President Aquino’s speech in honor of National Scientist Dr. Fe del Mundo

Dr. Fe Del Mundo Medical Center (Children's Me...
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa serbisyong nekrolohikal bilang paggunita kay Dra. Fe del Mundo, Pambansang Siyentista
[Inihayag sa Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, Lungsod ng Taguig, noong ika-11 ng Agosto 2011]
Magandang umaga po. Maupo ho tayong lahat.
Secretary Mario Montejo; Secretary Ike Ona; Mrs. Liza Bengzon, family members of Dr. Fe del Mundo; Dr. Mercedes Conception, National Scientists and academicians; Officials and Employees of the Department of Science and Technology; National Scientists in attendance; ladies and gentlemen; mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Maraming titulo at parangal ang maaaring ikabit sa pangalang Fe del Mundo. Sa kanyang pambihirang talino at katangi-tanging dedikasyon, tinahak niya ang landas ng pagiging pediatrician, scientist, guro, mananaliksik, at tagapagtaguyod ng pampublikong kalusugan. Subalit sa kabila ng kanyang mga naging tagumpay, nakilala natin siya bilang isang simpleng Pilipina. Higit sa lahat, isa siyang dakilang Pilipino.
Hindi nagbulag-bulagan si Fe del Mundo sa nasaksihan niyang realidad sa kalagayang pangkalusugan ng bansa noong siya ay estudyante pa lamang ng medisina. Nang mabigyan ng pagkakataong makasama sa panggagamot sa mga probinsya, namulat siya sa kakulangan sa atensyong medikal ng mga bata—na marami sa kanila ang maagang binabawian ng buhay dahil sa mga sakit na hindi agad natutugunan ng kaukulang lunas. Ang karanasan niyang ito ang nagbigay sa kaniya ng inspirasyon at determinasyon upang magpakadalubhasa sa medisina, partikular na sa pediatrics.
Nakapasok siya sa pediatrics sa Harvard Medical School noong 1936, hindi lamang bilang unang Pilipino, hindi lamang bilang unang Asyano, kundi bilang kauna-unahan ding babaeng estudyante sa noo’y panlalaki pang paaralan sa Amerika. Hinigitan niya ang pagtingin ng lipunan sa kanyang kasarian at pinagmulang bansa. Ipinakita nito ang kakayahan nating makipagsabayan sa mundo sa larangan ng medisina. Nagpakadalubhasa man sa ibang bansa, pinili pa rin niyang bumalik at maglingkod sa sariling bayan. Upang maihatid ang serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan sa liblib na lugar, lumikha siya ng isang incubator na gawa sa kawayan para magamit sa mga pamayanang walang elektrisidad.
Ikinalulugod po nating hirangin si Fe del Mundo na mapabilang sa Order of the Golden Heart, Rank of Grand Collar, bilang pagkilala at pagtingala sa katangi-tangi niyang kontribusyon at serbisyo para iangat ang katayuan ng mga naisasantabi nating kababayan sa lipunan. Mula sa mga batang tumatahan dahil nalunasan ang karamdaman, hanggang sa mga magulang na napapawi ang pag-aalala dahil nagamot ang sakit ng kanilang sanggol; mula sa mga doktor o nars na piniling paglingkuran ang kapwa Pilipino sa kabila ng oportunidad sa ibang bansa, hanggang sa mga ipinapatayong libreng pagamutan para sa mahihirap nating kababayan; maaalala natin ang kabayanihan ni Fe del Mundo. Narating man niya ang tuktok ng propesyon, hindi niya nakaligtaang ipaabot ang serbisyo niya sa komunidad, at isubsob ang sarili sa pagsasaliksik upang masugpo at malunasan ang maraming uri ng sakit.
Pinatunayan niyang hindi kailangang magkatungkulan sa gobyerno, o maging matagumpay na negosyante upang makaambag sa pag-unlad ng bansa. Hindi niya hinangad na magpakayaman at kumapit sa kapangyarihan; tanging ang kapakanan at kalusugan ng mga bata at pamilyang Pilipino ang kanyang tinutukan.
Sa ating Pambansang Sayantist, salamat sa iyong dedikasyon na paghusayin ang kaalaman sa agham para paglingkuran ang mga nangangailangan. Salamat sa pagiging inspirasyon ng mga Pilipino na lalong magsumikap at magbayanihan, at sa pagpapatunay na hindi hadlang ang edad o kasarian para maglingkod sa bayan.
Sa pagdadalamhati ng bansa sa pagpanaw ni Fe del Mundo, lalo naman pong tumitingkad ang legasiyang ipinamana niya sa larangan ng medisina at pakikipagkapwa-tao. Sa paglisan ng isang Fe del Mundo, maging hudyat sana ito sa pagsilang ng isanlibo pang Fe del Mundo na handang gamitin ang dunong at talino para sa pag-ahon ng mga Pilipino at hindi alintana ang mga sakripisyo sa serbisyo-publiko. Sa ganitong diwa ng pagkalinga at pag-aruga sa kapakanan ng kapwa, lagi’t laging mabibigyang-buhay at hindi maglalaho ang pamana ng ating Grand Dame of Philippine Pediatrics and Medicine—ang Pilipinang naging misyon ang wagas na pagbubukas-palad sa kapwa—na itinuring na sariling anak ang mga nangangailangang sanggol at bata, at ‘di-kailanman pinagkaitan ng tunay na serbisyo ang sambayanang Pilipino.
Hindi ko ho maaangkin na ako po’y nakipagdaupang-palad kay Dr. Fe del Mundo, pero tiyak pong ang aking buhay—buhay po natin lahat—ay sadyang napaganda dahil nagkaroon tayo ng isang Dr. Fe del Mundo.
Ulit, maraming, maraming salamat po, Dr. Fe del Mundo.

No comments:

Post a Comment