President Aquino Speech on Ceremonial Distribution of Social Services

P-NoyImage via Wikipedia
Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Sa kanyang pagdalo sa Ceremonial Distribution of Social Services
[Inihayag sa Iloilo Provincial Capitol noong Ika-1 ng Abril 2011]
Maayong adlaw sa inyo nga tanan. Pero sa matuod, mas maayo pa kamo sa adlaw. Magpa-practice ako ng Kapampangan ko. Mamaya kasi nasa Tarlac ako. [Laughter]
Alam ninyo, tuwing papunta ako dito sa Iloilo, ang agad na naglalaro sa isip ko: masasarap na pagkain. Mula sa La Paz na Batchoy, ang Pancit Molo hanggang sa mga specialty ninyong Pinasugbo, Butterscotch, Biscocho, Mango Chewy at marami pang iba. Sa sobrang pananabik, wala tuloy akong ibang masabi kundi: ka-namit gid. At kapag nandito na ako, hindi ko rin maiwasang mapansin na mas mainit pa sa sabaw ng Batchoy o Molo ang init ng pagtanggap ninyo sa amin. Kaya madamu gid na salamat.
Sa katunayan, bilang isang Kapampangan, nalilito ako kapag may kausap akong Ilonggo. Sa sobrang hinahon ng inyong pananalita, minsan po, hindi ko tuloy alam kung kailan kayo naglalambing, o kung kailan naman kayo nagagalit. Pero malapit pa rin po sa puso ko ang mga Ilonggo. Sa katunayan po, noong ako po’y bata pa—mas bata kaysa ngayon—ang una ko pong mga naging crush ay tatlong magkakapatid na taga-Iloilo. Ang problema lang ho, Marso na ho noong dumating, hindi ko na ho sila nakita. Noong nahanap ko na ho ang isa, dalawang linggo na lang ay mag-aasawa  na siya. Pero, dahil hope springs eternal, babalik po ako dito sa Dinagyang. Baka sakaling makatsamba na noon. [Applause] Salamat Mayor Jed sa imbitasyon mo.
Ang mga Ilonggo, dala-dala ninyo ang kilalang katangian ng mga Pilipino—ang pagiging masayahin, malambing at maaruga.
Subalit nandito po tayo ngayon, hindi para magbakasyon. Nandito tayo para ipahatid sa inyo ang bunga ng mga reporma natin laban sa gutom, sakit, at kahirapan. Hindi kasi tayo nagpapapogi. Tama na sa akin ang masabihan akong “pogi” nang isang beses ng aking Ina.
Sa kasalukuyan, halos isa’t kalahating milyong pamilya na po sa buong bansa ang natulungan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Halos between 400 to 500 thousand and naidagdag na natin mga pamilyang nakikinabang sa programang ito. [Coughs] Baka iyong nag-asawa ay naaalala ako. [Laughter]
Nito lang Enero, lampas isandaan at pitumpung milyong piso na ang naipagkaloob natin sa mga benepisyaryo sa Iloilo Province at Iloilo City. Nahandugan natin sila ng kaukulang tulong-pinansyal upang mas mapabuti pa ang serbisyo para sa kanilang kalusugan, at sa edukasyon ng kanilang mga anak. Ang programa pong ito ay hindi lamang basta pulyeto na may mga numero, na iaabot at ipapabasa lang sa inyo. Para maging benepisyaryo nito, mayroon pong ilang kondisyon. Kailangan pong tikayin na napapabakunahan at napapag-aaral ninyo ang inyong mga anak, nang sa gayon, mabigyan sila ng sapat na kakayahan na makatapos ng pag-aaral. Sa ganito pong paraan, kapag nagtagumpay na sila at nakakapagtrabaho na, sila naman po ang tutulong sa kanilang pamilya na medyo may dagdag na kakayahan.
Malaking tulong din ang programa nating Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services o KALAHI-CIDSS. Pinapaigting po nito ang pakikilahok ng ating mamamayan sa ating lokal na pamahalaan upang matugunan ang kanilang mga hinaing at suliranin.  Sa pamamagitan nito, nabibigyang-lakas natin ang mahihirap nating kababayan na makibahagi sa pagbuo ng solusyon, sa halip na dumagdag  lang sa problema. Sa bayanihang ito, mapopondohan natin ang mga proyektong kapaki-pakinabang nang walang sinasayang na puhunan.
Tinatapos na rin po natin ang panahon kung kailan tila ba wala na talagang lunas ang kahirapan. Kinamulatan na nga ng marami sa ating mamamayan ang hirap ng buhay, wala pa silang mahanap na trabaho para makaahon mula dito. Kaya naman ibinabahagi din po natin ngayon ang mga tseke para Self Employment Assistance – Kaunlaran Program na magbibigay ng karagdagang pagkakakitaan para sa inyong kaunlaran.
Ayaw na rin po nating indahin pa ng ating mga kababayan ang kawalan ng serbisyong pangkalusugan. Sa bansa natin, hindi bababa sa apatnapung porsiyento—40 percent—ng mga Pilipino ang hindi man lang nakakakita ng health professionals sa tanang buhay nila. Sa pagpapaigting ng programa ng PhilHealth, magkakaroon na ng easy access sa pagpapagamot ang mga Pilipino sa loob lang—lahat ng Pilipinong nangangailangan—sa loob lang ng tatlong taon. Gamit ang National Housing Targeting System ng DSWD, tiniyak nating ang makikinabang sa proyektong ito ay ang mga mas nangangailangan. Ngayong 2011, nasa tatlo’t kalahating bilyong piso ang inilaan natin para sa Health Insurance Premium ng ating mamamayan. At hindi lang po dito nagtatapos ang pagtulong natin. Sa pamamagitan po ng Modified Shelter Assistance Program, matutulungan din po natin ang marami sa ating mga kababayan na magkaroon ng maayos, matatag at disenteng tahanan.
Talaga naman pong madami na tayong napagtagumpayan. Pero hindi po tayo dapat na magpabaya at magwalang-bahala, dahil mayroon pa ring iilan na ayaw makiisa sa ating agenda ng pagbabago. Noong nakaraang taon, nagpanukala tayo sa kongreso na itaas sa mahigit dalawampung bilyong piso ang pondo para sa Conditonal Cash Transfer Program. Mabuti na lamang po at mayroon tayong kaibigang katulad ni Senator Frank Drilon na ipinaglaban na pondohan nang buo ang CCT. Baka puwede naman po n’yong palakpakan. [Applause] siya po ang Chairman ng Finance. ‘Pag tumutol po siya, wala po tayong CCT ngayon.
Sa kabila ng mabuti nating hangarin, may mga umalma pa rin dito. Ang tanong ko sa mga nagrereklamo: ano namang masama sa pagtulong sa mahihirap nating kababayan? Bakit nila kokontrahin ang panata nating walang dapat maiwan sa pag-unlad ng bayan? Hindi naman po tama na ang mga may kaya at may kapangyarihan lang ang gumiginhawa ang buhay. Kapansin-pansin rin po na parang ang mga hindi pabor sa mungkahi nating budget sa CCT ang sila ring humarang sa impeachment ni Ombudsman Merceditas Gutierrez. Hindi na rin po tayo nagtataka na sila rin ang maya’t maya, bumabatikos sa atin. Ayaw ba nilang lumaya ang gobyerno mula sa katiwalian? Gusto ba nilang mapagtuloy ang maduming kalakaran sa pamahalaan? Mabuti na lang, nandiyan si Jun-Jun Tupas at marami pang mga kongresista na kasama nating tumatahak sa tuwid na landas. Baka naman hong puwedeng hong kaunting suporta. [Applause]  Kung hindi ho dahil sa kanila, malamang ay hindi nagtagumpay ang pag-aangat ng impeachment sa Senado. Ang mga tulad ni Congressman Tupas ang nagpapatatag sa paninindigan nating supilin ang korupsyon at kahirapan. Magandang senyales nga po itong huling landslide victory natin sa kongreso; mas dumarami na po ang nakikiisa sa atin sa tuwid na daan. At basta nariyan ang suporta at malasakit ng taumbayan, anuman pong balakid ay talagang hindi tayo matitinag.
Hindi po magtatagumpay ang mga programang pangkaunlaran natin kung wala ang pakikiisa ng ating lokal na pamahalaan. Kayo ang nasa frontline ng labang ito. Kasama ang DOH, DSWD at PhilHealth, magkaagapay po nating itataguyod ang maayos na pamumuhay para sa mga Pilipino.
Kari na kamo pakadto sa katumanan sang aton mga handum. Nasa tuwid na landas na tayo ngayon, tangan ang magandang pagkakataon upang ganap na marating ang liwanag ng pagbabago. Ang patuloy kong panawagan: magtulungan tayo bilang isang bayan. Gamit ang mabubuting katangian ng mga Ilonggo, sama-sama nating arugain ang Inang bayan.
Aton padayunon ang paglakat sa tadlong nga dalan pakadto sa katumanan sang aton mga handum.
Madamo gid na salamat. Mabuhay tayong lahat at sana po’y naintindihan niyo ang Ilonggo kong kahit kapiraso.
Listen to PNoy Speech

No comments:

Post a Comment