Speech of President Aquino, 3rd Annual Convention of the CALABARZON Regional Tripartite Industrial Peace Council

Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
At the 3rd Annual Convention of the CALABARZON Regional Tripartite Industrial Peace Council
[November 23, 2010, Brgy. Makiling, Calamba City, Laguna]
Binabati ko po ang Regional Tripartite Industrial Peace Council dito sa CALABARZON at ang DOLE sa matagumpay na pagsasaayos ng pagtitipong ito. Karangalan ko pong makasama ang ating tripartite partners ngayon: kayong mga nagpamalas ng sigasig sa panlipunang diyalogo at pakikipag-ugnayan. (Sa dami nga po ng kinamayan ko, siguro naman dapat talaga mayroon tayong industrial peace.) Dahil po sa inyo kaya’t ang Calabarzon sa ngayon ay isa sa mga pangunahing kanlungan ng pag-unlad sa bansa. Isa rin pong taos-pusong pasasalamat sa mainit na pagtanggap sa atin ng Yazaki-Torres Manufacturing, at sa patuloy nilang pagtitiwala sa kakayahan ng Pinoy.
Hayaan niyo akong magtaas ng sariling bangko lang: Alam ho niyo noong nagpunta tayo ng Amerika—ako po’y hindi talaga nahilig sa biyahe—sabi ko, pupunta tayo sa UN General Assembly, maswerte na kung may benteng katao doon sa assembly hall na makikinig sa atin sa dami ng magsasalita. Ang nagkumbisi sa akin noon, sabi ho ng maraming investors na gusting maginvest sa Pilipinas: kayo na lang ang hinihintay. So, pumunta nga ho ako; 2.4 billion dollars ang naiuwi nating bagong investments, 43,600 jobs, at meron pa hong grant sa Millennium Challenge Corporation.

Tumungo ho tayo sa Vietnam para sa ASEAN, doon naman po’y hindi ako umaasa, nabigyan po tayo ng gobyernong Hapon ng 21 billion pesos worth para itulong sa ating—ito po’y utang nga ho pala ano—para pagandahin ang ating mga kalsada sa buong kapuluan.
Nagpunta po tayo ng Japan: 2.85 billion naman po ang diretsuhang maliwanag na investments nila, meron pa hong 2.6 billion na nakahanda. Mayroon lang hong konting mga detalyeng kailangang ayusin at marami pa hong darating mula sa kanila.
Pagdating naman po dito sa Pilipinas, ‘yung Procter and Gamble—75 years na ho pala sa Pilipinas. Sila po ay may expansion project na hindi bababa sa 2.5 billion pesos naman po ngayon.
At kaninang umaga po, galing tayo sa inauguration ng Nestle Philippines. Ang idadagdag po nilang bagong planta ay nagkakahalaga ng 4.5 billion pesos at dagdag na trabaho na naman para sa mga Pilipino.
Kaya ‘pag meron hong bumabatikos: bakit ako parati nakangiti? Marami po talagang good news. Pasensya na lang kayo kung ayaw niyo ng good news.
Malinaw po ang punto natin sa tema ng pagtitipong ito—nasa pag-uugnayan ang ikasusulong at ikalalakas ng ating ekonomiya. At wala pong ibang landas dito kundi ang matagal na nating pinaninindigan; iisa ang ruta, diretso sa tuwid na landas tungo sa pag-unlad.
Ang ganito pong mga pagkakapit-bisig ang magiging behikulo na magdadala sa atin sa katuparan ng ating development agenda. Lahat ay makikinabang, walang ililiban, walang maiiwang nakalugmok sa kahirapan—lalung-lalo na ang matagal nang mga inetsa-puwera at isinantabi ng ating lipunan.
Malinaw po ang malawakang layunin natin pagdating sa uring manggagawa at sa paglikha ng trabaho: mamumuhunan tayo sa pinakamahalaga nating yaman, ang taumbayan. Layon nating bigyan sila ng kakayahan upang makipagsabayan sa buong daigdig. Layon nating pagtibayin ang pag-asa ng mamamayan at ng pamahalaan: puwede na po muling mangarap, at sa tulong ng Diyos at sariling pawis, ay maaabot natin ang ating mga pangarap. Kung nakasandal tayo sa gayong pananalig sa sarili, lalo naman pong aangat ang ating pambansang dangal, na pinakamahalagang sandata sa pandaigdig na ekonomiya, na sa ngayon ay hinuhubog ng balikatan, kooperasyon, at pakikipag-ugnayan.
Isang taon bago itinatag ng aking ina ang Tripartite Industrial Peace Council o ang TIPC noong 1990, kabi-kabila ang strike notice na umabot sa bilang na 1,518. Labintatlong porsyento nito ang naging aktuwal na welga: 56,000 na manggagawa ang naapektuhan. Umabot sa 955,000 ang nawalang working days sa atin pong ekonomiya.
Unti-unti, umayos na rin ang situwasyon kasabay ng paglago ng ating ekonomiya. Bukod sa TIPC, itinatag din sa unang administrasyong Aquino noong 1987 ang National Conciliation and Mediation Board or NCMB. Matagumpay na naibsan ang tensyon sa industriya sa tulong na rin ng NCMB, na ginawaran ng presidential citation for exemplary performance noong 1989. baka hindi niyo po alam, si Secretary Baldoz po ang isa sa mga nagtatag ng ahensyang iyon, at naging tagapangulo din po siya ng NCMB mula 1997 hanggang 1998.
Patuloy po ang paninindigan ni Secretary Baldoz. Sa Department Order No. 107–10, may mandatory 30-day conciliation at mediation ng lahat ng labor cases, kasama na ang lahat ng dapat inihain nang diretso sa NLRC. Naaayon po ito sa batayang prinsipyo ng ating administrasyon: bumuo ng consensus; hanapin ang ikabubuti ng lahat; at magkasundo tungo sa isang maayos na solusyon kaysa desisyong isinisubo sa mga stakeholder. Bukas po ang pinto ng DOLE sa lahat, at kung bukas din po naman ang puso at isipan ng mga stakeholder, tiyak na lilitaw ang resolusyong katanggap-tanggap para sa lahat.
Nasa pagtubo ng diyalogo at pakikipag-ugnayan ang susi ng situwasyong pangmanggagawa sa ating bansa. Paminsan-minsan may di pagkakasunduan, paminsan-minsan may iringan, pero natural po ito sa isang demokrasya, lalo na sa mga lugar kung saan para bang may tagisan: sa pagitan ng prayoridad ng namamahala, at sa mga inaasahan ng manggagawa. Ang mahalaga ay sa anumang espasyo ay mayroon ding mekanismo tungo sa makabuluhang diyalogo.
Napatunayan na po ang mabuting naidudulot ng bukas na isip at ng pakikipag-ugnayan. Mas mababa na ang ating strike incidence, umaayos na rin ang kundisyon sa pagawaan, at tumataas ang productivity. At magtatagumpay lamang at patuloy na lalago ang mga namumuhunan sa ating bansa—kasama na ang manggagawa—kung patuloy din nating patitibayin ang ating mga relasyon.
Marami po sa ating mga stakeholder ang narito ngayon—mga unyonista, negosyante, mga local chief executive, human resource practitioners at advocates, mga akademiko at mga kinatawan ng mga NGO. Sagisag po ito ng sama-sama nating pananalig sa social partnerships. Hindi lang po ang mga layunin natin para sa mga manggagawa ang mararating natin sa ganitong pag-uugnayan, kundi pati na rin ang mas malawak nating agenda para sa ating lipunan at ekonomiya.
Hindi po ako magsasawang ulitin ito: Una sa listahan ko ang lumikha ng mga trabaho. Aanihin po ng ating gobyerno ang ipinupunla natin ngayong araw na ito, upang ipagpatuloy pa ang napakaganda nang nangyayari sa atin pong bayan. Lalong lalawak at dadami ang mga investment. Dadami ang trabaho. Aangat ang antas ng buhay ng bawat Pilipino.
Ipagpatuloy pa po natin ang pakikilahok upang mas mapaganda pa ang ating mga proseso at resulta. Inatasan ko na po si Secretary Baldoz na isama sa isinasagawa niyang review ng Labor Code ang posibleng pagrerebisa ng Article 275 para mas dumami pa ang maaaring makilahok sa tripartism. Habang hinihintay ang lehislatura, inatasan ko na rin siyang tipunin ang National TIPC upang suyurin na ang kasalukuyang Executive Order at mapatatag pa lalo ang TIPC membership at ang mga tungkulin nito. Sa pamamagitan nito, maaasahan na natin ang sapat na pondo para sa mga lokal na tripartite councils, at ang mas malinaw na alituntunin sa pagpili ng mga kinatawan sa lokal at pambansang tripartite council.
Nakilahok din po kayong lahat sa pagbubuo ng “Package of Reforms” ng DOLE, na sang-ayon sa ating agenda ng tapat, malinis, at mas maayos na pamamahala. Pribado man o pampublikong sektor, kasali sa ating Efficiency and Integrity Boards sa lahat ng opisina ng DOLE. Banggitin na rin po natin ang ECOP-PCCI Memorandum of Agreement sa pagtatatag ng industrial relations committees sa ating mga local chambers of commerce.
Mahahalagang hakbang po ang lahat ng ito upang gawing mas bukas ang tripartism at diyalogo sa ating bansa. Layunin nating bigyang-lakas upang makilahok ang lahat ng ating mga partner sa industriya, lalo na ang mga manggagawa. Patuloy ko rin pong aasahan ang inyong suporta sa ating agenda upang puksain ang korupsyon. Susundin po natin ang kumpas ng pagiging bukas sa ugnayan upang tuluyan na ngang maiwaksi ang salot ng korupsyon sa ating lipunan.
Ang sabi ko po noong isang linggo sa mga dayuhang investor: Daylight. Liwanag na sisiguro ng tapat at malinis na mga proseso. Ito rin ang liwanag na dadampi sa lahat ng sektor ng lipunan upang patuloy na makilahok sa mga solusyon dito sa tuwid na landas tungo sa pag-unlad. Ito ang liwanag na nagdala sa atin sa situwasyon ngayon: kung saan wala tayong itinatago sa isa’t isa, walang intensyong ikinukubli, walang pangarap na malulugmok sa pagkapangarap lamang.
May kasunduan po akong pinasok, ako kaharap ang taumbayang Pilipino. Patuloy pa rin po ang aking pagtatrabaho para sa akin pong mga Boss. Panawagan ko ang patuloy na pakikiisa nating lahat, ang patuloy na pakikilahok, ang patuloy na pagsasaboy ng liwanag upang maabot na natin ang lahat ng kayang abutin ng ating dakilang lahing Pilipino.
Salamat po sa inyong pakikiisa sa ating agenda ng liwanag, pag-asa, at pagbabago. Binabati ko po kayo sa inyong pagtitipon. Magandang araw po sa lahat.

No comments:

Post a Comment