President Aquino Speech at Ateneo Law School 75th anniversary


Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-75 anibersaryo ng Ateneo de Manila Law School
[Inihayag sa Rockwell Center, Lungsod ng Makati noong ika-6 ng Hunyo 2011]
Ako naman po ay hindi aral dito sa Ateneo Law school, pero kapwa ninyo ako Atenista, at nagpapasalamat po ako sa lahat ng tagumpay at karangalang dinadala ng Ateneo Law School sa nakalipas na 75 taon sa atin pong Alma Mater. Ginagarantiya ko po sa inyo, dinaanan ko na po lahat ng litrato, hindi po miyembro ng first batch si Butch Abad. Nandoon yata sa fifth. Ang balita ko po, lately, kayo ang humubog sa tatlo sa top 5 ng 2010 Bar exam. Congratulations nga po ulit.
Dumarami nang dumarami nga po talaga ang mga abogado sa Pilipinas. Nitong taon lang po, mahigit isang libo na naman ang nadagdag sa inyong hanay. Siguro 500 ho doon ay magbibigay ng payo sa akin bukas—kaya magiging malinaw po ang ating mensahe. At kasabay sa pagdami ng bilang ng mga abogado ay ang pagsulpot rin ng mas maraming lawyer jokes na kumakalat sa diyaryo, sa TV, at sa Internet. Isa nga po sa palagi kong naririnig ay ang hirit na: “Hindi mahalaga ang kaalaman mo sa batas; ang importante ay kung close kayo ni Judge.”
Parang dito raw ho sa mga classroom ng Ateneo Law School, narinig ng kaibigan ko yan for the first time: “It’s not the law that you know, it’s who you know.”
Aaminin ko pong kapag naririnig ko ang birong ito, sa halip na matawa, ay para po bang mas nababahala ako. Alam naman po siguro natin ang mga nangyari sa mga nagdaang taon, at hindi na po ako bababad pa sa mga detalye: ayoko naman pong lukuban ng negatibismo ang makulay na pagdiriwang natin sa gabing ito. Mas angkop po sigurong bumaling na lamang tayo sa mga positibong nangyayari sa kasalukuyan: mga pagbabago at repormang akala natin dati ay imposible nang mangyari, ngunit ngayon ay naipapatupad na natin at nararamdaman na ng ating mga kababayan.
Nagawa natin ito dahil marami sa ating mga pinagkakatiwalaang miyembro ng kasalukuyang gabinete ay produkto nga naman po ng Ateneo Law School. Nandiyan na nga po iyong pamosong Butch Abad, hanggang kay Executive Secretary Jojo Ochoa; kay BIR Commissioner Kim Henares, sa ating Spokesperson Edwin Lacierda (na dati pala’y kulot ang buhok—napansin ko lang ho doon sa litrato kanina). Babanggitin ko na rin po iyong kaklase ko na LRA Administrator ngayon: nandiyan po si Atty. Eulalio Diaz—kadalasan hong napapagkamalang propesor namin.
Lahat ay mga abogadong walang itulak-kabigin sa pagbibigay ng tapat na serbisyo po sa mga Pilipino. Ipagpaumanhin po ninyo kung iilan lang ang mababanggit kong alumni ninyong nasa gobyerno sa kasalukuyan. Tiyak pong aabutin tayo ng madaling araw kung iisa-isahin ko pa silang lahat—at kung masyado silang sensitive, hindi ho sila dapat nasa gobyerno. Nagpapasalamat na lamang po tayo dahil hindi nila tayo tinanggihan nang inalok natin sila ng puwesto sa pamahalaan, kahit pa batid nilang ang sweldong tatanggapin nila sa gobyerno ay wala pa siguro sa sampung porsyento ng maiuuwi nila kung tumutok talaga sila sa pagiging abogado sa pribadong sektor. Patunay ito sa kulturang ipinamulat ng Ateneo sa lahat ng kaniyang mga alumni: ang pagiging Man-for-Others. At para sa Ateneo Law School, ang pagiging Lawyer-for-Others.
Siyempre, kapag sinabi nating Ateneo Law School, hindi nawawala ang pangalang Father Joaquin Bernas, SJ. Magagalit ho ang nanay ko sa akin kapag hindi ho natin binigay ang buong galang. Pero ginagarantiya ko po, idol ko ho iyon, talaga. Ni minsan ho hindi kayo nagbigay ng maling payo; at ni minsan ho hindi kayo nagsabi ng “it depends.” Sana ho tumanggap na rin kayo ng puwesto sa gubyerno.
Ipinamulat ni Father B na ang batas at ang mga prinsipyo nito ay hindi dapat tumatalbog lamang sa apat na dingding ng silid-aralan o mga dagdag na pahina lamang sa makakapal na libro. Tumatawid ito sa mga mamamayan, nagtataguyod ng walang-kinikilingang hustisya at naghahatid ng katarungan sa tapat at mahusay na paraan: walang manipulasyon, walang pagbabaluktot at hindi nakatuon sa pagpapapogi o sa pagpaparami ng laman ng pitaka. Ito ang mga hamon na ibinahagi sa inyo ni Father B, at sana, hanggang ngayon ay kaya ninyong tumingin nang diretso sa kanya at sabihing: hindi ko binabaluktot ang katarungan, may respeto ako sa saligang-batas, at ang mga prinsipyong itinuro ninyo ang siya pa ring tumitimon sa akin.
Ang mga prinsipyong ito ang siya ring gumagabay sa kasalukuyang administrasyon, dahil kung tutuusin, simple at halos pareho lang naman talaga ang mandato natin: ang isulong ang katarungan para sa lahat. Sa madaling salita, ang gawin ang tama. Kung anong karapatan ng isang mayamang negosyante ay siya ring karapatan ng isang nagbebenta ng balut; ang hatol na ibibigay mo sa hindi mo kakilala, ay siya ring hatol na ibibigay mo sa matalik mong kaibigan, gaano man kalaki ang parusa nito. Tulad naming mga nasa pamahalaan, nanumpa rin kayo upang gawin ang tama at hindi para ibaling ang batas pabor sa kapritso o pansariling interes.
Siyempre, mali rin namang umasa ng mataas na antas ng sistema ng hustisya kung ang mismong pagpapasahod sa ating mga hukom ay tila hindi makatarungan. Kaya naman noong Abril, tinuldukan natin ang matagal nang hinaing ng mga miyembro ng Hudikatura. Sa tulong ng DBM, nakapaglaan tayo ng halos 108 milyong piso para punan ang agwat sa sahod ng mga hukom, at para maipantay ito sa antas ng Salary Standardization Law III. Hindi man tayo obligadong gumawa ng anumang hakbang, kumayod tayo at naghanap ng paraan upang tapatan ng pamahalaan ang sipag at pagsasakripiyo ng ating mga hukom.
At mukhang ginanahan naman po sila: noong Biyernes lamang po, sa wakas ay nabasahan na ng sakdal si Andal Ampatuan Sr.
Umaasa po tayong lalo pang bumilis ang pag-usad ng kasong ito. Nananalig din po tayong maging bukas ang Korte Suprema sa posibilidad ng pagbo-broadcast ng paglilitis sa Maguindanao Massacre, hindi lamang para mailahad sa madla na walang itinatago at walang kikilingan ang hustisya sa kasong ito, kundi para na rin hindi na mahirapan pa ang mga pamilya ng biktima sa paghagilap ng pamasahe para lumuwas at masubaybayan ang paglilitis dito sa Maynila. Ang pagsasahimpapawid ng paglilitis ay magpapamulat din sa ating mga kababayan kung ano ba talaga ang tunay na kwento sa likod nitong malagim na pangyayari; kung saan nag-uugat ang ganitong uri ng kalupitan at pagmamalabis; kung bakit nagiging bukal ng karahasan at trahedya ang kapangyarihan; at higit sa lahat, kung paano natin maiiwasan na mangyaring muli ang ganitong kasakiman.
May ilan pang mga pangyayari ang sumasagisag sa malinaw na pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Kamakailan lamang, nagbitiw ang Direktor ng Kawanihan ng Koreksiyon matapos nating malaman na ang mga bilanggong dapat ay nasa loob ng kulungan, ay tila ba may libreng tiket para maglamyerda sa kung saan-saan. Imbes na magkapit-tuko, kusa na lamang siyang bumaba sa puwesto, at doon po’y sinasaludo ko ang kanyang delikadesa.
Ganito rin po ang nangyari sa kaso ng ating dating Ombudsman: may mandato kang sampahan ng kaukulang kaso ang mga abusado sa pamahalaan, at kung hindi mo ito magampanan nang tapat at nang may tuwid na hangarin, wala ka ring karapatan na manilbihan para sa mamamayan. Nagpapasalamat po tayo sa kapwa ninyo alumni sa kanyang pagkamulat sa bagong kalakaran. Ngayon, wala nang impeachment; hindi na mahahati ang atensyon ng Kongreso, at nagsisimula na tayong maghanap ng bagong Ombudsman.
Ano po ba ang ibig sabihin nito? Kumikintal na sa malay, hindi lamang ng mga taumbayang nagluklok sa atin sa puwesto, kundi lalo na sa mga tiwali at mapang-abuso, na ang bagong administrayon ay nagbibigay lamang ng puwang sa tunay na may malasakit sa bayan. Binabago natin ang nakasanayang bulok na sistema, at nagbibigay-daan tayo sa mas makabuluhan at mas kapaki-pakinabang na pamamahala. Binubura natin ang kultura ng “just-tiis,” at ipinaparamdam ang kahulugan ng salitang Justice.
Bakit ba natin ginagawa ang lahat ng mga ito? Bakit ba natin kinokontra ang nakagawian nang sistema, gayong puwede naman tayong pumikit na lamang, itikom ang bibig, at magpalunod sa kumunoy ng katiwalian? Bakit pa rin natin hinaharap at nilalabanan ang ilang nagnanais na madiskaril tayo sa ating mga hangarin, gayong maaari namang huwag na lamang natin silang pansinin? Bakit ba puro reporma ang bukambibig natin?
Ang dahilan: dahil reporma ang matagal nang inaawitan, hinihiling, iniiyakan ng ating mga mamamayan. Dahil sawa na po tayong makita ang kawalan ng pag-asa sa mukha ni Juan dela Cruz tuwing malabnaw na lugaw at isang pirasong galunggong lamang ang maihahain niya sa kaniyang asawa’t anak. Dahil sagad na sa buto ang pagtitiis ng mga Pilipino sa sistema ng hustisya kung saan nabubusalan ng salapi ang testimonya ng isang saksi, nabibili ng pera ang hatol ng hukom, at mga nakakulong na may-kaya ay tila ba nasa kani-kanilang de-aircon na bahay-bakasyunan, sa halip na nagpepenitensiya sa kulungan.
Pagod na ang mga kababayan natin sa katarungang mabagal, paurong, at nadadaan sa koneksyon. Kaya nga tayo nandito: upang maglatag ng isang sistemang tapat, hayag, at naghahatid ng pantay na hustisya sa taumbayan, mayaman man o mahirap. Bilang mga abogado, hinihimok ko kayong samahan kami sa laban na ito; umaasa sa inyo ang maraming Pilipino.
Alam nating hindi madali ang maging abogado, lalo na sa kasalukuyang panahon. Sa hirap ng inyong propesyon, hindi ko naman masisisi ang iba kung pagpapayaman at pagpapalaki ng lawfirm na lang ang atupagin nila. Nagsunog kayo ng kilay sa mahabang panahon, at karapatan ninyong pitasin ang lahat ng mapipintog na bunga ng inyong tagumpay. Pero sana po, habang nagsusukat kayo ng bagong amerikana; habang nagbabalak kayo kung saan ang susunod ninyong bakasyon; habang kumikilatis kayo ng mamahaling kuwintas at relo, maisip sana ninyong may mga nangangailangan pa rin ng inyong serbisyo: mga kababayan nating naghahangad ng katarungan pero ni walang pamasahe para pumunta sa opisina ninyo.
Ang hangad po natin ay isang lipunang kapag may trabahador na hindi nakakakuha ng sapat na kompensasyon, may abogadong magpapalakas sa kaniyang loob at sasabihing “pera mo iyan, dugo’t pawis ang ipinuhunan mo diyan at titiyakin nating mapupunta sa pag-aaral ng iyong bunso, sa pagpapaayos ng inyong kinakalawang na bubong, sa pagpapagamot ng asawa mong maysakit ang perang pinaghihirapan mo.” Isang sistema na malaya sa karahasan at katiwalian, dahil may mga abogadong hindi hinahayaang malapastangan ang karapatang pantao. Isang Pilipinas kung saan nakapiring si Katarungan, sa mansyon man o sa barung-barong nakatira ang kanyang hinahatulan.
Wala pong duda na habang ginagawa ninyo ang trabaho ninyo, kumukonti ang nag-ja-“just tiis” sa ating mga kababayan. Sa lahat ng alumni ng Ateneo Law School: salamat sa pagiging Man-for-Others ninyo. Mas lalo pa sanang umigting ang pagsasabuhay ninyo sa prinsipyong ito upang patuloy kayong maging Lawyer-for-Others para sa ating kapwa Pilipino.
Muli, binabati ko kayo sa tagumpay ng pagtitipong ito. Maraming salamat at mabuhay po ang Ateneo Law School! Samahan po ninyo tayo sa tuwid na landas!

No comments:

Post a Comment