Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa National Transport Conference
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa National Transport Conference
[Inihayag sa Marikina Hotel, Lungsod ng Marikina noong ika-14 ng Mayo 2012]
Magandang hapon po. Maupo ho tayong lahat.
Ang bago pong “duet” na sumisikat: Secretary Mar Roxas, Secretary Almendras; [laughter] si Secretary Joel Villanueva na makikita natin nang mukhang mas madalas sa mga susunod na araw at buwan; Mayor Del de Guzman, idol po natin iyan; siyempre, Chairman Francis Tolentino ng MMDA; Chairman James Jacob ng LTFRB; siyempre, iyong taong nag-imbita sa atin dito, si Atty. Vigor Mendoza; atin pong mga pinuno at miyembro ng iba’t ibang organisasyon sa transportasyon; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Magandang hapon po sa inyong lahat.
Galing po ako kaninang umaga sa Mindanao, sa Davao, para bigyan ng tukoy na pansin iyong mga kabahagi ng Mindanao Rural Development Program Phase 2, na siya naman talagang dapat purihin. Iyong buong programa po ay nag-angat ng mga halos 17 percent sa kinikita nitong mga magsasakang kasamahan natin sa iba’t ibang LGUs—suportado po tayo ng World Bank diyan. Pero, talagang napakabilis ho ng punta namin sa Davao. Parang isang oras at kalahati ho, eh tatlong oras ang biyahe papunta doon. Siguro, isang oras at kinse minutos lang ang itinigil ko sa Davao. Tapos, sabi ho nila, “Bakit ho kayo nagmamadali?” Kako, “Naimbita ako ng 1-UTAK.” Balita ko may magandang silang balita, baka magbago pa ‘yung balita, kailangan magmadali akong bumalik doon. [Applause]
May usapan tayong magkikita, ‘pag hindi ako lumitaw, baka sabihin n’yong hindi na ko dapat pagkatiwalaan sa usapan—nagmadali ho tayong bumalik.
So magpapasalamat muna ako sa 1-UTAK at sa lahat ng mga kaalyadong organisasyon. Unang-una, binigyan ako ng dahilan makatungtong sa Marikina muli at makita itong Marikina Hotel na wala pong may alam sa amin na may Marikina Hotel ho pala—[laughter] na kung saan naging “it’s more fun” to view Imelda’s shoes in Marikina. [Laughter] Isasama ko na po, lalo na sa tourist transport operators dito—baka hindi ho kayo handa—umabot na ho ng 400,000 ‘yung turista natin, lampas 400,000, noong January. Taun-taon ho kasi, three million a year lang tayo eh. So, hindi naman 300,000 per month ‘yan. So kung magpatuloy ang 400,000 mahigit noong January hanggang Disyembre—at marami tayong bisita sa second half of the year—ay aabot ho tayo ng halos five million na turista sa dating three million. Ngayon ho, baka naman hindi pa isakay ng ating mga tourist operators ‘yung turistang darating, baka hindi ho bumalik, kaya kayo na ho ang bahala sa kanila ha?
Okey, dito na ho tayo sa pormal na parte ng ating talumpati:
Napakarami po pala talaga ng mga kasamahan natin mula sa sektor ng transportasyon ang nandito ngayon. Punong puno ho tayo dito. Baka naman po ‘yung mga pauwi nating kababayan ngayong hapon—‘di ho sana mangyari ‘to—wala na pong masakyang jeep, tricycle, o pedicab; parepareho tayong mamumulot ng mura ‘pag nangyari po ‘yan. Pero nakakagalak po talaga ang pagbibigay-halaga ninyo sa ating pagtitipon ngayong araw.
Nagpapasalamat po ako sa 1-United Transport Koalisyon o 1-UTAK, sa ating transport leaders at groups, tulad ni Zeny [Maranan] na talaga namang hanggang ngayon sobrang masigasig, kasama na ang mga katuwang natin sa pamahalaan. Alam ho n’yo talagang madali na harapin kayo dahil gusto niyong magkaroon tayo ng pagkakaunawa. ‘Yung iba ho kasing nakakausap namin wala nang binaggit kundi pangit kami, tuta kami ng ganoon, pasakit kami sa ganito. ‘Pag tinanong mo, “Ano ba ang gusto niyo?” Balik kami sa pangit kami. [Laughter] Wala naman tayong pupuntahan ho talaga doon. Kayo ho naghahanap ng solusyon, tulad namin. May problema, hindi natin masosoluyonan ang problema kung puro mura ang gagawin natin. “Ayaw ko ‘yan. Ayaw ko ‘yun. Ayaw ko ‘to.” Wala naman ho talagang may gustong magmana ng lahat ng problema, ‘di ho ba? Pero nandiyan iyan. Ang trabaho ho natin hanapan ng solusyon. So, puspusang dedikasyon at kooperasyon ninyo ang nagdala sa atin ngayon dito.
Parang kailan lang po, kapag nabanggit ang transport union, ang kadalasang naiisip ng madla ay kaliwa’t kanang transport strike, tigil-pasada, o kilos-protesta. Ngayon, iba na ang istorya kapag pinag-usapan ang sektor ng transportasyon lalo na sa inyo sa 1-UTAK, malinaw ang ruta tungo sa tuwid na landas. Sa halip na idaan ang mga usapin sa walang-prenong pagrereklamo, marunong kayong maghinay at idaan ito sa mapayapang diyalogo. Imbes na ilihis sa masalimuot na eskinita ng pakikipag-unahan, pinipili ninyong makiisa at makipagtulungan.
Nitong nakaraang Labor Day nga po, nanawagan tayo sa mga manggagawa, negosyante, at sa sambayanang Pilipino: ipagpatuloy natin ang pag-uugnayan at pagtutulungan, panaigin natin ang katuwiran at pagdadamayan tungo sa kaunlarang walang maiiwan. Importante po ‘yun: bigyan natin lahat ng oportunidad.
At malinaw na tugon po ang pagtitipon natin ngayon: sama-sama tayong sumasagwan sa iisang direksyon, at sama-sama rin nating inaabot ang mga solusyon sa mga problema ng atin pong mahal na bansa.
Saludo ako sa ginawa ninyong rollback sa pasahe; bagama’t noong una, kala ko walo lang ho iyong nangako sa akin dahil walong nandito sa entablado mga lider ang nangako. Wala hong pumalakpak kaya nang pangalawang nabanggit, lahat pumalakpak na, medyo tumaas ho ‘yung kumpiyansa ko. [Laughter] Talagang pinapakisamahan tayo ng sambayanan. Nakikisama tayo sa kanila. Maayos ang samahan natin lahat, ‘di po ba? Sa pagbabalik ninyo nito sa walong piso, mula sa P8.50. Walang pilitan, walang tulakan, walang bangayan—nagbukal po ito sa pagkukusa, nagbukal ito sa malasakit ninyo sa kapwa po Pilipino. Kabaligtaran nga po ng 1-UTAK ang utak-alimango; nakatuon kayo sa kolektibong pag-angat ng sambayanang Pilipino. Alam n’yo ba ‘yung istorya ng alimango? Alimangong Pilipino? [Laughter] Baka mas bata kayo sa akin. Noong bata po ako, mayroon daw ho kasing bar sa Amerika. Mayroon hong isang timba ng alimango. Pumasok ho itong mangingisdang Pilipino, dala-dala ‘yung timba ng alimango, tapos nag-aangatan raw ‘yung alimango. Siyempre gustong makabalik sa dagat, makawala, ‘di ba? Sabi no’ng Amerikanong katabi niya,” Hey buddy, your crabs are about to get of the pail.” Tiningnan raw ng Pilipino sabi niya, “Don’t worry. They’re Filipino crabs.” [Laughter] Aaminin ko ho sa inyo, bata pa ako noon. Noong narinig ko, “ ‘di ko yata gets.” [Laughter] Ang ibig sabihin ho pala n’on, ‘pag mayroon nang makakaangat na Pilipino may kapwa Pilipinong maghahatak pababa dahil hindi pwedeng may umangat na naiwan siya. Kailangan siya lang ang aangat. Noong araw po ganoon. Ngayon, sa pinakita ninyo, talagang iba na ho ang alimango ngayon ng Pilipinas.
Nitong Setyembre lang po, nakipagdiyalogo tayo sa inyong hanay. Isa po sa mga tinalakay nating isyu ang oil deregulation. Taas-baba po ang presyo ng gasolina, samantalang ipit naman kayo sa presyo ng pamasahe. Ang masakit pa po, sa pagtaas ng presyo ng gasolina, kasabay din nito ang pagtaas ng presyo ng mga spare parts, baterya, kadalasan, at iba pang kagamitan para sa inyong sasakyan.
Kaya naman, kasama pa natin dito iyong mga kotong cops na medyo nagiging kabute ‘pag tumataas iyong presyo ng krudo. ‘Di ko naman alam kung umiinom sila krudo kaya dumadami sila ‘pag dating ng tumataas ang presyo. Kaya naman agad po nating inatasan ang mga ahensiyang tulad ng Department of Trade and Industry, Department of Transportation and Communications, at Department of Energy na patuloy na pag-aralan at isakatuparan kung paano itong lahat matutugunan. Sa katunayan, tinutukan din natin ito sa isang pagpupulong sa isyu ng transportasyon nitong Enero. Ang sabi po natin, may mga bagay na nakasalalay sa pandaigdigang merkado, may mga bagay na kontrolado. Kaya po, pinilit nating gawan ng paraan ang pagbaba ng presyo ng iba ninyong gastusin.
Unang usapan natin noong Setyembre ng 2011; Mayo ngayon ng 2012. Sa walong buwan nating pagtahak sa landas ng pakikipagtulungan, mayroon na tayong makabuluhang napagtagumpayan. Ngayon po, mayroon na po tayong mga kooperatiba kung saan ang mga miyembro ay maaaring makabili ng mga gulong sa mas murang halaga. Susunod na po rito ang mga baterya at iba pang spare parts. Ang layunin: ang mapababa ang gastusin ng ating public transport drivers at operators, habang nabibigyan din sila ng pagkakataon na madagdagan ang kanilang maiuuwing kita. Tiyak ko po, sa matitipid na pera’t extra income ng ating mga drayber, lalo kayong magiging sweet lover [laughter and applause]—tulad ng mga kasama ko po sa entablado [Laughter], maliban sa akin po. Ako po ay magpapari sa 2016. Ang tawag po doon, late vocation. [Laughter]
Pero mababalewala lang po ang matitipid ninyo kung mapupunta lang ito sa ating mga paboritong kotong traffic enforcer, ‘di po ba? Bukod po rito, sakit din sa ulo ng inyong sektor ang mga pasaway na kolorum na sasakyan. Kaya naman maigting nating tinutugunan ang mga suliraning ito. Kumbaga sa basketball, naka-full court press na ang ating mga ahensiya upang tugisin ang mga kotong cops at iba pang mga kotong na enforcer at mga kolorum na sasakyan. Nakapag-deploy na po tayo ng tinatawag nating “Honesty Teams” para magmanman nang husto sa pitong lugar kung saan talamak ‘di umano ang kotong at kolorum. Ang resulta: mula nitong Pebrero hanggang Marso, mahigit apatnapung kolorum at dalawampu’t isang motorsiklong walang rehistro ang nahuli ng joint operations ng LTO, LTFRB, AFP, at PNP. Dito lang po yata sa Metro Manila iyan dahil mayroon na rin hong nahuli sa ibang probinsya. Ang MMDA naman po, mahigit animnaraan at limampung kolorum vehicles ang nahuli mula Enero ng taong ito, hanggang ngayong Mayo. Dahil naman sa pangongotong, dalawampu’t limang MMDA personnel na rin po ang na-terminate—at magbagong buhay na sana sila—at halos animnapu naman ang pinatawan ng preventive suspension mula noong 2010.
Marami pa po tayong sasampolan—kung ‘di naman ho sampol gagawin na nating Pacquiao-an kung ayaw nilang makinig—kung patuloy silang lalabag sa batas. Ang pabor ko lang po, magtulungan tayo para mawalis natin sa lansangan ang mga kolorum at unipormadong utak wang-wang. Mayroon pong public information campaign ang PNP na “I-report mo kay TSIP.” Ang MMDA naman, merong “Anti-Kotong” Hotline, kung saan isang tawag lang po, ay maaari nang makapagreport ang taumbayan sa kinauukulan.
Dagdag pa po rito, pinaigting natin ang implementasyon ng single ticketing system na inyo pong mungkahi. ‘Di po ba’t sa sistemang ito, hindi na magiging hilong-talilong ang ating mga motorista sa paiba-ibang multa na ipinapataw sa kanila sa Metro Manila.
Malinaw po: dito tayo dinadala ng pagkakaisa. Malawak ang kalsada sa tuwid na daan, hindi kailangang magsiksikan ang ating biyahe tungo sa kaunlaran. Wala na po talagang makakapigil sa sama-sama nating pag-aarangkada.
Alam n’yo bago ako magtapos, magkukwento lang ho ako sa inyo. Noong buhay pa ho ang aking ina, mayroon ho kaming pagsasalo ng Linggo doon po sa bahay ng aking kapatid. Ako po’y tumatakbo sa EDSA at kailangan mag-U-turn sa ilalim po ng Ortigas na flyover. So, hinintay ko pong mag-break iyong yellow lane bago ako kumanan para maka-U-turn. Sinita po ako ng MMDA noong hindi pa ho si Francis Tolentino ang Chairman. Sabi ko, “Ano ho ba ang kaso ko?” Ang sagot niya sa akin “swerving.” Ah, “swerving.” Sabi ko, kasi lilipat nga doon sa parang shoulder, ‘di ba, para makapunta doon sa U-turn. Ang tanda ko, hinintay ko nga ho kung nandoon ako ng gilid ng yellow lane, nang nag-break, broken line na siya, pasok ako. ”Swerving.” Eh kung pumasok ako… sabi ko, “Paano ba i-define ang ‘swerving?’” Eh kailangan daw 100 meters mula sa kanto, doon kayo papasok. Eh kung pumasok ako mas malayo doon, violation naman po ng yellow lane ‘yan. [Laughter] So kung pumasok ako doon, yellow lane [violation]. Kung pumasok ako dito, “swerving.” So mangyari na ang mangyari, may kasalanan pala ako. Sabi niya, “Huwag n’yo kaming sisihin; pinapatupad lang namin ang batas.” [Laughter]
Congressman na po ako noon eh. So, sabi ko sa kanya, para matigil na ‘yung usapan, dahil ang nanay ko po napakaimportante on time—eh late na ho ako eh. Sabi ko, “Brad, eto lisensya ko. Baka puwede tiketan mo na ako, pero magpoprotesta ako. Tiketan mo na ako, kailangan ko nang tumuloy talaga eh.” Eh ‘di sabi niya sa akin ngayon—alam na ninyo, naranasan n’yo siguro ‘yung diyalogo na ang tagal bago ka bigyan ng tiket. Actually, wala ho yata siyang dalang tiket eh. [Laughter] So, madaling salita, noong natapos po iyan, sabi ng kasamahan niya, “Hindi mo ba kilala kung sino iyan?” sabi niya. Eh ako naman, kako, “Kung nagkasala ako, tikitan mo na ako, punta ako doon sa pupuntahan kong lugar, tapos doon ko ilaban kung palagay ko mali ‘yung ginawa sa akin.” So dulo ho n’on ho, medyo… sabagay hindi ko na ho siya nakita eh. Pero kung makikita ko siya talaga—alam n’yo ho ba sa sundalo, ‘yung tiger look? [Laughter] Talagang galit na galit eh. Parang pakiramdam ko ginahasa ko ang buong angkan yata nila eh. [Laughter] Noong natapos, kaibigan raw siya ni Jojo Binay. Kaya “magkaibigan” din kami kaya tumuloy na raw ako. Sabi ko, “Bente minutos mo kong kinakausap dito; wala tayong pinuntahan.”
So nagreklamo ho ako kay Bayani Fernando na Chairman at that time, at siguro ho, in fairness to him, mga five days later, mayroon nang mga nakapaskil: Iyong mga kakanan, dito po kayo kumanan. Pero bago n’on, ‘pag yellow lane, pumasok—violation of the yellow lane. ‘Pag doon naman sa baba sa broken yellow lane—swerving. Buti wala hong kasong “possession of illegal face” baka sinampa rin iyon. [Laughter] ‘Di na ho puwede ‘yan ngayon. ‘Yun lang ho siguro ang gusto nating pagdiinan.
Ulitin ko lang po. Talaga naman pong marami ho tayong problema eh. Tapos, ‘pag may problema, puwede tayong magreklamo sa lahat, ‘di ho ba? “Kasalan ni Pedro, kasalan ni Juan, Kasalan ni Maria.” Pero ang dulo n’on, walang solusyon. Bukas, paggising natin, pareho pa rin ‘yung problema. Kaya nga ako nandito ngayon. Kaya ako nagmadali, at humihingi ako ng paumanhin sa lahat ng mga taga-Mindanao na talagang sobrang paspasan ang ginawa namin kanina. Dito ho kasi gusto ko lang pagdiinan: Sa pagtutulungan nating lahat, iyong problema mababawasan natin, kung ‘di malulutasan natin. Sana magpatuloy po tayo diyan.
Ulit, maraming salamat po sa malasakit n’yo sa sambayanang Pilipino. Asahan po n’yo ang gobyerno hindi ho titigil na maghanap po ng paraan na damayan naman kayong tama ang ginagawa at talaga namang pagaanin rin ang inyong pinapasan
Magandang hapon po. Maraming salamat sa lahat.
No comments:
Post a Comment