Speech of President Aquino at the Metrobank Foundation 2010 Search for Country’s Outstanding Policemen in Service

Speech
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President Of The Philippines
On the Occasion of the Metrobank Foundation 2010
Search for Country’s Outstanding Policemen in Service (Cops)
[December 9, 2010, Rizal Ceremonial Hall, Malacañan Palace]
[Please check against delivery]
Magandang hapon po.
Una po sa lahat, pinapasalamatan ko ang Metrobank Foundation sa pagtataguyod ng taunang okasyong ito na kumikilala sa kahusayan at tapat na paglilingkod ng ating mga kapulisan. Sagisag ang inisyatibang ito sa inyong pakikiisa at pagbibigay-tiwala sa ating mga alagad ng batas. Ang inyong iginagawad na parangal ay nagsisilbing positibong tugon, at nakapagbibigay-gana sa ating mga kapulisan na tuparin at lalo pang pagbutihin ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Binabati at pinapasalamatan ko rin ang mga napili para sa parangal na ito. Hindi matatawaran ang inyong sinseridad at propesyunalismo na maitaguyod ang katahimikan at maipagtanggol ang bayan sa masasamang loob. Kahanga-hanga ang paglilingkod ninyo sa inyong komunidad at sa bayan. Salamat sa pagiging katuwang ng gobyerno sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa mga kinauukulan tulad ng sa inyong ahensya.
Mulat po tayo sa mga minana nating suliranin sa inyong ahensya. Marami pa rin sa ating mga pulis ang nakakaranas ng kahirapan at walang maayos na tahanan. Kaakibat pa ng inyong tungkulin ang pagharap sa maraming hadlang at pag-aalinlangan. Dahil gipit tayo sa pondo, nagkukulang kayo sa mga kagamitan, pagsasanay at imprastraktura. Bilang mga lingkod-bayang nagpapatupad ng batas, bumababad kayo sa komunidad at hinaharap din ang problema ng ating mamamayan. Kadalasan, nais niyo mang mahusay na magampanan ang inyong trabaho, kaliwa’t kanan naman ang mga balakid para sa katuparan nito. Kaya naman hindi siguro maiiwasan, kung minsan, kayo ang napagbubuntunan ng galit ng publiko. Kayo ang nasisisi sa bawat pagkukulang at pagkakamali.
Sa mga panahong ito naranasan natin ang kadiliman. Kadiliman kung saan namayani ang katiwalian, nagwagi ang kamalian, at naghari ang kawalang katarungan. Sa mga panahong ito, pinanghinaan ng loob ang marami nating kababayan na makilahok at magtiwala pa sa maayos na pagpapatupad ng batas.
Salamat na lamang sa Diyos, sa kabila ng mga suliraning ito, meron pa ring katulad ninyong epektibong nagagawa ang tungkulin. Nanindigan kayo at tinanggap ang mga hamon sa inyong propesyon.
Alam kong mas mapagbubuti pa ninyo ang inyong trabaho kung mas matututukan kayo ng gobyerno. Kaya naman, ginagawa natin ang lahat upang magabayan at matulungan kayo. Pinagpapatuloy at pinagbubuti na natin ang mga programang kaakibat ng inyong pinasimulang Integrated Transformation Program. Saklaw ng inisyatibang ito ang pagkakaroon ng PNP Educational Assistance Program, Housing Program, Healthcare Program, Legal Assistance at Himlayan ng mga Bayaning Pulis. Sa pamamagitan din ng ITP, nagagawa nating palakasin ang hanay ng kapulisan sa pamamagitan ng mga regular na pagsasanay ninyo upang malinang at mapagyaman pa ang inyong kaalaman at kasanayan. Sa ngayon, nakapagbigay na ang inyong ahensya ng hindi bababa sa 137 na klase ukol sa Police Commissioned Officer at Police-Non-Commissioned Officer Career at Specialized Courses na nagtuturo na sa humigit-kumulang walong libong kapulisan. Ipinagpapatuloy din natin ang isinusulong ng ITP na pagpapatayo ng mga classrooms, dormitory, auditorium, at iba pang pasilidad. Nitong nakaraang Hulyo nga, dinaluhan ko ang pagpapasinaya sa bagong paaralan ng PNP sa Subic, Zambales na tututok sa mga pagpapahalaga at mga pagsasanay ng ating kapulisan. Isinusulong na rin natin ang pagdaragdag ng armas bilang bahagi ng ating agenda para sa modernisasyon ng PNP. Kasama na rito ang ipinapanukala din ng ITP na pagiging makabago na ng ating kasalukuyang firing range para sa mas epektibo niyong operasyon.
Kasabay ng pagpupuno sa mga kakulangan sa inyong ahensya, pinaiigting na rin natin ang mga batas at pinalalakas ang kampanya laban sa mga krimen. Itinutulak natin ang implementasyon ng Model Police Station Project sa lahat ng rehiyon at probinsya sa bansa. Sa paraang ito, naipakilala natin ang maaasahang sistema ng crime management na batay sa mas tiyak na paglikha ng crime statistics gamit ang Unit Crime Periodic Report (UCPER). Isinusulong na rin natin ang pagkakaroon ng mga Service Desks sa inyong mga komunidad na siyang magpapadali sa sistema ng pagbibigay-serbisyo sa inyong lugar. Ang mga proyekto pong ito ang magbibigay-daan sa mas mabilis niyong pagresponde sa mga inilalapit sa inyong kaso. Ito rin po ang magsisilbing pinto upang mapanumbalik ang tiwala ng publiko sa batas at sa mga tagapagpatupad nito.
Dumating na tayo sa panahon na liwanag naman ang ating nasisilayan.  Tinitiyak ng aking administrasyon na naisasaalang-alang na ang kapakanan ng kapulisan at ng komunidad na inyong pinaglilingkuran. Malayo na po ang ating narating—malayo sa kadiliman kung saan maraming pinuno ang nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan sa mga hinaing ng bayan. Nananatili ang ating paninindigan: Kung walang corrupt, walang mahirap. Kung walang corrupt, walang pulis na dadanas ng matinding pagsasakripisyo sa pagbibigay-serbisyo.
Makailang-beses nang naipamalas ng taumbayan na handa silang kumilos at makipagtulungan para sa makabuluhang pagbabago. Sa pamamagitan ng kanilang aktibong pakikilahok sa inyong liderato, mapapadali ang ating pagkilos. Kung hindi natin makukuha ang suporta at ang pakikiisa ng ating mamamayan, mababalewala lamang ang ating mabuting layunin. Sa ating puspusang bayanihan, mapapatunayan nating muli ang ating kahusayan sa pagsugpo ng krimen at sa paglaban sa katiwalian. Sisiguruhin nating mangingibabaw ang kultura ng katapatan at integridad na kinakatawan ng ating mga awardee ngayon.
Muli, tapos na ang panahon ng pagtitiis at paghihinagpis. Hindi po ito isang panaginip lamang, nangyayari na ito sa kasalukuyan. Bumabangon na tayo mula sa pagkakaratay natin sa mga pagkakamali at trahedya ng nakaraan. Naniniwala akong paghihilumin ng ating ginagawang magagandang programa at ng mga positibong resulta nito ang galos na dulot ng mga hinarap nating matinding unos. Nawa’y patuloy kayong maging ehemplo, nang sa gayon, makahikayat tayo ng marami pang mabuting Pilipino. Sa tinatahak nating tuwid na landas na may gabay ng liwanag, malapit na nating maabot ang kaganapan ng masagana at mapayapang bayan.
Maraming salamat at mabuhay po ang ating magigiting na kapulisan.

No comments:

Post a Comment