PNoy speech upon being conferred a Doctorate of Laws, Honoris Causa, by CEU


Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Pagkagawad sa kanya ng Doctorate of Laws, Honoris Causa, ng Centro Escolar University
[Inihayag sa Manila Hotel noong ika-11 ng Abril 2012]
Magandang hapon po. Maupo po tayong lahat.
Tatanggalin ko lang ho sandali itong cap para makita n’yong makapal pa ho ang aking buhok. [Laughter]
CHED Chair Patricia Licuanan; Secretary Leila de Lima; Secretary Sonny Coloma; TESDA Chair Joel Villanueva, na hindi po naka-long sleeves itong araw na ito, graduation po ito, Brother Joel [laughter]; Mayor Fred Lim; of course, Dr. Emilio Yap; Dr. Maria Cristina Padolina; CEU Board of Directors—Dr. Angel Alcala, Dr. Emil Javier, Dr. Emilio Yap III, Dr. Alejandro Dizon, Dr. Johnny Yap, Ms. Corazon Tiongco, and of course, our idol, Attorney Sergio Apostol; CEU Administrative Council; deans; department heads and faculty members; graduates and parents of Batch 2012—sana dito po ako nabilang sa 2012 [laughter]; fellow workers… ah, kabilang ho pala tayo doon dahil ngayon nga pala tayo nag-oath taking… Batch 2012 na rin ho pala ako [laughter]; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen:
Magandang hapon po sa inyong lahat.
Alam ho n’yo si Manong Serg eh nauna po sa akin sa Kongreso. Ako po’y bagong-bagong salta noong 1998. Siya naman po ay senior member na—fifth term na ho ba n’yo ‘yon, Manong Serg? At sa House of Representatives, napakaimportante po ng Committee on Rules. Iyan po ang nagde-determine kung aling mga panukalang batas ang magkakaroon ng pagkakataon mapakinggan nitong plenaryo. Nagkataon po na may Committee Report iyong kinabibilangan ko pong committee na Committee on Civil Political Human Rights kung saan inatasan tayo ng ating Chairman na kumatawan sa komiteng ito at humarap sa Committee on Rules. Doon ko po unang nakasalubong si Attorney Serg Apostol. Pagkaupong-pagkaupong ko po doon sa meeting ng Committee on Rules, tinanong niya sa akin, anong karapatan ko na humarap sa kanila? Susmaryosep! Sabi ko, “Ako po’y bagong salta.” At, sabi ko po, “Ako po’y inatasan ng aming Chairman na humarap sa kanya pong substitute, actually, for him.” At, doon ko po nakita na talaga si Manong Serg, bagama’t magkaiba po ang panig namin noong Martial Law ay talagang nandoon para bigyan ako ng kanyang dunong. Kaya nagpapasalamat ako sa inyo, Manong Serg, sa harap ng lahat. Iyong pagtuturo mo ay talagang—sumama na rin po sa paghuhubog sa atin para maabot natin ang kasulukuyan at ikinalalagyan. Kaya ulitin ko po, maraming salamat po sa inyong mga ibinahagi sa ating mga panahong nagkasama sa Kongreso at sa labas.
Mayroon po akong isang kasamahan—nasa Gabinete ngayon. Abugado po siya. At isang araw po eh may binanggit siya sa aming leksyon noong kanyang propesor. Sabi po ng kanyang propesor, “Pakitignan nga nga n’yo ‘tong sign.” Ang nakalagay po, “No Smoking.” Tinanong po ng propesor, “Simple ba iyan?” Sagot siyempre ng mga estudyante—dadalawa lang naman ang words, “No Smoking”—“Maliwanag po. Simpleng simple.” Sagot ho ng propesor, “Hindi simple iyan.” ‘Pag abugado po kasi nagbasa ng “No Smoking,” ganito ho pala dapat na lumabas iyan: No Smoking what, No Smoking when, No Smoking how, No Smoking by whom. Ganoon ho pala. ‘Pag binasa ng abugado marami hong puwedeng idagdag. Incomplete raw ho iyan.
Kaya ako po’y natanong sa isang kasamahan ko rin po sa Kongreso, nakasama ko sa Senado— at isang araw tinanong ko siya, “Bakit ba kapag kayong mga abugado ang nagsasalita, ‘yung simple nagiging komplikado?” Ang sagot po niya sa akin, “Aba, kung napakasimple ng tatalakayin natin dito, e baka kaming mga abugado ay mawalan ng trabaho.” [Laughter]
Hindi ho biro iyan. Talagang sinabi niya sakin iyon. Maaaring pabiro ang sagot niyang ito, subalit hindi maikakailang sumasalamin ito sa kabuuang estado ng ating sistemang pangkatarungan. Sa mga nagdaang taon, tila ba ang batas ay naging eksklusibong pribilehiyo ng iilan; na para bang ang bawat probisyong inilahad sa ating Saligang Batas ay mga salita’t titik lamang na kinakarambola ayon sa kagustuhan ng mga mahistrado’t abogado.
Bawat naging Pangulo ng bansa ay sumumpa sa kanyang tungkulin: ang itaguyod ang katarungan para sa lahat. Kaya nga po mismong sila, sa paghahangad ng tunay na hustisya, ay dumulog din sa Kataas-taasang Hukuman. Pinuna ng dating Pangulong Manuel L. Quezon ang Hudikatura sa mabagal nilang paglilitis tuwing ang maralita ang kasangkot, habang palagi namang may apurado silang desisyon para sa maykaya at makapangyarihan. Isang halimbawa pa po, si dating Pangulong Diosdado Macapagal ang mismong humirit sa Korte Suprema ukol sa mga “midnight appointment,” dahil marami sa mga bakanteng puwesto sa pamahalaan ay pinunan bago bumaba ang sinundan niyang si Pangulong Carlos Garcia.
Balikan nga po natin: Bakit ba kailangan ng isang sistemang pangkatarungan? Ano nga ba ang silbi ng Saligang Batas? Malamang po marami ang maghahain ng kumplikadong sagot sa mga tanong na ito. Ngunit ‘di po ba, sa pinakamalalim na sulok ng puso natin, alam natin na ang Saligang Batas ay isa lamang kalipunan ng mga alituntunin na sinang-ayunan at napagkasunduan ng taumbayan, upang magsilbing gabay kung paano sila mamumuhay at makikitungo nang tama, patas, at makatarungan sa isa’t isa? At sa panimulang bahagi pa lamang ng ating Konstitusyon, malinaw na kung ano ang bukal, at kung sino ang nararapat na pagtuunan ng kapangyarihan nito: ang sambayanang Pilipino po.
Ngunit ano po ba ang nangyayari ngayon? Tila nakagawian na ng ilan na palabuin ang malinaw, at guluhin ang usapan. Bibigyan ko po kayo ng ilang halimbawa para maliwanag po ito. Narinig na po siguro natin ang katagang: “Justice delayed is justice denied.” Mismong Saligang Batas po ay nagtakda ng taning para magarantiya ang mabilis na paglilitis ng mga kaso. Nakasaad sa Article 8, Section 15 ng ating Konstitusyon: “Ang lahat ng mga usapin o bagay na idinulog ay kinakailangang pasyahan o lutasin sa loob ng dalawampu’t apat na buwan mula sa petsa ng pagkakadulog nito para sa Kataas-taasang Hukuman, at maliban na lamang kung iklian pa ng Kataas-taasang Hukuman, labindalawang buwan para sa lahat ng mga nakakababang hukumang kolehiyado, at tatlong buwan para sa lahat ng iba pang mga nakabababang hukuman.” Kahit po hindi eksperto si Juan dela Cruz, maiintindihan ang nakasaad sa ating Konstitusyon: Sa sandaling maisumite ang panghuling pleading o memorandum na itinakda ng hukuman, ang nakasampang kaso ay dapat mapagpasyahan o malutas sa loob ng dalawang taon.
Nagagawa po ba ito ng ating Hudikatura? Tingnan na lamang po natin itong kaso ni Bai Omera Lucman ng National Commission on Muslim Filipinos. Naglabas ang Korte Suprema ng status quo ante order at hinayaang manatili siya sa puwesto. Natapos na po ang termino niya, pero hanggang ngayon, hindi pa rin dinidinig ang kaso ni Ginang Bai Lucman. May ebidensya rin kami na magpapatunay na hindi lang siya midnight appointee, kundi talagang sagad-sagarang post-midnight appointee pa po. Ulitin ko po: natapos na po ‘yung termino, wala pang pagdidinig ng kaso, ‘pag pinakinggan ng Supreme Court o nilitis ‘to, malamang sasabihin na moot and academic.
May kaso pa pong isinampa noong 1961, pero hanggang ngayon, wala pa ring desisyon. Sa Saligang Batas, dalawang taon lang po ang taning, pero sa kasong ito, dalawang henerasyon na ang nagdaan, wala pa ring hong katapusang hatol. Minsan po, napapa-isip tayo kung itinuturo sa law school kung paano patagalin ang kaso. Tila po ba isa itong paligsahan, at kailangan minimum ng anim na taon ang adjudication bago ka ma-qualify sa patimpalak nilang ito.
Magtungo naman tayo sa kaso po ng Banco Filipino. Makailang beses na po itong isinalba ng estado, pero ngayon po ay tila bangkarote na naman. May tatlong huwes na didinig sa kasong ito sa Court of Appeals; dalawa sa kanila po nag-inhibit. ‘Yung dalawang bagong justices na pumalit, matapos ng sampung calendar days, ten days lang po, napag-aralan nang buong-buo ang kaso, tila po ba nabasa na lahat ng dokumento at mga audit statements, nasagot ang lahat ng katanungan, at agad na inutos na buksan ang bangko at magbigay ng emergency loan na 41.5 billion pesos. Ididiin ko lang po: hindi po ito ten working days, kundi ten calendar days—kasama pati weekend. Talaga pong napakasipag nila. Ang masaklap po nito, pinapabalik nila ang P19 billion sa mga depositor na wala na pong… Iyong pera ng depositor na wala na po sa bangko, pinapabalik sa estado iyong P19 billion na deposit pay. Aba, hindi ba’t trabaho nilang ingatan ang mga nakadeposito sa kanila—nitong bangko? Saan po ito napunta? Naglaho lang parang bula? Mantakin po ninyo, ang iginugugol natin sa pabahay—nitong huling taon—para sa mga sundalo at pulis, four billion pesos kapalit 21,800 na bahay. Ngayon, 41 billion pesos ay ipinabibigay ng Court of Appeals sa Banco Filipino: ten times po sa halaga ng housing project natin para sa pulis at kasundaluhan last year. Katumbas po nito ang 218,000 na pabahay, o halos kalahati po ng kabuuang bilang ng informal settlers sa National Capital Region. Mahirap naman pong pagsabayin na gastusan ang Banco Filipino at ang pabahay na iyan.
Kwestyonable rin po ang hatol ng mababang hukuman sa isang proyekto ng DPWH sa Mindanao. Sa halip na matutukan ng DPWH ang kanilang tungkulin na kumpunihin ang mga kalsada at tulay, lalo lamang itong naaantala dahil inobliga sila ng hukuman na magbayad ng mahigit 218 million pesos para sa road right of way, kahit na ang ipinakitang patunay ng umaangkin ng lupa ay isang matagal nang kanseladong certificate of title. Ulitin ko po ha: Iyong pruweba, kanseladong certificate—magbabayad si Juan at Juana dela Cruz ng 218 million pesos. Hindi pa ho nakuntento ang husgado, naglabas na agad sila ng writ of execution; hindi na nila hinayaan pang marinig ang panig ng gobyerno. Huwag naman sanang nangyari ito dahil lamang may mga nagmamadaling makapagbulsa ng porsyento.
Malabo rin po ang desisyon ng Korte Suprema tungkol sa paggawa ng mga distrito. Sa Article 6, Section 5 ng Saligang Batas, para makabuo ng distrito, kailangang may populasyon na dalawandaan at limampung libo, at kailangan din po [na] mayroong uniform and progressive ratio. Lilinawin ko lang po. Uniform, ibig sabihin siyempre ay pantay-pantay at progressive ratio: papaunlad na pagdami. Pero nakapagtataka pong may isang distrito sa Camarines Sur na may mahigit isandaan pitumpu’t anim na libo lamang ang populasyon, pero pinayagan nila itong mabuo bilang hiwalay na distrito. Ang dahilan nila, ‘yung 250,000 para lamang daw po sa pagbuo ng distrito sa lungsod, hindi po sa probinsya. Kaya ‘pag probinsyano ka, na hindi tagalungsod, hindi kailangan ng 250,000; ‘pag nasa lungsod ka kailangan 250,000. At sa kanila pong pananaw, iyan po ay uniform. Sa CEU ho yata ang uniform pantay-pantay. Eto nga ho ba ang kanilang “uniform and progressive ratio?” May desisyon rin sila na ‘yung unang 250,000 lamang ang pinag-uusapan sa pagbuo ng distrito, at kapag sumobra ka, puwede ka na ulit bumuo ng panibagong distrito maski na hindi ka kumuha ng another 250,000. Iyan po ay doon sa kaso sa Makati. Sabi ko, nagdedebate po kami sa Senado, “Maganda ho iyan ah, 250,000 ‘yung una, ‘yung pangalawa puwedeng isang tao na lang dahil ba sa lumagpas ng 250,000?” Hindi po. Ang sinagot sa atin, ganoon daw po,unang 250,000 lang. Ano ba talaga ang basehan nila? Nakasalalay ba ito sa populasyon, gaya ng malinaw na nakasaad sa Konstitusyon? O nakabase ito sa sariling interpretasyon ng mga hukom?
Tignan naman natin itong preliminary injunction na inilabas ng Regional Trial Court para mapawalang-bisa ang fact-finding committee para sa imbestigasyon ng dating NBI Director na si Magtanggol Gatdula at ilan pang kawani ng kanilang ahensya. Tandaan po nating ang pinaratangan ng krimen, at ang pinagdududahan dito, ay bahagi po ng National Bureau of Investigation, ang pangunahing pong kawani na tagapagpatupad ng atin pong batas. Natural lang na para maibalik ang tiwala mo sa akusadong opisyal sa pamunuan ng ahensya at ng buong ahensya, kailangan po ng imbestigasyon. Kung hinarangan nila ito ng TRO, paano niya malilinis ang kaniyang pangalan kung wala namang magbibigay-linaw sa kung anong tunay na nangyari? Gayumpaman, nagpapasalamat na rin po tayo dahil TRO lang, at hindi status quo ante order, ang inilabas ng RTC. Kung mangyari po ito, sama-sama po tayong magdadasal kay St. Jude na sana, talagang inosente lahat ng pinaratangan dahil ipababalik sila sa puwesto.
Marami pa pong kasong nagpapahiwatig sa nakakalungkot na estado ng ating sistemang pangkatarungan. Nandiyan ang injunction na nagsilbing balakid para sa pagiging state witness ni Manuel Montero, na siyang magiging susi dapat para mapanagot na ang mga nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay kay Ruby Rose Barrameda, na natagpuang—paalala ko lang po sa inyo—nakasemento sa loob ng drum. Nandiyan din ang pagbibigay-pahintulot ng korte na magtayo ng mga Jai-alai betting stations sa labas ng Cagayan Economic Zone Authority, gayong malinaw itong paglabag sa Republic Act 954. Nakakapanghinayang din po ang inilabas na Aide Memoire ng World Bank ukol sa Judicial Reform Support Project ng Korte Suprema. Parang wala ring pinatunguhan ang 21.9-million dollar loan mula sa World Bank, na sana’y naglatag ng komprehensibo at pangmatagalang reporma sa Hudikatura. Dahil dito, malamang, magdadalawang-isip na ‘yan na muling mag-abot ng tulong sa atin. Sino po bang hindi malulungkot? Tinutulungan ka na, sinayang mo pa.
Nakasaad po sa Saligang Batas, Article 7, Section 15: “Ang isang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo ay hindi dapat gumawa ng mga paghirang sa loob ng dalawang buwan bago sumapit ang susunod na halalang pampanguluhan, at hanggang sa matapos ang kanyang taning ng panunungkulan, maliban na lamang sa mga pansamantalang paghirang sa mga katungkulang tagapagpaganap, kung ang patuloy na mga pagkabakante roon ay makapipinsala sa lingkurang pambayan o magsasapanganib sa kaligtasang pambayan.”
Bakit ko po binasa ito? Alam na naman po siguro ninyo na may isang mahistradong itinalaga sa Korte Suprema, isang linggo matapos ang halalan. Uulitin ko lang po: Sa konstitusyon, two months before elections, bawal nang mag-appoint. Ito po, one week after elections, pinaupo sa puwesto. Isang batikang eksperto sa usaping konstitusyonal ay sumang-ayon sa pagtutol natin sa appointment na ito. Kabilang siya sa isang religious order na nagturo sa aking mayroon daw pong absolute right at absolute wrong. Hindi po iyong tama at mali ay depende sa okasyon. Hindi puwedeng tama kung minsan at mali kung minsan. Pero nang maglabas ng desisyon ang Korte Suprema na salungat sa aming opinyon, pareho daw po kaming nagkamali. Ako po’y nahihilo sa kanyang binibigkas na mga salita.
Wala po akong intensyon na sirain ang kredibilidad ng hudikatura. Naniniwala pa rin po akong marami sa kanila—mga huwes, abogado, clerk of court—ang talagang matapat, may prinsipyo’t panig lamang sa katotohanan. Pero mayroon pa rin po talagang mga nasa Hudikatura na ang turing nila sa kanilang sarili ay sila ang batas. Kung anong gusto nila, sumang-ayon ka na lang, dahil hindi sila puwedeng punahin. Kung umasta sila, para bang kontrolado nila ang timbangan ng katarungan, kaya maging ang Konstitusyon para bang laruan lang na puwede nilang palitan, puwede nilang bawasan, puwede nilang ibahin, at puwede nilang baliktarin.
Ito po mismo ang hangad nating baguhin. Isang malawakang reporma ang nais nating mangyari, hindi lamang sa mabagal na sistema sa mga bulwagan at korte sa bansa, kundi sa kaisipan ng bawat kawani ng Hudikatura—mula sa mga clerk, abogado’t hukom—partikular na sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin. Nais lamang nating masiguro na kapag may nagsampa ng kaso, nakatira man siya sa bahay na bato o nakasilong lamang siya sa tagpi-tagping yero, makakatanggap siya ng desisyon nang hindi lalampas sa dalawang taon, at ang timbangan ng katarungan ay papanig lamang sa kung ano ang makatwiran.
Tungkulin nating ipaglaban na tuwing papasok tayo sa korte, sigurado tayong katarungan at katotohanan ang iiral miski sino pa man ang kaharap mo. Tungkulin nating manindigan para sa isang sistemang pangkatarungan na may katiyakan. Isang hukuman kung saan ang inosente ay lalabas na inosente, at ang lumabag sa batas ay siguradong mapapanagot. Nasa atin po, bilang mamamayan, ang gawing sistemang makatarungan ang sistemang pangkatarungan. Kung may butas man sa batas, nasa sa atin ang pagpuno nito, gamit ang katapatan, malasakit, at tunay na paglilingkod-bayan. Kailangang madama ng lahat ng opisyal na pinahiraman ng kapangyarihan—nasa Ehekutibo ka man, nasa Lehislatura, o nasa Hudikatura—na nagbabantay at nagmamasid ang taumbayan sa kanilang kilos, dahil wala silang ibang inaasahan sa bawat lingkod bayan kundi ang gawin ang tama at tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin sa bandila at sa kapwa. At siyempre, may kaakibat din ito na kapag may mali silang ginawa, may kapangyarihan din ang taumbayan na bawiin ang kapangyarihang ipinahiram nila. Samahan po ninyo ako: manindigan tayo at aktibong makilahok para manaig ang tunay na hustisya sa ating lipunan, at para masigurong isang makatarungang Pilipinas ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi.
At bago po ako magtapos, hihingi po ako ng paumanhin, sa lahat po ng magga-graduate itong araw na ito, hindi po ako makakadalo sa inyong handaan mamaya. Hindi ko pa ho natatanggap ang imbitasyon. [Laughter] Pero ganoon pa man din po, congratulations and may you truly have a better future.
Good afternoon.

No comments:

Post a Comment