President Aquino Speech on Inauguration of the Paco Market—Rustan’s wing


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapasinaya ng Paco Market—Rustan’s wing
P-NoyImage via Wikipedia[Inihayag sa Paco Market, Manila noong ika-7 ng Abril 2011]
Talaga hong ang daming emotions na dumadaan sa atin dito. Noong bata po ako—sa bagay, bata-bata pa naman ho ako ngayon—nag-gu-group study ho kami sa tahanan ng isang kaklase namin dito ho sa Leroy St. At kakaiba ho iyong group study namin noon, dahil kadalasan habang nagaaral kami, sinasara niya ang mga bintana. Sabi ko, “Pare, medyo mainit. Hindi ba puwedeng buksan mo?”
Sabi niya, “Mahirap na, baka mapana tayo dito,” ika niya.
At pag lalabas kami doon sa tahanan niya, tinitignan muna iyong kalsada kung may nagra-rumble.
So talaga hong grabe ang emotions na pagpunta natin dito sa Paco Public Market na talagang ang laki ng pinagbago. Pati na iyong ating estero, ang laki na rin ng iginanda, at talaga namang masasabi natin, eto iyong hindi konsepto. Ito ay katotohanan ng kung ano ang puwedeng mangyari; at sa lahat ho ng bubuo para magkatotoo ‘to: Maraming, maraming salamat sa inyong lahat.
Lalampas po ako ng three minutes ditto sa pormal nap arte ng ating talumpati; hihingi po ako ng paumanhin:
Pangunahin po sa ating mga panata ang pagkakaloob ng mga trabaho sa mga Pilipino. Ngayong nasa katungkulan na po tayo, kitang-kita naman na hindi tayo puro dakdak; idinadaan natin ito sa gawa. Saan man po tayo dumako, sa loob man o labas ng bansa, masigasig ang paghikayat natin sa pribadong sektor na mamuhunan sa atin pong bayan. Sabi ko nga po sa kanila: “My country is indeed open for business.” Dala po ito ng panibagong tiwala ng taumbayan sa mga institusyon at proseso ng gobyerno. At ang taumbayan din po ang pinakabuod ng ating agenda: Kapag nakikipag-usap ako sa mga negosyante tungkol sa mga balak nilang proyekto, lagi kong bukambibig ang tungkol sa malilikha nitong mga trabaho.
Hindi po tama na iilan lang ang lalong yumayaman, habang ang karamihan sa mamamayan ay nananatiling walang mapagkunan ng kabuhayan. Kaya sa bawat pagtitipon kung saan ipinagdidiwang natin ang pagtulong ng pribadong sektor sa ating mamamayan, talaga naman pong lubos ang kagalakan ko.
Noon nga pong nakaraang Huwebes, nagtungo tayo sa Batangas para bisitahin ang proyekto ng Atlantic Gulf and Pacific Corporation. Nasaksihan natin dito ang pagkakarga at pagpapadala ng mga refinery modules sa pasilidad ng British Petroleum sa Estados Unidos. Dahil sa kalidad ng produktong nagmumula dito, naipapakita natin sa mundo ang husay at galing ng ating mga manggagawa. Kayo rin po, ang karaniwang Pilipino, ang kusang magbabalik ng ating pambansang dangal. At sa patuloy na paglago ng AG&P, makakalikha ito ng maraming trabaho sa larangan ng inhinyero. Mahalaga ito lalo na’t nag-uuwian ang mga OFW mula sa peligrosong mga bansa tulad ng Libya.
Dumalo rin po tayo kamakailan lang sa pagpapasinaya sa Coal-Fired Power Plant ng Panay Energy Development Corporation, na magsusuplay ng kuryente sa malaking bahagi ng Visayas grid. Pundasyon ito ng kaunlaran ng mga mamamayan sa Visayas grid: Paano nga naman po maipapatupad nang matino ang mga batayang serbisyo tulad ng sa edukasyon at kalusugan, kung wala man lang ilaw sa mga eskuwelahan at ospital? Higit pa po rito, ang pinakadirektang benepisyo nito ay ang pagdudulot ng trabaho.
Ang mga nabanggit ko po ay ilan lamang sa mga good news na resulta ng pakikiisa sa atin ng local investors. Pero hindi po natatapos dito ang magagandang balita. Kaliwa’t kanan din po ang nakukuha nating good news mula sa mga foreign investors. Ang ipinangako po sa atin ng Coca-Cola Company na dagdag na isang bilyong dolyar sa kanilang investments ay nag-umpisa na. Bukod pa rito, hindi bababa sa apatnapung mga kompanya at institusyon mula sa España, Switzerland, Germany, France, United Kingdom, Qatar, at United Arab Emirates, ang bibisita sa ating bansa sa susunod na mga buwan para tingnan ang maganda nang kalagayan ng pagnenegosyo dito. Tiwala po tayo sa positibong resulta ng kanilang pagbisita. May apat na po kasing malalaking kompanya sa ibang bansa ang bumisita na sa atin. Inaasahan natin na makakalikom tayo ng mahigit isang bilyong dolyar mula sa kanilang Foreign Direct Investment sa susunod na dalawang taon.
Nito pong huling semestre ng 2010, nakatanggap ng mahigit sa apatnapung investment-focused missions ang ating Board of Investments. Mula po ang karamihan sa mga ito sa US, UK, Korea, at China. Layunin po ng misyong ito ang pamumuhunan sa ating bayan, upang mapalago pa ang industriya ng BPO, renewable energy, mga paliparan, at ng iba pang sektor sa bansa.
Bakit ko po ba sinasabing good news ang mga ito? Ano po bang pakinabang natin dito? Muli, magtataguyod ang mga pagsisikap nating ito ng libo-libong trabaho para sa mga Pilipino.
Ngayong araw naman po, pinasisinayaan natin ang isa na namang bunga ng pagtutulungan ng gobyerno at ng pribadong sektor, sa pangunguna ng Rustan Group of Companies, ABS-CBN Foundation, Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig, mga lokal na pinuno ng gobyerno, at ng ating mga nongovernmental organizations. Ang proyektong ito ng muling pagsasaayos sa Paco Market ay resulta ng Public-Private Partnerships na isinusulong ng atin pong administrasyon. Tingnan lang po natin kung gaano kasimple ang konseptong ito: Uunlad ang negosyo, dadami ang trabaho, at lalaki naman ang pondo ng pamahalaan na mailalaan po natin sa iba pang mga batayang serbisyo. Lahat po dito panalo.
Maraming salamat po sa pakikiisa ng ating mga negosyante. Alam ko pong madaling maging manhid. Pero pinili ninyong tulungan ang mga Pilipino. Special mention po si Ambassador Bienvenido Tantoco, na talaga namang bukal ng malasakit para sa ating mga kababayan. Happy 90th birthday po! Sana’y dumami pa ang pagkakataon n’yong makatulong sa atin pong mga kababayan.
I would like to take some time out to greet Ambassador Tantoco, who is indeed celebrating his 90th birthday today. I frankly cannot believe that he is 90 years old. It should serve as an inspiration to all of us that at his age, and with his list of achievements, he continues to show that he is not just the father of luxury retailing, and not just a valuable pillar of the entire Philippine Retailing Industry, but ultimately, a man of compassionate action.
Isa nga po sa patuloy na pagkakawanggawa ni Ambassador Tantoco, ay ang pagpapanumbalik sa orihinal na kondisyon at pagpapaunlad pa sa makasaysayang pamilihan ng Paco. Sa proyekto po kasing ito, mabibigyang-daan ang pagkakaroon ng mahigit pitumpung stalls sa Paco Market. Magiging malaking tulong ang trabahong maibibigay ng proyektong ito para matulungan ang mga magtitinda dito na magkaroon ng mas maayos at marangal na pamumuhay. Balita ko po, may bagong establisyamentong itatayo dito, ang Palutuan. Ipapaubaya ko na po sa inyo ang pagluluto, ako na ang bahala sa pagkain. [Laughter]
Kung hindi pa man ho ako may first lady na mamamalengke dito, baka iyong hinahanap ko pong first lady, dito ko nalang ho papakainin. [Laughter]
Todo-suporta din tayo sa proyektong ito sa pagsisikap nitong pangalagaan ang kalikasan. Sa pagligtas sa estrukturang ito, hindi na hahayaan pang ang mga dumi na nanggagaling sa pamilihan ay magdagdag ng polusyon sa Ilog Pasig. Allergic po kasi tayo sa pagniningas-kugon, lalo na sa pag-aruga sa kapaligiran.
I am confident of the success of this environmental project. We have a very reliable leader in Ms. Gina Lopez, who is the present, and continuing, Chairperson of the Pasig River Rehabilitation Commission and Vice-Chairperson of the ABS-CBN Bayan Foundation. But the most impressive thing about Ms. Lopez is not her professional achievements or her educational background. It is that she chose to dedicate her life to service instead of just sitting back and living the comfortable life that was unquestionably within her reach. I would also like to point out that this advocacy of hers actually extends further than rehabilitating the Pasig River. It is about giving our children a more promising future.
Katulad po ng ginawa ninyong pagkukumpuni sa pamilihang ito, kinukumpuni na rin natin ang mga malalang sira sa ating bayan dahil sa korupsyon at kahirapan. Naaabot na po natin ang minimithi nating tagumpay dahil sa ating tapat na pamamahala. Sa mahigit limang taon pa ng ating panunungkulan, marami pa tayong daraanang hamon at balakid sa pagtahak sa tuwid na landas. Kaya naman sa labang ito, kailangan ko ng tulong po ninyong lahat. Huwag kayong matakot. Manalig kayong hindi hahayaan ng pamahalaan na may maiwan sa pag-unlad. Umaasa akong patuloy na makaka-agapay ng ating gobyerno ang pribadong sektor at ang sambayanan, upang ganap nang lumiwanag ang bayan—kung saan bawat isa, ay makakaranas ng  kaunlaran at kaginhawaan.
Muli, maraming salamat po. Mabuhay po tayong lahat; at sana po’y umpisa lang ito.

No comments:

Post a Comment