na patunay na seryoso tayo sa pagtupad ng ating mga pangako.
Hindi ko po ugaling mambola, kaya huwag na po tayong magbolahan. Ang payo po ng ating mga dalubhasa: Kung batas at batas din lang naman ang susundin, hindi naman po talaga yata tayo obligadong gawin ito. Pero kung hindi tayo kikilos, hahaba lang ang pagdurusa ng ating mga hukom. Noon pang 2003, naipatupad ang Republic Act No. 9227, ang batas na nagbibigay ng Special Allowances for the Judiciary o S-A-J (pangit ho kasing pakinggan ang “saj,” parang “sad” ang katumbas [Laughter]) sa inyong mga mahistrado at hukom, katumbas ng isandaang porsiyento ng inyong sahod sa panahong iyon. Kumbaga, nauna po kayong mabigyan ng isandaang porsiyentong umento sa inyong sahod. Ngunit sa paglipas ng mga taon, hindi na po ito nakahabol sa mga pagtaas sa sahod na nagsimula noong 2009, alinsunod sa Salary Standardization Law III—at kung puwede pong mag-commercial: Nasa Senado po tayo noong tinatalakay ito. Gumawa po ng batas na wala pong pagkukunan ng pambayad nitong bagtas na ito; inamin po na uutangin daw natin. Iniwan po sa amin ang pagbabayad. [Laughter]
Gaya nga po sa ipinangako natin, kung may nakikitang mali, kailangang ituwid. At malinaw naman po na may pagkukulang sa kasong ito. Kaya alang-alang sa dedikasyon at sakripisyo ng ating mga hukom sa kanilang tungkulin, kinailangan nating siguruhin na patas ang sitwasyon. Kaya naman kumilos ang DBM upang magpanukala sa inyo ng isang pormyula, kung saan maglalaan ito ng halos 108 milyong piso para punan ang agwat sa sahod ng mga hukom at maipantay ito sa antas ng SSL III. Ibig sabihin din po nito, ang SAJ na natatanggap ng mga hukom noon ay makukuha nilang muli nang buo. Ang halaga pong nabanggit ay bukod pa sa isandaan at animnapu’t limang milyon na simula’t sapul ay inilalaan na ng Pamahalaan para sa Korte Suprema, bilang pandagdag sa anumang kakulangan sa pondo ng SAJ. Ito ay ibinibigay, bagamat di malinaw na naiuulat sa atin ang kalagayan ng pondo ng SAJ.
Ngunit batid po natin na pansamantala lamang ang tugong ito, at ang tunay na solusyon ay nasa kamay ng iba pang sangay ng pamahalaan. Nakasalalay sa Kongreso ang pag-amyenda sa Republic Act 9227, upang mapahintulutan ang mga hukom na matanggap nang buo ang kanilang SAJ at dagdag-sahod sa ilalim ng Salary Standardization Law III. Maaari ring ipawalang-bisa ng Korte Suprema ang mga probisyon ng batas na ito na naglagay sa ating mga hukom sa alanganin. Kung magawa po nila ito, umaasa tayong malinaw nilang maipapahayag ang mga katwiran ng desisyong ito.
Kasabay po nito, nananawagan po ako sa Korte Suprema na maging bukas at matapat sa pangangasiwa at paggamit ng mga koleksyon para sa SAJ. Ano ba ang tunay na estado ng pondong ito? Sapat nga ba talaga ito para maibigay nang buo ang SAJ ng mga hukom? Ang aming nakaraang mungkahi ay i-remit ang pondo ng SAJ sa Treasury, para masuri natin ang tunay na kalagayan nito at mabigyan ng kaukulang umento kung kinakailangan. Hindi man po nila mapagbigyan ang ating panukala, patuloy po tayong umaasa na makakapagbigay sila ng mainam na solusyon tungo sa malinaw, maayos, at makatarungang paggamit sa pondong ito.
Sa kabila po ng iba’t ibang mga hamon, ikinalulugod ko po ang kinahinatnan ng ating mga pag-uusap. Alam naman po nating may mga baluktot ang dila na gumagamit sa isyung ito upang magpunla ng sigalot sa pagitan ninyo sa Hudikatura at namin sa Ehekutibo. Hindi ko pa rin po maintindihan kung bakit may mga taong gusto tayong pag-awayin. Naghahasik sila ng maling impormasyon; nagtatanim sila ng pagdududa at agam-agam para mabuwal ang inyong prinsipyo at paniniwala.
Ipinapakita lang po natin ngayon, na bagaman may karampatang pagbubukod sa pagitan ng mga sangay ng Pamahalaan, maaari po tayong magkaisa tungo sa reporma. Kaya naman nang magtalaga tayo ng pitong bagong appointees sa Court of Appeals, inulan ng papuri, hindi lamang ang masusing pagpili natin sa kanila, kundi maging ang kakayahan at walang-bahid na integridad ng mga mahistradong ito. Hindi rin po maikakaila ang positibong tugon ng taumbayan nang inatasan nating maging Supreme Court Justice si Maria Lourdes Sereno. Lahat nang ito ay mga hakbang upang maisakatuparan ang mga reporma sa atin pong Hudikatura; repormang magsisilbing timon sa paglalayag ng ating bayan tungo sa mas malakihang reporma. Sa natitirang limang taon at dalawang buwan ng ating panunungkulan, mahalaga po ang ating pagkakaisa sa hangaring maglingkod nang responsable at tapat sa sambayanang Pilipino. Higit sa lahat, mahalaga po ang pagkakaisa ng ating adhikain para sa tapat at patas na sistemang pangkatarungan sa ating bansa. Tandaan ninyong anumang uri ng kaso ang inyong hawak, may mga taong naaapektuhan sa inyong mga desisyon. Kaya naman umaasa akong patuloy ninyong pangangalagaan ang Saligang Batas, at mananatili kayong kakampi ng lipunan sa paghahatid ng walang-pinapanigang hustisya at katarungan para sa lahat.
Bilang mga lingkod-bayan, pinupulsuhan tayo ng sambayanan, hindi sa tagal o kung gaano tayo kagaling kumapit sa puwesto. Bagkus, tinitimbang tayo sa paninindigan nating gawin ang tama sa kabila ng kaliwa’t kanang tukso; ang batayan ng ating serbisyo ay nasusukat sa mga mahihirap na desisyong nagsusulong sa kapakanan ng bawat Pilipino. Buo po ang aking paniniwala: Nagagawa ng kasalukuyang administrasyon ang sinumpaan nitong mandato, at unti-unti na nating naibabalik ang liwanag ng mabuting pamamahala sa ating gobyerno. Kayo na po ang humusga rito.
Bago po ako magtapos: Psalamatan ko po an gating hanay ng mga hukom sa kanilang bahagi sa matagumpay na pagreresolba ng hostage crisis doon po sa Agusan.
‘Yung judge po ay pinahintulutan ang nakakulong para maging negotiator natin, at nailigtas natin nang maayos ang lahat po ng hostages. Doon po ay maraming salamat. Sabi nga ho kanina ni Judge [Antonio] Eugenio, talagang nanganganib na parang parating may handang pumansin sa ating kakulangan. Hindi po kayo nag-iisa. Last week po iyon din ang tinanong ko: Tinanong ako doon sa survey results. Ang tinanong ko naman: Paano naman ang good news? Hindi ba importante ang good news, maski paminsan-minsan?
At, siguro ho, tulad niyan—pasensya na po, ilalabas ko nang kaunti ito: Palagay ko naman ang nakakarami ho ay hindi gumagawa ng desisyon tulad ng dalawang kamakailan na mga desisyong medyo nagbibigay ng katakot-takot na palaisipan. Iyong pinakabago na ho ang uumpisahan ko. Mayroon hong judge, ‘di umano, na nagpapakulong at nagpaaresto sa buong board of directors ng GSIS; at nilagay pa raw ho na hindi puwedeng piyansahan. Ang naalala ko ho kasi, may mga krimen na nonbailable, nadamay po ito. Matanong ko lang ho sa inyo: Paano kaya ang kumpiyansa sa atin ‘kung bigla nalang iyong Government Service Insurance System ay nawalan ng board of directors, at hindi natin matugunan ang pangangailangan ng lahat ng miyembro ng pension na ito—kasama na po tayo diyan.
Idagdag ko pa po: Mayroon pong reklamo ang Banko Sentral. Nabigyan sila ng injuction na hindi nila maperform ang kanilang regulatory functions over Banco Filipino. Paano ho kung totoo iyong tinatawag na “Ponzi scheme” ang nangyari diyan? Ang basic facts ho: Double-digit ang interest rate na pinamimigay nila. ‘Yung ibang miyembro ng industriya single-digit. Mas mataas ang pagkuha nilang pondo. Paano nila mababayaran ang interes nito? Pero, since 2008, ang pagkaintindi ko reklamo ng BSP ay hindi ho sila ipinahintulutan na pangasiwaan, ayon po sa batas, ang kilos ng Banco Filipino. Paano naman ho ang ating banking system kung parati nalang pong pababayaan ang mali—bahala na ang PDIC’ng maghanap ng paraang bayaran ‘yung mga nagdeposito dito?
So, babalik po ako. Lahat ng kilos po natin, hindi natin maituturing na, kumbaga sa lupain, ay isla—walang nadadamay. Lahat po nito, damay-damay tayo dito. At ito naman po ang asahan niyo sa akin: ‘Yung ekonomiya natin ho, kung tutuloy na giginhawa at gaganda at lalaki, bakit naman po hindi maibabahagi ito sa lahat ng kawani ng gubyerno? At systema nga po natin, hindi lang po ito sa active, pati po doon sa retired ay nadadamay rin.
Pero kung hindi naman po tayo magtutulungan, kung patuloy pa rin ho ‘yung mga estadistikang hindi maganda: Anim na taon, average time para ma-adjudicate ‘yung kaso. Fourteen percent conviction rate on average; 1 percent pagdating sa drugs. Saan nga naman tayo pupulutin?
Kayo po kaharap ko ngayon, palagay ko’y magiging kasabay ko dito sa pagsasamantala ng pagkakataong tunay na baguhin ang ating lipunan.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.

No comments:

Post a Comment