Pnoy Statement on the appointment of Mar Roxas as DOTC Secretary


Pahayag
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Ukol sa pagtatalaga kay Mar Roxas bilang Kalihim ng Kagawaran ng Transportasyon at Komunikasyon
[Inihayag noong ika-7 ng Hunyo 2011]
Tinanggap po ni Mar Roxas kahapon ang alok ko sa kanyang maging Kalihim ng Department of Transportation and Communications. Siya rin po ay magiging senior member ng ating Economic Cluster, na may katungkulan na ipaabot sa karaniwang tao ang nararanasang paglago ng ating ekonomiya. Patuloy pa rin niyang gagampanan ang tungkuling ibinigay ko sa kanya mula pa nang una akong maupo sa puwesto.
Hindi naman natin inasahan ang pagbibitiw sa puwesto ni Secretary Ping de Jesus nang ganito kaaga. Ang totoo nga po, at alam naman ninyo, may ibang pusisyon sana akong ibibigay kay Mar. Pero kailangan ng taong magpapatuloy ng mga repormang nagsisimula na sa DOTC. Hindi puwedeng magtiwala tayo sa kung sinu-sino para palitan ang pinuno nito. Una, ang papalit, kailangang may talino at kakayahang magpatakbo ng isa sa pinakamalaki at pinakamayamang ahensya ng gobyerno. Mas mahalaga, kailangan ng isang taong kaya akong sabayan sa pagtahak sa tuwid na landas.
Si Mar po ang may kakayahang magpatupad ng mga gusto nating mangyari sa DOTC. Malalaking proyekto po ang hawak ng ahensyang ito, mga big ticket items na matagal nang ginagatasan ng mga kurakot sa dating panahon. Itong problema sa PIATCO na matagal nang ipinagkait sa taumbayan ang NAIA 3; itong mga RORO na ating iniimbestigahan sa kasalukuyan (RORO ports po iyon); ang mga PPP na nakapila sa ilalim ng DOTC; pati na ang mga anomalyang nakabaon sa kanilang mga libro—lahat po iyan iniabot na natin kay Mar para tugunan, imbestigahan, at gawin ang kaukulang pansin.
Kung maaalala po ninyo, ang DOTC ang pangunahing ahensya sa maanomalyang NBN-ZTE contract. At kung maaalala rin po ninyo, isa si Mar sa mga nanguna para mapigil ang kontratang ito.
Mantakin po ninyo, halos labing anim na bilyong piso (P16 billion) na naman ng pera natin ang muntik nang masunog dahil sa NBN-ZTE deal. May fiber-optic backbone na puwede namang isaayos at patibayin, pero nagbulag-bulagan po sila diyan at nagnais na magtayo ng ibang backbone. Binukulan na nga ang kontrata, bitin pa ang pinlanong ilatag na broadband network. Isa ito sa mga kalokohang napigil sa tulong ni Mar, kaya nga nang kinailangan ko ng kaibigang reresponde sa mabigat at mabilisan nating pangangailangan, siya ang una ko pong naisip.
Hiniling ko po ito sa kanya bilang isang kaibigan, at bilang inyong Pangulo. Ang sabi ko sa kanya, kailangan sana kita dito sa ating pong Headquarters, pero may biglang dumating na sunog sa frontline. Puwede ba ikaw ang sumugod diyan sa sunog na iyan?
Inatasan ko na po si Mar na simulan nang makipag-usap kay Secretary Ping para ma-update siya sa situwasyon sa DOTC. Binigyan ko rin siya ng kalayaang mamili ng mga magiging kasamahan niya diyan po sa DOTC, kasama na ang mga pinuno ng mga ahensya sa ilalim ng DOTC, upang makapagpatupad ng atin pong mga repormang ninanais.
Bagaman pangunahing tungkulin pa rin ni Mar ang tuparin ang mandato ng DOTC, patuloy pa rin po ang magiging pagpayo niya sa akin. Marami pa rin po akong ibang iuutos sa kanya; aasikasuhin pa rin niya ang mga kailangang asikasuhin, sisilip sa mga butil para makita ang buong kaban ng problema at solusyon para po sa bayan. Tuloy po ang serbisyo sa atin ni Mar.
Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong pakikinig.

No comments:

Post a Comment