February 13, 2011 press release by the Department of Budget and Management
Kailangan pa nating dagdagan ang ating mga imprastaktura at iba pang public investments sa sektor ng agrikultura.
Ito ang binigyang diin ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa kanyang mensahe sa Agriculture and Fisheries Summit 2025, na binasa ni Agriculture Secretary Proceso J. Alcala, February 11, 2011, sa Antipolo City.
Ang pulong ay binuo ng Congressional Oversight Committee on Agriculutre and Fisheries Modernzation (COCAFM)–sa pamumuno nina Senador Francis Pangilinan, chairman ng komite ng agriculture sa Senado, at Rep. Mark Llandro Mendoza, chairman ng komite ng agriculture sa House of Representatives–upang mailatag ang tatahaking direksyon ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa mga darating na taon hanggang taong 2025.
Ang pulong ay dinaluhan ng 170 lider ng mga samahan ng magsasaka, mangingisda, entreprenor, dalubhasa sa akademiya, pinuno ng Kagawaran ng Pagsasaka, at miyembro ng COCAFM mula sa House of Representatives. Dumalo rin si Agrarian Reform Sec. Gil delos Reyes.
Sabi ni Pangulong Aquino sa kanyang talumpati: “Prayoridad natin ang pagkukumpuni ng mga lumang irrigation facilities, kasama na rin ang pagdadagdag ng irrigated areas.”
“Tuloy [rin] ang pagbibigay ng dryers at paglalagay ng grains terminals, kasama ang pribadong sektor at local government units o LGUs,” dagdag ng Pangulo. “Plano rin nating maglagay ng trading posts upang mapadali ang paghahatid ng mga produkto at mabawasan ang middlemen.”
Ang paglalagay ng kailangang infrastructure aniya ang paraan para masiguro na mapapakinabangan ang pondo ng DA hindi lang sa isang cropping season, kundi sa long-term.
Kasabay nito, sinabi ng Pangulo na unahin ang paggawa ng hakbang para maihanda ang agrikultura sa inaasahang paglala ng epekto ng climate change, na nararanasan na natin ngayon.
Ang climate change ay ang pagbabago sa weather patterns ng mundo bunsod ng global warming at pagkasira ng atmosphere dahil sa polusyon at pagsira sa kalikasan. Nakita na natin ang epekto nito sa matinding baha na at tagtuyot na nararanasan ng bansa simula noong 2009.
“Kailangan nating masiguro na ang mga isinasama natin sa program areas ay ang mga lugar na bihirang tamaan ng bagyo o hindi inaabot ng baha,” sabi ni Pangulong Aquino. “Mayroon na tayong submergence-tolerant at drought-resistant na mga binhi sa palay, subalit, hindi ito magiging sapat lalo’t kung matatangay lang ng agos ng baha. Kaya naman, kasabay nito ay ang paglalagay natin ng post-harvest facilities sa mga program areas, upang masigurong maayos na maiimbak ang ani. “
Bukod dito, suportado aniya ng pamahalaan ang pagsusulong ng DA sa organic agriculture. Nagsasagawa na ang DA ng training sa hanay ng extension workers ukol sa organic farming. Isinusulong na rin ang pagsunod sa world-class organic standards at inspection systems.
“Sa kabila nito, bukas pa rin po tayo sa paggamit ng teknolohiya na mapapatunayang ligtas sa kalikasan, nakapagpapataas ng ani at kita ng magsasaka,“ ani Pangulong Aquino.
“Kailangan maging handa tayo sa pakikipagsabayan sa production cost, sa kaalaman at kakayahan, at higit sa lahat, sa kita. Kapag masigla ang mga gawain nating pang-agrikultura, mas mae-engganyo at mahihikayat pa natin ang mas marami sa ating mga kababayan na magsaka o mangisda.
At para aniya maisakatuparan ang mga plano ng DA, sinisimulan na ang hakbang para maisakatuparan ang Public- Private Partnerships. Kasama ditto ang proposal sa mga proyekto patungkol sa food-supply chain at irrigation. Kumikilos na rin aniya ang DA para maging epektibo ang pakikipagtulungan nito sa ibang sangay ng national government at LGUs.
Siniguro ng Pangulo ang suporta ng kanyang pamahalaan sa magsasaka at mangingisda, kasabay ng pagkakaroon ng transparency at accountability sa pamunuan ng DA.
“Naniniwala tayo na ang kaunlaran ay nagsisimula sa pagkakaroon ng sapat na pagkain para sa lahat. Magtiwala kayo: kasama ninyo ang pamahalaan sa pagkamit ng food sufficiency at pagpapataas ng kita ng ating mga magsasaka at mangingisda,” ani Pangulong Aquino.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment