Talumpati ni Pangulong Aquino: 20th Anniversary of the Ratification of the Convention on the Rights of the Child

Talumpati
ni
Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang paglahok sa
20th Anniversary of the Ratification of the Convention on the Rights of the Child
[ika-13 ng Disyembre 2010, Heroes Hall, Malacañang]
Maupo ho tayo lahat.  Magandang hapon po.
Sa lahat po ng kabataang kasama natin ngayong hapon: Kagalang-galang na Kalihim Dinky Soliman, Councilor Julio Jaime, President ng Barangay Councilors League of the Philippines, our partners in the promotion and protection of children’s rights, members of the Councilors League of the Philippines, fellow members in government, honored guests, mga minamahal kong kababayan, magandang hapon po sa inyong lahat.

Kung alam ko lang pong dalawang beses kakanta si Noel eh talagang nagdala ako ng tape recorder itong araw na ito.
Kanina po ‘yung The Outstanding Young Men of the Philippines na may kasamang kababaihan ang in-award kaninang umaga. Ngayon naman po, mga kabataan ang aking kaharap. Kung saka-sakali ho kailangan niyo akong tawagin, pwede po ‘yung “kuya” huwag naman ho sana “tatang” o “lolo.” Lalo na po ‘yung “lolo,” medyo malayo pa ho tayo doon.
Siguro balik-tanawin natin. Napag-isip lang ako noong panahon ng aking kabataan at isasarado ko na ho itong talumpating hinanda para sa akin. Humihingi na ako ng paumanhin sa mga gumawa nito at nagpakapagod, nagsunog ng kilay para mailabas itong talumpating ito.  Iba ang gusto kong sabihin ngayong hapon. Pasensya na muna sila.
‘Yung akin mismong kabataan, ‘yung Martial Law ho kasi dineklara 1972. Noong panahong iyon, 12 years old na po ako. Hindi pa ho ako teenager; talagang bumaliktad ‘yung mundo namin. Anong kinabukasang hinaharap naming—‘di tiyak. Anong karapatan namin? Depende kung ano ang igugugol o igagawad lamang ng diktador. Paano ka aasa nang mas maayos na buhay sa mga ganoong sitwasyon? At talaga naman pong ‘yung pamilya lang namin po ang inaasahan namin dahil sila ‘yung tapat na mga kasamahan at kaibigan, at ‘yung mga ibang nanindigan ipaglaban ang tama.
Ngayon po na tayo na ang nasa poder, isa sa pinakamalaking kamalian at kakulangan kung kami ho ay mabibigo na palitan ang hugis ng mundo po ng isang Pilipino, lalo na ang kabataang Pilipino.
Kung uulitin lang niyo ang pinagdaanan  naming, talagang sobra pong kabiguan ‘yan. At kami po ay nangangako sa harap niyo na pipilitin namin lahat nang aming magagawa na hindi po mangyari ‘yan.
Ano po ang mga hakbanging ginagawa natin ngayon? Kanina po doon sa ating maliit na drama, talaga naman pong nandoon na lahat. Sa health, talagang hindi naman ho tama na kwarenta porsyento ng Pilipino ay hindi raw nakakakita ng isang health professional. Isipin po niyo ‘yan, halos isandaang milyon tayong Pilipino halos 40 million will never get to see a health professional in their lives.
Bawat isang bata na namamatay, bawat isa pong nanay na namamatay dahil sa kakulangan ng kaalaman sa pre-natal at post-natal care dahil nga hindi na rin makausap ‘yung professional ay talaga naman pong kasuklam-suklam na pangyayari at dapat iwasto.
Talaga pong maglalaan tayo para madagdagan ang health professionals na pupunta sa lahat ng sulok po ng Pilipinas. Sinusubukan na rin pong punuin ang kakulangan sa paggagamit ng teknolohiya tulad ng mga cell phone para makatulong sa pagda-diagnose ng mga pasyente lalo na sa liblib na lugar.
Gagamitin na rin po ‘yung internet para ‘yung dalubhasa eh maging kaabot- abot sa lahat po ng ating mga mamamayan.
Sa budget po ng Department of Education, tandang-tanda ko po sinabi sa akin ng aking ama, “Mag-aral ka nang mahusay dahil ngayon” ika n’ya, “baka sikat ka, bukas laos ka na. Ngayon, ika nya, “baka mayaman ka, baka bukas mahirap ka na. Pero ‘pag nag-aral kang mabuti at naipasok mo na talaga sa iyong isipan iyan, habang buhay sa iyo na ‘yang pinaghirapan mong ‘yan.”
Kaya naman po gusto kong maibigay rin ang oportunidad na ibinigay po sa akin ng aking mga magulang, kaya naman po ang laki ng idinagdag ng budget po ng ating Department of Education, sama na rin po ‘yung TESDA at pati na rin po ‘yung State Universities and Colleges. Bibigyan kayo ng estado ng pagkakataong paasensuhin ang sarili niyo, pero sabi nga ng mga Amerikano, “you can bring a horse to water, but you cannot make him drink.” Ibig sabihin po noon, bibigyan kayo ng oportunidad, kung hindi naman po kayo makikinig tulad ng bata kanina natulog kaagad sa klase, eh siguro ho walang mangyayari sa atin talaga niyan.
Sana gamitin niyo itong oportunidad na ito para mapaasenso ang inyong katayuan sa buhay at maiayos na rin po ang kalagayan ng susunod pang henerasyon.
‘Yung atin pong itinulak at ipinaglaban na Conditional Cash Transfer Program—ano po ang layunin nito? Sa lumang pag-iisip o sa datihang isipan sa larangan ng siyensya ng ekonomiya o pag-aaral ng ekonomiya, sabi po doon, ‘pag lumalaki ang isang ekonomiya dahan-dahan daw po bababa ang biyaya sa pinakamaliit  na baitang ng lipunan. Masyadong matagal po ‘yung tinatawag nilang “trickle down theory.” Napakatagal pong matamasa ng nasa ilalim ‘yung pinakawalang-wala. Hindi ho ba? ‘Yung tamasa ng biyaya ng isang yumayabong na ekonomiya kaya ipinilit po natin ‘yung Conditional Cash Transfer, sa isang larangan pwede nating maisip parang salbabida ito. Makatulong maiahon ang pamilya ’yung kanilang pangangailangan sa tuwing buwan. Pero hindi ho limos; kaya nga conditional. Kailangan maniguradong nasa eskwelahan ang kanilang mga anak at manigurado rin po na naaabot ’yung mga dapat na alituntunin sa kalusugan. Nandyan po ’yung pagsusukat ng tamang timbang. Nandyan na rin po ’yung pagbabakuna dahil hanggang sa ngayon mayroon pa rin tayong namamatay na mga kababayan na pwede namang hindi nagkaroon ng karamdaman kung nabakunahan lang.
Doon po sa limang communicable diseases na binabanggit, kakatapos ko lang pong basahin ’yung report sa measles na talaga naman sayang. Bakit nagkaganoon? Kung kami po dahil sa tulong ng taumbayan na nakarating sa ating kinalalagyan ngayon, eh nakalimutan naman po ang sektor ng kabataan na pinakawalang kaya. Hindi ho ba? Parang pinaka-disadvantage, pinakasabi nating “at risk,” eh talaga sobra hong pagkukulang namin. At talagang mahirapan kami ‘pag tinawag ng Diyos na harapin siya at masabing ginawa namin ‘yung dapat naming gawin. Kaya doon po talaga nakatuon ang lahat ng pansin natin.
Kami pong henerasyon na nauna sa inyo, marami kaming pinagdaanan; marami kaming gustong iwasto. Unang-unang obligasyon nga ho diyan bigyan kayo ng isang kinabukasan na talaga namang napakalayo sa amin pong naranasan. Dahil kami inaambisyon nga ho naming, ‘pag dating ng panahon tinawag na po tayo ng Diyos, sabi nga ng maestra ko, “finish or not finish pass your paper.” ‘Pag dating ko sa puntong ‘yun, kailangan po makalingon tayo at masabi nating ‘di hamak talagang mas maganda ang iniwan kaysa sa atin pong dinatnan.
Ngayon ho, makikiusap ako sa kabataang nasa atin ngayon, pati na rin po ‘yung nagbabatabataan. Iisipin ho natin kasi ‘pag ‘yung mayroon tayong opinion, parang hindi tayo pinapakinggan ng magulang o ng mas nakakatanda sa atin. Ginawa na ngang kanta ng isang batikang grupo pong mang-aawit. ‘Di ba sabi nila batang-bata ka pa. Pero sa totoo lang po, ‘pag ’yung bata nagsalita—dahil sabi nga po sa Bibliya, “from the mouth of babes.” Talagang ‘pag sa bata nagmula sobra ang dating sa konsensya ng nakakatanda.
Kayo ang magiging tulay; hindi ba, para maalala ang nakalimutan na dahil sa pagtahak sa hirap ng buhay. Kayo po ang magtuturong makabalik sa tamang landas ‘yung mga taong talaga naman pong matagal nang naliligaw. Dahil sa dulo po, mahirap talaga labanan ang katotohanan at ‘yun po ang nagmumula sa inyong mga bibig.
Sa dulo po, paalala ko lang, siguro karamihan sa inyo ngayon wala pang kinse anyos, 18 and below ‘yung kaharap natin dito. Ang buhay raw ng tao sabihin na natin sa 60 years—o ‘di kami ni Dinky medyo malaki-laki na ang nakuha namin doon sa 60 to 70 years na ‘yun—pero kayo po ang kinabukasan na mas nakakamalaking bahagi pa ng inyong buhay. Ano pong ibig sabihin noon? ‘Pag ‘yung pinagtulong-tulungan natin ay nagkaroon ng resulta na talagang napaganda natin ang atin pong lipunan, atin pong bansa, atin pong pamumuhay matagal niyong pakikinabangan ito.
Kami naman pong nauna sa inyo, baka kalahati hanggang three-fourths ng buhay namin na nakuha na namin. ‘Pag nagkamali tayo one-fourth na lang po titiisin namin. Kayo po yata baligtad, three-fourths, hindi ho ba? Kaya mas importante mas makialam kayo, mas makilahok kayo, at kayo ho ang maging talagang gabay na rin ng gumagabay sa inyo. Ipaalala niyo doon sa mga nag bibingi-bingihan na ngayon, nag bubulag-bulagan, nagiging pipi kunyari, na talagang lahat tayo may obligasyon sa atin pong kapwa.
‘Pag may naiwan, lahat ho tayo hindi aangat. Kailangan po sama-sama tayo sa pagbabago tungo sa mas maganda nitong atin pong lipunan. At doon po, asahan niyo hindi kami titigil ng lahat ng inyong pinagkatiwalaan na talagang maging katotohanan ito pong inaasam-asam nating ito. Talagang panahon na hong mangarap muli.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa lahat.

No comments:

Post a Comment