Labor Day Speech of President Aquino


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagdiriwang ng Araw ng Mangangawa, 2011
[Inihayag sa Heroes Hall, Malacañan Palace noong ika-1 ng Mayo 2011]
P-NoyImage via WikipediaMarami hong binanggit kanina, at siguro ho gusto kong malaman ninyo na hindi ho tayo nalalayo sa tinatawag na sentimyento ng uring manggagawa, lalo na po na ngayon po ako ang presidente, at ipapaliwanag ko ho sa inyo kung bakit: Ngayon po ay Linggo. Linggo po kadalasan sa napakaraming Pilipino ay araw ng pahinga. Hinahanap ko po sa Civil Code, sa Labor Code: Kailan ba iyong day off ng presidente? [Laughter]
Wala rin pong overtime pay. May konti naman hong security of tenure. Namimiss ko ang panahon noon na tiyak ang aking araw ng pagpahinga. Ngayon po nakatikim naman ako, last week; Good Friday po, wala pong umistorbo sa akin. So hinihintay ko po ‘yung susunod; siguro January 1 ‘yung susunod kong pahinga naman. [Laughter]
Siguro gusto kong magrespond sa ilang detalyeng binanggit po kanina, bago ho puntahan natin ang pormal na talumpati:
‘Yung sa TESDA: dagdagan ang scholarships. Tama po kayo. Pagkausap po natin si Joel Villanueva, halos wala ho siyang bukang bibig noong pagkampanya niya sa TESDA. Ang natuklasan nila ay may 1.3 billion pesos worth of scholarships na hindi ho nagkaroon ng appropriations. In effect, kaliwa’t kanang voucher ang pinamudmud ng dating namamahala, wala naman palang pondo ito. pagdating ni Joel, tulad ko ho, siya ang inaatasang magbayad ng lahat ng utang ng TESDA. At iyong pagbibigay ho ng panibagong educational vouchers ay nahaharang dahil nga ho maraming tumaob [ ... ]. Last time ko po siyang nakita ay dalawang bilyong piso na raw po ang iniwan sa kanyang utang sa kanilang audit na ginagawa; at malapit na raw ho silang magsampa ng kaukalang kaso doon sa nagpasama sa situwasiyon ng TESDA. Having said that, napakaimportante po ng TESDA sa lahat ng mga dagdag-kaalaman at skills na kailangan pong maituro natin, kaya inatasan po natin si [Budget and Management Secretary] Butch Abad na maghanap ng kaukulang pondo para talaga namang masuportahan ang pangangailangan ng TESDA.
Puntahan ko na po, dito sa pormal na talumpati, dahil magagalit sa atin po ang lahat ng nagtulong-tulong mailagay ang lahat ng inputs dito. Pero bago ko ho talaga tuluyang umpisahan: Hindi ho, palagay ko, maganda na tuwing May 1 nabibigay ang inyong sektor ng pansin, pagkatapos ho magkikita tayo ulit May 1, Kaya ko ho minumunkahi ho—minimum, baka pwede quarterly—magusap tayong lahat, kasama ng employers sector, lahat ng ibang sangay ng gobyerno na kakailanganing makipagugnayan, habang isinusulat natin at binabalangkas iyong magiging labor policy natin. Uulitin ko po: Natin, hindi ng administrasiyon, hindi ng employers lang, hindi ng labor sector lang. Habang naguusap tayo, nagbabago na po ang sektor ng manggagawa sa buong mundo. Kailangan pong maging, tinatawag na, di ba sa English po, “nimble.” Kailangan tayong makisabay sa mga pagbabagong ito para talaga namang matugunan ang mga pangangailangn ng bawat sektor, na kung hindi magkakatulungan ay wala tayong mapapala lahat. So, sa pangunguna po ni Secretary Baldoz—at ako naman po’y available sa inyo dahil, sabi ko nga ho sa inyo, bawal ho day off sa akin—pagusapan po natin, hubugin natin, at himayin natin bawat isa ng inyong mga inilapit itong araw na ito. Next year po, sana maireport naman natin sa isa’t isa: itong problemang ito ay natapos na natin; ito ay nabigyan na natin ng lunas; ito’y nabigyan na natin ng solusyon. Iyon po ang ambisyon ko. Dito na po tayo sa pormal, pasensya na po kayo, kailangan po nating mailagay sa record lahat ito:
Marahil po, nakasanayan na natin na ang Araw ng Manggagawa ay nagiging araw ng ‘di tuwirang pagsasalita, o ng bolahan. Isang araw tayong paliliguan ng pa-poging numero ng pamahalaan, habang buong taon naman nila tayong tatalikuran.
Ibahin po ninyo ang inyong bagong administrasyon: Hindi bukambibig ang good news namin, at hindi ito nakakulong sa kung anong numero na itinutrumpeta pero hindi naman po isinasagawa.
Hinahanap po namin ang lahat ng puwede naming gawin, at pagkatapos ginagawa namin ito. Hindi kami nangangako ng imposibleng mangyayari, o ng mga bagay na sa paglaon ay lalo lang makakasakit sa bansa natin.
Halimbawa po: ang sabi ng ibang sektor, tanggalin ang oil deregulation. Ang ganda nga naman pong pakinggan: ibalik natin sa presyong tiyak ang presyo ng krudo. Sasabihin ng gobyerno, ibaba ang presyo ng langis, at bababa nga ito. Pero paano naman po natin gagawin ‘yan, kung talaga namang tumataas ang presyo sa pandaigdigang merkado? Saan tayo huhugot ng panustos sa diperensya ng presyong ibinebenta ang krudo at inaangkat natin?
Magawa man ito, artipisyal lang ang magiging pagbaba. Bubulusok ang tangan nating dolyar, bababa ang halaga ng piso, at lahat ng may imported content, tataas ang presyo. Maging mga lokal na produkto, apektado rin. Wala naman kasi tayong krudo sa paggawa ng mga plastic, for instance, at iba pang mga materyales. Sample po, bumili tayo ng buko juice: habang nandoon siya sa niyog, butasin natin iyong taas at ibuhos natin ang kanyang juice, ayos tayo. Pero pag nilagyan n’yo ng straw, kasama na sa tataas ng presyo. Pag inilagay pa sa plastic na kupita, imported na po iyan, tataas ang presyo.
Batid po ng lahat na limitado ang pondo sa kaban ng bayan. Kulang man tayo sa pondo, hindi tayo nagkukulang sa tamang diskarte sa paggamit nito. Inilalagay natin ang pera kung saan ito may pinakamalaking pakinabang. Halimbawa nga po itong Pantawid Pasada. Dahil hindi na kailangan pang magtaas-pasahe ng mga tsuper, naibsan na rin natin ang pabigat sa bulsa ng dagsa-dagsang pasaherong papasok sa eskuwela o trabaho.
Ang pangunahin ko pong panata sa inyo, marangal na trabaho para sa Pilipino. Noong isang taon, eleksyon, napakarami pong mga kandidato. Ilan po kaming naglaban bilang pangulo, bilang pangalawang pangulo, hangang sa kahuli-huliang konsehal. Mga kandidato, bawat mayor, vice mayor, governor, lahat po iyan ay may mga kinuhang manggagawa na tinaguriang seasonal worker, mula sa mga nag-imprenta ng t-shirt hanggang sa nagpamigay ng polyeto. DOLE na po mismo ang nagsabi: napakaraming pansamantalang trabaho ang nailikha dahil sa eleksyon.
Aba’y kung ikukumpara naman talaga ang bilang ng trabaho ngayon sa noong isang taon—noong January 2010/January 2011—ngayon, halos pareho lamang ang naging bilang po nito. Natapos po ang eleksyon, pero ‘yung trabahong dapat sana’y nawala dahil seasonal nga po, napunan natin.
Ano po ba ang ginawa natin? Isa pong halimbawa: Kung dati, namumroblema ang mga nursing graduates natin dahil wala silang mapasukang ospital, ngayon po, halos sampung libong nurse na ang naipadala natin sa mga pinakamahihirap na barangay bilang bahagi ng RN Heals program ng DOH.
Nakapila na rin ang mga proyekto ng gobyerno tulad ng mga tulay, paaralan, at irigasyon. Trabaho rin ang dulot po nito dahil ang utos po natin, pilitin na maging labor intensive as much as possible ‘to, dahil job generation ang una nating pangako. Sa ngayon po, mahigit isang milyong trabaho na ang malilikha ng mga proyektong naka-enrol sa Community-Based Employment Program or CBEP.
Para naman po sa mga magsasaka, na madalas walang mapagkakitaan pagkatapos ng anihan, nakalatag na rin po ang 4.23 billion pesos Rice Subsidy for Small-scale Farmers and Fisher Folks natin. Ang DSWD po, lumalapit sa mga komunidad at sinasabi, “Halina po tayo’t maghanda para sa susunod na taniman, maglinis tayo ng ilog at paligid, at heto, pasusuwelduhan namin kayo, para may panustos naman po kayo habang hindi pa panahon ng pagaani.” Kumikita na nga po sila, nakikinabang pa ang kanilang mga komunidad.
Marami rin po sa mga masisipag ngunit mahihirap na mga estudyante ang hindi makapag-enrol tuwing Hunyo. Ang tugon natin sa kanila: ang Special Program for Employment of Students, or SPES, na magbibigay sa kanila ng trabaho kapag bakasyon po. Ang una po nating tinarget para sa taong ito, 80,000 benepisyaryong estudyante. Peron ngayon po, ang budget para sa SPES, pinadagdagan na natin ng 168.1 million pesos sa sipag ng DBM at DOLE. Ang katumbas po nito, dagdag na 52,000 estudyante na hindi na kailangang mamrublema pa kung saan sila kukuha ng panustos sa kanilang pag-aaral. Ipagpapatuloy pa po natin ang pagdagdag ng budget para sa SPES sa 2012, tulad ng naaayon sa batas.
Dagok din po ang isyu ng lumalaking puwang sa kakayahan ng aplikante at sa kung ano ang bakante at kailangang trabaho ng mga kumpanya. Si Juan, nakapagtapos nga ng kolehiyo, pero wala namang mapasukang trabaho na akma sa kinuha niyang kurso. (Naalala po n’yo ‘yung kumuha ng Physical and Occupational Therapy, noong nag-graduate, lumipat ng Nursing; noong nag-graduate wala pa ring mapasukan. Hindi ko po alam sa ngayon kung saan sila lilipat. Sayang naman po ang ipinuhunan ng kanyang mga magulang.) Bilang tugon, inilunsad ng DOLE ang Career Guide: isang online labor market information service na magbibigay ng napapanahong impormasyon tungkol sa mga sektor at trabahong in-demand. Ibig sabihin po nito, mayroon na kayong giya kung saan kayo dapat pumasok na kurso, para mayroon naman mas katiyakan na mayroon kayong mapapasukan na trabaho pag-graduate, at magbubukas ng mas malaking pagkakataon para magamit ng mga graduates natin ang kanilang piniling kurso. Hindi lamang nito gagabayan ang mga estudyante sa pagpili ng wastong kurso sa kolehiyo, kundi makakatulong din ito sa mga aplikanteng naghahanap ng trabahong akma sa kanilang kakayahan.
At alangan naman pong mawala ang Labor Day Job and Livelihood fair ngayong araw. Kasalukuyan itong nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kung saan may humigit-kumulang 200,000 trabaho ang maaaring pagpilian ng ating mga kababayan. Sa katunayan, kung magawi po kayo sa Luneta pagkatapos ng ating almusal, ayon sa huling tala ng DOLE, may halos 270 local at overseas employers ang tumatanggap ng mga aplikante para mapunan ang mahigit 70,000 trabaho. Inaasahan pong bago matapos ang araw na ito, 15 porsyento sa mga aplikante ay magkakapagtrabaho na on-the-spot, habang ang iba naman ay maipoproseso ang aplikasyon sa loob lamang ng isang buwan.
Hindi naman po natin puwedeng akuin ang lahat ng mga nalilikhang trabaho. Nagbukal po iyan sa tiwala ng taumbayan, na nagpatibay sa dating uuga-ugang ekonomiya, at nagbigay-gana sa mga negosyante, mula sa loob at labas ng bansa. Mula call centers hanggang sa pagawaan ng barko, mas lalong na-engganyo dahil na rin sa tiwala po ninyo.
Kinikilala po natin ang pangamba ng negosyante, lalo na ng maliliit na kumpanya. Pero hindi natin kayang magbingi-bingihan sa mga daing ng ating mga minimum wage earners. May proseso po para sa kanilang mga hinaing, at nakahain na po ang kanilang mga petisyon sa kani-kanilang mga wage board.
Habang nakabinbin ang ganitong mga petisyon, lalo naman pong tumitindi ang tensyon sa pagitan ng mga manggagawa at management. Baka naman po puwedeng paspasan na ng mga wage board ang pag-asikaso sa mga isyung ito, upang makatutok na rin ang mga manggagawa sa kani-kanilang mga trabaho, at pare-pareho na tayong makahinga nang mas maluwag.
Kitang-kita naman po na hangga’t kaya nating madaliin ang ginhawa, ginagawa natin. Sa mga kabalikat ko pong government worker: Pare-pareho po tayong excited sa ating mid-year bonus. Kaya nga po yung prosesong dapat, sa a-kinse ng Mayo pa magsisimula, pinagulong na natin.
May isa pa po tayong inaabang-abangan: ang third tranche ng Salary Standardization Law 3 na lalabas ngayong Hunyo. Tama po ang dinig ninyo: sa June at hindi sa July ang pagtaas ng sahod ng mga taga-gobyerno. At bago po kayo humirit ng Salary Standardization Law 4: Noong nagdedebate po kami sa Senado niyan, inamin po ng sponsor ng SSL3 na wala po tayong perang pang-SSL3, uutangin pa raw natin. Parang hindi ho yata matino iyong magdadagdag ka ng umento na wala naman pala sa iyo, na uutangin mo lang. Pero masinop po si Kalihim Butch Abad, at ang buong gubyerno. Nakahanap na tayo ng paraan para iyong obligasyon na iyan ay matugunan.
Pinaaga po natin ‘yan ng isang buwan dahil alam kong malaking bagay ito, lalo na’t magpapasukan na naman. Alangan namang ipagpabukas pa natin ang kaya naman nating ibigay na ngayon.
Iyan po ang panata natin simula pa lang, at iyan ang pinaninindigan natin hanggang sa ngayon.
Mulat naman po siguro ang lahat sa dami at lalim ng kailangan nating ayusin. Para po kaming bumubunot ng kinakalawang na pako gamit ang sarili naming daliri. Nambobola lang po ang mga nagsasabing sa loob ng isang tulog o isang buwan ay magbabago na ang lahat. Kalokohan po iyan, alam po ninyo iyon. Ang maliwanag po, papunta na tayo sa tunay at makabuluhang pagbabago.
Hindi po kasi kami manhid. May pakialam kami sa dinaraanan ng bawat manggagawang Pilipino, at nasa isip namin palagi ang lingap at ginhawang kaya naming idulot sa inyo. Hindi kami nag-atubiling ibigay ang kayang ibigay basta’t hindi ito makakasakit sa atin pong ekonomiya at lipunan sa mga darating pang panahon. Hindi kami nagsawang magbalik-balik sa Egypt, Libya, o Japan, magastos man o mapanganib—dahil alam naming may mga batang naghihintay sa kanilang mga magulang, at may mga asawang nangangamba para sa kaligtasan ng kanilang minamahal.
Paulit-ulit ko pong hinihimok ang sambayanan: Makilahok po tayo at huwag lamang makialam. Umambag tayo sa solusyon. Mag-usap tayo nang matino nang sa wakas ay mahawi na natin ang mga barikada at makapagtrabaho pa tayong lahat nang matiwasay.
Mayroon na po kayong administrasyong kumikilala sa mga manggagawa. Mayroon na kayong pamahalaang mulat na hindi lang kayo basta mga numero sa kapirasong pilas ng papel; hindi kayo mga titik lamang sa makakapal na dokumentong inaamag naman sa mesa. Kinikilala namin ang pagod at hirap ng bawat manggagawang Pinoy: magsasaka man o mangingisda, drayber o call center agent, nagpundar ng puhunan o nagsisilbi sa taumbayan. Ngayon pong Araw ng Manggagawa, may pamahalaan po kayong may ginagawa: makabuluhan, mapagmalasakit, at tunay na nakakaramdam.
Bago po ako magtapos, gusto ko lang pong ipagdiinan: Alam ho ninyo, inambisyon ko po, una kong pangako, job generation [ ... ]. At palagay ko naman po nagtagumpay tayo maski papano diyan. Tinabla na natin iyong seasonal workers noong campaign period; hindi na po naging seasonal, naihanap sila ng trabaho. Dahil sa katunayan po, buwangang 10 percent of 1 percent—ang liit po ng diperensiya ng ating unemployment figure. ‘Yun lang po, mga 92,000 workers out of 36 million ang hindi po nating napunuan ng trabaho. Isama na po diyan iyong 600,000 na taong-taong idinadagdag sa labor force. Iyong mundo po nagbabago na talaga. Sa Japan, alam naman po ninyo dati, ‘di ba,  jobs for life. Ngayon po hindi na ganoon. Sa Amerika po, ultimo iyong public-service workers; gulat po ako, may mga lugar po doon pati iyong kapulisan, nili-lay off na. Talaga pong kailangan tayong gumawa ng mga paraan kung saan—at ito po ang ambisyon ko: May manggagawa tayo, may trabaho; ‘yung industriya niya po, nawala na, gumuho na, lumipat. Dapat iyong manggagawa—ang gobyerno magiging daan, magiging tulay—tutulungang mabigyan ng dagdag na kaalaman, iyong tinatawag na retraining, para may mapasukang trabaho, para maisale kung saan man iyong growth industries.
Dulo po nito, ano? Kayong lahat na dumalo itong araw na ito; kayo po, naniniwala ako, talagang naghahanap tulad ko ng solusyon. Hindi tayo nagpapapogi, hindi tayo nagpapataasan ng boses lang. Hindi tayo sumisigaw nang walang katuturan. Dito po, naguusap tayo nang mahinaon. At kung iyan po ay ipagpapatuloy natin, iyong mga nabanggit po kanina, hindi ko po—hindi sa narining—pero hihimayin po natin doon sa tuloy-tuloy na pakikipagusap. ‘Yung processo sa NLRC na napakaraming appeals—na baka naman pong maubos na lahat ng buhok namin ni Butch Abad ay nasa appeal pa rin—ay talaga pong isusulong natin ‘yung mga repormang kanila pong pinagaaralan ngayon: Mabawasan; magkaroon ng katarungan sa lalong madaling panahon. Iyong punto po na gaano nating mapapagawing mas responsive iyong tripartite wage boards, pipilitin po natin iyan. So ang naging trabaho ko po: Maghanap ng trabaho. Naging trabaho ko po, asikasuhin lahat ng ating overseas workers, na sa totoo lang po, noong umpisa’y hindi makumpleto ang tala nila. Hanapin, tulungan, siguraduhing ligtas. At ang masama pa nga ho, sabi nila, “bakit kami babalik sa Pilipinsa, wala kaming katiyakang trabaho doon?” Kawawa naman po ang ating Secretary natin ng Foreign Affairs, naging halos residente na po sa lahat ng lugar na maglo. Kasalukuyan po ay naggaling siya sa Yemen, papunta naman ng Syria ngayon, nanggaling sa Libya nang tatlong beses na. Pati na ho doon sa Misrata, na kung saan mayroon pa ho tayong mga nurses na pinuntahan na ng hindi bababa sa limang beses, ay nagsabingdoon muna raw siya.
So, mga Kasama, marami po akong problemang minana. Pero tiyak ko po, habang nandiyan kayo, habang maguusap tayo nang mahinahon, bakit naman hindi natin mapapaganda ang situwasyon ng bawat sektor?
Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.

No comments:

Post a Comment