Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagtitipon ng mga kasapi ng National Defense College of the Philippines Alumni Association, Inc.
[Inihayag sa Makati Shangri-La Hotel, Lungsod ng Makati noong ika-12 ng Agosto 2011]
Magandang gabi ho, maupo ho tayong lahat.
Kagalang-galang Vice President Jejomar Binay; Senate President Juan Ponce Enrile; Secretary Volts Gazmin; former Senator Francisco Tatad; Dr. Fermin de Leon; Lt. General Anthony Alcantara; local government officials present, led by the senior Mayor Herbert Bautista; Congressman Pong Plaza; board of trustees, council of advisors, members of the National Defense College of the Philippines Alumni Association, Inc.; officials, faculty and staff of the NDCP; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang gabi po sa inyong lahat.
Unang-una po, hihingi ako ng tawad. Kami po ay—parang 36 minutos na na atraso dito … isang oras na ho pala. Hindi po kami nagbubulakbol ni Vice at saka ni Secretary Volts. Kami po’y tumalakay ng ipiprisenta namin at ipapakausap kay Senate President Juan Ponce Enrile next week. May LEDAC po kami—22 bills po ‘yung binuno namin buong hapon. Ngayon, nandito na po ako, siguro bawasan ko na lang po iyong talumpati ko para naman hindi lalo kayong magutom sa kakahintay.
Sa loob ng halos limang dekada, makailang ulit pinatunayan ng National Defense College of the Philippines ang kanilang kakayahan na magpanday ng mga responsable, tapat, at may paninindigang mga pinuno at tagapagtanggol ng ating bayan. Kaya naman kaharap ninyo ako ngayong gabi, hindi lamang para makasama ang matatagumpay na produkto ng NDCP at makasalo kayo sa pagdiriwang ng inyong ika-48 anibersaryo. Narito ako, higit sa lahat, upang ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat sa inyong ‘di-matatawarang serbisyo para pangalagaan ang kapakanan at seguridad ng ating mga kababayan.
Dahil hindi lamang mula sa ating Sandatahang Lakas ang mga estudyante ng NDCP, nabibigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong may iba’t ibang propesyon at kakayahan sa buhay na maging aktibong kaagapay para matiyak ang kaligtasan ng bayan. Marami sa inyo po ay mga doktor, abugado, at mga guro, habang may ilan ding mga civil servants, at nasa larangan ng pulitika. Batid ninyong hindi magbubuhos ng limpak-limpak na salapi ang pag-aaral ninyo sa NDCP; mulat kayong ang magiging kapalit ng inyong sipag at sakripisyo ay hindi magarang bahay o mga bagong sasakyan. Ngunit lahat kayo’y nagdesisyon na magpakadalubhasa sa larangan ng seguridad at tanggulang pambansa. Samakatuwid, nanindigan kayo para sa isang marangal at dakilang desisyon. Pinili pa rin ninyong magserbisyo para sa bandila. Pinili pa rin ninyong magsakripisyo alang-alang sa kapwa. Ang karangalang maglingkod at ialay ang inyong talino’t kakayahan para mapanatili ang seguridad ng ating minamahal na bansa—ito ang pinakamahalagang sukli sa pag-aaral ninyo sa NDCP.
Pagkalipas ng maraming taon sa pamahalaan, tiyak kong ilang beses din ninyong kinailangang pumiling muli: Gagamitin ko ba ang posisyon ko para sa tapat at may dedikasyong paninilbihan, o aabusuhin ko ang mataas kong posisyon at ipagwawalang-bahala ang aking mandato sa bayan? Utak-wangwang ba ang aking magiging batayang prinsipyo? O malasakit sa kapwa at katapangan ang magiging sukatan ng aking kadakilaan?
Tiwala akong pinili at ginawa ang nakakarami, kung hindi ang lahat sa inyo, ang tamang desisyon. Kung katapatan sa bansa at malasakit sa kapwa ang pagbabatayan, kitang-kita naman ito sa hanay ng inyong mga kilalang mga alumni: mula kay dating pangulong Fidel Valdez Ramos, hanggang sa inyong Chairman of the Board at Presidente ng NDCP Alumni Association Inc., ang ating Pangalawang Pangulo Jejomar C. Binay; mula sa ating MMDA Chairman na si Francis Tolentino, hanggang kay COA Commissioner Heidi Mendoza, malinaw na ang NDCP ay nakikibahagi sa paghahanap ng solusyon, at ang mga alumni ng institusyong ito ay matibay na kabalikat ng taumbayan sa pagtahak sa tuwid na daan.
Malaking bahagi ng mandato natin ang isulong ang interes ng bawat isang Juan at Juana dela Cruz, at ipagtanggol sila sa anumang banta ng terorismo o karahasan, mula man sa mga dayuhan o sa mga rebeldeng grupo sa loob ng bansa. Kapag sinabi nating soberenya, walang puwedeng mang-angkin ng mga islang sa atin naman talaga. Mauuna palagi ang hinahon at pagtitimpi, ngunit hindi rin tayo magpapakaladkad na lamang sa mas malalaking bansa. Kapag sinabi nating seguridad, titiyakin nating walang naiipit na mga pamayanan sa mga walang-katuturang engkuwentro’t putukan.
Kaya naman kamakailan lamang po, nakipagpulong tayo kay MILF Chair Al Haj Murad Ibrahim. Batid ko pong may ilang kumukwestiyon sa biglaang pulong na ito at kung bakit hindi ito naipaalam nang mas maaga sa publiko. Sa kabila ng kanilang mga puna, ang mahalaga ay ang positibong resulta na dulot ng pagpupulong na ito. Isa itong malaking hakbang ito upang sa wakas ay matuldukan na ang karahasang nanaig sa mahabang panahon, at magkaroon ng pormal na kasunduan para sa tigil-putukan at kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF. Wala po tayong ibang hangad kundi maging mapayapa ang ating buong bansa. Wala po tayong ibang hangad kundi matuldukan na ang walang-saysay na pagbubuwis ng buhay para lamang sa alitan na maaari namang pag-usapan nang masinsinan. Sa pagbubukas ng mas sinserong ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at ng MILF, ang mga pamayanang dati ay araw-araw na binabalutan ng ingay ng kanyon at amoy ng pulbura ay magiging pugad ng kaunlaran at lunsaran ng katahimikan para sa marami nating kababayan.
Ang mga nagbubulag-bulagan lamang ang hindi nakakakita sa pagbabagong tinatamasa na po natin. Ang panibagong siglang ito ay nararamdaman na ng iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na ng mga institusyong nangangalaga sa ating kaayusan at seguridad: ang kapulisan at ang kasundaluhan.
Gaya ng binanggit ko sa SONA, sa 13,000 pisong suweldo ng isang PO1 sa Metro Manila, 4,000 raw nito ang napupunta lamang sa renta ng bahay kada buwan. Apat na libo rin para sa buwanang pagkain. At ang natitira, pipiliting pagkasyahin para sa pambayad sa kuryente, sa tubig, sa pang-araw-araw na pamasahe, at iba pang gastusin. Paano kung may anak siyang dapat pag-aralin? Paano kung magkasakit siya o ang kaniyang asawa? Ang ganitong mga kakapusan ang nagtutulak sa ating mga pulis para kumapit sa patalim at talikuran ang kanilang sinumpaang tungkulin. Tayo po ay hindi nagbubulag-bulagan sa kanilang kundisyon.
Hindi natin hahayaang mangyari pa ito. Kapag ikaw ay sundalo; kapag ikaw ay pulis, ikararangal mo ang iyong propesyon at maipagmamalaki mong hindi ka binabalewala ng gobyerno. Nito lamang Hulyo—uulitin ko lang po ito, pasensya na ho kayo kung narinig na ninyo—4,000 Certificate of Entitlement to Lot Allocation ang naibahagi natin sa magigiting nating kawal at pulis. Sa halip na maubos ang suweldo nila sa pambayad-upa, maaari na nilang ilaan ito sa ibang gastusin dahil 200 piso na lang ang kailangan nilang bayaran para sa bahay na sa kanila na talaga. Sa susunod na taon, maging ang mga sundalo at pulis sa Visayas at Mindanao, pati na ang mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire Protection, kasama na sa programang ito. Nagpapasalamat ako sa isang tunay na anak ng NDCP, ang ating Pangalawang Pangulo, Jejomar Binay, na tumulong nang malaki para maisakatuparan ang programang ito. [Applause]
Siyempre po, wala ring kuwenta ang mga teorya at estratehiyang itinuturo ng NDCP kung pumupugak naman ang mga armas, sasakyan, at ibang gamit ng ating mga pulis—para bang nagmistulang kawawang cowboy na butas ang bota ng mga sundalo, at walang gana ang ating mga kawal. Kaya naman habang itinataguyod nila ang seguridad at buong tapang na nilalabanan ang karahasan at kriminalidad, tinatapatan natin ito ng pagtutok sa kanilang mga pangangailangan. Mula sa mga barkong gaya ng Hamilton Class Cutter na magagamit natin sa pagroronda sa ating mga baybayin na tinatayang mga isang linggo na lang ay makakarating na sa ating mga baybayin, hanggang sa mga capability upgrades at modernisasyon ng mga kagamitan ng AFP at PNP; mula sa mga helicopter na talaga naman pong brand new, na siguradong hindi muna pinagsawaan bago i-deliver, hanggang sa mga patrol craft, at makabagong mga sandata, ihahandog ito sa mga kawal at pulis bilang simbolo ng ating pagtitiwala at pagsaludo sa kanilang malasakit at serbisyo sa bayan.
Ilang beses na rin nating nasaksihan ang paniningil ng kalikasan kapag ito ay napapabayaan. Kaya naman inilunsad natin ang National Greening Program, kung saan isa’t kalahating bilyong buto ang ating ipupunla sa loob ng anim na taon sa isa’t kalahating milyong hektarya ng lupain sa buong bansa. Sa pamamagitan nito, mapapangalagaan natin ang mga kagubatan na bumubuhay sa ating mga watershed; mapaparami ang mga mangrove na tahanan ng iba’t ibang halaman at hayop; at magkakaroon ng tiyak at pangmatagalang pagkukunan ng pagkain at tanim na troso. Habang inaalagaan natin ang inang kalikasan, nagpupunla din tayo ng binhi ng pag-asa para sa susunod na salinlahi.
Hindi po mauubos ang mga problemang kailangan nating kaharapin. Ngunit bawat problemang dumarating ay isa ring pagkakataon upang makahanap tayo ng mas epektibong solusyon. Ngayon, may pagkakataon tayo, hindi lamang para busisiin at alamin kung bakit nangyari ang ganitong sitwasyon. Ngayon may pagkakataon na tayong baguhin ang ating sitwasyon. Ngayon, hawak na natin ang manibela para patagin ang lubak-lubak na kalakaran na nagpa-usbong sa kulturang wang-wang, at matiyak na ang direksyon ng bansa ay sa tuwid na landas. Sa tulong ng NDCP, walang duda na magagawa natin ito. Harinaway sa sama-sama ninyong pagbabalik-tanaw ngayong gabi, higit pang tumibay ang inyong pagkakaisa at tiwala sa isa’t isa upang sa lalong madaling panahon, tuluyan na nating salubungin ang bukang-liwayway kung saan mas maaliwalas ang pamumuhay ng lahat ng Pilipino.
Maraming salamat po. Isang makabuluhang anibersaryo para sa National Defense College of the Philippines.
Thank you.
No comments:
Post a Comment