President Aquino Speech on Inauguration of the Agno River Flood Forecasting and Warning Center


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Inauguration of the Improved Agno River Flood Forecasting and Warning System and the new Agno River Flood Forecasting and Warning Center
[Inihayag sa Barangay Tumana, Rosales, Pangasinan noong ika-8 ng Abril 2011]
bernardeirroltugade, personal, river, luzon, p...Image via Wikipedia
Naimbag nga bigat yo amin apo.
Sa dami ng mga bumibisitang bagyo sa Pilipinas taon-taon, ang tanong marahil ng ilan: Hindi ba tayo nauubusan ng mga pangalang ibibigay sa mga ito? Hindi na bago sa atin ang makakita ng mga Pilipinong sumasabak sa abot-tuhod na tubig sa kalsada, mga bahay at mga sasakyang nakalubog sa tubig, at mga batang nagsi-swimming sa daan. Ang iba siguro, sanay nang makakita, kung hindi man makaranas ng ganito. Tayo naman po, ayaw nating maging pangkaraniwan na lamang ang mga pangitain o pagkakataong tulad ng mga nabanggit. Sama-sama man nating nalampasan ang mga nagdaang unos, hindi po natin hahayaang masanay na lamang ang Pilipino sa kawalan ng pag-asa; hindi natin hahayaang tanggapin na lamang ng taumbayan na bahagi na ng reyalidad sa ating lipunan ang kawalan ng kahandaan at solusyon sa mga problemang kinakaharap natin.
Malinaw po: Hindi natin kontrolado ang panahon. Subalit hindi ibig sabihin nito na wala na tayong magagawa upang makaiwas sa mga panganib na dulot nito. Ang kaligtasan ay nagsisimula sa tamang kaalaman at sa puspusang kahandaan. Kapag may tamang kaalaman, mas mababatid natin kung paano haharapin ang paparating na kalamidad. Sa pagiging handa, binabawasan natin ang banta nitong peligro, sa halip na ginugugol natin ang oras at pondo sa paglutas ng dulot nitong perhuwisyo. Hindi na po natin hihintayin pang may nagdurusa bago tayo kumilos.
Nakita n’yo marahil ito noong naharap ang ilang probinsya natin sa banta ng tsunami. Sa loob lamang ng ilang oras, agad nating nailikas ang mga kailangang ilikas. Bagaman hindi rumagasa nang husto ang tubig, naging listo at handa ang pambansa at lokal na gobyerno, at maging ang mga mamamayan laban po dito.
Ang pinagtatagumpayan natin ngayon—ang pagpapasinaya sa pinaunlad na Agno River Flood Forecasting and Warning System (FFWS) at ang bagong Agno River Flood Forecasting and Warning Center (FFWC) ay mga patunay at matitibay na halimbawa sa matatag nating paninindigan na pangalagaan ang kapakanan ng taumbayan. Bahagi ito ng mandato natin sa bawat Pilipino sa pagdating sa kaunlaran, walang maiiwan. Ang FFWS at FFWC ang magiging mga susi upang mas agaran nating matimbrehan ang mga ahensiya ng gobyerno, maging ang mga kababayan natin, sa mga lugar na maaaring tamaan ng malakas na ulan sa inyo pong probinsya. Tunay na isang malaking tagumpay po ito. Tagumpay hindi lamang ng ating gobyerno, hindi lamang ng samahang Pilipinas at Hapon—ngunit higit sa lahat, tagumpay ng maraming Pilipinong mabibiyayaan natin ng katiwasayan at maililigtas natin sa mga pangambang dulot po ng bagyo.
Let me take this opportunity to thank the Japanese Government for their enduring partnership with our country. The completion of these two projects is timely as we celebrate 55 years of cooperation with your country and the 43rd Anniversary of Japan’s technical assistance for PAGASA. More than a neighbor, you have become—and you are—a brother to the Filipinos. This is why we did not hesitate to lend a hand to your people these past months when you have faced many challenges brought about by the earthquake and the tsunami. We share our sympathies with your people. It is doubly gratifying for us that you have found the time and effort to support this project. These gestures show that humanity and compassion extend farther than geographic and cultural borders. I thank you, again, in behalf of every Filipino.
Marami na pong dumarating na mabubuting balita sa ating bansa, ngunit sa kabila nito, hindi po nagiging kampante ang ating gobyerno. Sa halip, lalo pa tayong kumakayod upang higit pang mapabuti ang pagbabantay natin sa mga paparating na kalamidad. Prayoridad pa rin natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mamamayan. Ano na nga po ba ang mga nagawa at ginagawa natin upang makamit ito?
Sa tulong ng Department of Science and Technology, napabilis na natin ang pagpapatupad ng ating mga inisyatibo at hangarin ukol dito. Tinitiyak ng DOST na tuloy-tuloy ang pagpapaunlad ng mga pasilidad ng PAGASA. Mas pinarami na natin at pinagbuti ang ating automatic weather stations, rain gauges, doppler radars, flood monitoring and forecasting systems. Binago na natin ang ilang kagamitang panahon pa ng kopong-kopong. Mayroon na rin pong dine-develop na sensors ang DOST laban sa mga landslides, tsunami, at red tide. Ang maganda pa rito, gagawin at ididisenyo ang mga kagamitang ito sa bansa po natin. Mas makakatipid tayo, at makakapaglaan ng pondo sa iba pang proyekto.
Pinatutunayan po ng DOST na hindi sa lahat ng pagkakataon, pera lamang ang kayang makapagpatakbo ng isang mahusay na proyekto upang tugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan. Sa halip na kumiling lamang sa nakalaang pondo, ipinapamalas ni Kalihim Mario Montejo ang kanyang angking-talino, disiplina, pagka-malikhain, at husay sa pamumuno upang mas makapagsilbi nang mabuti sa publiko. Kaya naman, binibigyang-pugay natin si Secretary Montejo sa pangunguna niya sa DOST—at ang buong DOST—sa pagpupursigi niyang maisakatuparan ang inisyatiba ng atin pong gobyerno. Nawa’y tularan ka ng iba pa nating mga lingkod-bayan.
Isa pa po sa mga ipinapanukala natin ngayon ay ang paggawa natin ng isang comprehensive 3-D map ng buong Pilipinas. Maglalabas po tayo ng mahigit sa isang bilyong piso para dito. Sa mapping na ito, mas lalawak ang pagtanaw natin sa bawat sulok ng bansa, na magpapalakas sa kakayahan nating malaman ang mga lugar na maaaring datnan ng baha at iba pang sakuna. Malaking tulong din ito upang mabigyan tayo ng karagdagang oras para matulungan ang ating mga kababayang babahain.
Baka may ilan pong umalma sa gastusin natin sa proyektong ito. Baka sabihin nila, bakit ang laki naman ng inilalabas na pondo? Gusto ko lang pong igiit: Buhay ang maisasalba natin dito. Isama pa natin ang mga bahay, ari-arian, at kabuhayan ng mga Pilipinong ating matutulungan. Nasa isang geo-hazard area po ang Pilipinas—may animnapu’t anim tayong probinsya na may naka-ambang panganib. Tama lang naman po siguro kung paglaanan natin ng kaukulang pondo ang pangangalaga sa mga ito, hindi po ba?
Bago po ako magtapos, may mensahe lang po ako para sa ating mga kawani sa gobyerno. Ito pong ideya ng pagiging handa ay inilalatag natin, hindi lamang para sa naka-ambang delubyo; inilalatag natin ito sa lahat ng aspekto ng gobyerno. Alam kong uulanin pa kayo ng tukso na abusuhin ang kapangyarihan at maging makasarili. Alam kong babagyuhin pa kayo ng tukso ng katiwalian. Ang panawagan ko sa inyo: Maging matatag po tayo; isipin ninyo ang bayan bago ang sarili. Makipagtulungan kayo sa gobyerno, sa lokal na pamahalaan, at sa mamamayan. Kaya naman po:kadwaen dak nga tumurong iti nalinteg nga dalan, tapno matungpal tayo amin dagiti arapaap tayo. (Mga isang oras ko pong iprinaktis, mukang mail pa [Laughter])
Maraming salamat po; at bago ho ako magtapos: Noong ako po’y bagong Kongresista, may baha kami sa Tarlac City. Dito po sa inyo parang nakalagay na lahat. Sa Agno, mayroon tayong forecasting: Noong panahon ko po, kakausapin ko na iyong Agno river basin [forecast branch], kakausapin ko pa iyong Pampanga River basin, ang ginawa po sa amin ay trumpo—pinagpasa-pasahan lang noong dalawang sangay ng gobyernong iyon, at wala po halos nangyari. Dito po, aasahan n’yo, hindi na ho ganoon iyong systema. [ … ]
Maraming salamat, at mabuhay po kayong lahat.

No comments:

Post a Comment