Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglulunsad ng TESDA Specialista Technoprenership Program
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglulunsad ng TESDA Specialista Technoprenership Program
[Inihayag sa TESDA Complex, Lungsod ng Taguig noong ika-6 ng Pebrero 2012]
Magandang umaga po. Maupo ho tayo lahat.
Hirap ho sundan ‘yung ating kalihim dito sa TESDA, parang nakainom na ng sampung tasang kape. [Laughter] Buhay na buhay, baka sabihin naman nanlalambot tayo dito.
Secretary Joel Villanueva; Secretary Brother Armin Luistro; Secretary Patty Licuanan; Secretary Sonny Coloma; of course, Mayor Lani Cayetano; Mayor Alfredo Lim; Mayor Candido Guiam; Congressman Rey Umali; Representative Carlo Lopez of Manila; Chairman Cristino Naguiat of PAGCOR; Mr. Jen Wen Chia; TESDA officials, employees, and students; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Palagay ko, karamihan ho sa atin ay namulat tayo sa isang lipunan kung saan kailangan munang makatapos ng kolehiyo para masabing kwalipikado sa isang trabaho. Samantalang hindi naman po ganito ang sistema sa maunlad na mga bansa, kung saan maaaring magpasya ang indibidwal na hindi na tumuntong sa kolehiyo upang itaguyod ang propesyong nais niya. Mayroon nga hong ibang hindi natapos sa kolehiyo na sobra-sobra ang pagkabilyonaryo. Sa tulong ng TESDA, ganito na rin po ang inilalatag nating opsyon sa mga Pilipino: maaari kayong magdesisyon na magtapos ng kolehiyo at magtrabaho, o kaya naman ay dumiretso na sa pagpapaunlad ng kakayahan sa iba’t ibang bokasyon upang maging puhunan sa kaunlaran.
Simula’t sapul pa lang ng ating panunungkulan, prayoridad na ng ating gobyerno ang paglikha ng mga trabaho at palawakin pa ang mga oportunidad para sa mas nakakarami. Malinaw ang ating naging mandato: Linangin ang kakayahan ng mga Pilipino at tanggalin ang mga hadlang upang matamasa nila ang maayos na pamumuhay. Alam nating magbubunga ng mabuti ang paglilingkod sa mas nangangailangan, dahil ang pagtaas ng antas ng kanilang pamumuhay, ay siya ring pagtaas ng kompiyansa ng Pilipinas na umusad sa tunay na kaunlaran.
Ang pagtitipon nga po natin ngayong araw, sa pangunguna ng TESDA, ay isang kongkretong patunay na binabago na natin ang mga lumang kaisipang nakasanayan sa lipunan. Sa pamumuno ni Secretary Joel Villanueva, bigay-todo sa pagseserbisyo-publiko ang TESDA upang mas maraming Pilipino ang mabigyan ng kakayahang makaahon sa kahirapan, at mapaunlad ang kabuhayan. Tiwala tayo sa liderato ni Secretary Villanueva, walang wang-wang sa TESDA: walang manlalamang, at walang perang mapupunta [applause]—wala pong perang mapupunta sa mga walang kabuluhang programa.
Nagpapasalamat po tayo sa TESDA sa pagtupad nito sa panata natin sa taumbayan: walang maiiwan sa pag-unlad. Sa lumabas na Impact Evaluation Study nitong nakaraang taon, halos animnapu’t isang porsyento ng mga nagtapos sa Technical–Vocational and Educational Training programs ng TESDA noong 2009 ang napagkalooban na ng trabaho. Siyempre po kulang pa rin ho ng—ilan nga ‘yun Joel? Mali math ko ata ngayon—39 percent po ang dadagdagan natin ng pansin para may makuha na rin po ng trabaho. Upang mabigyan ang iba ng pagkakataong makapaghanapbuhay, inilunsad nga po natin ngayon ang TESDA Specialista Technopreneurship Program—napakadali hong bigkasin n’on. [Laughter] Marami tayong maaakit sa programang iyan. [Laughter] Sa programang ito, binibigyan natin ng kakayahan ang mga sertipikadong Pinoy upang matulungan ang kanilang komunidad at makapagtayo ng sariling negosyo. Nitong Enero nga po, mayroon nang mahigit tatlong-libo at animnaraan na TVET graduates ang natulungan ng TSTP—kailangan parati ng glossary pagdating ng panahon ho nito. [Laughter] Kayo hong mga unang graduate ang inaasahan natin mangangampanya para dumami ang sumama doon sa TVET at TSTP at ipaliwanag na rin po n’yo kung ano ‘yung TVET at TSTP. [Laughter] Nawawala ho tayo dito bigla. “Graduate po ako ng TVET.” Kako, veterinary medicine siguro ‘yan. [Laughter] Anyway po—sa ipinapamalas na sipag at dedikasyon ng lahat ng kawani ng TESDA, kompiyansa akong maaabot natin ang target ninyong magdagdag pa dito ng mahigit limang libong—heto na naman po siya—[laughter] TVET graduates ngayong 2012. Mahirap po talagang magsalita nang mag-umpisa sa letrang “T.” [Laughter] Iniisip ko lang ho talaga—siyempre, palalawakin po natin ‘yung programa, napakalaki po ng puhunang inilagay natin sa TESDA, tapos ‘yung mag-aakit ka ng mga mga sasali dito. Gusto kong mapanood ‘yung unang mag-akit kung paano niya pagandahin si TVET kasama ni TSTP. [Laughter] ‘Yun lang po ang naiisip ko ngayon.
Kaakibat ng pagdiriwang natin ngayon ang pagkakaloob ng mga tool kits sa mga benepisyaryo ng TSTP. [Laughter and applause] Lapit pa naman ho natin sa Valentine’s, baka akala niyo konektado ‘yung TSTP sa Valetine’s. [Laughter]
Pakaingatan po ninyo ang mga kasangkapang ito, at nawa’y magsilbing instrumento sa pagpapatibay ng pundasyong itinitindig natin tungo sa pag-asenso. Sa mga TESDA Specialista, huwag po ninyong sayangin ang magandang oportunidad na ito; maging ehemplo kayo ng manggagawang may malasakit sa kapwa Pilipino, pagiging produktibo, at pulido ang pagtatrabaho. Ipakilala po ninyo ang husay at propesyunalismo ng mga sertipikadong Pinoy.
Nagpapasalamat din tayo sa TESDA sa pagbubukas-palad ninyo upang tulungan ang marami pa nating kababayan. Buo ang ating suporta sa proyekto ninyong Mobile Training Program. Sa programang ito na bunga ng Public-Private Partnership, bibisita tayo sa mga liblib na pook upang turuan ang mga kababayan natin ng mga kasanayang makakatulong sa kanilang kabuhayan. Sa pagbibigkis ng mga LGUs, TESDA, at iba-ibang ahensya ng pamahalaan, kakatok po tayo sa mga pintuan ng ating mga kababayan sa kanayunan upang ituro ang mga kaalaman sa teknolohiya, ihanda sila sa mga sakuna at imulat sa mga inisyatiba ng Technical–Vocational and Education Training.
Sa ilalim po ng ating economic stimulus program, nagsalin tayo ng—kaunti lang naman pala—limandaang milyong pisong pondo sa TESDA para sa pagsasanay [applause] ng animnapu’t limang libong scholars upang makapasok sa BPO industry. Siyempre po ‘pag nagtagumpay ‘yan, mayroon pa hong darating na kasunod. [Applause] At ‘pag hindi naman ho, nakukunot ang noo ni Secretary Abad. [Laughter] Maliban pa sa IT-BPO sector, puspusan din ang serbisyo-publiko ng TESDA sa pagpapalakas ng iba pang industriya sa bansa: mula sa pagsasanay ng siyamnalibong mga manggagawa sa semiconductor and electronics sector at mahigit isanlibong kabataan at manggagawa sa telecommunications sector, hanggang sa pagpapaunlad ng kasanayan ng mahigit dalawang libong out-of-school youth sa construction trades; mula sa pagkakaloob ng mga sertipikasyon sa limampu’t limang libong Public Utility Vehicle drivers, hanggang sa pagsasanay ng libu-libong mga retailer, pinapatunayan ng inyong tanggapan na maaasahan kayong katuwang ng pamahalaan sa paglilingkod sa interes ng taumbayan. Buong bansa din tayong nagpupugay sa inyong naging malaking kontribusyon sa relief and rehabilitation activities ng ating gobyerno upang matulungan ang mga biktima ng bagyong Sendong.
Marami pa pong matatagumpay na programa ang TESDA na kung iisa-isahin po natin ngayon, ay baka abutin tayo ng araw ng mga puso, magagalit ang asawa ng ating Secretary Joel. [Applause]
Binabati ko rin po ang lahat ng bumubuo sa TESDA sa pagkamit ninyo ng ISO Certificate [applause] sa Program Registration at Assessment and Certification; patunay lamang ito sa epektibo ninyong pagtatrabaho at sa pangingibabaw ng integridad sa pagtupad ninyo sa inyong mandato.
Tunay nga pong malaki ang ginagampanang papel ng TESDA sa pagpapaunlad ng ating bansa. Hinuhubog ninyo ang mga indibidwal na pundasyon ng pagpapatakbo sa mga industriya at pagpapaarangkada sa ating ekonomiya. Sinasanay ninyo ang mga nag-aasikaso sa mga makina, nagtatayo ng mga bahay at mga imprastraktura, nagpapaandar ng mga sasakyan at tumutugon sa iba’t ibang pangangailangan ng komunidad. Kaya naman hindi kayo dapat na maliitin o isantabi sa lipunan. Doktor ka man, inhinyero, mekaniko, karpintero, tubero, caregiver, o kahit beautician man; lahat ng mga ito ay marangal na trabaho na nagbibigay ng makabuluhang serbisyo sa mga Pilipino. Sa sipag ninyo at sakripisyo, gumugulong ang bansa tungo sa kaunlaran. Palagay ko, maasahan pa natin magbabayad kayo ng tamang buwis at hindi n’yo kailangan ng dollar account. [Laughter and applause] Dahil sa Pilipinas na kayo nagtatrabaho.
Sa ating agenda ng pagbabago, binibigyan natin ang bawat isang Pilipino ng pagkakataong umunlad, dahil ang pag-asenso nila ay pag-angat din ng buong bayan. Matibay nating kasangkapan sa pag-unlad ang ating pagkakapit-bisig bilang isang bayan; sa pagtibag sa salot ng kahirapan at katiwalian, sa pagkumpuni sa mga sira ng lipunan upang itaguyod ang katarungan, na nagdudulot ng pangmatagalan pong kaunlaran. Tuloy-tuloy na po tayo sa pagsisiwalat ng liwanag ng pagbabago, at sa pagtahak sa landas ng tunay na kasaganahan sa ating pong bayan.
Uulit ulitin po natin, obligasyon po ng gobyerno talagang dagdagan ang oportunidad. Pero, sabi nga po ng aking ama, “Kaya kitang pagbuksan ng pintuan. Kung mananatiling bukas ang pintuang ito ay nasa iyo na po ‘yan.” So sana po, huwag nating sayangin ang oportunidad na ito. Sabi nga po ng mga Amerikano, ‘yung success has many fathers. Ibig sabihin po niyan, ‘pag pinakita niyong halimbawa ay talagang nagdulot ng maganda, marami pong maeenganyo, marami pong tutulong, bibilis ho ‘yung pag-angat ng estado ng kabuhayan ng ating mga minamahal na kababayan. Nasa ating pong kamay ‘yan. Gawin po natin ang nararapat.
Magandang umaga po. Maraming salamat sa inyong lahat.
No comments:
Post a Comment