PNoy Statement on the conviction of Renato Corona


Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Ukol sa hatol kay Renato Corona
[Inihayag noong ika-30 ng Mayo 2012]
Kahapon po naging saksi tayo sa isang napakagandang patunay na umiiral ang ganap na demokrasya sa ating bansa. Dalawampung senador ang bumoto upang matanggal bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema si Ginoong Renato C. Corona.
Mulat tayo sa kung saan nag-ugat ang lahat nang ito. Sa matagal na panahon, namayani ang agam-agam na ang piring ng Hustisya ay nakatanggal para sa mayayaman at makapangyarihan. ‘Di po ba nakita nating may basehan ang agam-agam na ito, ‘di lang po dito sa atin. Pati na ang World Bank—isang dayuhang institusyon—ay nagkuwestyon dahil miski ang aid na galing sa kanila para iayos ang ating hudikatura ay hindi napunta sa dapat nitong patunguhan.
Nangarap tayong baguhin ito. Naghangad tayo ng isang sistemang pangkatarungan na may malinaw at tunay na kahulugan ng tama at mali. Naghangad tayong ibalanse ang timbangan: kung saan ang inosente ay papasok sa hukuman nang panatag ang loob na siya’y mapapawalang-sala, at kung ikaw naman ay maysala, maghanda ka na dahil tiyak na mananagot ka.
Marapat pong balikan ang konteksto ng impeachment ni Ginoong Corona. Alam na po natin ang malalim na pinagsamahan nila ni Ginang Arroyo. Simula pa lang kinuwestyon na natin ang kanyang midnight appointment dahil sa pananaw na labag ito sa Saligang Batas. Sa kabila nito, noong nagkita kami ang tanging hiniling ko sa kanya, iparehas sana niya ang laban. Ang sagot pa nga niya sa akin, huwag daw akong mag-alala, dahil lahat ng magiging desisyon ay aayon sa batas. Sa paglaon po, naging malinaw sa atin na imbis na siya mismong dapat nagbibigay-linaw sa batas, ang siyang nagpapalabo nito.
Sa EO 1 pa lang, hinarang na agad. Nakita naman po ninyo ang mga nadiskubre nating kalokohan pag-upo pa lamang sa puwesto; hanggang ngayon, pinagdudusahan ito ng mga Pilipino. Ang iniuutos sa atin, lahat ng administrasyon bago po sa atin isali sa imbestigasyon para raw ho parehas. Kailan pa po tayo matatapos ang pagsusuri kung ganoon, at kailan tayo makakakilos? Kaya nga’t sistematiko ang ninais nating tugon sa mga problemang ito, upang matigil na ang pagkasangkapan sa mga butas sa batas, at iwasan ang paglala ng mga sugat sa sistema. Pero pinigilan nila tayo. Imbes na makiisa, itinali pa ang mga kamay ng mga naghahangad na gumawa ng tama. Parang siniguradong hindi na matatapos ang gusto nating ilatag na reporma.
Pati po EO 2 na sana’y umayos ng situwasyon ukol sa mga midnight appointee, nilagyan ng status quo ante order. Pag-aaralan daw nila, pero natapos na po ang term ng nagsampa ng kaso ng tulad niyang mga kapwa-midnight appointee, wala pong nangyari, wala pong pagdidinig na nangyari.
Nilunok po natin lahat nang ito, dahil hindi natin pakay makipag-away; solusyon ang ating hinahanap. Ngunit mali nga po sigurong umasa kami ng patas na laban mula kay Ginoong Corona.
Hindi nagtagal, napatunayan na nga ang mga agam-agam: pagdating kay Ginang Arroyo, handa si Ginoong Corona na ikiling ang timbangan ng hustisya. Naglabas ng isang Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema; muntik nang magtagumpay si Ginoong Corona na bigyan ng pagkakataon si Ginang Arroyo na hindi harapin ang mga alegasyon tungkol sa electoral fraud noong 2007. Mantakin po ninyo: Mula sa Las Vegas, bumalik pa dito sa bansa si Ginoong Corona para lamang pangunahan ang paglalabas ng TRO. Pinaaga nang Biyernes ang kadalasan ay Martes na en banc session. Walang oral arguments, hindi nabigyan ng sampung araw ang bawat panig para magpaliwanag. Siguro po kung nasunod ito, baka natiyak kung totoong maysakit nga si Ginang Arroyo. Nagbigay ng mga kundisyon ang Korte Suprema, ngunit kahit hindi ito nasunod ng mga Arroyo, ipinatuloy pa rin ni Ginoong Corona ang paghahain ng TRO.
Obligasyon po ng Ehekutibo na imbestigahan at sampahan ng kaukulang kaso si Ginang Arroyo. Subalit pinahirap, kundi man ginawang imposible ang pagsasampa natin ng kaso bago maubos ang taning ng prescriptive period doon po sa electoral fraud case.
Kung natuloy silang umalis, ang malamang na ginawa nila ay nagbakasyon lang habang maubos ang prescriptive period ng kasong isinampa sa kanila, at babalik sa panahon kung kailan hindi na sila puwedeng sampahan ng kaso. Mukhang hanggang nasa puwesto si Ginoong Corona—gaano man kalakas ang kaso, gaano man katibay ang ebidensya—ay hindi masasakdal ang kanyang padrino. Ito na nga po ang naging huli at sukdulan.
Naharap po tayo sa sangandaan: hahayaan ba nating manatili ang ganitong sistema kung saan nadadaan sa palusot ang katarungan, at naeengganyo ang mga kawatan na ituloy ang baluktot na pamamaraan, lalo na kung may-kapit sila sa kapangyarihan?
Halos buong bayan po ay sumubaybay sa paglilitis ni Ginoong Corona, at maliwanag na sa atin ang matibay na basehan ng impeachment. Muli, walang personalan sa laban na ito. Sariling mga pasya po ni Ginoong Corona ang nagbunsod sa paglilitis na ito. Siya ang pumiling hindi magdeklara ng katotohanan sa kanyang SALN. Siya ang gumamit ng kanyang pamilya para magpalusot sa kanyang salapi at ari-arian. Siya mismo ang nagkaladkad ng pangalan ng kanyang mga mahal sa buhay upang pagtakpan ang sariling mga kasalanan. Batid nating lahat: Si Ginoong Corona ang kumatawan sa maruming bahagi ng ating hudikatura.
Ang pinakamalaking handog ng paglilitis na ito: Muli po nating napatunayan na posible palang makamit ang pagbabago. Posible palang magkaroon ng justice, at hindi puro “just-tiis” ang litanya sa ating bansa. Napatunayan nating mangingibabaw ang katotohanan, laban sa pagkukubli; mananaig ang tapat, laban sa tiwali; at magtatagumpay ang tama, laban sa mali. Higit sa lahat, napatunayan nating hindi pala ako nagiisa sa pagpasan ng adhikaing maisaayos ang ating sistema.
Nagpapasalamat po tayo sa buong Senate Impeachment Court, lalo na po kay Senate President Juan Ponce Enrile: kung ang bawat mahistrado po ay sing-talas ninyong mag-isip, at gaya ninyo ay walang kinikilingan, siguro po ay hindi na natin dinaanan ang kabanatang ito.
Sa ating prosecution team, sa pangunguna ni Congressman Niel Tupas, na hindi natinag sa kabila ng pagmamaliit at paninindak, nagpapasalamat din ako. Kay Congressman Rudy Farinas na nilinaw ang pilit pinalalabo ng depensa, salamat din. Sa mga private prosecutor na itinaya ang kanilang kabuhayan, at nilabanan ang pinakamataas na mahistrado, nagpapasalamat ako. Kay Speaker Sonny Belmonte, na minabuting tumindig bilang tinig at pinunong ganap ng institusyong nagpadala ng Articles of Impeachment sa Senado, salamat din po. Pati rin po sa defense panel ni Ginoong Corona, nagpapasalamat din ako. Sadya man o hindi, nakiambag kayo sa paglabas ng katotohanan. Nagpapasalamat po ako higit sa lahat sa taumbayan; kayo pa rin po ang aming lakas, at habang patuloy ninyong ipinamamalas ang suporta sa ating agenda ng mabuting pamamahala, hindi po tayo mabibigo. Gaya ng pagtatanggal ng balakid na nakaharang sa ating tuwid na daan, kinailangan nating magtulong-tulong at mag-ambagan upang idiin ang nag-iisa nating mensahe: Sino ka man, gaano man kataas ang iyong katungkulan, kung nagkasala ka sa taumbayan, mananagot ka.
Ngayong matagumpay nating nabunot ang isang tinik sa pinakamataas na puwesto ng ating hudikatura, tapos na po ba ang laban? Kung totoo po ang paratang na pinersonal natin si Ginoong Corona, masasabing tapos na nga.
Pero hindi po natin siya pinipersonal; ang hangad natin ay ayusin ang sistema, kaya’t hanggang mayroon pa ring mga nakaambang tanggalin ang piring ng katarungan, tuloy pa rin ang laban.
Pagtutuonan po natin ng pansin ang paghahanap ng may integridad, may sariling pasya, mahusay, at tapat na magtitimon sa atin pong hudikatura. Mayroon po tayong siyamnapung araw para pag-aralan ito; hindi po natin mamadaliin ang pagpili, dahil ayaw nating magkamali at bumalik na naman sa dating situwasyon.
Sa mga minamahal kong kababayan: muli, maraming salamat sa inyong pagtutok at pagsuporta sa ating agenda ng reporma. Nakita po natin: kung walang katarungang umiiral, hindi matatapos ang sigalot. Kinailangan nating pagdaanan ang prosesong ito, subalit ito ay unang hakbang para matiyak na ang mga naghahari-harian, na para bang sila ang batas, ay mananagot din. Patas po ang laban; ang hangad natin ay puwedeng magkatotoo, basta’t handa tayong tumaya, maninindigan, at ipaglaban ang tama.
Nakikita po ninyo kung paano tayo nananatiling tapat sa mandatong kaloob ninyo: Pinapatatag po natin ang sistema; ipinakikitang tunay na nakapiring ang Hustisya. Nagbubunsad na ito ng isang lipunang kung ano ang ipinunla ay siyang aanihin: Ang mabuti ay magbubunga ng mabuti, at ang kasalanan ay tiyak na pananagutan.
Muli, maraming salamat. Mabuhay ang sambayanang Pilipino.
Magandang gabi po.