Tagumpay ni Marietta Peñaflor ng Maruth Footwear

Nais kong ibahagi sa inyo ang kwentong ito. Kwento ng tagumpay at inspirasyon sa atin lahat. Huwag mawalan ng pag-asa, wika nga nila. Darating din ang umaga.
Ang lathalaing ito ay kuha sa Gov.ph. Basahin at ma-inspire kay Marietta Peñaflor.

Isang lathalain mula sa Department of Labor and Employment, ika-15 ng Pebrero, 2011

Kasipagan at pagpupunyagi, na sinuportahan ng mga pamamaraang magpapalakas ng productivity, ang magbubunsod sa isang negosyong kahit nakabase lang sa bahay ay puwedeng maging award-winning na micro-business.
Noong 1978, nagsimula si Marietta Peñaflor, noon ay disiotso anyos, bilang isang katulong sa tindahan habang siya’y part-time na mananahi sa isang pagawaan ng tsinelas sa Liliw, Laguna. Kilala ang bayan ng Liliw sa Rehiyon 4-A sa de-kalidad nitong tsinelas at sapatos. Makalipas ang ilang taon, hawak ang panimulang puhunan na P15,000, nagdesisyon si Marietta na magtayo ng sarili niyang pagawaan ng sapatos.
Pinangalanan niya ang kanyang negosyo na Maruth Footwear. Noong 1996, parang tumama sa loto si Peñaflor nang mapansin ng isang retail outlet store ang makulay at matibay na “banso,” ang tsinelas at sapatos na gawa mula sa mga katutubong materyales.
Kumalat ang balita tungkol sa kaniyang world-class na “banso.” Mula sa pagiging isang supplier ng isang retail store, dumami ang mga kostumer ng Maruth. Umabot sa 8,500 pares kada buwan ang mga job order nito, at dahil dito, kumuha ng karagdagang manggagawa ang kumpanya upang makatugon sa demand. Umabot sa P230,200 ang kinita nito noong 2007.
Gayunman, kahit na lumalakas ang demand sa kanilang “banso,” sa pakiramdam ng mga Peñaflor, parang may kulang pa rin. Kulang sa quality control ang kanilang produksyon; disorganisado ang mga record ng pang-araw-araw na transaksyon; wala sa ayos ang lugar-pagawaan; at wala na sa uso ang mga marketing strategy at disenyo ng mga produkto. Samakatuwid, ang productivity ng kanilang mga manggagawa ay apektado ng mga kakulangang ito.
Noong 2007, tumanggap ang Maruth ng mga pagsasanay mula sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) at sa Regional Board nito sa CALABARZON (RTWPB IV-A). Matapos suriin ang pagpapatakbo nito sa negosyo, sumailalim sa ilang oras ng puspusang pagsasanay ang mga manggagawa ng Maruth sa ilalim ng Programang ISTIV Bayanihan (isang values-driven human resource strategy na nakatuon sa mga kaugalian ng pagiging Industrious, Time-Conscious, Innovative, at Value for Work o ISTIV, at 5S Sort; Systematize; Sweep; Sanitize; Self-discipline, bilang good housekeeping practices), gayundin ang mga pagsasanay sa marketing, pagpaplanong pinansiyal, pag-aangat ng kalidad, pag-iingat ng mga record, at iba pa.
Sa loob lamang ng ilang buwan, naging kapansin-pansin ang epekto ng mga pagsasanay sa productivity ng Maruth. Naging up-to-date ang pang-araw-araw na mga record ng transaksyon nito, na nagbigay-daan sa maagap na monitoring ng kondisyon ng negosyo at mahusay na pagdedesisyon. Luminis ang lugar ng pagawaan, naging ligtas ito, at nagging kaaya-aya sa pagtatrabaho.
Itinalaga ng kumpanya ang isang tauhan na nakatutok lang sa quality control upang personal nitong inspeksyunin, bilangin, at selyuhan ang mga kahon ng sapatos na idedeliver; nabawasan nito ang nakawan na nagdulot ng katipiran sa gastos. Bumuhos naman ang maraming job order sapagkat nag-improve ang mga disenyo ng sapatos at ang marketing strategy ng Maruth.
Mula sa dami ng produksyon na 8,488 pares noong 2007, umakyat ang produksyon ng Maruth sa 11,480 pares noong 2008, na katumbas ng 7 porsiyentong pagdami. Ang isang manggagawa na nakakagawa lang ng 2.5 pares kada oras noong 2007 ay nakuhang maparami ang kanyang produksyon sa 5 pares noong 2008. Nabawasan ang mga initsa-puwerang sapatos mula 180 pares noong 2007 pababa sa 100 pares noong 2008, na katumbas ng 80 porsiyentong pagbabago.
Bunga nito, tumaas ang kita ng Maruth mula P230,200 noong 2007 hanggang P380,200 noong 2008, katumbas ng 65 porsiyentong pag-angat nito sa dating kita. Dahil sa tuwa sa performance ng kanyang mga manggagawa, namahagi ang Maruth ng mga benepisyo sa kanyang mga trabahador na nagbunga ng tuluy-tuloy na pagkakakitaan sa kanilang komunidad.
Noong isang taon, itinanghal ang Maruth na isa sa mga national awardees ng National Wages Productivity Commission (NWPC) para sa 2009 Productivity Olympics sa sektor pang-industriya, sa ilalim ng kategoryang micro-enterprise.
Itinampok ang “banso” ng Maruth sa National Productivity Convention noong 23-24 Nobyembre 2010. Ang kumbensiyon ay dinaluhan ng mga productivity practitioner mula sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas, at doon inihayag at ipinagmalaki ang ilan sa mga mahuhusay na mga pamamaraang nagparami ng productivity ng mga dumalo at nagwagi sa Productivity Olympics noong taong 2008 at 2009.
Kung may katanungan tungkol sa artikulong ito, pakitawagan ang NWPC sa telepono blg. 5275519 o kaya’y puntahan ang kanilang website sa www.nwpc.dole.gov.ph


No comments:

Post a Comment