President AquinoSpeech Inauguration of the sanitary landfill of Urdaneta City


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapasinaya ng engineered sanitary landfill ng Urdaneta
[Inihayag sa Lunsod ng Urdaneta City, Pangasinan noong ika-8 ng Abril 2011]
Map of Pangasinan showing the location of UrdanetaImage via WikipediaKadalasan, ang tingin po sa mga sanitary landfill ay isang lamat na naghahatid ng iba’t ibang problema sa bayan. Sino nga ba naman ang magsasabing tama ito, lalo na kung ang pinag-uusapan natin ay ang tambakan ng tone-toneladang mga basura? Ngunit kailangan nating tanggapin na habang umuusad tayo tungo sa mas modernong pamumuhay, may mga bagay na magsisilbing basura na lamang. Ang tunay na katanungan ay kung gaano tayo kahanda sa pagdami nito at kung gaano tayo ka-responsable sa pagtatambak nito. Alam naman po nating hindi po mawawalang parang bula ang mga basura, at mas lalong hindi natin basta-basta puwedeng ikalat sa kung saan ang mga ito. Kung sa kapitbahay nga lang po natin, nagagalit na tayo kapag makalat ang harap ng bahay nila, mas lalo na po tayo sigurong maa-asar at mapipikon kapag tone-toneladang basura ang bumungad sa atin sa araw-araw, hindi po ba? Kaya nga po naglalaan tayo ng ekta-ektaryang lupain para sa mga sanitary landfills: Sa halip na itambak natin sa isang lugar na mapanganib sa taumbayan at kalikasan, ilalayo natin ito, lalapatan ng tamang pangangasiwa at makabagong teknolohiya, upang hindi lamang maging kapaki-pakinabang sa taumbayan at kalikasan, kundi para na rin maghatid ng dagdag-kita sa mga mamamayan.
Alam po n’yo, kahapon nanggaling ako doon sa Paco Public Market. Likod po noon ay mayroon isang creek. Iyong creek po ang ginawa nilang tambakan. Iyong tambakan po, sa dami ng plastic at kung ano-ano pang itinapon doon sa creek na iyon, puwede na pong maglakad doon sa creek na hindi nababasa ang paa. Pero may mga nagtulong-tulong nga ho’t, unti-unti, nabubuhay na ulit iyon. Huwag na tayo umabot doon. Ayusin na natin po iyong basura, ngayon pa lang.
Ito nga po ang pinapatunayan natin ngayong araw—na possible po ito. Sa pagpapasinaya natin sa engineered sanitary landfill dito sa Lungsod ng Urdaneta, ipinapakita rin nating maaaring sumunod sa agos ng modernisasyon nang walang idinudulot na masama sa kalikasan at sa kalusugan ng taumbayan. Kaya naman saludo ako kay Mayor Bobom Perez sa pagtugon, hindi lamang sa problema sa waste disposal and management ng inyong sariling lungsod, kundi maging ng mga karatig-lugar gaya ng Baguio City, Dagupan City, Mapandan, Sta. Barbara at Pozorrubio. Ang maganda kasi sa engineered sanitary landfill na ito, maliban sa dalawampung toneladang compacted solid wastes ng Urdaneta City, kaya pa nitong tumanggap ng karagdagang dalawampung tonelada ng basura. Ibig pong sabihin, habang naiaayos natin ang problema ninyo sa basura at napapanatili nating maayos ang kapaligiran, yumayaman din ang inyong lungsod dahil sa kinikita nito mula sa ibang LGUs na gumagamit ng imbakang ito. Talaga naman pong good news ito sa mga kababayan natin dahil nangangahulugan po ito ng mas maraming trabaho na puwede ninyong pasukan para iangat ang antas ng inyong kabuhayan. Maliban sa mga kukuning trabahador na magbabantay sa mga disposal cells, rainwater management facility at ecological waste management area, may iba pang mga gamit gaya ng dump trucks, bulldozer, at compactor na mangangailangan din ng karagdagang manggagawa para sa paghahakot ng basura at pangangasiwa ng inyong engineered sanitary landfill. Ang mahigit dalawandaang milyong piso na inilaan dito ay hindi po mapupunta sa wala; puhunan po ito para sa kinabukasan ng inyong lalawigan. Ito nga po ang sinasabi nating reporma: Kung seryoso talaga ang mga pinuno na maghatid ng kaunlaran, walang imposible po sa atin. Mantakin po ninyo: basura na, naghahatid pa ng disenteng kabuhayan, hindi po ba ganoon ang totoo?
Narinig na naman po ninyo siguro ang isyu ukol sa global warming. Kaliwa’t kanan na po ang mga pelikula tungkol sa pagtatapos ng mundo, at kung hindi po tayo tutulong upang labanan ang global warming, hindi na natin kailangan pang manood ng sine para makakita ng mga nakagigimbal na sakuna. Buksan mo lang ang telebisyon, magigitla ka na sa mga balita. Ang masama pa nito, baka sa mismong lugar ninyo mangyari ang tila ba 40 days and 40 nights na pag-ulan, o pagguho ng lupa, o hindi humuhupang pagbaha. Hindi na po special effects sa mga pelikula ang mga nababalitaan ninyong sakuna sa ating bansa at sa ibang panig ng mundo. Totoo na po ito. At kung mali ang ating solid waste management, sinasakal po natin ang ating kapaligiran at nagdadagdag lang tayo ng panganib sa kalusugan at buhay ng mga mamamayan.
Kaya naman po noong Pebrero, hindi na tayo nagpatumpik-tumpik sa pagpirma sa Executive Order No. 26 upang ipatupad ang malawakang National Greening Program (NGP). Magtatanim po tayo ng mga puno sa mahigit isa’t kalahating milyong ektarya ng lupain sa buong bansa, sa tulong ng mga mag-aaral, mga empleyado ng gobyerno, at ng pribadong sektor. Bawat punong ating mapapalago ay makatutulong upang mabawasan ang nakasusulasok na usok mula sa mga sinusunog na basura, gasoline, at biomass combustion. Magbubunga rin ito ng dagdag na pagkain at pagkakakitaan para sa marami nating mahihirap na kababayan.
Kung maaalala po ninyo, binagyo rin po tayo ng batikos nang inaprubahan natin ang  Executive Order No. 23 na nagbabawal naman sa pagputol ng puno sa mga natural at residual forests sa buong bansa, at ang pagbubuo ng Anti-illegal Logging Task Force. Inatasan natin ang DENR na itigil ang pagbibigay ng mga logging permit at pagre-renew ng mga lisensya ng lahat ng mga nagtotroso sa ating likas na kagubatan. Marami man pong tumututol dito—mayroon naman po akong isang kasangga doon sa likod—hindi ko po maaatim na unahin ang interes ng mga sakim na taong nasa likod ng pag-uubos sa kagubatan. Kayo pa rin po ang aking Boss, at kapakanan pa rin ninyo ang nagtutulak sa akin pong sundin ang aking prinsipyo.
May mga katulong din po tayo sa pribadong sektor, gaya ng Philippine Plastics Industry Association na gumagawa ng mga hakbang sa pangangalaga sa ating kalikasan. Sa kanilang proyektong “Help Clean and Save our Waterways,” pinangunahan ng PPIA ang koleksyon at pag-recycle ng mga plastik na basura mula sa mga estero sa NIA Road at Anaran Creek upang mabawasan ang basura sa kapaligiran. At umaasa akong mas marami pang makikibalikat sa atin sa pangangalaga ng ating kalikasan. Para rin naman po sa atin ito. Obligasyon nating matiyak ang kaligtasan ng ating mamamayan mula sa Global Warming o sa anumang sakuna. Obligasyon nating mamuhunan para sa kinabukasan ng atin pong buong bayan, lalo na ng salinlahi. May magagawa pa po tayo.
Gaya nga po ng proyektong ito, tinitiyak po ng inyong pamahalaan na ang mga kalat at dumi sa burukrasya ay winawalis na rin, at ilalagay kung saan sila dapat ilagay. Kung may mali silang ginawa, kahit pa anong tago ang gawin nila sa kanilang mga kalokohan, aalingasaw pa rin po ang baho nito. Ang pagkakaiba lang po, kapag napatunayang nagkalat sila sa kanilang puwesto, hindi sila sa sanitary landfill itatambak—sa loob ng kulungan na po sila mabubulok. Kaya naman po hinihikayat ko kayong lahat na samahan kami sa pagsusulong ng ating reporma. Walang ibang mag-aambag sa katuparan nito kundi tayo ring mga Pilipino. Asahan po ninyong mananatili kaming tapat sa aming mandato; hinding-hindi po lilihis sa masukal at liku-likong direksyon ang pamahalaan ninyo. Gagabayan kami ng inyong pagtitiwala at malasakit sa bayan. At umaasa kaming kasama namin kayo sa pagbabayanihan tungo sa tuwid na landas ng kaunlaran.
Agtalek kayo: mabalin tayo manen nga agarapaap. Kadwaen dak nga tumurong iti nalinteg nga dalan iti pudno nga panagbalbaliw ken rang-ay. (Pagbalik ko ho, pang-Grade 5 iyong Ilocano ko. Nasa Grade 1 pa lang ho tayo ngayon. [Laughter])
Pero bago pa ho ako magtapos: Kanina po, iyong ating flood warning system sa Agno River an gating ininaugurate. Alam ho ninyo—ano ba iyong warning system? May parating na baha. Mayroon tayong bibigyan ng oras para mailikas iyong mga nalalagay sa peligro. Sa buong bansa po, 80 ang probinsya natin. Sixty-six po sa 80 iyon ay mayroong mga lugar na lubha ang panganib dahil sa flashfloods o sa landslides. Iyon pong baha na aabot po dito, siyempre nanggaling po sa tinatawag na upstream. Doon po sa upstream, nakita ko naman po iyong mga dams na wala na pong watershed noong papunta ako sa PMA [Baguio]. ‘Pag wala pong watershed, ibig-sabihin, iyong buong paligid wala na pong berde, puro lupa na iyong nakita. Hindi ho bang mas maganda: Bago pa magkaroon ng rumaragasang baha, ay naisaayos na natin dahil may puno na doon na iinom doon sa sobra-sobrang tubing ‘pag may tag-ulan. Hindi po dire-diretso nalang ang buhos sa atin.
Ito pong sanitary landfill na ito—lahat tayo aminado, iyong basurang ginagawa ng tao kailangan may paglalagyan. Pero kapag may nagtanong, ano ang gagawin natin sa basurang iyan? Sasabihin ng lahat: doon sa batas, kailangan ng sanitary landfill. Tama iyan. Saan natin ilalagay? Doon sa kapitbahay. Hindi ho ba? May problema tayo, pero pagdating ng solusyon, medyo wala ho yatang volunteer. Kaya naman po si mag-amang si Manong Amadito at saka si Bobom [Perez], at ang buong Urdaneta dapat naman pong pasalamatan—hindi lang po ng Pangasinan, pero ng ibang karating na lugar—na sila po nakita iyong problema, at nanguna sa pagsasaayos nitong problemang ito. Kaya ko lang po ihihingi na puwedeng palakpakan natin ang lahat ng mamamayan at pamahalaan ng Urdaneta. [Applause]
Aminiado po akong maraming problemang ipinamana sa akin ng aking guro. Pero sigurado naman po ako, habang kasama ko kayong lahat, iyong problema po, oras lang ang pinaguusapan para malutas.
Magandang hapon po ulit. Maraming, maraming salamat sa inyo.

No comments:

Post a Comment