President Aquino Statement upon departure to Thailand


Pahayag
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Bago tumulak patungong Kaharian ng Thailand
[Inihayag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 noong ika-26 ng Mayo 2011]
Ngayong umaga, lilipad po tayo patungong Thailand bilang pagtanggap sa imbitasyon ni Prime Minister Abhisit Vejjajiva. Bahagi po ito ng agenda ng ating administrasyon na patatagin ang ating bilateral relations sa Thailand, at sa pagpapalakas ng ating pagkakaisa sa rehiyon ng ASEAN.
Taong 1949 pa nang pinagtibay ang ating bilateral relations sa Thailand. Lumipas man ang mahigit anim na dekada, nananatiling matatag ang atin pong ugnayan. Bilang mga kasapi ng ASEAN, mahalaga ang maayos na samahan ng Pilipinas at Thailand para maisakatuparan ang ating mga adhikaing pangkaunlaran.
Makikipagpulong po ako kay Prime Minister Abhisit Vejjajiva upang talakayin ang mga paraan para mas mapalakas pa ang ugnayan natin sa Thailand sa iba’t ibang larangan, lalo pa’t nahaharap tayo sa pandaigdigang hamong politikal, pang-ekonomiko at pangkapaligiran.
Sa pagiging magkasangga ng Thailand at ng Pilipinas, maraming benepisyo at makabuluhang serbisyo ang mapapasakamay ng ating bansa. Mag-aambag ito sa pagsigla ng ating ekonomiya, at sa pag-angat ng kabuhayan ng ating mga mamamayan lalo na sa pagkakaroon ng maunlad na kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng ating mga bansa. Noong 2010 nga po, ang Thailand ang ating 9th largest trading partner. Sa pagbisita natin sa kanila, layunin nating lalo pa itong paunlarin.
Bibigyang-diin natin sa kanila na puspusan ang pagsusulong ng ating administrasyon sa Public-Private Partnership (PPP) program. Sa ganitong paraan, nagtitiwala kaming maeengganyo ang mga negosyante sa Thailand na maglagak ng kanilang mga negosyo sa atin pong bansa. Katumbas ng kanilang mga negosyo ang paglikha ng trabaho para sa mga Pilipino; at karagdagang pondo ng gobyerno para sa makabuluhang mga serbisyo.
Pag-uusapan din dito ang pagtutulungan natin sa pagsugpo, lalo na po, sa drug trafficking, at makisulong sa mga larangang pang-akademiko at agrikultural. Tatalakayin din natin ang pagpapabuti sa ating kahandaan tuwing may mga sakuna, lalo pa’t madalas na daanan ang ating mga bansa ng mga natural na kalamidad.
Bukod pa dito, ang mga pagsisikap natin upang patibayin ang interaksyon natin sa Thailand ang patuloy na magsusulong ng kultural na pagkakaunawaan sa pagitan ng ating mga bansa.
Sa pagbisita ko pong ito, makikipagkita din ako sa ating mga kababayan upang personal na kamustahin ang kanilang kalagayan. Nais din natin silang taos-pusong pasalamatan sa pagsusumikap nila, hindi lamang para pagandahin ang buhay ng kanilang pamilya, kundi pati na rin ang ating pambansang ekonomiya. Ipapaabot din natin sa bansang Thailand ang ating pasasalamat sa pagbibigay ng oportunidad sa ating mga kababayan na makapaghanapbuhay.
Tiwala po akong sa ating mabuting hangarin, kaakibat ang inyong mga panalangin, magiging tagumpay po ang biyaheng ito. Hindi pa man po ako nakakaalis, nasasabik na po akong umuwi dala-dala ang mga good news na makakalap natin sa ating pagbisita sa Thailand. Sa ating pagbabayanihan, sa loob at labas pa ng ating bayan, dire-diretso na po tayo sa tiyak na kagasanahan at pag-asenso.
Bago po ako magpaalam, inaasahan ko pong lahat ng nangako sa akin na handang-handa na tayo sa parating na bagyo—tatlong araw na raw pong handa—ay talagang matutupad po’t hindi po ako magugulat habang nasa Thailand. At pag ako po ay nagulat, magugulat rin po kayo pagbalik ko.
Magandang umaga po. Maraming salamat po sa inyong lahat.