Talumpati
Ni
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagdating mula sa pagbisita sa Estados Unidos
[Inihayag sa NAIA Terminal 2, Lungsod ng Pasay noong ika-23 ng Setyembre 2011]
Magandang umaga sa inyong lahat.
Vice President Jojo Binay; Executive Secretary Jojo Ochoa; Mayor Tony Calixto; General Eduardo Oban, Chief of Staff; Major Service Commanders; the cabinet present; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Ikinagagalak ko pong makabalik sa ating bansa matapos paunlakan ang paanyaya nina Kagalang-galang Pangulong Barack Obama ng Amerika, at Pangulong Dilma Rousseff ng Brazil, na makibalikat sa Open Government Partnership (OGP). Ikinalulugod po nating mapabilang sa pambihirang pagkakataong ito: biruin ho n’yo, hinirang tayo hindi lang bilang kasapi, ngunit bilang isa sa mga nagtitimon sa pagsusulong ng mas bukas, mas tapat, at mas mapagkakatiwalaang pamamahala sa buong mundo. Kasama ang Pilipinas sa unang walong bansa na nagsulong nito at nagbubuo ng kanyang steering committee; kabilang dito ang Indonesia, Mexico, Norway, South Africa, at United Kingdom, bukod pa nga sa Amerika at Brazil. Ngunit ngayon pa lang, dumadami na ang mga bansang sumasali sa Open Government Partnership.
Muli po nating sinulit ang pagbisita nating ito sa Amerika. Galing New York, dumiretso po tayo sa Washington, D.C., upang paunlakan ang imbitasyon ng World Bank at IMF na magbahagi ng ating mabuting karanasan nitong nakaraang taon. Kinamusta din po natin ang Filipino Community sa Washington; at kasama ng ating gabinete, nakipagpulong sa ilang mambabatas ng Estados Unidos para patibayin ang pag-uugnayan na sisigurong may katulong tayo sa pagbagtas ng tuwid na daan tungo sa kaunlaran. Pinaigting natin ang ating mga inisyatiba para itaguyod ang malinis at may pananagutang pamamahala upang mapanatiling tapat, epektibo, at maaasahan ang ating gobyerno. At, kasama ang masisipag nating economic managers at iba pang mga kalihim hinikayat natin ang mga negosyante sa Amerika na maglagak ng kanilang puhunan sa Pilipinas. Ipinagmamalaki natin sa kanila na bukas ang tarangkahan at maaliwalas na aasikasuhin ng Pilipinas ang pamumuhunan sa bansa.
Sa totoo nga lang po, mas angkop nang sabihin na ang mga banyagang kumpanya na ang pumipila upang makaangkas sa pag-angat ng ating ekonomiya. Halimbawa na nga po ang dalawang kumpanyang Amerikano na gustong magbuhos ng puhunan sa ating coconut industry.
Nauuso po kasi sa Amerika ngayon ang pag-inom ng tinatawag nilang coco-water, na dito po sa atin ay buko juice kung tawagin. Dahil nga naman masustansya, natural, at makakalikasan ito, para pong nagiging bagong natural sports drink ito sa Amerika, na ngayon pa lang po ay daang-milyong dolyar na industriya na. ‘Di po ba’t sa atin, kung minsan natatapon na lang iyan? Akalain po ninyong puwede pala nating mapagkakitaan, at gamitin sa ikaaangat ng buhay ng maraming Pilipino sa atin pong mga lalawigan.
Ito pong dalawang ‘to ay galing ng produkto ng Pilipinas [shows tetra packs of coco water] —sa Amerika pa nalaman naprodukto pala ‘to.
Maganda rin po ang mga naging usapan natin sa iba pang mga kumpanya na may balak palawakin ang kanilang mga negosyo sa Pilipinas. Nariyan po ang IBM, na nagpapasalamat dahil natupad natin ang mga ipinanata natin noong huli silang nakapulong noong nakaraang taon. Ngayon naman po, gusto nilang mas lalo pang palawakin ang kanilang negosyo at makibalikat sa gobyerno upang itaas ang antas ng kakayahan ng mga nagtatrabaho sa ating information technology sector.
Nariyan ang mga kumpanyang BPO na Convergys at EXL, na lalong tumataas ang kumpiyansa sa ating workforce. Nariyan po ang CG/LA, isang grupo ng mga kumpanyang interesadong makipagsanib-puwersa upang maisulong natin ang ating agenda sa imprastruktura. Nakausap po natin ang mga miyembro ng US-ASEAN Business Council, isang napakalaking grupo kung saan kabilang ang Coca-cola, GE, Pfizer, Citigroup, at marami pang iba. Iisa po ang pahiwatig nila: “Gusto namin ang nakikita namin; interesado kaming mamuhunan sa inyo. Magtulungan tayo; gusto namin kayong tulungang maabot ang potensyal ninyo.”
Paplantsahin po natin ang mga proseso upang ang mga pahiwatig ay maging tunay na pagbubuhos ng puhunan—sasailalim sa prosesong walang wang-wang, walang manlalamang, at kasama ang mga Pilipino sa makikinabang.
Nakikita na po natin ang resulta ng mabuting pamamahala. Kinikilala na po tayo ng buong mundo, hindi lang po ng mga negosyante kundi pati na ng mga gobyerno. Nakikita nila kung paano natin pinapatag ang sistema. Ang bunga: tiwala at kumpyansa, na sanhi ng pagpasok ng mas maraming negosyante at makabuluhang mga proyekto. Sa huli, trabahong may pakinabang sa Pilipino, at paglago ng ekonomiya na sinisiguro namin ay aabot sa nakararami nating kababayan. Ang sabi ko nga po sa mga dayuhan na nakadaupang-palad natin: Good governance is good economics.
Napakalaki na po talaga ng nagbago. Isipin po ninyo, kung dati ang ine-export natin ay mga “horror story” tungkol sa kalagayan ng ating bansa, ngayon, kabi-kabila ang paanyaya sa ating magbahagi ng best practices dito sa Pilipinas. Kung dati ang liit ng tingin natin sa ating sarili, ngayon, mga mauunlad na bansa na po ang tumitingala sa atin. Kung dati, kahit anong hiyaw natin ay iilan lang ang nakikinig, ngayon po, taimtim nang pinakikinggan ang tinig ng Pilipino.
Kaya nga po ang hamon ko sa kapwa ko Pilipino, dito man o sa ibang bansa: tapos na ang panahon kung saan naghahatakan tayo pababa. Sa ating patuloy na pagkakapit-bisig, tiyak ang pag-usad ng ating bayan at ng marami nating mamamayan. Pag-aalabin pa natin ang liwanag ng ating pag-asa. Hindi na po mapipigilan ito; tuloy-tuloy na ang pagbangon at pag-angat ng Pilipinas at ng Pilipino.
Maraming salamat po.
No comments:
Post a Comment