Pnoy departure statement for 18th ASEAN Summit Jakarta


Pahayag
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Bago tumulak patungong Jakarta, Indonesia para sa ika-18 ASEAN Summit
[Ihihayag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong ika-6 ng Mayo 2011]
Meeting of the European Union-ASEAN foreign mi...Lilisanin po natin pansamantala ang ating bansa at tutungo sa Indonesia para dumalo sa 18thASEAN Summit. Bahagi po ito ng pagkukumpuni sa ating bansa, na atin pong tahanan. At mahalaga po rito ang suporta ng ating mga kalapit-bayan sa Timog-Silangang Asya—sa pagtataguyod ng isang rehiyong lunsaran ng pagkakaisa at kanlungan ng mauunlad na komunidad ng mga bansa.
Mahalaga po ang pagpapalakas sa ating bilateral relations sa mga bansa sa ASEAN. Sa summit na ito, makikipag-usap po tayo sa mga pinuno ng ating mga karatig-bayan para pagtibayin ang ating pagtutulungan sa mga programang pangkaunlaran at pangkaligtasan. Sa ating pagkakasundo at pagbubuklod, lalo pang tataas ang ating kompiyansa na marating ang maayos at matiwasay na destinasyon.
Makikipagdiyalogo po tayo sa iba pang mga lider, para patatagin ang ating ugnayan para sa seguridad at kapayapaan sa loob at labas ng bansa. Tatalakayin dito ang mga estratehiya upang mapangalagaan ang ating teritoryo at para maprotektahan ang ating mamamayan mula sa mga banta ng masasamang elemento. Pagpupulungan din sa okasyong ito ang mga paraan sa pagsugpo sa mga krimeng nagdudulot ng iba-ibang polusyon sa bansa: tulad ng human at drug trafficking, piracy, at mga polusyon sa kalikasan. Sa ganitong paraan, mapapangalagaan natin ang kapakanan at karapatan ng ating mga kababayan sa Pilipinas at sa ibayong dagat.
Tututukan din po sa pulong na ito ang pagtitiyak na makakaagapay natin ang ibang bansa sa oras ng sakuna at krisis. Bahagi po ito ng puspusan nating paghahanda, lalo pa’t dumadalas ang pagdalaw ng mga kalamidad sa iba’t ibang bahagi ng mundo; at paparating na rin ang panahon ng bagyo po sa ating bayan.
Malinaw po ang hangarin natin sa biyaheng ito: ang maiparating sa ibang bayan na nakahanda ang Pilipinas para makipagtulungan. Tiwala tayong ang diwa ng bayanihan ang prinsipyong bumibigkis sa ASEAN. Hindi po dito natatapos ang ating pagsusumikap. Sapagkat hangga’t makatwiran, hangga’t kapaki-pakinabang, hangga’t kinakailangan, patuloy tayong makikipag-ugnayan sa mga karatig-bayan. Marami pa tayong pangangailangan, kaya naman kailangan nating magdamayan.
Unti-unti na nating natatamasa ang sigla ng ating ekonomiya; muli na nating naipapakita sa mundo ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan; at muli na nating naipapakilala ang bansa sa mundo. Ang mga ito ang nagpapatatag sa ating tahanan. At sa patuloy nating dedikasyon sa kolektibong pagkilos, hindi magtatagal, mas maliwanag na bukas ang tiyak nating patutunguhan.
Maraming salamat po. Magandang hapon po sa lahat.

No comments:

Post a Comment