Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapasinaya ng National Greening Program
[Inihayag sa Department of Environment and Natural Resources Social Hall, Visayas Avenue, Quezon City noong ika-13 ng Mayo, 2011]
Isang makakalikasang araw sa inyong lahat.
Sabi po sa isang awitin noong bata pa si Secretary Alcala: Ang magtanim ay ‘di biro. Sang-ayon po ako dito: Hindi biro ang magbungkal ng matigas na lupa, hindi biro ang yumuko at mangawit sa pagtatanim ng punla, hindi biro ang mabilad sa ilalim ng tirik na araw. Ngunit alam din po natin ang tutubong biyaya kapalit ng sipag at pagsusumikap natin; seryosong bagay ang pagtatanim dahil anumang may kaugnayan sa Inang kalikasan ay isang seryosong usapin.
Ang nakakalungkot po, sa panahon ngayon, nakatanim ang atensyon ng maraming Pilipino sa ibang klase ng pagsasaka. Kung may mga kabataang pamilyar sa salitang planting, plowing, at harvesting, hindi ito nangangahulugang marunong silang magpunla, kundi dahil sa nakababad lang sila sa paglalaro ng online game na Farmville.
Kaya naman ngayong araw, patutunayan nating seryoso tayo, hindi lamang sa mismong pagtatanim, kundi sa kapit-bisig nating paninindigan na pangalagaan ang ating Inang Kalikasan. Sa paglulunsad natin sa National Greening Program, nagpupunla tayo ng mga butil ng pag-asa para sa kalikasan, na siya namang tiyak na aanihin ng mga susunod na Pilipino.
Gaano po ba kahalaga ang programang ito? Nitong huling linggo lamang po, sinalanta ng napakalakas na bagyo ang Bicol. Labis ang naging pagbabaha at kabi-kabila ang mga landslide. Ang ilang mga bahay, gumuho at tinabunan ng putik. Maraming pananim ang nasalanta, at may mga kababayan tayong binawian ng buhay. Sa mga pangyayaring ito, masasabi nating malaking salik sa landslide at pagbabaha ang kakulangan natin ng puno. Kung tutuusin, hindi po ito bagong problema. Ilang dekada na po tayong putol nang putol ng puno; at paulit-ulit din nating binubuno ang resulta ng ating kapabayaan at pagmamalabis sa kapaligiran.
Kaya naman panahon na upang mamuhunan para sa kinabukasan. Panahon na upang magpunla ng isang programa na may layuning pangalagaan at pagyamanin ang ating mga kagubatan. Ang programang ito ay nasa ilalim ng Executive Order Number 26 na pinirmahan natin nito lamang Pebrero 24, 2011. Sa pagtatanim na ito, inaasahan natin na mabawasan ang polusyon at banta ng greenhouse gases; mapangalagaan ang mga kagubatan na bumubuhay sa ating mga watershed na ating pinagkukunan ng malinis na tubig; maparami ang mga mangrove na nagsisilbing tahanan ng iba-ibang halaman at hayop; at magkaroon ng tiyak at pangmatagalang pagkukunan ng pagkain at tanim na troso.
Isa’t kalahating bilyong buto ang ating ipupunla sa loob ng anim na taon sa isa’t kalahating milyong hektarya ng lupain sa buong bansa. Limampung porsiyento ng mga butong ito ay magiging mga puno para sa mga kagubatan. Ito ay para sa sustainable management at sa pangmatagalang proteksyon ng ating kagubatan. Sa ganitong paraan natin maaagapan ang mga landslide, baha, at pagkasira ng mga pananim.
Ang natitirang kalahating porsiyento ng mga butong itatanim ay nakalaan naman para sa production zones kung saan ang mga halaman at puno ang panggagalingan ng mga produktong tulad ng kape, cacao, at mga prutas. Sa pagpapalakas natin sa crop industry ng atin pong bansa, mapapataas natin ang supply ng pagkain.
Sa pamamaraang ito, hindi natin napapabayaan ang kalikasan; hindi rin natin napapabayaan ang pangangailangan ng ating mga mamamayan.
Ano po ba ang mga hakbang na gagawin? Buong-sikap po nating itataguyod ang pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng malawakang social mobilization o ang paghimok sa lahat ng Pilipino, lalo na ang kabataan sa kolehiyo at hayskul, at mga kawani ng gobyerno na magtanim ng sampung halaman kada taon. Sa gabay ng DENR, ang sistematikong pagkakaisa ng mga ahensya ng pamahalaan at ng mamamayan ay magiging susi sa tagumpay ng National Greening Program. Tagumpay ito ng ating mga kapatid na katutubo, ng mga pamilyang umaasa sa kalikasan, at ng susunod na salinlahi ng mga Pilipino.
Kinikilala rin po natin sa araw na ito ang anim na Pilipino na ginampanan ang kanilang tungkulin para sa kalikasan hanggang sa huling sandali ng kanilang mga buhay. Sila po ang pinarangalan natin ng Environmental Heroes Award ngayon. Bilang pagkilala sa kanilang kadakilaan, nakatanggap ng tulong pinansyal, suportang pangkabuhayan, at scholarships mula sa pamahalaan ang mga naulila nilang pamilya. Maging mabuting halimbawa nawa ang kanilang dedikasyon at propesyunalismo sa lahat tayong Pilipino.
Mas malinaw pa po sa sikat ng araw ang pinupunto ng National Greening Program: Nagtatanim tayo ng binhi upang mamunga ng mas maginhawa at mas masaganang kinabukasan para sa mga Pilipino. Tulad ng isang tunay na halaman, diligan natin, alagaan, at bantayan ang proyektong ito upang masilayan natin ang ganap nitong pamumunga at pamumulaklak. Tinatawag ko kayo: Magtulong-tulong tayo sa katuparan ng adhikaing ito. Nasa tamang panahon na tayo upang ganap itong mapagtagumpayan. Kung noon, nakakalbo nang nakakalbo ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno, ngayon po, sa liwanag ng tunay at tapat na pamamahala, pinatutubo at pinalalago na natin ang kumpiyansa ng taumbayan sa pamahalaan. Abot-kamay na po nating mga Pilipino ang pagbabago at pagasa; simulan natin ang pagpapayaman sa mga ito sa paisa-isang punla.
Bago po ako magtapos: Ako po ay umaasa, pagbaba ko po sa puwesto sa 2016, kung ang ating kalikasan ay talagang napuno na natin ulit, napalitan ang nakakalbong kagubatan na naging talagang masaganang kagubatan na buhay na buhay, siguro may kapalit po iyon—ako nalang po ang makakalbo.
Maraming salamat po at magandang araw sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment