Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa Parada para sa Araw ng Kalayaan
[Inihayag sa Quirino Grandstand, Rizal Park noong ika-12 ng Hunyo 2011]
Isandaan at labintatlong taon na po ang nakakalipas, isang imahen ang kumintal sa kamalayan ng bawat Pilipino: isang watawat na, sa unang pagkakataon, ay malayang naiangat at naiwagayway sa tapat ng mga nakataas na kamao ng nagkakaisang Pilipino. Ito ay ang araw ng proklamasyon ng ating kalayaan bilang isang bayan; at pinapatunayan natin ngayon na hindi natin ito kinakalimutan. Kada taon, isang lipunan, isang bayan, at isang lahi tayong nagtitipon upang kilalanin ang makasaysayang araw na ito, at ang kadakilaan ng atin pong mga ninuno.
Naabot natin ang kalayaan dahil sa pagkakaisa ng mga naunang
Pilipinong nanindigan upang makawala sa gapos ng mga dayuhan. Isa na nga marahil sa pinaka-mahalagang sakripisyo rito ay ang sakripisyong inialay ni Dr. Jose Rizal.
Si Jose Rizal po ay guwapo, matalino, may kaya; bukas na bukas ang pinto upang piliin ang komportableng buhay. Subalit, hinarap niya ang kanyang tadhana—mas pinili niyang mamatay nang Pilipino sa Pilipinas, kaysa magpataboy sa ibang bansa. Ang sa isip po niya marahil, “Maaari ninyong kitilin ang buhay ko, ngunit hindi ninyo ako kayang paluhurin; hindi ninyo kayang nakawin ang dangal ko.” Imbis na barilin siya nang nakatalikod, buong-tapang siyang humarap sa kanya pong tadhana. Ganyang pagharap ang ginagawa natin ngayon sa panibago at mas maliwanag naman nating tadhana.
Kung inabutan kaya ni Rizal ang panahong nadatnan natin sa panunungkulan, masabi kaya niyang sulit ang kanyang isinakripsyo? Apat na milyong pamilyang pilipinong nakakaramdam ng pagkalam ng tiyan sa bawat araw—sulit ba? Libu-libo nating kababayang walang mahanap na trabaho, habang ang ibang kumakayod nang todo, kapos naman ang sahod at benepisyo—sulit ba? Ilang opisyal ng gobyernong ibinubulsa ang ating pondo—sulit ba ang kanyang sakripisyo? Itong special prosecutor, na minalas naman pong napangalanan pang Sulit, sulit po ba ang ginawang pagsisilbi nang pasukin itong plea bargain agreement?
Malinaw ang pahayag ng kasaysayan: hindi dapat kalimutan ang nakaraan, kundi garantisadong uulitin natin ang mga kamalian nito. Kumilos tayo, kasama ng mga kababayan nating may wagas na malasakit sa bansa, at unti-unti nating isinakatuparan ang ating mga ipinangako. Diretso po ang ating pagmartsa sa tuwid na landas: wala nang pasikut-sikot, wala nang patigil-tigil, at lalong wala nang atrasan.
Ramdam na natin ngayon ang magagandang resulta ng ating pagsisikap. Dati, puno ng hinaing ang ilang kababayan natin sa Middle East na hindi makabalik-balik sa Pilipinas dahil sa takot na mamamatay lang sila dito sa gutom. Pero ngayon po, ang pinoproblema na lang ay ang mismong kalidad at uri ng mapapasukang trabaho. May mga militanteng grupo nga pong nagrereklamong puro callcenter daw na lang ba ang trabahong mayroon tayo. Samakatuwid, miski po ang mga kritiko natin ay aminadong may trabaho na talagang naidagdag at dumarami sa Pilipinas. Kung dati po ay “Saan ako kukuha ng ipapakain ko sa pamilya?” ang tanong ng karaniwang Pilipino, ngayon po ang iniisip na lamang nila ay “Ano kayang ulam ang pasalubong ko sa aking asawa’t anak?” Mas maganda naman po sigurong ngayon, may naihahaing pagkain sa mesa ang mga Pilipino, at napapalaya na natin ang ating pondo—pondo na sa halip ipambayad lang ng utang ay nagagamit na natin sa serbisyo-publiko.
Dati po, 1.3 milyong metrikong toneladang bigas ang kailangan natin, pero ang inaangkat nila, 2.5 milyong metrikong tonelada. Isipin po ninyo kung gaano karami ang nawawaldas na pera, maliban pa sa mismong bigas na nabubulok lamang sa mga bodega. Ngayon po, halos isang taon sa panunungkulan, dahil sa mga reporma sa agrikulturang ating ipinapatupad, 600,000 metriko tonelada na lang ang kailangan natin kada taon. Pero para makasigurado, sinobrahan na rin natin po ang inangkat ng 200,000 metrikong tonelada para tiyak na mayroon po tayong kakaining bigas. Mantakin po ninyo: nagawa natin ito, eh ni wala pa tayong isang taon sa puwesto. Sa tuloy-tuloy na reporma natin, posible pong bago tayo bumaba sa puwesto sa tanghali ng Hunyo 30, 2016, sa halip na mag-angkat, baka tayo na ang magbebenta sa ibang bansa ng bigas. Ito na nga po ang kalayaang hangad ng aking ama: ang unang kalayaan na dapat makamit ay ang kalayaan ng mga Pilipino mula sa gutom.
Nagtitipon po tayo ngayon hindi lamang para sa pagdiriwang ng kalayaan, kundi upang ihayag din ang mga hangarin ng ating pamahalaan para sa bayan. Sinasalamin ng martsa at paradang nasaksihan natin sa araw na ito ang pagsisikap nating marating ang isang Pilipinas na mas tahimik at payapa, isang Pilipinas na may kapaligirang malinis at naaaruga, at isang Pilipinas na may pantay na pagkakataon para sa bawat Pilipino na umasenso.
Ipinakita ngayong hapon ng ating mga magigiting na sundalo at pulis ang pagmamartsang sagisag sa pagsusulong natin ng kapayapaan at katahimikan sa ating bayan. Hudyat din ito ng pag-usad natin tungo sa pagpapalawak sa kapasidad at kakayahan ng atin pong militar at kapulisan.
Ito ang unang pagkakataon na maipagdiriwang ng ating bagong administrasyon ang Araw ng Kalayaan kasama ang ating pulis at kasundaluhan. Limang taon mula ngayon, ang hangad ko bago ako bumaba sa puwesto: magmamartsa kayo nang mas taas-noo sapagkat mas may kapasidad na kayong magampanan ang inyo pong mandato. Sinisikap natin ngayon na maging sapat ang inyong kagamitan at pinagbubuti ang inyong kakayahan upang mapanatili ang kapayapaan at maipagtanggol ang inang bayan.
Sagisag naman po ang nagparadang kalipunan ng mga e-trikes sa kinabukasang hindi pinapabayaan ang kapaligiran, at lipunang hindi alipin sa pagtaas-baba ng presyo ng petrolyo sa merkado. Sa pag-unlad ng proyekto nating ito, hindi na tayo lubos na aasa sa inaangkat nating langis mula sa dayuhan. Sa pag-arangkada ng mga e-trike na ito, siya naman pong pagpapahinto natin sa lumalalang polusyon na sinisira ang ating kapaligiran at nagdadala ng peligroso sa ating kalusugan. Para naman sa ating mga tricycle drivers, ang kitang dapat sana’y ibabayad sa bawat sentimong dagdag kada litro ng gasolina, ngayon ay diretso na sa pagkain at mga pangangailangan ng kanila pong mga pamilya.
Dahil malinaw ang ating mga hangarin at tama ang ating ipinaglalaban, tiwala tayong ang pagmamartsa nating ito ay hindi mauuwi sa kawalan. Sa tangan nating mandato at tiwala ng taumbayan, mas maitataguyod na natin ang kapakanan ng nakakarami nating kababayan—na pundasyon ng tunay na diwa’t kahulugan ng ating kalayaan.
Ang kalayaan ay hindi bastang iniaabot sa isang bayang api; ito ay ipinaglalaban. Pinatunayan natin ito noong martial law—nilabanan natin ang diktadurya, hindi sa marahas na paraan, kundi sa mapayapa at nagkakaisang adhika para sa bansa. Ang kalayaan, kung nakamtan, ay dudulas sa ating mga kamay kung hindi tayo mananatiling matatag at mapagmatyag—dahil hindi nauubos ang mga gustong manlamang ng kapwa; ang mga gustong paikutin ang sistema para sa pansariling interes; ang mga gustong bumalik sa lumang kalakaran para magpatuloy ang paniniil sa taumbayan.
At dito po nagkakaisa ang ating bayan; sa paninindigang may maling kailangang itama. kasama ng Bandila at ng Pambansang Awit, binibigkis tayo ng paninindigang kailangan nating isaayos ang sistema.
Sa tabi ng riles man o sa magarang mansyon nakatira, kapag kinilala mo ang matayog na pagwagayway ng Bandila, Pilipino ka. Barya man o sandangkal na salapi ang laman ng iyong bulsa, kapag naglagay ka ng kamay sa dibdib habang tumutugtog ang Lupang Hinirang, Pilipino ka. Ano mang pangalan ang itinala mo sa iyong balota, ngayong araw ng kalayaan, sa taas-noo mong paninindigang kailangang magapi ang magkatuwang na salot ng korupsyon at kahirapan—Pilipino ka.
Malayo na po ang ating narating, ngunit hindi rito nagtatapos ang paglalakbay ng ating bayan. Malinaw ang ating hangarin: ang madatnan ang isang maayos na kinabukasan kung saan kung may daing ka, may makikinig; kung may kailangan ka, may tutugon, at kung inaapi ka, may magtatanggol. Diretso nating tatahakin ang tuwid na daan. Noon pong binaril si Gat Jose Rizal sa Bagumbayan, mag-isa niyang hinarap ang kaniyang kapalaran, na siyang naging bukal ng inspirasyon sa kaniyang kapwa Pilipino. Ngayon po, mayroon pa ring nagnanais na pabagsakin at dungisan ang ating malinis na hangarin. Ngunit hindi po ako nangangamba dito dahil alam kong nasa likod ko kayo. Lalabanan ko ang sinuman, haharapin ko ang anumang hadlang at hindi ako aatras sa laban dahil alam kong hindi po ako nag-iisa. Kayo nga po ang boss ko, at alam kong sagot ninyo po ako. Sama-sama nating mararating ang bansang natatanglawan ng tunay na kaunlaran.
Maraming maraming salamat po at maligayang Araw ng Kalayaan.
No comments:
Post a Comment