Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagdaong ng BRP Gregorio del Pilar Hamilton-class Cutter ng Hukbong Dagat ng Pilipinas
[Inihayag sa Pier 13, South Harbor, Lungsod ng Maynila noong ika-23 ng Agosto, 2011]
Your Excellency Harry Thomas; Executive Secretary Paquito Ochoa; Secretary Voltaire Gazmin; Secretary Rene Almendras; Secretary Herminio Coloma; Chief of Staff General Eduardo Oban; Vice Admiral Alexander Pama; Lieutenant General Arturo Ortiz; Lieutenant General Oscar Rabena; Admiral Ramon Liwag, Commandant of the Philippine Coast Guard; Captain Alberto A. Cruz, commanding officer of BRP Gregorio del Pilar; men and women of BRP Gregorio del Pilar; Mayor Alfredo Lim; Rep. Roilo Golez; officers and enlisted personnel of the Armed Forces of the Philippines; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal kong kababayan:
Magandang-maganda po ang umaga natin ngayon.
Mahigit labing-isang dekada na ang nakaraan mula nang pamunuan ng isang batang heneral ang hukbo ng animnapung kawal upang labanan ang Texas Regiment na binubuo ng mahigit limandaang Amerikano sa Pasong Tirad. Batid niyang mas malakas at mas marami ang hukbong tumutugis sa kanila, at tahas na pagpapatiwakal ang misyong ito. Subalit hanggang sa kanilang huling hininga, nanaig pa rin sa kaniya, sampu ng kaniyang hukbo, ang katapangan, kabayanihan, at katapatang loob. Nasawi man ang mga Pilipinong kawal, nagtagumpay sila sa kanilang misyon na mailayo at mapatakas si Heneral Aguinaldo. Kasamang nagbuwis ng buhay ang batang heneral, at isang tala-arawan ang natagpuan kasama ng kaniyang bangkay. Mababasa dito ang mga sumusunod na kataga: “Kung isang malaking hukbo ang lulusob sa akin at sa aking mga kawal ay mapapasuko ako; nguni’t lalong magiging kanais-nais para sa akin ang mamatay sa pagtatanggol ng aking pinaka-iirog na Inang Bayan.” Siya si Heneral Gregorio del Pilar, ang bayani ng Pasong Tirad.
Ngayong umaga, sinasalubong natin ang kaniyang pagbabalik—ang pagdaong ng BRP Gregorio del Pilar, ang kauna-unahang Hamilton class cutter ng ating bansa. Sagisag ang modernong barkong ito sa kahandaan nating pangalagaan, bantayan, at kung kinakailangan, ipagtanggol ang interes at kapakanan ng ating bayan. Higit sa lahat, sumasalamin ang barkong ito sa mithiin nating magdulot ng tunay na reporma’t pagbabago, at bigyang-halaga ang hirap at sakripisyo ng ating mga kawal sa pamamagitan ng modernisasyon ng kanilang mga sasakyan, armas, at iba pa nilang pangangailangan. Wala pong duda: ang pagdating ng BRP Gregorio del Pilar sa ating pantalan ngayong umaga ay pagdaong din ng panibagong sigla at pag-asa sa ating Sandatahang Lakas, at patunay sa tagumpay na ating natatamasa mula nang tinimon natin ang Pilipinas sa tuwid na landas.
Nais kong magpasalamat kay Captain Alberto Cruz at sa bawat opisyal at tauhan ng BRP Gregorio del Pilar. Sa loob ng mahigit tatlong linggo, tinawid ninyo ang lawak ng karagatan at kinaharap ang mga daluyong upang mapayapang ihatid mula sa Estados Unidos patungo dito sa Pilipinas ang ating bagong barko. Nagpapasalamat din ako sa Estados Unidos sa kanilang lalong tumitibay na pakikiisa sa ating mga adhika. Ika-animnapung anibersaryo na po ng paglagda sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos, at lalo pang lumalalim ang ating ugnayan at pagkakaibigan. Tunay ngang makasaysayan ang araw na ito, hindi lamang para sa tuloy-tuloy na pagpapaunlad sa kakayahan ng ating Sandatahang Lakas, kundi maging sa panibagong hakbang ng Estados Unidos at Pilipinas tungo sa mas makabuluhang kooperasyon upang harapin ang mga hamon ng makabagong panahon.
Ngayong may BRP Gregorio del Pilar nang magagamit ang ating Naval Forces West, naitataas din natin ang antas ng kanilang kakayahang magpatrolya at magbantay sa ating Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ), gayundin sa mga DOE service contract areas. Makakatulong din ito, hindi lamang sa pagpigil sa paglabas-pasok ng mga ipinagbabawal na gamot sa ating bansa, kundi maging sa mga search and rescue operations, sa pangangalaga ng ating yamang-dagat, gayundin sa pagtugis sa mga masasamang loob na nagbabalak pumasok sa ating kapuluan. Ang barkong ito ay bunga ng ating pagsusumikap na ibigay, hindi lamang sa Sandatahang Lakas, kundi sa mamamayang Pilipino ang uri ng serbisyo na inaasahan nila sa pamahalaan: tapat, may malasakit at nakatuon para sa kanilang kapakanan.
Simula pa lang po ito. Sa responsable nating pamamahala, at sa pakikiisa ng taumbayan sa tinatahak nating tuwid na daan, mas marami pa tayong magagawa; mas marami pang mabubuting balita ang darating sa atin. Hindi tayo titigil sa mga barko; hindi tayo makukuntento sa mga helicopter. Mga modernong sandata, mas mabibilis na mga patrol craft, at mas epektibong mga kagamitan ang maihahandog natin sa ating mga kawal at pulis nang walang nasasayang na pera mula sa kaban ng bayan. Makakamtan natin ang mga ito dahil sa ating matinong pamamahala; mabibili natin ito nang bago at sa tamang presyo, at gagamitin natin ang mga ito para paglingkuran ang mamamayang Pilipino.
Ang pagdating ng BRP Gregorio del Pilar ay isa na namang patunay sa positibong nangyayari sa ating bansa. At tiyak kong mas malayo pa ang maaari nating marating hangga’t sabay-sabay tayong sasagwan tungo sa iisang direksyon. Walang tatamad-tamad dahil babagal ang pagsulong; walang sumasagwan sa ibang ruta dahil hindi tayo makakausad. Hangga’t nagtatrabaho tayo nang tapat, may pananagutan at lagi nating inuuna ang interes ng ating kapwa, wala po tayong hindi kayang marating.
Tulad ng Bayani ng Pasong Tirad na si Gregorio del Pilar, gaano man kalaki ang mga ligalig na kailangan nating kaharapin, mananaig pa rin ang pagnanasa nating tuparin, sa ngalan ng ating bandila, ang ating sinumpaang tungkulin. Gagawin natin ito dahil alam nating ito ang tamang gawin. Gagawin natin ito dahil mahal natin ang nag-iisang bayan natin. Kaya naman patuloy tayong magtiwala sa gobyerno; patuloy tayong magtiwala sa isa’t-isa. Abot-kamay na po ang katuparan ng ating mga pangarap; sama-sama po natin itong abutin.
Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment