PNoy Speech at the 113th anniversary of Philippine Independence, June 12, 2011


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas
[Inihayag sa Kawit, Cavite noong Araw ng Kalayaan, ika-12 ng Hunyo 2011]
Isandaan at labingtatlong taon na ang nakalipas nang nagtipon ang mga ninuno natin dito sa Cavite, lupaing diniligan ng dugo ng mga bayani, upang ihayag sa mundo: Kahapon ang huling araw na ituturing akong mababang-uri sa tinubuan kong lupa. Ngayong araw, isa akong malayang nilalang ng Maykapal na may karapatang mangarap, at tumungo sa katuparan ng mga ito.
Dito ko ngayon pinipiling kausapin ang taumbayan, Pilipino kaharap ang kapwa malayang Pilipino, sa unang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa akin pong administrasyon.
Alam na naman po ninyo ang karaniwang retorika sa ganitong mga pagdiriwang. Ang laging bukambibig: Kung dati ay lumalaban tayo sa mga mananakop, ngayon naman ay kahirapan ang kailangan nating labanan. Ilang dekada na po ba nating sinasabi ito, at ilang dekada na rin ba tayong nakikidigma laban sa kahirapan? Kailan po ba matatapos ito? At bakit ba kaytagal nating naghirap upang maabot ang minimithi nating tagumpay sa larangan na ‘to?
Marahil, alam na po ninyo ang sagot. Hangga’t hindi nauubos ang corrupt, hindi mauubos ang mahirap. Kung gusto nating palayain ang bayan, kailangan nating palayain ang gobyerno, at ang sarili, mula sa kasakiman.
Matagal na tayong nagtitiis sa situwasyon kung saan ang mga dapat nakikipagdigma sa kahirapan ang siya ring pinag-uugatan nito. Kaya nga naman po mistula tayong mga asong nagpapaikut-ikot at hinahabol ang sariling buntot.
Mulat po tayong kaakibat ng kalayaang maghayag ng opinyon ay ang katotohanang minsan, magtataliwas ang mga opinyong ito. Ngunit kampi ka man sa Dallas o Miami; Pro- or Anti-Responsible Parenthood ka man, iisa ang sentimyento natin bilang Pilipino: Hindi natin gusto ang sitwasyon; alam nating may mas maganda pa rito, at gusto nating marating iyong mas magandang iyon. Siguro naman po ay nagkakaisa tayo sa katotohanang nakapagtanim na tayo ng pagbabago.
Ginusto nating bawasan ang apat na milyong pamilyang Pilipinong inaabot ng gutom kada araw, kaya’t binawasan din natin ang mga kontratang binubukulan sa LLDA, sa DPWH at sa iba pang ahensiya ng gobyerno, upang ang pondo ay mailaan sa kapakanan ng mga nangangailangan. Ginusto nating bigyan ng trabaho ang mga naka-istambay na Pilipino, kaya’t ipinakita natin sa mga namumuhunan na hindi natin sila gagatasan, hindi natin sila papahirapan, at hindi natin bubukulan ang kanilang mga kontrata.
Di po ba’t kayrami nang administrasyong hindi maabot ang buong potensyal sa turismo, dahil iilan lang ang eroplanong bumibiyahe sa ating bansa? Iniatas po natin ang pocket open skies policy, at itinuturing kong tagumpay iyon. Di po ba’t kaytagal nang ginagatasan ng mga pinagkakautangan sa pulitika ang mga ahensyang dapat sanang nagpapalago sa kaban ng bayan? Naipasa po ng ating mga kaalyado ang GOCC Governance Act para mabantayan ang mga Government-Owned or –Controlled Corporations, at itinuturing ko rin po itong isang tagumpay. Di po ba’t ilang dekada nang pinapahirapan ang mga taga-Mindanao dahil sa sistemang mala-piyudal? Ngayon pong magiging kasabay na ng botohan sa ARMM ang buong bansa, masisimulan na sa wakas ang pagsasaayos ng sistemang elektoral doon, at maririnig na ang buong-lakas ng tinig ng mga taga ARMM. Tagumpay po ito hindi lamang ng Mindanao, kundi ng lahat ng Pilipino.
Nakamit po ito dahil nanindigan tayong hindi na natin ipapamana ang mga problema sa susunod na administrasyon. Gagawin ko ito, ‘di bale na kung may dambuhalang makabangga; ‘di bale na kung may kaibigang masaringan sa ngalan ng taumbayan. At ngayon, ‘di po ba’t malasakit, sa halip na kamanhiran, ang itinugon natin sa problema ng bayan? Naalala po ba ninyo ang kalagayan bago natin naibalik sa tama ang pagtitimon sa gobyerno?
Para lang makadelihensya, mag-aangkat ng doble sa kailangang bigas, na hahayaan namang mabulok sa mga bodega. Ang mga heneral ay napapabaunan ng trak-trak na salapi, habang ang mga naghaharang ng katawan sa bala—ang atin pong mga sundalo—ay nagtitiis sa butas-butas na bota. Pasasakayin ang taumbayan sa bangkang papel para lang lunurin sa dagat ng kasinungalingan at katiwalian.
Gaano katagal na po bang pinapasan ng mga sundalo at kapulisan ang mahal na upa? Matutulog sila sa lupa kung may engkuwentro, at pag-uwi nila, para rin namang pinukol ng granada ang kanilang tahanan. Noong isang buwan lang po, nag-groundbreaking tayo sa Bocaue, kung saan itatayo ang unang 4,000 pabahay para po sa ating mga magigiting na sundalo at kapulisan. At dahil up-front na mababayaran ang mga bahay dahil sa pautang ng Pag-ibig sa pulis at sundalo, mayroon tayong pondong pagugulungin ulit para makagawa ng mas marami pang tahanan. Ang minamataang dalawampung libong bahay noong una, aabot na po ngayon sa 21,800 units na mapakikinabangan. Isipin na lang po natin kung ang isang dekada ay ginugol sa pagsisilbi nang tapat; baka po pati security guard ay nabigyan na ng pabahay.
Sa akin lang po, kung ang isang lahi ay lumaya nga ngunit mas lalo namang malulubog sa pagdurusa, ano pa ang silbi ng paglaya? Ang mga batas na naipasa para miasaayos ang botohan sa ARMM, at para itama ang pasahod at benepisyo ng mga GOCC; ang mga tiwaling tinanggal sa puwesto; ang mga polisiya na maraming kumokontra ngunit mas maraming matutulungan; ang mga proyekto at departamentong binuhusan ng pondo, mula edukasyon hanggang pabahay ng sundalo at kapulisan, mula kalusugan hanggang sa CCT program—lahat po iyan, ginawa natin para ipamalas ang tunay na kahulugan ng kalayaan sa ating mga kababayan. Ang tunay na kalayaan ay kalayaan din, unang-una, mula sa gutom, kamangmangan, kahirapan, at kawalan ng pagkakakitaan. Ang tunay na kalayaan ay kalayaang may dignidad at may karangalan.
At kung sa tingin ng iba ay napakalaking kasalanan ang aking panliligaw habang binata naman ako, segunda-manong sasakyan gamit ang sarili kong pera, o miski ang pagkanta na kung minsan ay sintunado, wala pong problema sa akin iyan. Ang mahalaga sa akin—ang mahalaga sa taumbayan—ay resulta: hindi pagpapapogi, hindi headline, at mas lalong hindi ang pagkapit sa kapangyarihan.
Alam ko pong may pangamba pa rin sa puso natin. Umaangkat pa po tayo ng 860,000 toneladang bigas, bagaman may matutuwa naman siguro kung malaman nilang 2,380,000 tonelada ang naanangkat natin noong mga nakaraang taon. Sa susunod na taon po, ang panata sa akin ni Secretary Proceso Alcala, maibababa ang aangkatin natin sa hindi tataas sa 500,000 tonelada metriko.
At dahil po dire-diretso na ang pagtatama natin sa sektor ng agrikultura, dire-diretso na rin tayo sa pag-abot sa mithiing lahat ng bigas sa merkado ay dito na sa Pilipinas ipupunla at aanihin; magsasakang Pilipino ang mabibigyan ng kabuhayan, hindi po ang ating mga kaibigan sa Vietnam o sa Thailand.
Marami pa po tayong kailangang gawin. Mayroon pa ring mga batang nag-aaral sa ilalim ng punong-kahoy. Mayroon pa ring mga inang pinagkakaitan ng unang ngiti ng kanilang sanggol dahil walang doktor o ospital sa kanilang nayon. Pero wala naman po sigurong magkakailang ngayon, mas maigting na ang nararamdaman nating galak, dahil malinaw na hindi na po second-class citizen ang Pilipino. At ang karangalan pong ito’y nag-uumapaw na, makikita na natin sa buong mundo.
Isipin po ninyo, tayo na ang nilalapitan ng Brunei para magpatulong sa product design at branding ng kanilang mga produkto. Miski po ang Cambodia, nag-iimbita na para magtayo ng negosyo ang kumpanyang Pilipino sa kanilang bansa, lalong-lalo na po sa pagtatayo ng mga rice mill.
Tapos na po ang panahon ng mayroon pang nahihiyang maging Pilipino; taas-noo na nating maihahayag: Pilipino ako, kaya kaya na akong tulungan ng aking gobyerno, kaya na akong tulungan ng kapwa ko Pilipino, at kaya ko na ring tumulong sa buong mundo.
Narito po tayo sa Cavite ngayon, kung saan unang iwinagayway ang bandila ng Pilipinas. Dito, kung saan unang tumugtog ang Lupang Hinirang upang sabayan ang pintig ng puso ng mga rebolusyonaryong sawa na sa pang-aapi ng mga dayuhan. Dito, kung saan natin unang isinigaw sa mundo: Ito ang malayang Pilipinas; kami ang malayang Pilipino.
Sinabi ng ating mga ninuno noon: “Ipinahahayag natin at pinasisinayaan sa pangalan ng buong Pilipinas ang karapatang makapamuhay nang malaya at nagsasarili, hiwalay at kalag na kalag sa kapangyarihan ng Espanya.”
Sinasabi ko po sa inyo ngayon: Sa ngalan ng buong Pilipinas, ipinahahayag ko ang pagbubukas ng isang bagong yugto sa ating kasaysayan; kung saan ang bawat Pilipino ay mapipitas ang bunga ng kanyang pinaghirapan; kung saan ang batas ay ipatutupad nang patas, sa mahirap man o sa mayaman; kung saan maaaring panghawakan ng lahat ang sarili niyang kapalaran; kung saan ang kalayaan ay may katuwang na karangalan. Ito ang malayang Pilipinas. Tayo ang malayang Pilipino, hiwalay at kalag na kalag sa kambal na salot ng korupsyon at kahirapan, sumasalubong sa kinabukasan nang taas-noo at puno ng kagalakan.
Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat, at maligayang Araw ng Kalayaan po sa ating lahat.

No comments:

Post a Comment