Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagdalo sa ika-20 anibersaryo ng Koda ng Lokal na Pamahalaan
[Inihayag sa PICC, Lungsod ng Pasay noong ika-11 ng Setyembre 2011]
Magandang hapon po. Maupo po tayong lahat.
Sa pabagu-bagong alon ng modernong panahon, nakasalalay ang mabilis at mapayapang paglalakbay ng isang bansa sa matibay na ugnayan ng Pamahalaang pambansa at ng Pamahalaang lokal. Anumang bumabarikada sa ating tuloy-tuloy na biyahe ay mas mabilis na nabibigyang solusyon kapag may malinaw at aktibong bayanihan sa pagitan ng mga pinuno ng kani-kaniyang pamayanan—ang mga alkalde, konsehal at mga kapitan ng barangay—at ng mga opisyal sa pambansang antas, tulad ng inyong lingkod, ng ating gabinete, at ng mga kasama natin sa senado at kongreso.
Alam ko pong kaakibat ko ang ating mga LGUs sa hangaring iangat ang buhay ng bawat Pilipino. Nagalak nga po ako nang marinig kung gaano ka-epektibo ang Business Permit Licensing System na ipinapatupad ng ating mga lokal na pamahalaan. Sana nga po ay ito na ang maging permanenteng lunas sa madalas na reklamo ng mga negosyante na gobyerno pa raw ang nagpapahirap sa kanila sa pagtatayo ng mga negosyo.
Ngayon po, ang balita ko nga ayon sa DILG, on target nating maabot ang pagpapatupad ng bagong sistema sa pagbibigay ng mga lisensya. Sa ngayon, tatlongdaan at walumpu’t siyam (389) na ang mga lungsod at munisipyong nabigyan na ng training. Mayroon po diyang dalawandaan at siyamnapu’t siyam (299) na LGUs na kasama sa priority list natin, at idagdag pa natin ang siyamnapung (90) LGUs na kusang-loob na sumali sa training program. Sa mga nasa priority list po, isangdaan at walumpu’t walong (188) LGU na ang nagpapatupad ng bagong mga proseso, at isangdaan at pito (107) na ang nagsisimulang maglatag ng mga reporma.
Ang resulta po: Ang prosesong dati ay inaabot ng buwan kung hindi taon ngayon ay hindi hihigit sa limang araw na lang para sa renewal ng papeles, at sampung araw para sa pagkuha ng bagong lisensya upang magtayo ng negosyo. Mayroon pa nga raw pong sa loob lamang ng isang araw, kaya nang tapusin ang trabaho. Baka naman po ‘yung apat na LGU na nag-training pero hindi pa naipapatupad ang natutunan, puwede nang magpakita ng kaunting gigil sa serbisyo, para makasabay na sa pag-asenso ang kanilang mga nasasakupan. Isa lamang po ito sa mga halimbawa kung paano tayo makakapag-kapit-bisig upang makamit ang ating mga mithiin para sa bansa.
Ang nagbigay-daan upang mapatingkad ang diwa ng ganitong uri ng balikatan ay Local Government Code of 1991, na ipinasa ni dating Senador Nene Pimentel. Ngayong taon, habang ipinagdiriwang natin ang ika-dalawampung taon nito, hangad din nating mangalap pa ng iba’t ibang mungkahi’t paraan upang higit na maging kapaki-pakinabang ang Koda ng lokal na Pamahalaan sa ating mga Boss.
Nagpapasalamat ako sa ating DILG Secretary Jesse Robredo, gayundin sa lahat ng bumubuo ng Union of Local Authorities in the Philippines, sa pamumuno ng ating masmatandang kaibigan na si Oriental Mindoro Governor Boy Umali, sa paglulunsad ng inisyatibang ito. Hindi ho totoo na sila po ang aming nag-welcome noong kami’y pumasok sa kolehiyo. ‘Di na ho kami nag-abot sa kolehiyo. [Laughter]
Malinaw na iisa at tugma ang ating mga batayang prinsipyo at layunin sa serbisyo-publiko: tapat na palakad, mabuting pamamahala, at pagsusugpo sa utak wang-wang upang makamit ang bayang maunlad sa tuwid na landas. Kamakailan lamang po ay binayo ng mga bagyong Pedring at Quiel ang malaking bahagi ng ating bansa. Hindi po biro ang dala nitong perwisyo kay Juan dela Cruz. Batid po nating hanggang ngayon ay may ilan pa ring bayan sa Bulacan ang lubog sa baha. Kaya naman po sunburn na sunburn na po si Governor Willie Sy-Alvarado. [Applause] At wala pong tigil ang NDRRMC, ang DSWD, at mga NGO’s sa paghahatid tulong sa kanila. Gusto ko pong ibalita sa inyo, kahapon po’y kausap ko si Secretary Dinky Soliman at tinanong kong may nagbalita na kinakapos raw po ng pagkain sa Pampanga. Ang sagot po niya sa akin, “Kaka-deliver lang po ng mga food packs.” Pangalawa na raw pong delivery. Seventy-nine food packs ang naalala ko. Sabi niya, tinatanong, “Saan po ba sa Pampanga ang nagkulang?” Kaya kung may nagkulang pa ho, tutal nakilala ko na rin po ang butihing Gobernador ng Pampanga, baka puwedeng ipaalam sa atin.
Sa ganitong mga pagkakataon, tila lalo naman nating pinapatunayan sa buong mundo, ang tatag ng puso, at tibay ng prinsipyo ng mga Pilipino. Tulad ng mga nagdaang bagyo, kapwa naging maagap ang inyong administrasyon at ang mga lokal na pamahalaan: mula sa pagbibigay babala sa mga kababayan natin bago pa man humagupit ang bagyo, hanggang sa pagresponde sa mga pamayanang mabilis tumaas ang pagbaha. Sama-sama nating ipinabatid sa mundo ang kahandaan natin sa ganitong mga sitwasyon.
Gayunpaman, may ilan tayong nasawing mga kababayan at nagdadalamhati tayo dito. Mahirap maging kuntento sa ilang aspeto ng ating sistema tuwing may sakuna. Naglalabasan man ang mga kapalpakan sa mga proyekto at mga istrakturang dapat ay maglalayo sa atin mula sa kapahamakan, hindi tayo maaaring magpalunod na lamang sa kritisismo at negatibismo. Bagkus, babangon tayo, kukumpunihin ang mga tagas sa sistema, at itutuon natin ang atin pansin sa mga bagay na magpapatatag sa bayan natin. Sa katunayan, ang buong Quick Response Fund ng DPWH na nagkakahalaga ng 250 milyong piso ay inilaan na natin, hindi lamang para sa pagkukumpuni, kundi para sa modernisasyon ng disenyo ng mga imprastrakturang sinalanta nina Pedring at Quiel. May walong dredgers na rin tayong kasalukuyang nakatutok sa problema ng siltation sa ilang ilog sa Pampanga, Bulacan at Tarlac. Maliban dito, masusi rin nating pinag-aaralan ang ilang mga mungkahing magpapatibay sa ilang mga proyekto tulad ng Pampanga Delta Project, Pampanga/Tarlac River Basin structural interventions, at Candaba catchment basin, na inaasahan nating tutugon sa mga pagbaha sa Region 3. Wala pong duda: sa tuwid na daan, titiyakin nating ang mga proyektong pinopondohan natin ay hindi guguho sa ihip ng hangin o maiaanod sa ragasa ng baha.
Nakikita na naman po natin ang panunumbalik ng tiwala ng taumbayan ngayong nasa landas tayo ng tapat na serbisyong pampubliko. Sama-sama po tayo sa panibagong kumpiyansang ipinapakita nila: Mantakin po ninyo, sa 2011 Survey on Good Local Governance na lumabas nitong Setyembre, 76 percent ng mamamayan ang nagpamalas ng satisfaction sa kanilang gobernador. Ang mga mayor naman po, may 82 percent na satisfaction rating, at ang mga vice mayor, 75 percent. Mukhang tayu-tayo na rin po ang naghahabulan sa pataasan ng ratings, ‘di po ba? [Applause]
At sigurado naman pong aakyat pa ang mga rating na iyan, kung mapupunta sa mga proyektong may kabuluhan ang pondong pinagpawisan ng taumbayan. Naintindihan naman po siguro natin na dahil sa bumabang koleksyon noong 2009, nabawasan po ang IRA ng ating mga LGUs. Naintindihan ho ba natin iyon? Pero dahil po alam ko pong hindi puwedeng pabayaan lang ang mga LGU, na siyang nagbibigay ng agarang lingap lalo na ngayong panahon ng kalamidad, heto po ang good news ko sa inyo: mula sa mungkahi ni Jesse Robredo at ni Tatang Boy Umali, ilalabas po natin ang ating LGU support fund—nanggaling po sa savings—na nagkakahalagang six point… parang tumaas ho yata ito ah. [Laughter] Alam ko ho kalahati ng usapan namin 13 billion nawala sa inyo, 6.8 raw ito; mali yata ang hati rito. Pipilitin nating dagdagan pero hindi ho bababa sa 6.5 billion pesos. [Applause] Iyong mekanismo po, at kung magkano ho ang mapupunta sa bawat isa, marahil maririnig po ninyo kay Kalihim Jesse Robredo. Nakikita ko po si Nani Braganza ng Alaminos at nagsasabing “salamat” dahil sa mawawala po sa era niya ay katumbas ng 20 porsyento ng kanilang budget. Sa ipinamalas ninyong husay at integridad nitong nakaraang taon, tiyak kong malaki ang maitutulong nito sa mga mamamayan ng inyong mga lungsod at munisipyo.
Tapat, epektibo, at may malasakit sa mga Pilipino: ang mga prinsipyong ito ang nagsisilbing sagwan ng ating pambansa at lokal na pamahalaan upang umarangkada ang Pilipinas sa tamang direksyon. Ako naman po ang mananawagan sa mga lokal na pamahalaan: tulungan po ninyo ang ating administrasyon. Hindi po mapapatag ng iisang tao ang matuwid na landas. Ang tuwid na daan ay nakaugat sa bawat maliit na sityo o barangay na inaaruga ng kanilang Kapitan; sa bawat liblib na munisipyo o sa bawat modernong lungsod na ginagabayan ng kanilang mga Alkalde; sa bawat kasuluk-sulukang probinsya na inilalapit sa kaunlaran ng inyong Gobernador at ng iba pang mga lingkod-bayan sa ilalim nila. Nananalig akong maitutugma at maisasakatuparan rin ninyo sa lokal na antas ang mga adhika at repormang inilalatag ng ating administrasyon.
Magsilbi nawang ehemplo ang mga paparangalan natin ng Gawad Pamana ng Lahi. Sila ang patunay na malasakit sa bayan at pagtutulungan ang susi upang malampasan ang maraming sagabal sa pag-unlad ng ating lipunan.
Sa lahat ng LGUs: Ituloy po natin ang ating magandang nasimulan; paigtingin pa natin ang pagkakasundo, at isantabi ang mga di-pagkakaunawaan. Magkaisa tayo sa ngalan ng marangal na paglilingkod sa mga Pilipino, at sabay-sabay nating abutin ang liwanag ng kaunlaran.
At bago po ako magtapos, mayroon pa hong kaunting good news. Umpisahan ko ho muna sa bad news. [Laughter] Dati po’y inaangkin na 90-plus percent, parang 99 percent kung minsan, na electrified na raw po ang lahat ng mga barangay natin. Mayroon na hong nakatingin sa akin, nagdududa, “Ninety-nine percent? Para kang may nakalimutan yata.” Ibig sabihin ho pala noon kapag may isang sityo sa isang barangay na may kuryente, tinuring na iyong buong barangay “electrified.” Kaya ang pinamana po sa akin ay mahigit 30 mil na sityong walang kuryente. At ‘yan po ay inuumpisahan nating bawasan nang bawasan. Ibabalita na lang po sa inyo ni Secretary Abad at Secretary Almendras iyong ating electrification program para ‘pag sinabi nating may kuryente sa ating mga barangay pati sityo madadamay.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment