Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
sa kanyang pagdalo sa ika-75 Anibersaryo ng AFP
[Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City, ika-21 ng Disyembre 2010]
Bilang inyong Commander-in-Chief, isang karangalan ang maging bahagi ng ikapitumpu’t limang taong anibersaryo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Binabati ko ang bawat sundalo mula sa Hukbong Katihan ng Pilipinas, ang mga marino ng Hukbong Dagat ng Pilipinas, at ang mga piloto ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas. Lalo pang yumayaman ang ating pagdiriwang dahil kasabay nito ang ika-pitumpu’t limang taon pamahalaang Commonwealth at ang pagkakatitik ng Commonwealth Act No. 1, o ang National Defense Act. Sa loob ng pitumpu’t limang taon, dugo’t pawis ang inyong ibinuwis upang makamit natin ang kapayapaan sa ating bayan. Sa loob ng pitumpu’t limang taon, naging kabalikat kayo ng mga Pilipino sa pagbangon tuwing dinadagsa tayo ng mga kalamidad at sakuna. Sa loob ng pitumpu’t limang taon, patuloy na nagsilbing ehemplo ng sinseridad at prinsipyo ang buong kasundaluhan. Sa ngalan ng bawat Pilipino, nais kong iparating ang aking taos-pusong pasasalamat sa pagtupad ninyo sa inyong sinumpaang tungkulin nang may dangal at walang-pasubali.
Noong Hulyo, ipinabatid ko sa inyong lahat, prayoridad natin ang pagpapatatag ng ating kasundaluhan upang mapabuti ang inyong serbisyo sa sambayanan. Kaya naman naninindigan tayo, hindi lamang sa pagpapatuloy, kundi sa pagsasaayos sa modernisasyon ng ating hukbong sandatahan. Sa pangunguna ni Secretary Gazmin, itinutugma natin at ginagawang napapanahon ang mga reporma ng sandatahang lakas, ayon sa pabagu-bagong modernisasyon sa kaalaman at teknolohiyang militar mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Maging ang procurement process ng AFP Modernization Program (AFPMP) ay nirepaso upang matiyak na hindi nahohokus-pokus ang mga pondo para sa proyekto ng AFP, at nailalaan ito nang tama sa mga kapaki-pakinabang lamang na proyekto. Ito ang dahilan kung bakit sa loob lamang ng ilang buwan, agad nating dinagdagan ng walong Basic Trainer Aircrafts ang Philippine Air Force, maliban pa sa apat na unit ng watercraft para naman sa Philippine Army sa Zamboanga, Bohol at Bulacan.
Mahalagang mapalawak ang inyong hanay. Habang lumolobo po ang ating populasyon, kailangan din pong lumobo ang bilang ng kasundaluhan. Ngunit maliban dito, importante ring lumawak ang kaalaman ng ating mga sundalo. At hindi po tayo binigo ng matatapang nating sundalo sa panawagang ito. Mula nitong Oktubre, may halos anim na libo’t apat na daan na karagdagang mga opisyal at enlisted personnel ang sumabak sa ilang pagsasanay upang mas mapaunlad pa ang kanilang kakayahan. Patunay po ito sa inyong dedikasyon na mapabuti ang antas ng inyong pagsusulong ng seguridad ng mga Pilipino.
Ngunit ano nga naman ang silbi ng mga pagsasanay ng mga sundalo kung kulang-kulang naman ang inyong benepisyo? Mali naman po sigurong umasa tayong maging mas mahusay ang kasundaluhan kung palpak naman ang ibinibigay sa kanila ng pamahalaan. Sa maigting na pakikipagtulungan ng AFP sa Department of Finance (DOF), Department of Budget and Management (DBM), at Department of National Defense (DND), sinisikap nating bigyan ng benepisyo at pensiyon ang mga kasapi ng AFP, PNP at iba pang sangay ng pamahalaan na hindi po sakop ng Government Service Insurance System (GSIS). Maging ang DBM po, tiniyak na mas lalo pa nilang pagtitibayin at ipagpapatuloy ang paglalaan ng pondo para sa mga benepisyo ng AFP uniformed personnel. Basta para sa kapakanan ng mga sundalo; basta para sa ikabubuti ng sambayanan, kasama po ito sa ating mga prayoridad.
Alam po nating hindi kailanman masusuklian ng anumang halaga ang inyong araw-araw na pagharap sa sakuna. Kaya naman pinipilit ng inyong pamahalaan na makabawi sa inyong sakripisyo, kahit man lang sa munting paraan. Ito ang dahilan kung bakit natin nirebisa ang Executive Order No. 658 ng 2007 upang itaas ang tinatanggap na sustento ng ating kasundaluhan. Kaya naman po hindi na natin pinatagal pa ang pagpirma ng isang Executive Order kahapon. Pagdating po ng Enero, hindi lamang po bagong taon ang ipagdiriwang ng mga sundalong rumeresponde sa mga lugar na balot pa rin ng tensyon. Sasalubong din po sa kanila ang karagdagang combat allowance na nagkakahalaga ng 260 pesos. Ibig po nitong sabihin, kapag ipinatong ito sa kasalukuyang 240 pesos na combat pay, limandaang piso na po ang matatanggap na kabuuang sustento ng ating magigiting na sundalong nagtataya ng kanilang buhay sa pagsabak sa mga combat operations. Maaaring kakarampot na halaga lamang po ito kung itutumbas sa inyong kabayanihan, ngunit kung may paraan naman po ang pamahalaan para dagdagan ang tinatanggap ninyo kada kinsenas, hindi po namin ito ipagdadamot sa inyo. At hindi tayo titigil dito. Mula sa armas at mga benepisyong pangkalusugan, hanggang sa mga pabahay, titiyakin nating mapupunuan ang mga kakulangang hindi nabigyang-pansin at nababalewala.
Ayon sa ating bayaning si Emilio Jacinto: “ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi man damong makamandag.” Samakatuwid, noon pa man, batid na ng ating mga bayani ang halaga ng pag-aalay ng panahon at buhay para sa isang mas mahalagang layunin: ang pagmamahal sa bayan, at ang patuloy na pagpapaigting sa interes ng sambayanan.
Hindi ito magagawa ng iisang tao lamang. Kailangan ang ugnayan ng sundalo, pari, ulama, estudyante at marami pang iba sa pagkamit nito. Kailangan ang pagkilos mula sa bawat sektor ng lipunan at sangay ng gobyerno. Hindi maisasabuhay ang tunay na diwa ng bayanihan kung ito ay itataguyod ng iilan lamang. Ang bawat isa sa atin ay may maiaambag para sa kapayapaan.
Isang mahalagang bahagi ng pagtitipon natin ngayon ang paglulunsad ng AFP Internal Peace and Security Plan. Makabuluhang ambag ito upang mas mabilis nating makamit ang hangarin nating kapayapaan at kaunlaran. Kaya naman wala na ngang mas angkop pang bansag dito kundi “bayanihan” – ang pagbuhat sa ating bayan tungo sa tinatahak nating pagbabago ay hindi lamang tungkulin ng mga sundalo at pulis. Obligasyon ito ng bawat mamamayang Pilipino.
Bago pa man ito maisapubliko, tiyak kong uulanin tayo ng mga katanungan tungkol sa AFP Internal Peace and Security Plan. Ano nga ba ito? Ano ang pinagkaiba ng repormang ito sa mga nakaraang plano? Simple lamang po: imbes na tugisin natin nang tugisin ang mga armadong rebelde, higit nating pagtutuunan ng pansin ang pangangailangan ng mga mamamayan at ang epekto ng mga operasyong militar sa ating mga komunidad. Hindi po ginagawang mag-isa ng AFP ang IPSP. Ito ay bunga ng masigasig na konsultasyon ng mga sundalo at ang aktibong partisipasyon ng mamamayan upang malaman at matugunan ang mga tunay na hinaing at pangangailangan ng kanilang komunidad. Patunay ito na, may giyera man o wala, kinikilala ng ating kasundaluhan ang karapatang pantao ng bawat mamamayang Pilipino. Hindi lamang nagmumula sa pananahimik ng mga armas ang kapayapaan. Bagkus, nagsisimula ito sa malawakang pagtugon sa mga pangangailangan ng taumbayan. Kapag napigilan natin ang matinding kahirapan, matitigil na rin ang giyera at putukan.
Gaya po ng aking ama, naniniwala rin akong kailanman, hindi maaaring kunsintihin ang patuloy na paggamit ng armas laban sa ating malaya at demokratikong pamumuhay. Ang minimithing tunay at makabuluhang kapayapaan ay hindi natin makakamit hangga’t may mga patuloy na naniniwala na karahasan ang sagot sa mga problemang hinaharap ng ating bayan.
Sa ating kasundaluhan, sampu ng bawat mamamayang Pilipino, sama-sama nating buhayin ang diwa ng bayanihan. Sama-sama nating tahakin ang landas tungo sa kapayapaan at kaunlaran. Maaasahan ninyong ako mismo ang mamumuno sa adhikaing ito. Kapit-kamay nating buhayin ang diwa ng bayanihan; sama-sama nating ihatid ang ating bayan sa liwanag na matagal nating hindi nasilayan.
Muli, binabati ko ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa inyong ika-pitumpu’t limang anibersaryo!
Bago po ako magtapos, batiin ko na rin po kayo ng maligayang Pasko at talaga namang manigong bagong taon. Magandang araw po. Maraming salamat po.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment