Statement of PNoy upon arrival from the 20th ASEAN Summit in Cambodia


Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Pagdating niya mula sa  ika-20 ASEAN Summit sa Phnom Penh, Cambodia

[Inihayag sa Villamor Air Base, Lungsod ng Pasay, noong ika-4 ng Abril 2012]
Ikinagagalak ko pong makabalik sa bansa mula sa Cambodia matapos ang matagumpay nating pakikiisa sa 20th ASEAN Summit, kasabay ng ika-apatnapu’t limang taong anibersaryo ng Association of Southeast Asian Nations. Kasama ang mga pinuno mula sa siyam na bansa, tinalakay namin ang mga paksang may malaking implikasyon, hindi lamang sa kaunlaran ng bawat bansang kasapi ng ASEAN, kundi lalo na ang kahandaan ng buong Timog-silangang Asya na harapin ang mga pagsubok na maaaring dumating. Dahil sa mga mungkahi nating nakatutok sa pagpapatibay sa relasyon natin sa ating mga karatig-bansa, muli nating ipinabatid ang kakayahan nating makipagbayanihan para sa malawakang kaunlaran at pangmatagalang kapayapaan.
Dito mismo nagbubukal ang prinsipyo kung bakit muli nating idiniin ang ating paninindigan na kilalanin at higit pang pagtibayin ang 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC). Mulat po tayong, maliban sa malaking impluwensya ng Tsina sa ilang mga bansang kinapulong natin, apat din po sa mga bansang miyembro ng ASEAN ay umaangkin din sa Spratlys. Kaya naman hindi na po tayo nagpatumpik-tumpik na ipaabot ang ating saloobin: Mahalagang magkaroon muna ng masinsinang pagpupulong sa pagitan ng mga bansang kasapi ng ASEAN tungo sa isang patas at makatarungang kasunduan, bago mag-imbita at pakinggan ang anumang mungkahi ng iba pang bansang may interes sa teritoryong pinag-uusapan. Ito naman po kasi ang prinsipyo sa likod ng ASEAN centrality, ‘di po ba? Ang pagbibigay-prayoridad sa kapakanan ng mga miyembro ng ASEAN, sa halip na sundin ang utos ng iba. Tiwala po tayong ito ang magiging instrumento sa pagsusulong ng kapayapaan sa West Philippine Sea, gayundin sa paniniguro na ang karapatan at soberenya ng Pilipinas ay lubos nating napapangalagaan.
Nakipagdiyalogo din po tayo patungkol sa disaster risk reduction and management, upang higit na mapabuti ang kooperasyon at bayanihan ng buong Timog-silangang Asya tuwing may banta ng sakuna. Inaasahan nating sa tuluyang pag-usad ng ASEAN Coordinating Centre for Humanitarian Assistance and Disaster Management (AHA Centre), mas magiging maagap, mas handa at mas epektibo nating matutugunan ang anumang posibilidad ng trahedya, upang mas tiyak din nating mailalayo sa peligro ang buhay at ari-arian ng mga Pilipino. Kaugnay nito, makabuluhan din ang kasunduang bubuo para sa isang rice reserve mechanism, na pag-iimpukan ng bigas ng mga bansang kasapi ng ASEAN, na maaari nilang pagkunan ng bigas sakaling sila ay magkaroon ng rice shortage. Patunay ang mga ito sa aktibo nating pakikilahok para pangalagaan ang interes at estabilidad, hindi lamang ng Pilipinas, kundi maging ng buong rehiyon.
Mainit din po tayong tinanggap ng mga kababayan nating nakikipagsapalaran sa Cambodia, at nagagalak naman po tayong malaman na karamihan sa kanila ay talaga namang nagtatagumpay sa kani-kanilang larangan. Muli po nating ipinabatid sa kanila na nasaan mang panig sila ng mundo, sila pa rin ang Boss natin. Kaya naman isinulong natin ang pangangalaga sa kapakanan at proteksyon ng ating migrant workers, at inudyok natin ang ASEAN na tularan ang binuo nating sistema na nagpapababa sa mga remittance charges. Kung dati, kalbaryo ng mga kababayan natin ang patung-patong na service fees at back-end processing fees na umaabot mula 150 hanggang 500 piso tuwing sila ay nagpapadala, ngayon, 55 piso na lamang ang standard fee na kanilang babayaran. Tiwala tayong maisasakatuparan din ito ng lahat ng bansang kasapi sa ASEAN, at makakapaghatid ng tulong-pinansyal sa ating OFWs. Sa pakikipagpanayam po natin sa mga Pilipino doon, lalo lamang po tayong ginanahang magsumikap para palawigin pa ang pagkakataon nilang umasenso dito sa ating bayan, upang hindi na nila kailanganin pang makipagsapalaran sa ibayong dagat. Ang gusto natin: kapag pinili nilang bumalik dito sa Pilipinas, may mababalikan silang lipunang mas maunlad at may patas na pagkakataon para sa lahat.
Ang matagumpay nating biyahe sa 20th ASEAN summit ay sumasalamin sa positibong bunga ng ating mga reporma: sa pagtataguyod natin ng isang gobyernong nangingibabaw ang mabuting pamamahala at pakikipagkapwa, nabubuo na po ang tiwala at kumpiyansa ng buong mundo sa Pilipinas.
Sa aming pagbalik sa bansa, marahil po ay marami na sa ating mga kababayan ay abala na sa pagtupad ng kani-kaniyang panata para sa Semana Santa. Hinihimok ko po ang lahat: tayo man ay nasa bakasyunan, o nagngingilin para sa mahal na araw, lagi po sana nating tumbasan at isabuhay ang wagas na sakripisyo ng Poong-Maykapal, at huwag nating kaligtaan na mag-alay ng tulong at malasakit para sa Diyos, sa kapwa, at sa bansa. Patuloy lang po tayong magbayanihan, at sigurado pong darating ang makabuluhang pagbabago sa atin pong bansa.
Maraming salamat po. Magandang gabi sa lahat.

No comments:

Post a Comment