Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapasinaya ng Aurora Memorial Hospital
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapasinaya ng Aurora Memorial Hospital
[Inihayag sa Barangay Reserva, Baler, Lalawigan ng Aurora noong ika-19 ng Pebrero 2012]
Magandang umaga po. Maupo po tayong lahat.
His Excellency Toshinao Urabe, Ambassador of Japan; Excellency Joaquin Otero, Ambassador of Argentina; Secretary Ike Ona; Secretary Manny Mamba; Senator Ed Angara; Governor Belle—I used to call her Ma’am Belle in Congress, we were together in the 11th and 12th Congress—Governor Belle Angara-Castillo; of course, kailangan pang ipakilala ‘yung congressman ninyong araw-araw nating nakikita sa TV, napakagaling nagpapaliwanag. [Applause] Alam po ninyo tingin ko lang po ‘yon ha, mayroon po kasing nagpapalito—‘yung mga medyo lihis ang landas. ‘Yung tuwid ang landas tulad ni Sonny, nagpapaliwanag para luminaw. [Applause] Mayor Arturo “Arthur” Angara; siyempre po batiin natin ‘yung representante ng JICA na siyang naging susi para magkaroon nitong ospital na ito, Mr. Takahiro Sasaki [applause]; mukhang mahusay na tagapamahala po ng ating Aurora Memorial Hospital, Dr. Luisito Te; Commanding General of the NOLCOM, Tony Alcantara; Commanding General of the Philippine Army, Manny Bautista; representatives from JICA; officials and staff of Aurora Memorial Hospital; other local government officials present; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Kung medyo napapamadali po ‘yung ating pagbati—kung minsan ho mas mahaba ‘yung binabati kaysa sa talumpati eh. Baka naman sabihin ninyo wala na tayong masabi. Siguro bago ho ang lahat, dapat tandaan lang po natin last year ho yata ‘yung groundbreaking nito; 2009 unang pinag-usapan, 2012 ayan na—ready for use, okey.
Importante po, last year, nandoon po ‘yung tinatawag nilang Great Earthquake sa Japan, ‘di ba? Mayroon kang tsunami, mayroon kang earthquake, mayroon pa ‘yung nuclear “worries”—‘yung sa fallout. ‘Yung madali ho siguro ‘pag sobra-sobra ‘yung atin, naibahagi sa iba, ‘Di ho ba? Sila mismo, marami ang pangangailangan. Pero bagama’t marami ang pangangailangan nila, minabuti pa rin ho nilang tulungan at tuparin ‘yung mga ipinangako sa atin bago dumating ‘yung kanilang sakuna. Siguro maiintindihan natin kung sasabihing, “Kailangan ho naming i-delay. Mayroon kaming kailangang asikasuhin dito sa sariling bansa namin.”
Pero bilang totoong mga kaibigan, hindi ho nila ginamit na sangkalan o dahilan ‘yung pagkakaroon ng kanilang trahedya. Tuloy-tuloy ang tulong sa atin. Siguro naman ho hindi mahirap na palakpakan natin para pasalamatan ang ating mga kaibigan from Japan. [Applause] Hindi na ho iba sa atin siguro ang kagalang-galang na Embahador ng Japan sa Pilipinas na noong araw po ay nagkaroon siya ng two years or three years dito kaya magaling na hong managalog. Talo pa po ‘yung ibang kasama ko sa Kongreso noong araw. [Laughter]
Inaalay po natin ang araw na ito sa isang dakilang Pilipina. Kasabay ng pagtitipon natin para sa ikatatlumpu’t tatlong anibersaryo ng inyong probinsya, ipinagdiriwang din natin ang ikaisandaan at dalawampu’t apat na taon ng kapanganakan ni Doña Aurora Quezon, at ang iniwan niyang legasiya sa sambayanang Pilipino: isang buhay na binigyang-kulay at kahulugan ng pagkakawanggawa at wagas na pagmamalasakit sa kapwa.
Kaya naman, bukod-tangi po ang ospital na pinapasinayaan natin ngayon. Hindi lamang nito taglay ang pangalan at alaala ni Doña Aurora Quezon—isa rin itong kongkretong hakbang sa pagsusulong ng kanyang adbokasiya upang mapangalagaan ang kapakanan ng kanyang mga kababayan. Isa rin itong simbolo ng kaunlaran para sa inyong probinsya—isang patunay sa lalong umiigting ninyong kakayahang tugunan ang pangangailangan ng inyong mga nasasakupan.
Taos-puso po akong nagpapasalamat, unang-una, kay Governor Bellaflor Angara-Castillo at kay Senator Edgardo Angara, sa kanilang pangunguna sa inisyatibang ito. Muli’t muli ninyong pinapatunayan sa mga taga-Aurora na sa kaunlaran ay walang dapat maiwan; na ang ginhawa ng buhay ay hindi lamang para sa iilan, kundi para sa lahat.
I would also like to express my deepest gratitude to the Japan International Cooperation Agency. For two generations now, our two peoples have been united by the shared principles of democracy and development that have been key to the relations between the Philippines and Japan. Time and again, the Japanese people have consistently shown their solidarity with my countrymen, giving generously to help uplift the lives of Filipinos. Today is just another example, and I am certain that this project will only strengthen our strategic partnership, and foster deeper cooperation and friendship between our nations.
Again, our very sincere respects.
Iisa lang po ang layon sa pagpapabuti nitong Aurora Memorial Hospital: ang paigtingin ang kakayahan nitong maghatid ng serbisyong-medikal, upang pangalagaan ang kalusugan ng mas marami nating kababayan dito po sa Aurora. Inihahakbang po natin pasulong ang katuparan nito sa pagpapatayo ng mga bagong gusali, gaya ng Administration, Emergency, and Out-Patient Department, at Operation and Delivery Buildings, kaakibat ang probisyon ng mga pangunahing kagamitang-medikal tulad ng Dental X-Ray Unit at Film Processor, ng Hematology Analyzer at Autopsy Table, at ng defibrillators.
Kaya ho hindi ako pumasok sa medicine mahirap ho talaga iyong kanilang ano… [Laughter]
Ano po ba ang hatid nitong pagbabago? Sa mga dagdag na gusali at kagamitan, tiyak na tataas ang antas ng ating pagseserbisyo: madodoble ang bilang ng mga pasyenteng mabibigyang-kalinga sa ospital na ito—mula sa dating dalawampu’t limang pasyente, tungo sa limampung pasyente kada araw. Ibig-sabihin: dagdag na dalawampu’t lima sa ating mga boss ang mabibigyan ng kinakailangang atensyong-medikal; dalawampu’t limang pamilya ang mas mapapanatag ang loob sa tuwing may karamdaman ang kanilang mahal sa buhay. Ngayong maari na ring maging isang training hospital ang Aurora Memorial Hospital para sa University of the Philippines-Manila School of Health Sciences at sa iba pang paaralan, mabubuksan na po ang pinto sa paglilinang ng higit pang health workers dito, at mas mapapabuti pa ang sistema ng serbisyong pangkalusugan sa inyong probinsya.
Ilan lamang po ang mga inisyatibang ito sa mga hakbang na isinasagawa natin, kasama ang Department of Health, upang higit na mapabuti ang kalagayang pangkalusugan ng bansa. Sa katunayan, mula po nitong Oktubre 2011, mahigit 38 million na ang naitalang miyembro ng ating PhilHealth Sponsored Program. Alam po n’yo ‘yung target po nating una, ‘yung tinatawag po nilang bottom quintile of the population—‘yung pinakawalang-kayang asikasuhin ang sarili nila. So 95 million po ang Pilipino; i-divide po ninyo ‘yun by five, ‘yun po ang bottom quintile. Pero lumampas pa si Secretary Ona doon sa more or less mga 17 million ‘yon, tama? [to Secretary Ona] Ginawa mong 38. Magaling ka talaga Secretary Ona. [Applause] Siguro dadagdagan mo pa. Samantalang mula naman nitong December 2011, mahigit dalawampu’t siyam na libong miyembro na ang mula dito sa inyo sa Aurora. Twenty-nine thousand? Ang population n’yo, Manang Belle, ay 100… 212,000—para hong ten percent. Palagay ko dadagdagan pa ni Secretary Ona na naman ‘yan
At alam natin, hindi magiging epektibo ang programang ito kung kulang naman ang ating nars—kailangan po ang sapat nilang bilang sa kalakhang bansa. Alam po ninyo noong pagpasok ko po, sabi sa akin 40 percent ng populasyon natin hindi ni minsan makakaharap ang isang medical professional—40 percent. So minabuti po—at mungkahi na naman po ng Department of Health at dahil sa tama hong palakad ng gobyerno—marami po tayong pondo, nagkaroon po…
Mula nitong Agosto 2011, nakapagtalaga na ang pamahalaan ng halos sampung libong nars sa buong bansa sa ilalim ng ating RN HEALS I, may mahigit labing-isang libo na sa RN HEALS II. So ilan na po ‘yon? Twenty-thousand na po at aabot sa sampung libong nars ang reresponde sa iba’t ibang lalawigan sa RN HEALS III—total of? Secretary Ike? Thirty-thousand—halos lahat na po yata ng munisipyo may idadagdag tayo, ‘yan po ay dahil maayos nga po ang palakad.
Sa ilalim po ng RN HEALS mahigit apatnapung nars na naitalaga dito sa inyong probinsya. Bukod pa rito, nasa walongdaan at siyamnapu’t isa na ang nai-deploy nating midwives sa buong bansa mula Oktubre 2011 sa ilalim ng ating Rural Health Midwives Placement Program; at apat po sa kanila ang nagbibigay-kalinga dito sa inyong probinsya.
Malinaw po kung saan tayo dinadala ng tuwid na daan. At sa likod ng mga tagumpay na tinamasa natin ngayon, nananatiling buhay ang hamon ni Doña Aurora sa mga Pilipino: ang pakikipagkapwa at pakikilahok sa pagpapabuti ng bayan. Sa kadilimang dinanas natin nitong nakaraang dekada, batid na po natin ang sakit na dulot ng baluktot na sistema; talos na natin ang masamang epekto ng pagsisinungaling sa taumbayan; at mulat na po tayo sa karamdamang hatid ng katiwalian sa lipunan. Ngayon, tangan na po natin ang lunas sa ating mga problema. Bilang mga Pilipino, magtulungan po sana tayo sa pagpapabuti ng kalagayan ng ating bansa, tungo sa isang mas malusog, mas masagana, at mas maliwanag na kinabukasan.
Bago po ako magtapos, alam po ninyo talagang mahusay po si Senator Ed Angara eh. So pinagtulungan po nila ng local government units at saka ng Japanese government maitayo ‘yung ospital—magandang accomplishment. Sabi ko, “Ano kaya ang tinulong ng national government?” [Applause] Mukhang wala pa ho yata o kakaunti. Ibig sabihin po n’on, ‘pag pinapatakbo na natin ito siyempre may obligasyon kaming tumulong. So ‘yung mga gamot, ‘yung ating tinatawag na consumables, ‘yung mga dagdag ay talagang sa atin ho magmumula. Alam n’yo wala naman hong problema ‘yon basta sabi nga ho dito, binigyan tayong lahat ng pagkakataon, may oportunidad.
Sabi po ng tatay ko sa akin noong bata ako, “Kaya kitang pagbuksan ng pintuan. Kung mananatiling nakabukas ‘yan, nasa sa’yo.” So sabi po ng mga Amerikano ‘yung “Success has many fathers,” ‘di ba, and “failure is a lonely orphan.” Ibig sabihin po n’on, may pagkakataon tayo ngayon; gawin po natin lahat ng magagawa natin. Siyempre, magaan ho sa kaloobang tumulong doon sa talaga namang mapapakitang sulit na dapat silang tulungan, ‘di ho ba?
Si Senator Angara ho talagang, ano ‘yan eh, alumnus ng UP kaya talagang isa ring advocate sa UP. So ang dinagdag na pong… Sa UP Law ho yata ‘yung una eh, ano—for the teachers and for the building: 100 per year and 100 from practicum—200 na ho yata eh, sa UP. Tapos ‘yung Engineering po ay malaki rin ho ang idadagdag natin diyan. Tatapusin ko ho ‘yung inumpisahang proyekto kaya naman po sana ‘wag na ho ninyong sabihing kina-cut namin ang budget ng UP. [Laughter]
Sa totoo lang po, pati ho lupa… Alam n’yo ‘yung isang nagulat ho ako, mayroon pong ipinagkaloob sa UP system noong 1930, kung tama ang tanda ko, na lupa. Ito po yata ay kung saan nakatirik ang UP Los Baños. Hindi pa ho pala nabibigay sa inyo ang titulo mula noong 1930—1930 pa wala pa ho ‘yung mga magulang ko. Kaya tutal ako’y hindi na ho 30, sa akin ho bumagsak. Sabi ko ang ganda naman nito, hindi pa tayo republic, commonwealth pa lang tayo noong binigay sa inyo at pang-labinlimang presidente na po tayo ng republika; sa akin po bumagsak ‘yungt para ilipat sa inyo ang lupa. Kaya po asahan n’yo, kung hindi man ho bubulungan ako si Senator Angara o ni Senator Drilon na parehong alumnus ninyo, bahala na ho ang tatay kong dadalaw sa akin na alumnus rin n’yo. Kaya sana po next year iba na po ang isisigaw natin.
Anyway po, talagang ang layunin po ng ating pamahalaan simpleng-simple. Bigyan ang lahat ng dagdag na oportunidad sa iba’t ibang larangan lalo na po sa kalusugan. Ang pangako ko po noong kampanya kasi unang-una job creation; pangalawa po, education; pangatlo po, health; pang-apat po judicial reform. Eh palagay ko naman ho nakikita ninyong talagang tinatahak na natin ‘yung landas para tugunan lahat itong mga suliraning ito sabay-sabay. Kung hindi po ako makakadalaw ho dito nang masyadong madalas, pasensya na po kayo. Pati ho sa Tarlac na kasama ninyo sa Central Luzon, ini-schedule ko na rin pong makabalik sa dati kong distrito. Last time ho, apat na buwan lang naman ang kinailangan para makabalik ho ako doon. Ini-schedule namin. At least makabalik doon.
Ulitin ko ho, talaga naman hong madali tumulong doon sa talaga naman pinakitang sulit tulungan, ‘di ba? Nasa inyo pong kamay ang pagganda ng ating kinabukasan at palagay ko po sundan natin ang halimbawa ng Doña Aurora Quezon, talagang ‘yung pakikitungo sa iba, ‘yung pag-iintindi sa kapwa ‘yan po ang susi ng pag-unlad natin.
Magandang umaga po. Maraming salamat sa lahat.
No comments:
Post a Comment