PNoy speech at the grand launch of OPM2GO

Singer Ogie Alcasid
Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglulunsad ng OPM2GO
[Inihayag sa Eastwood Central Plaza, Libis, Lungsod ng Quezon, noong ika-28 ng Marso 2012]
Magandang gabi po ulit sa inyong lahat.
Malamang po, marami sa inyo ang nakakaalam na mahilig ako sa musika. Iyong musika ho, hindi ko alam kung mahilig sa akin. Ang hindi po siguro batid ng ilan ay kung gaano po tayo kaseryoso dito. Ang totoo po, iyong equipment ko po sa Times, sa bahay natin sa Quezon City, nabili ko ho na karamihan ay second hand diyan, ay ipinalipat ko na sa Bahay Pangarap para ho mayroon tayong magagamit sa tuwing tayo’y may pangangailangan—at araw-araw po mayroong pangangailangan. Isa po itong hilig na hindi ko po mabibitawan.
Noon pa man, musika na ang katuwang natin sa hirap at ginhawa. Nariyan po ang jazz kapag gusto nating mag-relax. May rock n’ roll naman kapag sobra po ang ating enerhiya. Kapag nalulungkot, senti ang pinipili nating background music. Hindi naman tayo iniiwan ng mga ballad, kapag tayo ay inspired o in-love. Aaminin ko naman po: hindi ko gaanong nakahiligan ang rap music. Kaya naman po, nagulat po ako noong kampanya nang ipag-rap po ako ng aking nakakabatang kapatid.
Ngunit puwera biro po, nakatatak na po sa aking puso ang OPM o ang original pilipino music. Mula pa po kay Ka Freddie Aguilar—at siyempre ‘yung kanta niyang “Anak” na tuwing tayo po’y may state visit, pinapatugtog po ng ating mga hosts (napakaraming version na po ng “Anak”)—at sa Juan dela Cruz Band, hanggang kay Jose Mari Chan at sa Apo Hiking Society. Siyempre, ‘di ho natin malilimutan si Regine Velasquez, lalo na ‘yong kanta niyang paborito ko pong “Hindi ka Nag-iisa” at Ogie Alcasid sa kanya pong kantang “Si Noynoy” na hanggang ngayon pinipilit kong aralin—hanggang sa mga umuusbong na banda at mang-aawit ng henerasyong kasalukuyan. Ang masasabi ko lang po: iba pa rin talaga kapag OPM. May iba itong timpla na swak sa panlasa nating mga Pilipino. Masakit lang nga ho ‘pag tayo’y ay napapaalis sa bansa, doon natin lalong napapangalagahan ito. May natatangi itong kakayahan na kurutin ang ating mga puso.
Ang nakakamangha po sa musika: kaya niyang sabayan ang timpla ng iyong nararamdaman—masaya ka man, malungkot, o puno ng enerhiya. Halimbawa, kung gusto mong magpagaan ng kalooban, nariyan ang mga awitin tulad ng galing po sa Bukas Palad Music Ministry tulad ng “Ang Panalangin sa Pagiging Bukas Palad” o “Tanging Yaman.” At ang mga ito ay hindi lamang po panandaliang-alaala—pinagmumulan ito ng lakas at inspirasyon at talaga naman pong nakakakalma. Tulad na lamang po ng mga kantang sumikat noong EDSA, tulad ng “Bayan Ko” at “Handog ng Pilipino sa Mundo”—hindi po ba’t hanggang ngayon, patuloy nitong pinupukaw ang ating pagmamahal sa bayan? Tunay nga po na nagdudulot ng positibong biyaya ang musika, hindi lamang sa personal na nibel, ngunit maging sa kalakhang lipunan.
Sa mga nagdaang taon, kapansin-pansin po ang nagiging pagbabago sa paraan ng pakikinig sa musika. Bilang nakakatanda nang kaunti sa inyo, lalo na po kay Boy Pick-up, hindi ko po ipagkakailang naabutan ko po ang panahon ng plaka. At nakita po natin ang transisyon nito patalon sa cassette, sa compact disc, at ngayon, sa Internet, at sa mga mp3 players.
Kaya naman, sa araw pong ito, ikinagagalak kong maging kabahagi sa isang makabuluhang pagbabago: ang paglulunsad ng OPM2GO.com. Sa pagbubukas ng online music store na ito, may bago nang tahanan ang musikang Pilipino. May bago nang lugar ang mga musikero kung saan maipaparinig nila ang kanilang mga obra. Bubukas ang pinto upang mas madaling maihandog ang musikang Pilipino sa masang Pilipino, at sa iba pang tumatangkilik nito sa buong mundo. Sa pamamagitan din ng proyektong ito, hindi lamang mas nagiging abot-kaya ang pakikinig sa awiting Pinoy, nagagantimpalaan din natin ang mga lumikha nito.
Magandang hakbang din po ito upang malabanan natin ang pamimirata sa musika, kasabay ng pagpoprotekta sa karapatang-ari o intellectual property rights ng mga manunulat at mang-aawit sa kanilang akda. Mulat po kasi tayo sa bawat ilegal na pag-download ng musika, o pagbili ng album na pinirata; ang pangunahing tinatamaan ay ang mga OPM artists. Wala silang kinikita. Ang masakit pa po rito, alam din nating kasabay ng talento, puspusang dedikasyon ang kanilang ibinubuhos upang maibahagi sa atin ang kanilang mga awitin. Kaya naman, nararapat lang na masuklian natin ang kanilang pagsusumikap, ‘di po ba?
Ang totoo po, sa pamimirata, hindi lamang ang mga manlilikha ang nagdurusa, kasama po rito ang buong industriya at kultura ng musika. Kapag hindi natin binigyan ng sapat na insentibo ang mga musikero, baka ipagpalit nila ang gitara at panulat para sa mga trabahong sisigurong may maihahain sila sa kanilang mga hapag. Maaaring kumitid, kung hindi man magsara, ang mga bintanang pinanggagalingan ng kanilang mga obra. Ang resulta, mababawasan ang mapapakinggan ng mga tao; mababawasan ang mga malilikhang mga produkto; mababawasan nang malaki ang buting idinudulot ng musika.
Ito naman po ang hatid na pagbabago ng OPM2GO: Dahil mapapadali at mapapabilis ang distribusyon ng mga kanta kumpara sa pagbenta ng mga CD, magbubukas ito ng mga panibagong merkado—maitatawid ito sa mas maraming tagapakinig, saan mang sulok ng mundo.
Sagisag nga po ang OPM2GO sa pagsabay ng industriya ng musika sa takbo ng panahon. Hudyat ito na hindi tayo paiiwan sa larangan ng musika, sa halip, ay handa pa tayong manguna. Ito ang tugon natin sa hamon na hatid ng teknolohiya; na sa kabila ng pagbabago ay tuloy pa rin ang paglikha at pagtangkilik sa awiting Pilipino. Buo po ang tiwala ko sa magiging tagumpay ng OPM2GO.
Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng nagsumikap upang maipatupad ang proyektong ito, kasama na si Ginoong Manny Pangilinan.  Special mention naman po ang Chairman ng OPM2GO, at pangulo ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit, ang kaibigan nating si Ogie Alcasid. Ang balita ko, mas kilala na raw siya ngayon bilang si Boy Pick-up. Kaya ang sabi ko po sa sekretarya ko, magset-up siya ng meeting kasama si Ogie, at magpapaturo tayo sa kanya ng mga linyang makabago. Pero wala pong bola, talagang bilib tayo sa kanya. Kinakatawan ni Ogie ang klase ng artistang kinakailangan ng panahon ngayon: gumagawa siya ng paraan, hindi lamang upang lumikha ng obra, kundi upang makatulong din sa kanyang kapwa. Tangan ang kanyang talento, pinapaginhawa niya ang buhay ng kapwa niya artista, ng kapwa niya musikero, at ng kapwa niya Pilipino. Isang patunay po ang proyektong ito sa patuloy niyang pakikiisa sa pagbagtas natin sa tuwid na landas.
Sa lahat naman po ng mga Pilipinong musikero: buong mundo na ang inyong entablado. Patuloy sana kayong maghatid-inspirasyon sa inyong kapwa. Asahan naman ninyo, narito ako, sampu ng mga kababayan ninyong Pilipino—handang makinig at tumangkilik sa mga obrang nilikha at lilikhain pa ninyo.
Maraming, maraming salamat po sa lahat. Mabuhay ang musikang Pilipino.

No comments:

Post a Comment